Filemon Lagman
Ang librong ito ay sinulat para sa mga manggagawa. Para din ito sa lahat ng may malasakit sa masang anakpawis. Dahil karaniwang mga tao ang babasa, ang orihinal na plano ay piliin lang ang mga paksa. Sulatin ng simple’t maiksi. Ito ang inaasahan. Hindi ganito ang kinalabasan. Kailangan, kung gayon, ng eksplinasyon kung ba’t ganito ang nangyari.
Ang layunin ng libro ay ipaliwanag ang kapitalismo bilang isang sistema. Ipaliwanag sa pamamagitan ng ordinaryong mga bagay na pangkaraniwan sa karanasan ng manggagawa.
Ordinaryong mga bagay pero susing mga pyesa ng mekanismo ng kapitalismo. Gaya ng sahod at tubo. Paggawa at kapital. Kwarta at kalakal.
Sa biglang tingin, ito’y simpleng mga paksa. Sino bang manggagawa ang hindi pamilyar sa ganitong mga termino?
Pero nang umpisahan ang diskusyon, dumilat ang realisasyon na hindi eksakto ang ganitong impresyon. Hindi lang nababalot sa hiwaga kundi buhol-buhol ang mga paksa.
Pag-andar ng diskusyon sa isa, kaladkad o kabundol ang konektadong paksa. Pagpasok sa isa, mabubuksan ang kakabit o kasunod na paksa.
Bilang ilustrasyon, sundan natin kung paano nagsimula at dumaloy ang diskusyon ng dapat ay "munting proyektong" ito na ang orihinal na intensyon ay magsilbing "pambungad" lang ng pag-aaral sa kapitalismo.
Dahil ang prinsipal na layunin ay pag-aralan ang kapitalismo bilang isang sistema ng lipunan, natural, obligadong mag-umpisa ito kung ano ang intindi ng masa sa salitang "lipunan".
Lagi nating naririnig ang salitang "lipunan" at ang palagiang pangaral na lahat ay dapat maging masunuring mga "myembro ng lipunan". Walang nagrereklamo sa ganitong obligasyon.
Pero kung ikaw ang tatanungin, tama bang maging masunurin ang mga alipin ng sinaunang lipunan kung sila’y ginawang ari-ariang kalakal ng kanilang mga amo?
Noong antigong sistema ng mga asendero, tama bang maging masunuring "myembro" ng pyudal na lipunan ang magsasakang inaalila ng panginoong maylupa?
Araw-araw ay pumapasok ang manggagawa sa pabrika. Pero hindi pumapasok sa kanyang isip na ang kanyang relasyon sa kapitalista ay ang mismong modernong lipunan.
Iba kasi ang "turo" sa atin. Pinalaki tayo sa akala na ang "lipunan" ay ang "bansa". Ang kahulugan ng pagiging makabayan ay ang pagiging responsableng myembro ng lipunan.
Kaya’t dito tayo nagsimula – sa paglilinaw na magkaiba ang sistema ng lipunan at ang ating pagiging bansa. Ang lipunan ay nahahati sa mga uri. Ang bansa ay binubuo ng isang lahi.
Ang kapitalismo ay hindi ang Pilipinas. Ang ating pagiging Pilipino o magkababayan ay walang kinalaman sa pagiging kapitalista o pagiging manggagawa ng sinuman sa atin.
Tinangka nating gawing simple ang depinisyon ng "lipunan". Ito ay kung paano nabubuhay ang mga uring bumubuo nito.
Kung ang modernong lipunan ay ang relasyon ng manggagawa at kapitalista, ibig sabihin, ang pag-aaral nito’y dapat nakatuon sa pag-aaral sa usapin ng sahod at tubo.
Nabubuhay ang manggagawa sa pamamagitan ng sahod. Nabubuhay ang kapitalista sa pamamagiatan ng tubo. Ito ang magkabilang pisngi ng kabuuang mukha ng kapitalistang lipunan.
Kaya’t matapos silipin kung ano ang nasa loob ng paksang "lipunan", unti-unti nating binuksan ang paksa ng "sahod".
Kung ang sistema ng lipunan – para sa manggagawa – ay kung paano siya nabubuhay, ibig sabihin, ang kapitalismo ay ang sistema ng sahurang-paggawa sapagkat ito ang kanyang paraan ng ikabubuhay.
Kaparis ng salitang "lipunan", pamilyar ang manggagawa sa salitang "sahod". Natural. Ito ang kanyang ikinabubuhay.
Ito ang kanyang kabuhayan, pero bakit hindi niya ito inuusisa? Inirereklamo niya ang kakapusan ng sahod pero hindi ang ang mismong sistema ng sahurang-paggawa.
Batid ng manggagawa na ito ang kanyang kabuhayan. Pero bakit hindi niya namamalayan na ang sistema ng kanyang pamumuhay ay ang sistema ng lipunang kanyang ginagalawan?
Kaya’t sinimulan nating hawiin ang kurtina ng mga ilusyon na tumatabing sa kanyang pananaw sa umiiral na lipunan. Hinalukay ang tunay na kahulugan ng "sahod".
Dito nagsimulang "bumigat"ang diskusyon. Habang lumiliwanag ang isang katotohanan, lalong dumarami ang kailangang ipaliwanag.
Ang "sahod" bilang paksa ay parang bahay ng bubuyog. Nang magalaw at mauga, naglalabasan ang umuugong na mga katanungang naghahanap ng kasagutan.
