Filemon Lagman

ANG AMING PANININDIGAN
LABAN SA APEC AT GLOBALISASYON

Saligang prinsipyo ng kilusang manggagawa ang internasyunalismo – ang pagkakaisa ng mga bansa at mamamayan ng buong mundo para sa paglaya't pag-unlad ng masang anakpawis. Kaya't sa maraming bansa, ang popular na awit ng manggagawa ay ang "Internasyunal". Ang bandilang islogan, "Manggagawa ng lahat ng bansa – Magkaisa!".

Ang pagkakaisa ng manggagawa ng buong daigdig ang pangunahing panawagan ng kilusang manggagawa. Makakamit lang ang tunay na makauring paglaya ng mga manggagawa ng bawat bansa kung ang mundo'y ganap na lalaya sa kapangyarihan ng internasyunal na kapital.

Sa diwa ng internasyunalismo, tamang itaguyod ng uring manggagawa ang integrasyon ng mga pambansang ekonomiya kung ito'y para sa tunay na pandaigdigang kooperasyon at panlipunang progreso. Pero hindi ito ang layuning ng "globalisasyong" itinataguyod ng APEC kundi ganap at lubusang kabaliktaran nito.

Unang-una na, ang pinagsisimulan at nilulutas nitong problema ay hindi ang karukhaan at kaapihang dinaranas ng mga manggagawa't mamamayan ng buong mundo. Ang pinagsisimulan at nilulutas nito'y ang sariling krisis ng pandaigdigang kapitalismo.

Ikalawa, sinasalanta ng globalisasyong ito ang uring manggagawa. Ito'y intensipikasyon ng kapitalistang kompetisyon at akumulasyon ng tubo na walang pakundangan sa kapakanan ng paggawa. Tayo ang maiipitsa nag-uumpugang kompetisyon at nag-uumapaw na kahayukan sa tubo.

Ikatlo, ang neoliberalismong itinataguyod nito'y walang iba kundi neokolonyalismo. Ang globalisasyong ito'y rekolonisasyon ng mundo. Hubaran ng palamuti, ito'y moderno't internasyunal na bersyon ng "parity rights" na isinasalaksak ng US sa Pilipinas matapos ang World War II.

Ikaapat, hindi kooperasyon ng mga bansa para sa kaunlaran ang layunin ng APEC kundi kooperasyon para lamang sa liberalisasyon. Ang "liberalisasyong" ito'y nangangahulugan ng "malayang kalakalan". At ang ibig sabihin ng "malayang kalakalan" ay "malayang kompetisyon".

I. Mga problema ng mundo ng kapital, hindi ng mundo ng paggawa ang nilulutas ng "globalisasyon".

May dalawang mundo sa daigdig. Ang mundo ng kapitalista at ang mundo ng manggagawa. Ang una'y mundo ng mayayaman at ang huli'y mundo ng mahihirap.

Ang pandaigdigang krisis ng kapitalismo ang nilulutas ng globalisasyon. Hindi ang tunay na problema ng daigdig: ang napakalaking agwat sa pagitan ng mundo ng kapital at mundo ng paggawa, ang karukhaan at kaapihan ng masang anakpawis.

Napakalinaw ng tunay na problema ng daigdig. Ang magkasanib na ari-arian ng 358 na bilyonaryo sa mundo ay katumbas ng pinagsanib na taunang kita ng mga bansang kumakatawan sa 45% ng populasyon ng daigdig o 1.6 na bilyong tao!

Kinakatawan ng katotohanang ito ang problema ng mundo – ang di-pantay na distribusyon ng kayamanang panlipunan sa pagitan ng mga abanteng bansa at atrasadong bansa, sa pagitan ng uring kapitalista at uring manggagawa.

Hindi ang pandaigdigang karukhaan ang problemang pinagsisimulan at nilulutas ng APEC at globalisasyon. Ang tinatangka nitong lutasin ay ang krisis ng kapitalismo.

Ang krisis na ito ay nagsimula matapos ang 30-taong "long boom" ng kapitalismo matapos ang WW II. Unang pumutok ang kasalukuyang krisis noong 1974-75. Ito ang binansagang "first generalized recession". Ang "second generalized recession" ay nagsimula pagpasok ng dekada 1980. Ang "third generalized recession" ay lumitaw noong 1986 pero sumambulat sa mga unang taon ng 1990's.

Mula pa noong mga unang taon ng dekada ng 1970, ang pandaigdigang sistemang kapitalista ay padausdos nang padausdos, isang panahon ng tumutumal na produksyon at kumukupad na pang-ekonomyang pag-unlad na bumubundol-bundol sa istagnasyon.

Ang pangkalahatang pag-unlad ng kapitalismo ay paalon-alon, may pagsikad at pagdausdos, nagsasalitan ang pagsulong at pagbulusok. Ang kakaiba ngayon, kumpara sa dati, ang mga pagdausdos at pagbulusok ay mas matagal at mas malalim habang ang pagsikad at pagsulong ay mas maiksi at mas marupok – sintomas ng malubhang krisis.

Ang paghahanap ng kalutasan sa krisis na ito ng kapitalismo ang nagbunsod ng globalisasyon. Ito ang natuklasang kasagutan ng kapital para sa panibagong pandaigdigang ekspansyon ng kapitalismo. Pero di mangyayari ang globalisasyong ito kung wala ang isa pang kondisyon.

Ito'y ang pag-unlad ng mga pwersa sa produksyon na umaayon sa rekisitos ng globalisasyon. Sinagot ito ng malalaking pagsulong sa larangan ng syensya't teknolohiya, laluna sa microelectronics, computer science, telecommunication at biotechnology.

Ikinukumpara ito ng mga propagandista ng kapitalismo noong maibento ang "steam engine" na nagbunsod ng "industrial revolution". Tinatawag nila ang kasalukuyang panahon bilang isang "communication revolution" na radikal na bumabago sa takbo ng produksyon.

Naglangkap at nagsanib ang dalawang kondisyong ito – ang krisis ng kapitalismo at ang pagsulong ng teknolohiya – sa paglitaw at pagsulong ng globalisasyon at ang mga kaakibat na mga saligang patakarang gaya ng "liberalization", "deregulation", at "privatization".