Ganito ang nangyari. Nang talakayin ang usapin ng sahod, tatlong katotohanan ang agad na lumitaw:
Una. Tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ang turing sa manggagawa ay ordinaryong kalakal. Pinepresyuhan nang kaparis ng ibang kalakal sa lipunan. Ang kanyang "halaga" bilang kalakal ay kinakatawan ng kanyang "presyo". Ang kanyang "presyo" ay kinakatawan ng kanyang "sahod". Ang pagiging kalakal ng lakas-paggawa – ang paglitaw ng sahurang paggawa – ang ipinag-iiba ng kapitalismo sa lahat ng naunang mga sistema. Ito ang kondisyong nagpalitaw sa kapitalismo. Ang kapitalismo ay ang mismong sistema ng sahurang-paggawa.
Ikalawa. Tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ito mismo ay kapital. Hindi lang ito panggastos ng manggagawa para siya mabuhay. Ito mismo ay gastos ng kapitalista para umandar ang kanyang negosyo at lumago ang kanyang kwarta. Ibig sabihin, bahagi ng kanyang kabuuang kapital. Pinakaimportanteng bahagi. Ang kwartang ito, bilang sahod sa kamay ng manggagawa, ay simpleng nauubos habang ginagastos. Pero bilang kapital sa kamay ng kapitalista, ang parehas na perang ito, habang ginagastos ay lumalago.
Ikatlo. Tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ito ang pinanggagalingan ng kapitalistang tubo. Ang gastos ng kapitalista para sa pasahod ang porsyon ng kapital na siyang tunay na pinanggagalingan ng tubo. Kahit isang kusing ay walang kontribusyon sa produksyon sa tubo ang porsyon ng kapital na ginastos para sa makinarya’t materyales. Ang katotohanang ito ang prinsipal na paksa sa ating libro. Narito ang misteryo, milagro at mahika ng kapitalismo. Dito rin nag-uugat ang pundamental na kontradiksyon ng sistemang ito .
Ano ang implikasyon ng mga katotohanang ito? Kung sahod ay kapital – at mapapatunayang ang lahat ng tubo ay nanggagaling sa porsyong ito ng kapital – samakatwid, niluluto ang manggagawa sa sariling mantika dahil sa sistemang ng sahurang-paggawa, dahil ang lakas-paggawa ay binibili bilang ordinaryong kalakal. Ang pagiging kalakal ng lakas-paggawa – ang nag-iisang kalakal sa buong mundo na may kakayahang lumikha ng halaga na lampas sa kanyang sariling presyo – ang pekulyaridad ng kapitalismo bilang isang sistema. Ang kapasidad ng manggagawa na lumikha ng sobrang-halaga na lampas sa halaga ng kanyang sahod ang sikreto ng kapitalistang tubo.
May ikaapat na saligang katotohanan hinggil sa "sahod". Ang nagpapasahod sa manggagawa ay ang mismong manggagawa.
Ang binibiling mga kalakal ay karaniwang binabayaran muna ng nakabili bago gamitin. Pero ang lakas-paggawa ay ginagamit muna ng nakabiling kapitalista bago niya bayaran. Kinokonsumo muna ng kapitalista sa produksyon ng mga kalakal. Mula sa mga kalakal na ito, nanggaling hindi lang ang kanyang tubo, kundi ang ipinasasahod sa manggagawa. Ang bumabalik sa manggagawa sa anyo ng sahod ay isang porsyon ng produkto na siya ang may gawa pero hindi siya ang may-ari.
Totoo, ang ibinabayad sa manggagawa ay pera, hindi produkto. Pero ang perang ito ay anyo lang ng transpormasyon ng produkto ng kanyang paggawa. Ang kanyang paggawa noong nakaraang linggo ng nakaraang taon ang ipinambabayad ng kapitalista sa kanyang sahod ngayong linggo o ngayong taon. Kung ang ibabayad sa manggagawa ay ang mismong produktong siya ang may gawa, madaling mahahalata ng manggagawa na siya ang magbabayad sa kanyang sarili. Tinatakpan ng sahod ang ganitong katotohanan dahil ang ibinabayad sa kanya ay salapi na galing sa bulsa ng kapitalista pero ang halaga ay galing sa lakas-paggawa.
Sa kasong ito, ang tumatabing naman sa realidad ng kapitalismo ay ang pormang-kalakal at pormang-salapi ng produkto ng paggawa. Ito ang paliwanag kung bakit hindi matitigan at hindi manlisik ang manggagawa sa lipunang kanyang ginagalawan. Ito’y dahil ang sistemang ito ay punung-puno ng mga ilusyon, nababalot ng mga balatkayo.
Halimbawa, tinatakpan ng sistemang-sahuran ang anumang bakas ng pagkakahati ng araw ng paggawa sa dalawang dibisyon:
Ang bayad na paggawa at ang libreng paggawa. Ang walong oras ng manggagawa ay nagmumukhang bawat minuto ay binayaran ng kapitalista. Pero kung totoong bawat minuto ay binayaran ng kapitalista, at ang kanyang binayaran ay ang mismong "halaga ng paggawa", hindi iiral sa mundo ang kapital, at ang kanyang kwarta ay hindi matatransporma sa kapital.
Narito ang kaibhan ng "sahurang-paggawa" ng kapitalismo sa "pwersahang- paggawa" ng pyudal na sistema. Sa ilalim ng pyudalismo, ang paggawa ng magsasaka para sa kanyang pamilya at ang kanyang paggawa para sa kanyang panginoon ay kitang-kita ang demarkasyon. Obligadong bayaran ng magsasaka ang asendero ng eksaktong halaga sa anyo ng paggawa, ani o pera kapalit ng kanyang karapatang magtanim sa lupain ng kanyang panginoong maylupa. Sa ilalim naman ng sinaunang sistemang-alipin, lahat ng paggawa ay nasa anyo ng libreng paggawa nang walang anumang pretensyon dahil ang alipin ay pribado’t personal na pag-aari ng kanyang amo. Nasa diskresyon ng kanyang panginoon kung ano ang magiging bahagi ng kanyang alipin sa kanyang pinagpaguran.
Kaiba sa mga ito ang sahurang paggawa. Tumatagas sa pagkukunwari dahil mismo ang libreng paggawa ay nagmumukhang binayaran ng kapitalista. Ang transaksyon sa pagitan ng manggagawa at kapitalista ay lumilitaw na "palitan ng magkatumbas. Malayang ipinagbili ng manggagawa ang kanyang lakas-paggawa ng walong-oras at binayaran ito ng kapitalista batay sa umiiral na presyo ng paggawa. Ang lumilitaw pang karaniwang problema ay kung "namumurahan" ang manggagawa sa presyo ng kanyang lakas-paggawa. Pero hindi niya nakikita ang realidad na kahit bayaran siya ng husto, hindi iiral ang kapitalismo kung walang porsyon ang araw ng paggawa ang libreng nagagamit ng kapital para sa produksyon ng tubo. Ang mismong katotohanang ang kapitalismo ay ang sistema ng sahurang-pang-aalipin ay nagagawang pagtakpan dahil pinasasahuran naman daw ang manggagawa, binabayaran ang kanyang paggawa.
Isa lang ito sa sangkatutak na ilusyon na animo’y makapal na ulap na lumalambong sa ibabaw ng kapitalistang lipunan. Hindi matatagos ng manggagawa ang kaibuturan ng kapitalismo kung hindi niya matatagos ang panlabas na istsura ng kapitalismo na kinakatawan ng ordinaryong mga bagay sa kanyang paligid na gaya ng kwarta at kalakal, tubo at sahod, kapital at paggawa.
Lahat ng ito’y simpleng transpormasyon ng lakas-paggawa pero para ipaliwanag ang mga transpormasyong ito ay hindi simple. Ang kinakatawan ng salapi ay ang halagang mga kalakal, pero ang halagang ito ng mga kalakal ay walang ibang kinakatawan kundi ang nilalaman nilang paggawa. Ang tubo ay libreng paggawa at ang halaga ng sahod ay kumakatawan sa porsyon ng kapital na siyang totoong tumutubo. Ang kapital, bilang halaga, anuman ang anyo nito, ay walang ibang kinakatawan kundi ang "luma" at "bagong" paggawa ng lipunan. Sa madaling salita, ang kapitalismo ay nabubuhay, umaandar at lumalago dahil sa uring manggagawa. Pero ang alipin sa sibilisadong sistemang ito ay ang uring manggagawa.
Madaling ihataw ang kondemnasyon sa kapitalistang sistema. At malamang, tatanggapin ito ng masa kahit walang gaanong eksplinasyon. Tuntungan lang natin ang kanilang ngitngit laban sa kanilang miserableng kalagayan at sa kahayukan sa tubo ng switik na kapitalista.
Pero ito ang gusto nating ituwid. Ang basta na lang isubo sa manggagawa ang ganitong mga katotohanan nang kumpyansadong paniniwalaan tayo ng masa. Kailan pa natin tuturuan ang masa na totoong maintindihan ang sistema ng lipunang nagsasamantala sa kanila? Ang pag-aalinlangan ay kung maiintindihan nga ba ng masa ang mga nilalaman ng librong ito?
Di ba dapat magsimula muna sa "magaan"? Hindi raw sanay ang masa na magbasa. Kung ito’y komiks walang problema. Pero ito’y libro, at hindi sanay ang masa sa mga babasahing puro letra.
Ano ang ibig sabihin ng "magaan"? Ang ibig sabhin nito’y "madali". Madaling basahin. Madaling intindihin.
Kung ang tinutukoy ng "madaling basahin" at "madaling intindihin" ay ang istilo ng pagkakasulat, ang aklat na ito ay malaki pa ang iuunlad. Ito ang trabaho ng ikalawang edisyon – ang pasimplehin pa ang presentasyon sa pagyaman ng mga talakayan. Gumamit ng mas marami pang kongkretong halimbawa para mas magaan basahin at mas madaling maintindihan.
Pero anumang pagpapasimple ng lenggwahe’t presentasyon ay hindi "makapagpapagaan" sa isang bagay na obligadong pag-isipan at pag-aralan. Walang tunay na kaalaman at kasanayan na hindi pinaghihirapan. Kahit ang simpleng ABAKADA ay pinaghihirapan ng batang istudyante na hindi pa marunong bumasa. Kung ang pakikibaka para sa isang bagong lipunan ay hindi isang piknik, ang pag-aaral ng sistemang gusto nating palitan ay hindi pagbabasa ng komiks.
Kung hangad nating wakasan ang sistemang ito, hindi lamang dapat maintindihan kung paano inaalipin ng kapital ang paggawa. Mas mahalaga, kailangan tayong matuto. Kailangan tayong maging kritikal. Tumalas ang ating pakiramdam. Lumawak ang kaalaman. Hindi lang dapat ang makinang instrumento ng kapitalista sa pagsasamantala ang kabisado. Gamayin rin natin ang mga librong magtuturo sa atin ng katotohanan ng pagsasamantalang ito.
Ang librong ito ay subersibo. Subersibo sa interes ng kapitalismo. Ngunit hindi ito subersibo dahil nananawagan ng rebolusyon. Ito’y subersibo dahil nagsasalita ng totoo. Kung gusto nating lumaya, unahin nating palayain ang ating kaisipan sa mga kasinungalingan ng naghaharing lipunan. Ito ang unang larangan ng labanan. Dito ang unang tagumpay. Matutupad lamang ang mga pangarap kung ang manggagawa ay gigising..
"Asosasyong" Hindi Kilala Ng Mga Myembro
PAMILYAR sa pandinig natin ang salitang "lipunan". Pero ano ba ang intindi natin dito?