Pero dapat malapat ng uring manggagawa at ng mamamayan: Bago pa naging bukambibig ng mga gubyerno ang salitang "globalisasyon", ginagawa na ito ng mga transnational corporations (TNCs).

Katunayan, ang sinimulang istratehiyang ito ng TNCs ang tunay na kahulugan at nilalaman ng "globalisasyon". Sila ang arkitekto, promotor at propagandista ng "globalisasyon" dahil ito'y para sa benepisyo ng 40,000 TNCs at 250,000 nilang "foreign affiliates" sa buong mundo.

Bago pa naging patakarang pang-ekonomya ng mga gubyerno ang "globalisasyon", nagsimula na ang "disentralisasyon" ng kanilang operasyon at "dispersyon" ng mismong proseso ng produksyon. Hindi na lang ang mga korporasyon ang naging internasyunal kundi ang mismong produksyon. Ito ang kakaiba sa "globalisasyon" ngayon ng kapitalismo.

Sa ilalim ng ganitong istratehiya, ang buong proseso ng produksyon ay ikinakalat sa iba't ibang bansa, tumatawid sa mga hangganan ng mga bansa. Integral na bahagi ng "internasyunalisasyon" na ito ng proseso ng produksyon ng mga TNCs ang "contractualization" ng iba't ibang bahagi ng produksyon.

Mismo ang ILO Regional Office for Asia and the Pacific ang nagkumpirmang "sa ubod ng ganitong globalisasyon ay ang MNCs o sa partikular, ang kanilang istratehiya ng patuloy na decentralization ng mga operasyon at subcontracting na tumatawid ng mga pambansang hangganan patungo sa malawakang dispersion ng proseso ng produksyon."

Tahasan nitong idinideklara: "Ang tunguhin ng globalisasyon ay pangunahing resulta ng mga istratehiyang ginagamit ng mga MNCs.

Ang pangunahing instrumento ng pang-ekonomyang globalisasyon ay ang patakaran ng liberalisasyon. Isang saligang rekisito ng istratehiya ng internasyunalisasyon ng produksyon ng mga TNCs ay ang integrasyon ng mga ekonomiya ng mga bansa, ang internasyunalisasyon ng mga pambansang ekonomya na pinaliliit ang importansya ng mga pambansang hangganan. Ito ang globalisasyon.

Ang pang-ekonomiyang integrasyon, ang "globalisasyon" ay makakamit lang sa pamamagitan ng liberalisasyon – ang paglalansag sa mga restriksyon sa "malayang kalakalan at pamumuhunan". Ito ang rason at lohika sa likod ng APEC – kooperasyon ng mga bansa sa Asia-Pacific para lansagin ang mga restriksyon sa kalakalan at pamumuhunan.

Ang liberalisasyong ito, pati ang deregulation at privatization ay "made to order" o pasadya para sa mga TNCs. Syempre pa, silang tatabo at titiba sa liberalisasyon dahil 2/3 ng kalakalan at pamumuhunan sa buong mundo ay kontrolado ng mga TNCs! Sa malao't madali, masasakmal na rin nila pati ang natitirang 1/3 na di pa nila kontrolado. Ang liberalisasyong ito ay legalisasyon ng pandaigdigang pandarambong ng mga TNCs!

Maliwanag pa sa sikat ng araw na ang globalisasyong ito ay para sa mga TNCs, para sa malalaking kapitalista sa buong mundo at sa bawat bansa. Ang nilulutas nito ay ang krisis ng kapitalismo at ang tinutugunang pangangailangan ay ang bagong ekspansyon ng kapitalismo.

Hindi ito maitatanggi ng mga promotor ng APEC dahil inaamin ito sa kanilang mga dokumento at deklarasyon. Hindi inililihim ng APEC na ang globalisasyon, liberalisasyon, deregulasyon at privatization ay para sa interes ng mga kapitalista dahil hindi naman mga manggagawa ang mamumuhunan at mangangalakal.

Pero ang masang anakpawis raw ang ultimong makikinabang sa "globalisasyon" dahil sa pagsulong ng negosyo, ang manggagawa'y aasenso! Ito ang "trickle down theory" ng globalisasyon. Sa paglago ng kapitalismo, tutulo raw sa masa ang benepisyo. Kapag napuno na ang bulsa ng kapitalista, aapaw ang barya sa masa.

Ang pangakong pagsulong ng masang anakpawis bunga ng globalisasyon mula sa libu-libong taon ng paghihikahos at pagkabusabos ay kasinungalingang kasinlaki ng mundo!

Paano mangyayaring ang dahilan ng kahirapan ang siya ring kalutasan ng kahirapan! Paanong malulunasan ng kapitalista at imperyalistang globalisasyon ang paghihirap ng mga manggagawa at mamamayan gayong mauugat sa kapitalista at imperyalistang sistema ang paghihikahos at pambubusabos ng mundo!

Naghihikahos ang uring manggagawa dahil sa pagsasamantala ng uring kapitalista, dahil ang likhang-yaman ng paggawa ay kinakamkam ng kapital. Pero, heto ngayon ang APEC, ang lakas ng loob at ang kapal ng mukhang nangangakong pagiginhawain daw ng mga kapitalista ang mga manggagawa, palalayain sa kahirapan ang mamamayan.

Kapag umunlad ba ang mga negosyante, umaasenso rin ang mga trabahador? Mula sa pagiging pipitsugin, nagiging higante ang mga kapitalista pero naiiwang isang kahig, isang tuka ang manggagawa. Milya-milya kung umabante ang kabuhayan ng kapitalista, pulga-pulgada naman ang pag-asenso ng manggagawa.

Sa isang araw, matutumbasan ng produksyon ng pandaigdigang kapitalismo ang lahat ng kayamanang nalikha ng sinaunang mga lipunan sa nagdaang libu-libong taon. Walang kaparis ang isinulong ng kapasidad sa produksyon ng kapitalismo. Pero parehas pa rin ang kalagayan ng masang anakpawis, parehas ng sinaunang panahon. Ngunit mahihiya ang hari't emperor noon sa luho't yaman ng mga bilyonaryo ngayon.