Ang tao'y di nabubuhay nang solo sa isang isla. Tayo'y myembro ng isang "asosasyong" ang tawag ay "lipunan". Pero di ba't kapag sumasapi ka sa isang asosasyon, inaalam mo kung ano ito? Narito ang kakatwa sa pagiging "myembro" natin ng kakaibang asosasyong tinatawag na "lipunan". Kailan natin inusisa ang kalikasan ng lipunang ating kinabibilangan at ginagalawan?
Tinanong man lang ba tayo, kahit minsan, kung gusto nating maging myembro ng "asosasyong" ito? Ang totoo'y ni hindi nga natin alam kung ano ang tawag sa lipunang ito. Basta't ang alam natin ay myembro tayo nito. Pero hindi boluntaryo. Pwersahan ang pagiging myembro. Ikaw ay magugutom kapag hindi ka myembro ng asosasyong ito.
Marami ang nag-aakalang ang "bansa" ang mismong "lipunan" . Ito ang turo ng gubyerno at iskwelahan. Kung ang "lipunan" ay siya mismong "bansa", natural, hindi na pag-uusapan kung gusto nating maging myembro.
Pero ang "bansa" at "lipunan" ay di iisa't parehas na bagay. Ang "bansa" ay binubuo ng nagkakaisang lahi. Ang "lipunan" ay binubuo ng magkakaibang uri.
Wala sa lahi ang pagkakaiba sa uri. Wala sa dugo ang tatak ng uri. Wala sa kalikasan ng bansa kundi nasa sistema ng lipunan. Walang kinalaman ang ating pagiging Pilipino sa pagiging manggagawa o kapitalista ng sinuman sa atin.
Mayaman o mahirap, tayo'y Pilipino. Isinilang sa isang bansa. May diwa ng isang lahi. Pero sa loob ng pagawaan o plantasyon, balewala ang pagiging magkababayan. Pati pagkamakatao. Ang nangingibabaw ay ang pagkakaiba sa uri, ang relasyong makauri.
Pinangangaralan tayong maging "mahusay na mga myembro" ng lipunan. Ito ang ginagawang istandard ng pagiging makabayan. Dahil ang akala nati'y ang "lipunan" ay ang "bansa", kahit di kabisado, tinatanggap natin ang ganitong sistema.
Ang gubyerno -- ang administrador ng lipunan -- ay paboritong usalin ang nasyunalismo para isulong ang interes ng naghaharing sistema. Pinalalabo ang kaibhan ng "bansa" at "lipunan" para ang pagiging makabayan ay mauwi sa katapatan sa naghaharing sistema. Pinagsasakripisyo tayo sa interes ng lipunan dahil ito raw ang interes ng bayan.
Pero ano nga ba talaga ang ibig sabihin ng "lipunan" at ano ang tawag sa klase ng sistema ng lipunang umiiral sa Pilipinas o naghahari sa buong daigdig?
Ang lipunan ay kung paano nabubuhay ang tao. Ito ang sistema ng ating kabuhayan. Ibig sabihin, ang lipunan ay ang sistema ng ekonomya. Ang paraan ng produksyon ng isang bansa. Kung ang lipunan ay "asosasyon ng tao", ito'y isang "asosasyon" para sa kabuhayan ng mga myembro nito.
Ang isang "asosasyon" ay nangangahulugan ng "relasyon" sa pagitan ng mga myembro. Halimbawa, ano ang relasyon sa isa't isa ng mga myembro ng isang unyon? Ang saligang relasyon na tumatahi sa unyon bilang asosasyon ay ang kumon na interes bilang mga manggagawa o empleyado ng isang kompanya.
Ano naman ang saligang relasyon ng mga myembro ng isang sistema ng lipunan? Ito ay pumapatungkol sa kanilang relasyon sa produksyon, sa relasyon halimbawa, ng manggagawa at kapitalista, ng magbubukid at asendero.
Bago mag-isip ng pulitika, relihiyon, kultura, atbp., tinitiyak muna ng tao ang kanyang kakainin, ang kanyang ikabubuhay. Ang sistema ng lipunan ay ang sistema ng produksyon ng materyal na mga nesesidad sa buhay ng tao.
Sa simpleng salita, ang sistema ng lipunan ay kung paano nag-uugnayan ang mga tao sa kanilang paghahanap-buhay, kung paano "kumikita" ang mga tao sa lipunan.
Kung ang lipunan ay ang simpleng relasyon sa produksyon ng mga tao sa isang bansa, agad na titining ang katotohanang walang timbang sa takbo ng lipunan ang relasyon sa lahi. Ang mapagpasya ay ang relasyon sa uri.
Sa loob ng pabrika o plantasyon, kasing-labnaw ng tubig ang pagiging magkababayan -- at kahit ang pagiging makatao -- ng relasyon sa pagitan ng kapitalista sa manggagawa. Ang malapot at malupit na relasyon ay sila'y magkaiba ng uri, ang relasyon ng hamak na trabahador at among may-ari.
Kung ang relasyon sa produksyon ang kumakatawan sa sistema ng lipunan, ang umiiral na lipunan kung gayon, ay masasalamin sa relasyon ng manggagawa at kapitalista. Sa relasyong ito umiinog ang sistema ng produksyon sa bansa.
Kung ano ang itsura't esensya ng relasyong ito ay siya ring itsura't esensya ng lipunan. Kung ang lipunan ay isang "asosasyon", ang kongkretong ekspresyon nito sa modernong daigdig ay ang kapitalistang "korporasyon".
Ang sistema ng lipunan ay ang mismong sistema sa pabrika.
Pero anong klaseng "asosasyon" ito na masyado yatang dehado ang mayorya ng myembro?
Isang "asosasyong" nakapailalim ang malawak na mayorya sa maliit na minorya.
Isang "asosasyong" sobra ang poder at pribilehiyo ng minorya habang segunda klaseng mga myembro ang trato sa mayorya.
Pero ang lakas ng loob at ang kapal ng mukha ng sistemang ito na tawagin at ipakilala ang sarili bilang "demokrasya"!
Sa pangalan pa lang ng modernong lipunan ay bistado na kung anong klaseng sistema ito. Ang unibersal, opisyal at pormal na pangalan ng sistemang ito ay "kapitalismo".
Pero madalang nating marinig ang tawagin ng gubyerno sa ganitong pangalan ang lipunan. Nahihiya siguro. Kargado kasi sa pangalang "kapitalismo" ang karakter ng lipunan.
Mas kinagigiliwang tawagin ang sistemang ito sa kanyang alyas, sa kanyang palayaw. Madalas nating marinig ang mga deklarasyong tayo ay nabubuhay sa isang "demokratikong" lipunan. Iniiwasang tawagin itong "kapitalistang" sistema.
Halata naman kung bakit. Mabango ang "demokrasya". Ang prangkahang tawagin itong "kapitalismo" ay parang idinuduldol ang "paghahari ng kapital", itinatatak sa noo ng lipunan. Masagwang pagsabihan ang mga manggagawa na maging "matapat na mga myembro ng kapitalismo" kung ang personipikasyon nito sa kani-kanilang mga pagawaan ay ang switik at swapang na among kapitalista.
Pero ang terminong "demokrasya" ay mas pumapatungkol sa sistema ng gubyerno. Hindi sa sistema ng produksyon o ekonomya ng bansa. Noong panahon ni Marcos, diktadura ang porma ng gubyerno. Pero ang sistema noon ng ekonomya ay walang saligang ipinag-iba sa panahon ni Aquino, Ramos, at ngayon, ni Estrada: Nakapundar sa paghahari ng kapital sa lipunan.
Ang ibig sabihin ng "demokrasya" ay ibinoboto ng taumbayan ang "administrador" ng kapitalistang lipunan. Pinagpipili sa "demokratikong" paraan kung sino ang magiging "manedyer" ng kapitalistang sistema. Kaiba ito sa panahon ni Marcos. Noon, ang diktadura ng gubyerno sa lipunan ay eksaktong kopya ng despotismo ng kapital sa loob ng pagawaan.
Pero pumihit man sa "demokratikong" porma ng gubyerno ang administrasyon ng kapitalistang sistema, ang tiranikong manedsment ng kapitalistang kompanya ay di nagbabago. Paano, kung gayon. iinditindihin ang pagiging "demokratiko" ng kapitalismo kung walang demokrasya sa relasyon ng manggagawa at kapitalista sa loob ng pabrika.*
Ang dominasyon ng kapital sa lipunan ay dama ng populasyong nabubuhay nang "swelduhan". Alam ng isang manggagawa na siya'y nagtatrabaho para sa uring kapitalista kapalit ng sahod. Alam niya na yumayaman ang uring kapitalista dahil sa tubo habang siya'y naghihikahos dahil sa kakapusan ng sahod. Pero ang sinisisi niya ay ang pagiging swapang ng indibidwal na kapitalista hindi ang kabuuang sistema ng kapitalismo -- ang sistema ng sahurang-paggawa.
Sa kabila ng araw-araw na karanasan sa pagawaan, hindi tumitining sa kanyang kamalayan ang realidad ng sistema ng lipunang kanyang ginagalawan. Hindi kusang mabuo sa kanyang isip na ang kanyang relasyon sa kapitalista ay ang mismong sistema ng lipunan. Hindi niya matagos ang tunay na kahulugan at matuhog ang koneksyon ng ordinaryong mga bagay sa kanyang paligid, gaya ng salapi, sahod, kapital, paggawa, kalakal at tubo para mabuo ang larawan ng kapitalistang kaayusan.
Araw-araw ay pumapasok sa pagawaan ang isang manggagawa. Pero hindi pumapasok sa kanyang isip na ang sistema sa pagawaan ang kumakatawan sa sistema ng lipunang kanyang kinapapalooban. Para bang mayroon siyang ibang nakalambong na konsepto ng lipunan. May hinahanap na ideyal na larawan ng lipunang hindi identikal sa kanyang miserableng buhay bilang sahurang-manggagawa. Talagang nakaduduling tingnan ang isang bagay na nakaduldol sa iyong mukha.
Ang malabong pananaw sa itsura't esensya ng naghaharing sistema ay hindi lang dahil may mga galamay ang lipunan na araw-araw na humahabi ng kung anu-anong sapot sa ating isip. Ang pagiging masyadong ordinaryo ng mga bagay ang mismong nakakapasma ng pakiramdam. Kaparis ng nakakamanhid na kahirapang laganap sa lipunan. Gaya ng nakasanayang sistema ng sahuran-paggawa na siyang esensya ng kapitalismo bilang isang sistema ng lipunan.
Sa buong daigdig. inirereklamo ng mga manggagawa ang kababaan ng kanilang sweldo. Pero hindi nila kinukwestyon ang kanilang pagiging swelduhan, ang kapitalistang sistemang ito ng sahurang-paggawa. Kapag hindi naipaliliwanag ang ordinaryong karanasan, ang tendensya ay tanggapin ito bilang natural na kaayusan. Hindi na inuusisa, hindi pinagtatakhan. Ganito talaga ang buhay. Ganito talaga ang lipunan.
Tubo At Sahod
Tubo ang motibo ng kapitalista sa pagnenegosyo. Sahod ang rason ng manggagawa sa pagtatrabaho. Ang "kita" ng kapitalista ay tinatawag na "tubo". Ang sa manggagawa ay "sahod".
Kung ang lipunan ay kung paano "kumikita" ang mga myembro nito, ibig sabihin, nasa usaping ito ng "tubo" at "sahod" ang susi sa pag-unawa sa umiiral na sistemang umiinog sa relasyon ng kapital at paggawa.