Kabalbalan ang pangakong sa pagsulong ng negosyo sa pamamagitan ng globalisasyon ay aasenso rin ang paggawa dahil ilan daang taon nang sumusulong ang kapitalismo sa daigdig, hikahos at busabos pa rin ang masang anakpawis sa mundo.

Maaring ang tinutukoy ng APEC ay ang posibilidad ng "pag-unlad" ng mga bansang gaya ng Pilipinas sa pamamagitan ng globalisasyon. Pinatutunayan raw ito ng "pagsulong" ng mga tinatawag na "newly industrialized countries" (NICs) o mga "tiger economies" ng Asya.

Ang tanong: sino ang umuunlad?

Ang umuunlad ay ang uring kapitalista, ang mga higanteng kapitalista sa mga bansang ito. Pero hindi ang uring manggagawa, hindi ang masang anakpawis. Ang totoo, walang pakundangan at walang habas na sinasagaan at sinasalanta ng "pag-unlad" na ito ay ang uring manggagawa sa buong daigdig.

II. Ang "globalisasyon" ay gera mundyal ng kapital sa uring manggagawa sa lahat ng bansa.

Para sa uring manggagawa, tama lang tanawin ang nagaganap na globalisasyon bilang gera mundyal ng kapital laban sa paggawa. Kung ang World War I at II ay mga digmaan sa pagitan ng mga imperyalistang bansa, ang "globalisasyon" bilang "World War III" ay gera ng mundo ng kapital sa mundo ng paggawa.

Sinasalanta ng pangkalahatang opensibang ito ng kapital ang uring manggagawa at tinatangka nitong gunawin ang kilusang unyon sa daigdig. Nilalayon nitong patindihin ang kapitalistang pagsasamantala sa manggagawa at bawiin ang lahat ng tagumpay at pagsulong ng kilusang manggagawa sa buong mundo sa nagdaang isang siglo.

Ang globalisasyon ay pagpapanibagong ekspansyon ng kapitalismo sa buong mundo. Ang pandaigdigang ekpansyong ito ay magaganap sa kaparaanan ng matinding internasyunal na kompetisyon. At alam natin kung gaano kabangis at kalupit ang kapitalismo kapag ito'y nasa kaigtingan ng kahibangan sa ekspansyon at kompetisyon. Ang World War I at II ang pinakamadugo't pinakamalagim na ebidensya nito.

Ang mga gerang ito ay walang kaparis sa kasaysayan ng daigdig na pumuksa't puminsala ng daan-daang milyong tao. Parehas itong nanggaling sa sinapupunan at kaibuturan ng kapitalismo. Parehas na resulta ng kahibangan sa ekspansyon at kompetisyon ng imperyalismo.

Ang kaibhan ng kasalukuyang ekspansyon at kompetisyon sa ilalim ng globalisasyon, ang labanan sa pagitan ng mga imperyalistang bansa at sa hanay ng uring kapitalista ay nagaganap hindi sa pamamagitan ng lakas ng armas kundi ng kapangyarihan ng kapital. Pero parehas ang biktima – ang uring manggagawa sa bawat bansa.

Ang globalisasyon, sa esensya, ay magiging kompetisyon sa pagpapamura, pambabarat at pagpapabagsak sa presyo ng lakas-paggawa at sukdulang panghuhuthot at pamimiga ng tubong nililikha ng uring manggagawa. Ito ang aktwal na kahulugan ng globalisasyon para sa uring manggagawa sapagkat ito ang ultimong implikasyon ng kapitalistang kompetisyon na ibayong pinababangis ng imperyalistang ekspansyon. Ito ang dahilan kung bakit sa buong daigdig, lumalaganap ngayon ang subcontracting, casualization, downsizing, at iba't ibang porma ng tinatawag na "flexibilization of labor" at "lean production". Lahat ng ito'y iisa ang layunin: Paano titipirin, babaratin, sasagarin ang presyo ng lakas-paggawa.

Para makaungos at manaig sa kompetisyon, kailangang makatipid ang isang kapitalista sa gastos sa produksyon habang pinauunlad nito ang kalidad ng produkto. Sa kompetisyon ng mga kapitalistang di nagkakalayo ang kalidad ng produkto, sila'y magkakatalo kung sino ang makakagawa ng produkto sa mas murang halaga. At sa labanang ito sa pamurahan ng produkto, ang mapagpasya ay ang halaga o presyo ng lakas-paggawa.

Sinasabing sa teknolohiya raw nagkakatalo ang mga kapitalista. Katunayan, pinalalaki pa nga nila ang inilalaang kapital para sa modernisasyon ng produksyon. Ito raw ang kakaibang katangian ng kompetisyon sa ilalim ng kasalukuyang globalisasyon. Ito raw ay kompetisyon sa teknolohiya.

Totoong walang tigil ang kompetisyon sa pagpapaunlad ng teknolohiya ngunit tinatabunan ng kompetisyong ito ang tunay at esensyal na kompetisyon – ang kompetisyon sa mas murang lakas-paggawa. Ang tubo ay hindi nanggagaling sa modernisasyon ng makina. Ito'y nanggagaling sa sobrang-halagang likha ng lakas-paggawa, ang tubo ay sobrang halagang nalikha ng manggagawa na sobra sa halaga ng tinanggap niyang sahod.

Sa araw-araw na pagtatrabaho ng manggagawa, nililikha niya ang katumbas na halag ng kanyang suweldo, nililikha niya ang katumbas na halaga ng nakonsumong materyales at kagamitan sa produksyon, at higit sa lahat, nililikha niya ang kinakailangang tubo para sa kapital. Narito ang buhay ng kapitalismo, nakasalalay sa mapanlikhang kapangyarihan ng paggawa at ang halaga ng lahat ng kalakal ay katumbas ng lakas paggawang ginamit para malikha ang mga ito.

Samakatuwid, nagkakatalo ang mga kapitalista sa kanilang kompetisyon hindi sa pamamagitan mismo ng teknolohiya. Ang kanilang kompetisyon na may kaugnayan sa teknolohiya ay usapin kung paano ginagamit ang teknolohiyang ito para pigain ang lakas-paggagwa sapagkat ang lakas-paggawa ang mapagpasya sa paglikha ng halaga sa ganitong lipunang nabubuhay sa produksyon ng kalakal at isang sistema ng produksyong ang nag-uudyok ay ang kahayukan sa tubo.

Pinauunlad ng kapitalismo ang teknolohiya hindi bilang serbisyong publiko kundi sa udyok ng kompetisyon, kompetisyong pinaaandar ng interes sa tubo. Ang walang tigil na pagpupursigi ng kapitalismo na paunlarin ang teknolohiya ay pagpupursiging gawing mas produktibo ang lakas-paggawa sa mas murang halaga.

Ibig sabihin, kung ang trabaho ng sampung manggagawa ay magagawa ng dalawa sa pamamagitan ng modernisasyon ng makina, at dahil dito'y mapamumura ang gastos sa produksyon, ito ang gagawin ng kapitalista.

Katunayan, ang mas madalas, pinamumura ang lakas-paggawa hindi sa pamamagitan ng teknolohiya kundi sa simpleng pambabarat sa sweldo at paghahanap ng mga manggagawang pumapayag sa mas mababang pasahod. Ang pagpapamura sa gastos sa paggawa sa ilalim ng globalisasyon ay kombinasyon ng pagpapaunlad ng teknolohiya at tahasang pambabarat sa paggawa, at paggamit ng teknolohiya (lean production, rightsizing, atbp.) para maisagawa ang tahasang pambabarat (contractualization, casualization, atbp.).

At ang walang tigil na kompetisyon ng mga kapitalista ay mangangahulugan nang walang tigil na kompetisyon ng kapital sa paghahanap ng pinakamurang lakas-paggawa at paghahanap ng paraan para ibayo itong mapamura.

Sa pag-uumpugan ng kapital, siguradong maiipit ay ang uring manggagawa. At alam ng kapitalismo na ang pangunahing sagabal sa layunin nitong sagarin at baratin ang lakas-paggawa ay ang kilusang unyonismo sa bansa. Narito ang direksyon ng pangunahing dagok ng opensiba ng kapital – ang pagdurog sa mga unyon ng manggagawa.

Pumapasok sa krisis ang kilusang unyon sa lahat ng bansa dahil sa globalisasyon. Lahat ng paraan ay ginagawa ngayon ng mga kapitalista para sagkaan ang pag-uunyon, gawing inutil ang pag-uunyon hanggang sa tuluyang pagkadurog at pagkawasak.

Sa ilalim ng karatula ng "global competitiveness", iwinawasiwas ng mga kapitalista ang kanilang "karapatan" na gawing mas episyente at produktibo ang kanilang mga kompanya. Karapatan nilang mag-downsizing, mag-subcontracting, mag-rotation, mag-lock-out, mag-shutdown, mag-casualization at marami pang ibang paraan ng "union-busting" na ginagawang ligal sa ngalan ng "management prerogative" at "global competitiveness".

Hindi lang sa Pilipinas nagaganap ito kundi sa pandaigdigang saklaw, isang tunay na pandaigdigang opensiba ng kapital na walang habas at walang pakundangan. At dahil ito ang tunay na kahulugan at tanging kahulugan ng globalisasyon para sa masang anakpawis, at dahil ang globalisasyong ito'y opisyal na patakaran ng mga kapitalistang gubyerno, ang opensibang ito ng kapital ay pormal na deklarasyon ng gera laban sa uring manggagawa. Ang kapitalista at imperyalistang globalisasyon ay dapat lang sagutin ng pormal ring kontra-opensiba ng uring manggagawa at kailangan rin itong ilunsad sa pandaigdigang saklaw. Walang ibang sagot sa globalisasyong ito kundi ang internasyunalismo ng uring manggagawa.

III. Ang neoliberalismo ay neokolonyalismo, ang globalisasyon ay rekolonyalisasyon ng mundo. Imposible ang "malayang kompetisyon" sa panahon ng monopolyo kapitalismo.

Hindi lamang ang uring manggagawa ang sinasalanta ng globalisasyon. Ang patakaran nito ng liberalisasyon ay maliwanag na tutungo sa panibagong pananakop at panlulupig ng mga bansa ng monopolyo kapitalismong kinakatawan ng mga MNCs o TNCs. Ang globalisasyon ang bagong anyo ng rekolonyalisasyon ng mundo na pangunahing isinasagawa sa pamamagitan ng kalakalan at pamumuhunan.

Ang liberalisasyon, deregulasyon at privatization ay pagbubukas ng pinto ng mga bansang gaya ng Pilipinas para bahain ito ng dayuhang kalakal at dayuhang puhunan. Ito ay ganap na umaayon sa pangangailangan ng mga TNCs para sa pandaigdigang ekspansyon ng kanilang kalakal at kapital.

Kabaliwan ang "malayang kalakalan at pamumuhunan" sa panahong ito ng monopolyo kapitalismo. Sa maagang yugto ng kapitalismo, bago ang kasalukuyang siglo, gumampan ng positibo o progresibong papel sa kasaysayan ang "free trade" at "free enterprise". Pinabilis nito ang pagsulong ng kapitalismo bilang sistema sa pamamagitan ng malayang kompetisyon ng indibidwal na yunit ng kapital at kompetisyon ng mga kalakal ng mga kapitalistang bayan sa pandaigdigang pamilihan.

Ito'y panahon nang wala pang mga higateng kapitalista na may dambuhalang mga kapital at ang pandaigdigang pamilihan ay bukas na bukas pa sa malayang kalakal at kompetisyon. Hinalinhan ng unang pormang ito ng "liberalisasyon" ang "merkantilismo" na sinaunang kapitalismo na pumipigil sa malayang kalakalan at pamumuhunan. Ang "merkantilismong" ito ang unang porma ng proteksyonismo ng sistemang kapitalista sa larangan ng pandaigdigang kalakalan at pamumuhunan.