Ito'y isang "simpleng" katotohanang kasing-ordinaryo ng pagsikat ng araw o paghinga ng tao. At malimit, ang ordinaryong mga bagay ang alkansya ng mga misteryo sa daigdig. Gaya ng pagiging sahuran o swelduhan ng mga manggagawa. Para bang walang dapat pagtakhan sa ganitong kalakaran. Walang dapat usisain o ireklamo.
Pero dito nakasuksok ang pinakasikreto ng kapitalismo. Ito mismo ang kapitalismo -- ang sistema ng sahurang-paggawa.
Unibersal na reklamo ang laging kakapusan ng sweldo. Pero kinukwestyon man lang ba natin ang mismong pagiging swelduhan ng manggagawa, ang mismong sistema ng sahurang-paggawa? O ang kwestyong ito ang kwestyunable?
Ang karaniwang persepsyon ay walang misteryo sa pagiging sahuran ng manggagawa. Nakagisnan na natin ang ganitong kalakaran. Kasing-natural na ang tao ay kailangang kumain ang siya'y mabuhay sa paraan ng sahurang-paggawa.
Hindi pumapasok sa isip ng manggagawa na ito'y kwestyunin, kahit siya'y naghihimutok sa liit ng kanyang sweldo. Gaya ng hindi rin niya kinukwestyon ang karapatang tumubo ng kapitalista, kahit siya'y naghihimagsik sa pagkaswitik ng uring ito.
Kontento na ang marami na di bale nang swelduhan basta huwag namang masyadong agrabyado. Di baleng sa kapitalista ang tubo huwag lang siyang masyadong swapang. Di baleng may mga taong sobrang yaman huwag lang may mga taong sobrang hirap.
Para bang ganito talaga ang lipunan. -- may nagpapasahod at may pinasasahuran. At ang sistemang ito ay permanente at natural. Walang pinagsimulan, walang katapusan, walang kasaysayan. Isang eternal na katotohanan ng buhay. Maaring hindi perpekto, pero mayroon bang perpekto sa mundo?
Ordinaryo ang mag-aklas ang mga manggagawa. Sa liit ng kanilang sweldo o dahil sa kasibaan ng kapitalista sa tubo. Pero madalang ang mismong kwestyunin nila ang sistemang sahuran at ang kontrol ng kapital sa kanilang kabuhayan.
Ni hindi nga inaalam at inuusisa ng manggagawa kung paano nga ba itinatakda ang "halaga" ng kanyang sweldo. Gayong ito ang kanyang ikinabubuhay. Ito ang dahilan kung bakit siya "namamasukan". Dito umiinog ang kanyang mundo.
Pero ang kapitalista -- kabisadong-kabisado ang kanyang "kaharian". Obsesyon nila kung paano palaguin ang kapital. Umuupa ng mga eksperto. Kwentado hanggang sa huling sentimo ang tubo sapagkat ito ang kanilang mundo.
Nagagamay ng manggagawa ang pasikut-sikot ng kanyang trabaho. Pero hindi ang presyo ng trabahong ito -- ang kanyang sweldo. Kahit ugong ng hawak niyang makina sa loob ng pabrika ay nagagawa niyang isaulo. Pero hindi ang "mekanismo" ng sweldong tinatanggap niya nang buwan-buwan o linggu-linggo.
Halimbawa, ano ba ang ordinaryong pag-intindi ng manggagawa sa tinatanggap niyang sweldo?
Ang simpleng tingin dito ng manggagawa ay "bayad" ng kapitalista sa kanyang trabaho. Interesado siya kung magkano ang kanyang sinasahod, laluna't ito'y laging kapos at siya'y sobrang agrabyado. Pero hindi niya inuusisa at inuurirat kung paano ba talaga "pinepresyuhan" ang kanyang trabaho sa loob ng pagawaan o sa kabuuan ng lipunan.
Alam ng manggagawa na ang kanyang sweldo ang presyo ng kanyang trabaho. Pero parang masakit sa tenga na tawagin itong presyo. Mas disenteng pakinggan at may dignidad na tawagin itong "sahod" o "sweldo".
Kung tatagusin lang ng manggagawa ang terminong ito -- at direktang tatratuhing "presyo" ng lakas-paggawa -- malalaglag ang isang balatkayo na patung-patong na kumukubli sa katotohanan ng kanyang katayuan sa lipunan. Mababalatan ang kapitalistang sistema. Mas madaling maiintindihan ang kabuuan at kalikasan ng sistemang ito ng sahurang-paggawa, ng sahurang-pang-aalipin.
Ang alyas ay parang maskara. Ganito rin ang silbi ng salitang "sweldo" o "sahod". Di gaya ng presyo ng por kilong karne, nakatago sa salitang "sweldo" ang pagiging ordinaryong kalakal ng por orang trabaho. Iba ang dating sa tenga ng tanong na "Magkano ang presyo mo?" kumpara sa "Magkano ang sweldo mo?"
Nasa loob ka ng pabrika dahil ang alam mo, ikaw ay "namamasukan" bilang empleyado. Hindi pa dahil ikaw ay "binili" ng kapitalista sa loob ng walong oras. Pero kung "presyo" ang itatawag sa tinatanggap mong bayad imbes na "sweldo", mas madali mong makikita ang ganitong masakit na realidad.
Gamay na gamay ng manggagawa ang ginagawa niyang produkto sa loob ng pagawaan. Pero hindi ang kalakal na araw-araw niyang binebenta sa kapitalista at kinokonsumo nito sa proseso ng produksyon.