Ngunit ang "liberalismong" ito, ang orihinal na bersyong it ng malayang kalakalan, pamumuhunan at kompetisyon ang mismong nagbunga ng paglitaw ng monopolyo kapitalismo, ng mga higanteng kapitalistang korporasyon at kartel na nakaipon ng dambuhalang kapital, nasarili ang mahahalagang industriya at nakontrol ang pandaigdigang kalakalan. Ang walang tigil at walang habas na kompetisyon ay nagbunga ng pagbagsak ng mahihinang kapital at pananaig ng malalakas hanggang sa tumungo ito sa antas ng monopolyong kapitalismo.

Ito ang imperyalismo. Ang pag-unlad ng kapitalistang sistema sa yugto ng monopolyo kapitalismo ay epektibong nagwakas sa panahon ng "malayang kompetisyon". Paglitaw ng monopolyong kapital, hindi na pantay ang kompetisyon sa pagitan ng mga indibidwal na yunit ng kapital dahil walang laban ang pipitsuging mga kapitalista sa mga higanteng kapitalista.

Ang pagtatangkang ibalik ang lumipas na panahong ito ng "malayang kalakalan, pamumuhunan at kompetisyon" sa daigdig ang tinatawag na "neoliberalismo" o makabagong bersyong nang naunang liberalismo noong sumisibol pa lang ang kapitalismo sa mundo.

Pagtatangka itong lansagin ang mga proteksyonistang patakarang ipinundar sa iba't ibang bansa sa panahon ng paninibasib ng mga MNCs sa 30-taong pagsulong ng kapitalismo matapos ang WW II. Ang "neoliberalismo" ay ang paggugumiit ng monopolyo kapitalismo na halinhan ang nausong "neomerkantilismo" upang buksan ang hangganan ng mga bansa sa "malayang kalakalan at pamumuhunan".

Ang pagbubukas ng mga ekonomiya o panawagan para sa "open economy" sa panahong ito ng globalisasyon ay parehas ng pagdedeklarang "open city" ang isang lugar sa panahon ng digmaan gaya ng ginawa sa Maynila noong WW II. Ang patakarang "open city" maagang pagsuko bago pa dumating ang mananakop. At ito ang kahulugan ng patakarang "open economy" sa harap ng rumaragasang globalisasyon, sa harap ng pambabraso sa liberalisasyon ng monopolyo kapitalismo. Ito'y maagang pagsuko sa napipintong pananakop.

Halos lahat ng bansa sa APEC ay kanya-kanyang diskarte kung paano paiikutan ang liberalisasyon ito na ang pangunahing nagtutulak ay ang gubyernong US. Ngunit mismo ang US ay numero uno sa pagmamaneobra para paikutan ang liberalisasyong ito habang pinupwersa ang Japan at iba pang myembro ng APEC na pabilisin ang liberalisasyon o "pagbubukas" ng kanya-kanyang ekonomiya.

Bukod-tangi sa ganitong maneobrahan ang Pilipinas. Si Ramos ay nagkukumahog na ideklarang "open city" ang buong Pilipinas, ibinubukaka nang todo-todo ang Pilipinas para sa libreng pagpasok ng dayuhang kalakal at kapital. Habang binibigyan ang mga bansang gaya ng Pilipinas nang hanggang taong 2020 para kumpletuhin ang liberalisasyon, si Ramos nama'y nagyayabang na substansyal niyang tatapusin ang ganitong liberalisasyon sa taong 2004!

Nang ideklara ni Gen. Wainwright ang Manila na "open city", ito'y matapos ang matinding labanan sa Bataan. Pero ito si Gen. Ramos, nang-iimbita na'y nagmamalaki pang gahasain ng dayuhang kapital ang bansa at bahain ng dayuhang kalakal sa pamamagitan ng "open economy" na patakaraan ng kanyang pamahalaan. At ang kasalukuyang pinuno ng APEC Business Advisory Council (ABAC), si Roberto Romulo – ang anak ni Gen. Carlos Romulo na batikang tuta ng Amerikano – ang pinakamalakas humiyaw sa kupad raw ng liberalisasyong nagaganap at walang tigil sa kakareklamo.

Si Ramos ay walang natutunan at walang pakialam sa aral ng 25-taong karanasan ng Pilipinas sa "parity rights" sa US. Isinalaksak ito ng US sa lalamunan ng sambayanang Pilipino matapos ang WW II. Dehadong-dehado ang Pilipinas sa kasunduang ito ng diumano'y "pantay na karapatan" sa pagitan ng US at Pilipinas sa kalakalan at pamumuhunan.

Noong napakalinaw na ang pagkalugi ng Pilipinas sa kasunduang ito, kahit si Marcos ay naobligang kondenahin ito at paiksiin ang 25 taon dahil talagang kahiya-hiya sa dangal ng bansa at tratadong ito.

Pero heto ngayon si Ramos. Isinasalaksak sa lalamunan ng sambayanang Pilipino ang panibagong bersyon ng "parity rights", ang internasyunal na bersyon ng "parity rights" na diumano'y magkakaroon ng "malayang kalakalan at pamumuhunan" sa pagitan ng mga bansa ng APEC sa pamamagitan ng liberalisasyon. Sa orihinal na bersyon ng "parity rights", pinagahasa ng sunod-sunod na pangulo ng Pilipinas ang bansa sa Amerika. At ang tanging maipagmamalaki nila'y sa Amerika lang nila ipinagagahasa ang Pilipinas, tapat sila kay Uncle Sam. Pero itong si Ramos ay handang ipaubaya ang Pilipinas sa lahat ng dayuhan, mas mainam kung sabay-sabay. At ang kanyang ipinagmamalaki, ito'y hindi panggahasa sapagkat kusang-loob at hindi pwersahan.

Kusang loob man o sapilitan, igigiit ng monopolyo kapitalismo sa iba't ibang bansa ang kanilang kagustuhan (na) pairalin ang neoliberalismo sa patakarang pang-ekonomya para matugunan ang saligang rekisito ng globalisasyon ng mga pambansang ekonomya alinsunod sa istratehiya ng mga TNCs ng internasyunalisasyon ng proseso ng produksyon at ekspansyon ng internasyunal na kapital.

Magagawang tutulan at gapiin ng sambayanan ng iba't ibang bansa ang mga patakaran ng globalisasyon na maliwanag na pumipinsala sa kanilang pambansang interes. Ngunit kung ang mismong globalisasyon ang kailangang labanan at gapiin, at narito ang saligang pakikibaka, dito'y iisa ang kasagutan: Ang pagkakaisa ng mamamayan ng iba't ibang bansa laban sa panibagong rekolonisasyon ng mundo ng mga imperyalistang kapangyarihan.

At ang pinakamalakas na pwersang panlipunang maaring magbunsod ng pagkakaisang ito ng mamamayan ng buong daigdig ay ang pagkakaisa ng uring manggagawa sa lahat ng bansa. Kailangang magpanibagong lakas ang internasyunal na kilusan ng uring manggagawa at ang mismong globalisasyon, ang opensibang ito ng internasyunal na kapital ang magbubunsod ng ganitong muling pagbangon at pagsulong. Ang internasyunalismo ng uring manggagawa at mamamayan ng lahat ng bansa ang sagot sa kapitalista at imperyalistang globalisasyong naghahasik ng salot at nagbabanta ng dilubyo ng buong daigdig.

IV. Ang sosyalistang alternatiba at internasyunalistang pakikibaka ang sagot sa globalisasyon.

Maliwanag ang paninindigan ng BMP: Itinatakwil namin ang kabuuang balangkas, pinakalayunin at mga saligang patakaran ng APEC at globalisasyon dahil ito'y sagadsarang anti-manggagawa at anti-mamamayan at pangunahing nagsisilbi sa interes ng mga pusakal na pwersa ng sistemang kapitalista at monopolyo kapitalismo.

Mayroon bang alternatiba ang uring manggagawa at sambayanang Pilipino sa globalisasyon ng APEC?

Kung solusyon sa paghihikahos at pagkabusabos ng masang anakpawis ang ating hinahanap, ang alternatiba ay di matatagupuan sa balangkas ng sistemang kapitalista dahil sa mismong sistemang ito nag-uugat ang paghihikahos at pagkabusabos ng masang anakpawis.

Sinumang totoong nagmamalasakit sa kapakanan ng masang anakpawis at seryosong naghahanap ng kalutasan sa malaganap na paghihikahos at pambubusabos sa daigdig ay dapat:

Una. Liwanagin muna kung nasaan talaga tayong panig nakatayo, at magsimula't tumindig sa panig at interes ng uring manggagawa at masang anakpawis.

Imposibleng makita ang tunay na alternatiba't solusyon kung tayo'y inuudyakan lang ng awa sa masang anakpawis – mula sa "isang kahig, isang tuka" ay gawin nating "isang kahig, dalawang tuka" ang kanilang miserableng buhay. Wala itong ipinag-iiba sa "trickle down theory" na ibinabahog ng globalisasyon sa uring manggagawa. Ang makagawa ng mabuti sa masa ay maaring makapagpagaan ng konsensya. Pero di nito pinaluluwag, at lalong hindi ito kinakalag, ang kadena ng pagkaalipin.

Kailangang maintindihan ang katayuang panlipunan ng masang anakpawis bilang mga sahurang-alipin ng kapital. At magpasya kung gusto natin wakasan ang ganitong mapang-aliping sistema o pataasin lang ang prsyo ng ganitong pagpapaalipin.

Kailangang maintindihan na ang masang anakpawis ang lumikha ng yamang panlipunan ng mundo. At magpasya kung gusto nating wakasan ang sistemang ang nagpapawis ay naghihintay ng ambon habang naliligo sa yaman at luho ang may-ari ng kapital. O makisuyo lang tayo, na habang nagtatampisaw sa tubo ang kapitalista, ay talsikan naman ng benepisyo ang manggagawa.

Ikalawa. Alamin muna ang tunay na problema at ang totoong ugat nito dahil sa ganitong paraan lang makikita ang tamang alternatiba.

Kung bubuksan lang natin ang isip at di bubulagin ng kung anu-anong kabulastugan, napakadaling makita ang katotohanang sobra-sobra na ang kapasidad ng mundo para mabuhay ng maginhawa ang sangkatauhan. Pero sa lahat ng sulok ng daigdiga ay nagnanaknak ang problema ng karukhaan. Kung ano ang sitwasyon sa apat na sulok ng pabrika, ganito rin ang sitwasyon ng daigdig.

Ang mundo'y parang isang malaking pabrika. Nariyan ang may-ari ng pabrika – ang kapitalista. At ang nagpapaandar ng pabrika – ang masang manggagawa. Mayaman ang kapitalista, kanya ang kapital. At dahil kanya ang tubo, patuloy siyang yumayaman. Mahirap ang mga manggagawa. Kaya nga sila manggagawa dahil sila'y mahirap. Patuloy silang naghihikahos dahil swelduhan lang ng kapital.

Lahat ng tubo ay kinakamkam ng kapital. Ito ang paliwanag ng paghihikahos: Ang yamang likha ng lipunan ay inaari ng iilang nagmamay-ari sa ikabubuhay ng lipunan, at dahil dito, walang ikinabubuhay ang karamihan sa lipunan kundi magpaalipin sa kapital. Ito ang kapitalistang sistema. Ito ang gustong lubusin ng globalisasyon. Gawing dambuhalang pabrika at plantasyon ang buong mundo sa ilalim ng kapangyarihan ng dambuhalang kapital.

Ikatlo. Itaguyod ang isang tunay na pagbabagong panlipunan imbes na magpakalulong sa mga "alternatibang" nangangarap remedyuhan ang mga "depekto" ng kapitalismo.

Ang kapitalismo ay hindi isang sistemang tadtad ng "depekto" kundi ito mismo ang depektibo. Kailangan itong palitan hindi simpleng "remedyuhan". Ang problema ng kapitalismo ay nasa mismong kalikasan ng kapital. Walang konsensya ang kapital. Ang nagpapagana dito ay lohika – ang lohika ng tubo, tubo at tubo.

At idinidikta ng batas ng kapitalistang kompetisyon na kailangang itong tumubo nang tumubo. Kung hindi, lalamunin ito ng karibal na kapital sa mabangis na gubat ng kompetisyon. Hindi ang personal na ugali ng kapitalista kundi ang obhetibong batas ng kapitalismo ang nagdidikta ng kahayukan sa tubo ng kapital. At ito ang humuhubog sa pagkatao ng kapitalista bilang indibidwal.