Nang tanggapin mo ang bayad ng kapitalista, ang tawag dito ay "sweldo". Pero nang ibayad mo ito sa drayber ng dyip, ang tawag dito ay "pamasahe". Nang ibayad sa nagpapaupa ng bahay, ang tawag dito ay "renta". Sa binilhang tindera, ito ay simpleng "bayad". Kung hiniram ng kapitalista sa banko ang pinasahod sa manggagawa, ang tawag dito'y "utang". Pero mula sa kapitalista papunta sa manggagawa, ito ay nagiging "sweldo". Ang parehas na kwartang ito -- habang palipat-lipat ng kamay -- ay nagkakaroon ng iba't ibang pangalan. Kumporme sa kalikasan ng transaksyon.
Ibig lang sabihin, kailangang tagusin natin ang tunay na kahulugan ng mga bagay sa likod ng kanilang mga pangalan. Partikular sa ating paksa, sapulin ang tunay na kahulugan at kalikasan ng ibinabayad ng kapitalista sa manggagawa.
Kung ito ay "bayad", ibig sabihin, ang salaping ito ay mayroong halagang tinutumbasan na ang katawagan sa lipunan ay "presyo". Kung may "presyo", ibig sabihin, may kalakal o produkto. May nagbebenta at may bumibili, may nagaganap na palitan. Kung ang "sweldo" ay "presyo", presyo ito ng anong produkto o kalakal? Paano ang sistema ng bilihan, paano nagaganap ang transaksyon? Pinakamahalaga, paano "pinepresyuhan" ang "halaga" nito?
Hindi pa natin dito sasagutin ang mga katanungang ito. Mas ang intensyon muna natin ay buksan ang ating isip sa "simple" at "ordinaryong" mga bagay sa ating buhay. Matutong magtanong. Mag-usisa. Maging kritikal. Sapagkat dito nagtatago ang mga kasagutan kung bakit ganito ang lipunan.
Ang simpleng tingin ng manggagawa sa sweldo ay ito ang kanyang kinikita sa kanyang pagtatrabaho. Ito ang iyong "kinokonsumo" para mabuhay araw-araw. Tama ito. Totoong ito ang iyong ginagastos sa araw-araw. Ngunit ito'y isang aspeto lang ng buong katotohanan. Isang pisngi ng kabuuang mukha ng sweldo. Ano ang kabilang mukha na parang hindi pinapansin?
Magsimula tayong muli sa pananaw sa sahod, na ito ang ginagastos ng manggagawa. Ang tanong: Saan nanggagaling ang panggastos niyang ito. Madali ang sagot -- galing sa kapitalista. Ang sahod, kung gayon, ay gastos ng kapitalista. Ibig sabihin, ito ay puhunan o kapital. Ang halagang kinakatawan ng sahod ng manggagawa ay siya ring kapital ng kapitalista. Bahagi ng kanyang kabuuang kapital.
Ang realisasyon sa ganitong napakasimpleng katotohanan -- na ang sahod ay ang mismong kapital -- ay dapat tumagos sa kanyang kabit-kabit na implikasyon.*
Sa isang banda, ang sahod ay perang panggastos ng manggagawa para sa kanyang "karapatang" mabuhay. Sa kabilang banda, ang parehas na perang ito ay panggastos ng kapitalista para sa kanyang "pribilehiyong" magpayaman. Ang kwartang ito -- bilang "sahod" sa paningin ng manggagawa -- ang lubid na kanyang kinakapitan para makatawid sa kahirapan. Hindi niya namamalayan na ang kwartang ito -- bilang "kapital" -- ay siya ring lubid na hindi lang pinanggagapos kundi pinaggagarote sa kanya ng kapitalismo sa sistema ng sahurang-pang-aalipin.
Ito ang dapat nating tuklasin -- kung paano ang iisang halagang ito, ang parehas na perang ito ay hindi lang magkaiba ang gamit: Sa kamay ng manggagawa, habang ginagastos, ito'y nauubos. Pero sa kamay ng kapitalista, ito'y tumutubo habang ginagastos. Narito ang sikreto, misteryo at mahika ng kapital.
Sa punto de bista ng manggagawa, ang sweldo ay bayad. Sa punto de bista ng kapitalista, ang sweldo ay gastos. Bahagi ng kanyang puhunan. Hindi lang simpleng bahagi ng kanyang puhunan, kundi pinakaimportanteng bahagi nito.
Bakit pinakaimportante? Dahil mula sa pondong ito -- mula sa kapital na ito sa anyo ng sahod o mula sa sahod sa anyo ng kapital -- magmumula ang kapitalistang tubo. Dalawang simpleng katotohanan ang agad natatakpan ng salitang "sweldo":
Una, natatakpan ng terminong ito ang katotohanang ang "sweldo" ang "presyo" ng pagiging kalakal ng lakas-paggawa sa lipunan. Ikalawa, natatakpan ng terminong ito ang mas malalim pang katotohanang ang perang ito ang mismong tumutubong "kapital" ng mga may-ari ng ikabubuhay ng uring manggagawa.
May ikatlong katotohanan -- ang pinakaimportante, ang pinakasikreto ng kapitalismo. Ito ay ang mekanismo ng tubo -- kung paano lumalago ang puhunan sa anyo ng tubo sa pamamagitan ng "sweldong" ito -- bilang "presyo ng paggawa" at bilang "porma ng kapital".
Ang halaga ng sweldo bilang pondong nasa kamay ng kapitalista ay hindi lang sweldo kundi ito mismo ang kapital o puhunan ng kapitalista. Samantalang ang tubo ay hindi lang paglago ng kapital kundi ito ang trabaho ng manggagawa na hindi binayaran ng kapitalista. Kung ang sweldo ang kumakatawan sa binayarang porsyon ng trabaho ng manggagawa, ang tubo ang kumakatawan sa libreng porsyon ng trabaho ng manggagawa. Ito ang magkapares na pisngi ng iisang mukha na dapat makita at maintindihan ng bawat manggagawa. Ito ang esensya ng sahurang-paggawa sa kapitalistang lipunan.