Ang BMP ay naninindigang ang kapitalismo ay para sa mundo ng kapitalista. At kung ang masang anakpawis ay naghahanap ng alternatibang sistema, ito ay dapat magmula sa mundo ng paggawa. Ito'y isang sistemang dapat lumutas sa karukhaan ng masang anakpawis at ganap na tumugon sa kapakanan at kinabukasan ng uring manggagawa. Ito'y ang sosyalistang alternatiba. Sinumang nag-iisip ng alternatibang sistema na hindi mula sa mundo ng paggawa at hindi rin mula sa mundo ng kapital ay nasa daigdig ng pantasya.

Gaya ng kapitalismo na nabuo sa sinapupunan ng pyudalismo at iniluwal ng mga kontradiksyon ng sinaunang lipunang ito, ang sosyalismo ay mabubuo rin mula sa sinapupunan ng kapitalismo at iluluwal ng mga saligang kontradiksyon nito. Nang sumibol ang kapitalismo sa mundo, hindi ito isang kompletong sistemang malinaw ang eksaktong itsura sa mga nagpundar nito. Ang proseso ng pag-unlad nito bilang sistema ay hinubog ng aktwal na realidad ng binabago't hinahalinhan nitong lipunan at ng eksaktong interes ng mga uring nagtataguyod ng kapitalismo. Napasikut-sikot rin ang landas na dinaanan nito, binatbat ng krisis at kontradiksyon, at mismo ang mga naunang promotor ng kapitalismo ay hindi aakalain na ganito ang kasalukuyang magiging itsura nito sa mundo. Ang ama ng kapitalismo ay ni sa hinagap ay hindi naisip na ito'y magiging imperyalismo at magiging isang sistemang pasanin at pasakit sa buong mundo.

Hindi rin dapat hanapin sa mga sosyalista ang isang modelo ng lipunang ating pinapangarap dahil ang pagbabago ay hindi kinakatha ng isip kundi nililikha ng kasaysayan. Mismo nga ang kapitalistang sistema, nang ito'y iluwal sa mundo, ay hindi lamang sa walang modelong sinusundan kundi ni walang maliwanag na pangalan.

Maiguguhit ang simulain ng sosyalismo hindi batay sa mga konsepto ng isang pangarap na lipunan kundi batay sa pagkasuklam natin sa kapitalistang sistema. Ipaglalaban nito ang uring manggagawa hindi dahil sa isang pangarap na paraiso kundi dahil sa paghihimagsik sa impyerno ng kapitalismo. Ang teorya ng sosyalismo ay hindi isang kompletong plano nang lipunang gusto nating ipundar kundi isang komprehensibong kritisismo sa kabulukan ng kapitalismo.

Sinasabing hindi uubra ang sosyalismo dahil sa nangyari sa Unyon Sobyet at iba pang sosyalistang bansa (kung saan) muling nakapanaig ang kapitalismo. Ang mali ay hindi ang sosyalismo kundi ang sosyalistang nagtangkang itayo ito sa batayan ng baluktot na teorya at mga kinopyang modelo. Ang mali ay ang pagmamadaling itayo ito sa mga bansang hindi pa hinog ang kondisyon para sa sosyalismo at laktawan ang istorikong yugto ng kapitalismo. Ang mali ay ang mangarap na magtutuluy-tuloy ang pag-unlad ng sosyalistang bansa nang hindi nagagapi ang dominasyon ng kapitalismo sa mundo at hindi tuluy-tuloy na sumusulong ang mga kilusang manggagawa at kilusang mapagpalaya sa lahat ng bansa.

Ang kapitalismo ay isang pandaigdigang sistema na ngayo'y nilulubos ang pagiging internasyunal sa pamamagitan ng globalisasyon. Ang internasyunal na kapangyarihan ng kapital, kung tutuusin, ang pangunahing dahilan ng pagbagsak ng mga sosyalistang bayan. Hindi tinantanan ng imperyalismo ang pangungubkob at pananabotahe sa mga bansang sosyalistang hanggang sa sumiklab ang kanilang mga panloob na krisis at tuluyang bumagsak.

Sa karanasang ito ng sosyalismo, napakalinaw ng aral. Dahil internasyunal ang kapangyarihan ng kapital, kailangang maging internasyunal rin ang pakikibaka ng uring manggagawa. Ang sosyalismo para tuluyang magtagumpay ay kinakailangang maging pandaigdigan ang saklaw. At ilalatag ng kasalukuyang globalisasyon ang pinakamainam na kondisyon para sa pandaigdigang pakikibakang ito ng uring manggagawa. Ibubunsod ng mismong pandaigdigang kapitalismo ang pandaigdigang pagkakaisa ng masang anakpawis sa lahat ng bansa.

Ngunit hindi ibig sabihin nito'y walang magagawa ang masang anakpawis hanggat ang mga manggagawa ng lahat ng bansa ay hindi nagkakaisa, hanggat hindi nagaganap ang pandaigdigang pagkakaisa ng mamamayan para ibagsak ang mapang-aping sistema. Higit sa lahat, hindi ito nangangahulugang walang saysay ang pang-araw-araw na mga pakikibaka ng uring manggagawa sa bawat bansa kundi hindi naman ito sadyang naglalayong gapiin ang kapitalismo.

Idinidiin ng BMP ang internasyunalismo, hindi lamang dahil narito ang tunay na lakas para gapiin ang kapitalismo bilang pandaigdigang sistema. Idinidiin ito ng BMP sapagkat hindi mapagpasyang magagapi ng manggagawa sa mga bansang gaya ng Pilipinas ang kapitalismo at maitatayo ang sosyalismo sa kani-kanilang bansa hanggat nananatiling malakas ang kapangyarihan ng kapital sa buong daigdig.

Higit sa lahat, idinidiin ng BMP ang sosyalistang alternatbia sa kapitalismo para bigyan ng maliwanag na perspektiba at balangkas ang kagyat na pakikibaka ng manggagawang Pilipino laban sa epekto ng globalisasyon sa bansa.

Kailangang maging maliwanag ang ating pagtutol at paghihimagsik laban sa globalisasyon bilang pagtatangkang magpanibagong lakas ng pandaigdigang kapitalismo at paglulunsad ng pangkalahatang opensiba laban sa uring manggagawa. Ang pagbubuo ng ating paninindigan at paglulunsad ng mga pakikibaka laban sa APEC at globalisasyon ay batay sa independyenteng interes ng uring manggagawa at paghihimagsik natin laban sa pang-aalipin ng kapital.

Hindi natin obligasyon ang haluan at hubugin ang ating paninindigan, kahilingan at pakikibaka nang anumang mga konsiderasyon sa magiging epekto nito sa kapitalistang programa ng pamahalaan at interes ng mga kapitalistang pwersa sa lipunan. Ang uring manggagawa ay dapat tumindig at kumilos batay sa kanyang sariling makauring interes at kapakanan. Kung tayo'y magbibigay ng anumang pasasaalang-alang, ito'y batay pa rin sa dikta ng ating iters at pangangailangan at hindi bilang konsiderasyon sa sistema at sa mga uring nang-aalipin sa masang anakpawis.

Unang-una na, ang pagtataguyod at paghimod ng gobyernong Ramos sa APEC at globalisasyon ay wala man lang konsiderasyon sa magiging masamang epekto nito sa uring manggagawa. Sa APEC at globalisasyon, ang tanging isinasaalang-alang ay ang interes ng kalakalan at pamumuhunan, at wala itong pakialam at walang pakundangan kung masasagasaan ng liberalisasyon, deregulasyon at privatization ang kapakanan ng masang anakpawis basta't makakilos nang libre't maluwag ang kalakalan at pamumuhunan.

Kung para sa interes ng kapital ay kailangan ang contractualization, casualization, downsizing, flexibilization, rotation, atbp., lalargahan ito ng gubyerno kahit ang epekto nito'y kawalan ng trabaho para sa mga regular na manggagawa at pagkawasak ng mga unyon na pinaghirapan nating itayo. Kung para sa interes ng kapital ay kailangang pamurahin at baratin ang halaga ng sweldo at benepisyo, at wawasakin ang mga unyon na nakikibaka para tutulan ito, lalargahan ito ng gubyerno, kahit na alam na alam nito ang ating paghihikahos.

Kung walang konsiderasyon at malasakit ang gubyerno at mga kapitalista sa ating mga manggagawa, bakit tayo pa, na laging agrabyado at inaabuso, ang magbibigay ng konsiderasyon sa kanila sa pagbubuo ng ating mga kahilingan at paglulunsad ng pakikibaka.

Ikalawa, hindi natin obligasyon ang mag-isip ng mga paraan kung paano magiging "competitive" ang lokal na mga kapitalista dahil ni hindi nga nila pinuproblema kung paano mabubuhay ang mga napapatalsik sa trabaho at ang mga manggagawang binabarat nila ang sweldo. Kung ang mga kapitalista ay walang iniisip kundi ang kanilang negosyo at kita, bakit tayong mga manggagawa ay sisitahin kung itinutuon natin ang ating isip sa umento at benepisyo. Napakalinaw ng pagkiling at pagpanig ng gubyerno sa kapital. Pati ba naman tayong inaalipin ng kapital ay gusto rin obligahin ng gubyernong magmalasakit at unahin ang konsiderasyon ng kapitalismo?

Kung ang mga kapitalista ay "kumakapit sa patalim" ng subcontracting, atbp dahil sa igting ng kompetisyon, di ibig sabihin ay wala silang kasalanan dahil hindi nila sinasadya ang maging malupit at sakim. Ang katotohana'y mulat nilang dinisisyunang itarak ang "patalim" sa likod at dibdib ng uring manggagawa para maging "competitive" ang kanilang negosyo at patuloy na magkamal ng tubo mula sa mas murang lakas-paggawa.

Hindi nababawasan ang kalupitan at kasakiman ng indibidwal na mga kapitalista sa palusot na sila'y sumusunod lang sa batas ng kapitalismo at dikta ng negosyo. Pinatutunayan lamang nito kung gaano kalupit at kasakim ang sistemang kapitalista, kung gaano ito kahayok sa tubo at walang pakundangan sa kapakanan ng uring manggagawa.

Hindi lang mahalaga, kundi mapagpasya ang tama't matatag na pagpusisyon sa usapin ng APEC at globalisasyon kung kaninong panig tayo tumitindig, kaninong interes ang ating ipinaglalaban. Ito ay usapin ng interes at hindi simpleng usapin ng "tama" at "mali".

Ang magkakaiba't magkakasalungat na interes ay nangangahulugan ng magkakaiba't magkakasalungat na pananaw sa usapin ng "tama" at "mali". Walang mararating ang anumang diskusyon sa "katumpakan" o "kamalian" ng globalisasyon dahil kailanman ay di magsasalubong ang magkasalungat na punto de bista na nakabatay at nagmumula sa magkasalungat na interes. Hindi mananaig ang isang panig dhial ito ang kinikilalang "tama" ng kabilang panig. Ito'y mananaig dahil sa pwersa ng lakas at di dahil sa pwersa ng katwiran. Kung may mararating na pagkakasundo, ito'y di dahil sa diskusyon ng "tama" at "mali" kundi dahil sa timbangan at tagisan ng lakas.

Walang unibersal na pamantayan kung ano ang "tama" at "mali" sa tunggalian ng interes ng kapital at paggawa. Hindi ito simpleng debate sa antas ng katwiran kundi aktwal na kontradiksyon batay sa realidad ng mapagsamantalang relasyon sa pagitan ng kapital at paggawa. At sa relasyong ito, ang mapagpasya ay hindi ang pwersa ng katwiran kundi kung sino ang makapangyarihan. Maihahapag natin ang lahat ng makatwirang paliwanag kung bakit "mali" ang globalisasyon dhail sa kasamaang idudulot nito sa masang anakpawis. Pero sa ultimong pagsusuri, hindi ang katarungan ng ating ipinaglalaban ang magiging mapagpasya kundi ang kapangyarihan ng ating pagkakaisa at pakikibaka.