Ulitin natin. Hindi ba't sabi natin ay sweldo ang rason ng manggagawa sa pagtatrabaho habang tubo ang motibo ng kapitalista sa pagnenegosyo. Ang tanong ay bakit aalukin ng kapitalista ang manggagawa ng sweldo? Alam natin ang sagot. Kailangan ng kapitalista ang trabaho ng manggagawa.
Hindi inaalok ng kapitalista ng sweldo ang mga manggagawa para magkaroon tayo ng hanapbuhay. Ang dahilan ay hindi dahil kailangan ng mga manggagawa ng trabaho kundi kailangan ng kapitalista ang trabaho ng mga manggagawa.
Kabaliktaran na naman ito ng nakasanayang sabihin ng manggagawa na siya ang nangangailangan ng trabaho. Nangangailangan "siya" ng trabaho dahil kailangan niya ng "sweldo". Ibig sabihin, "sweldo" ang kailangan niya, hindi ang mismong "trabaho".
Hindi ang "trabaho" ang kanyang kailangan sapagkat ito nga mismo ang kanyang "ipinagbibili", kapalit diumano ng sweldo. Ang kailangan niya ay ang bibili ng kanyang "trabaho" para siya ay kumita ng "sweldo".
Sa pagkakaalam ng manggagawa, ang binayaran ng kapitalista ay ang kanyang trabaho. Kaya tayo inaalok ng sweldo dahil kailangan ng kapitalista ang ating trabaho. Ang tanong: Ito ba ang binayaran ng kapitalista? Ang binayaran ba ng kapitalista ay ang ating aktwal na trabaho?
Ang ating alam ay baliktad na naman sa realidad. Ang alam natin, ang trabaho ng manggagawa ang binabayaran ng kapitalista. Pero ang halaga ba ng ating trabaho o paggawa ang tinutumbasan ng halaga ng ating sweldo?
Kung ang "halaga" ng paggawa ang talagang babayaran ng kapitalista, magigiba ang buong pundasyon ng kapitalismo. Walang kapitalismong iiral sa mundo. Walang mamumuhunan dahil walang tutubo.
Ang tinatawag na kapitalistang tubo ay hindi nanggagaling sa pinuhunan ng kapitalista sa makinarya o materyales. Ito ay galing sa trabaho ng mga manggagawa na kanyang kinapitalan sa anyo ng sweldo. Kapag ang halaga ng trabahong ito ang kanyang binayaran nang buo, wala siyang tutubuin kahit isang kusing.
Ang kailangan ng manggagawa para mabuhay sa ilalim ng kapitalismo ay "bayad na paggawa". Ang kailangan ng kapitalista para tumubo sa proseso ng produksyon ay "libreng paggawa". Ang sikreto, misteryo at mahikang ito ng kapitalismo ang dapat matuklasan ng bawat manggagawang interesadong malaman ang buong katotohanan sa kanyang pagiging manggagawa.
Ang kapital ay kwarta. Pero hindi lahat ng kwarta ay kapital. Ang sahod ay kwarta. Pero sa kamay ng manggagawa, ito'y simpleng panggastos, hindi kapital.
Ang kwartang ito ay galing sa kapitalista. Ang parehas na kwartang ito, kapag ginastos ng kapitalista para ibili ng lakas-paggawa, ay nagiging kapital. Nagiging kapital dahil tumutubo. Habang kinukonsumo ay lumalago. Ang kapital ay kwatang habang ginagastos ay tumutubo.
Ito ang hiwaga ng kapitalistang sistema: Bakit ang kwartang ito, kapag manggagawa ang gumastos ay simpleng nauubos? Pero ang parehas na kwartang ito, kapag ang kapitalista ang gumastos, ito'y lumalago.
Pero kung tutuusin, ang kwartang ito nang maging kapital, ay hindi na kwarta. Nagpalit na ito ng itsura. Nagkaroon ng transpormasyon. Ang kwartang ito ay naging paggawa. Naging mga trabahador. Napalitan ng paggawa dahil ipinagpalit sa lakas-paggawa. Sa ganitong paraan nagiging kapital ang kwarta.
Ang kwarta -- sa kanyang natural na porma bilang bungkos ng papel -- kahit ipatong ng kapitalista ng walong oras sa ibabaw ng makina, ay hindi lalago. Pero ang manggagawa o ang kanyang paggawa, kapag "nabili" ng kapitalista at pinaandar ang makina, ay hindi lang pasisimulan ang produksyon ng produkto kundi ang mismong produksyon ng tubo.*
Ang kwartang ibinayad sa kanya bilang sweldo ang totoong lumalago ang halaga bilang kapital. Ito ang nagpapalago sa buong kapital dahil ipinagpalit sa isang kalakal na gumagawa ng halaga -- ang lakas-paggawa. Sa madaling salita, hindi ang mismong kwarta ang gumagawa ng tubo kundi ang transpormasyon nito sa isang bagay -- ang maging lakas-paggawa ang kwartang ito at ang paggawa ay maging kapital sa kamay ng kapitalista.
Paanong nagiging "kapital" ang "paggawa"? Di ba't ang biniling makinarya at materyales ang aktwal na nagiging "kapital" at hindi ang kwarta ng kapitalista na may potensyal lang na maging kapital. Ganito rin ang lakas-paggawa. Ang lakas-paggawa na nabili at naging pag-aari ng kapitalista ang mismong magiging kapital sa produksyon hindi lang ng yaring produkto, kundi ng sobrang-halaga na tinatawag na tubo.
Sa anyo ng sweldo, sa pamamagitan ng sistema ng sahurang-paggawa, itinatransporma ng kwarta ang paggawa sa anyo ng kapital. Ginigisa sa sariling mantika para palamunin ng tubo ang uring kapitalista. Kung ang "paggawa" ang natransporma bilang "kapital", ibig sabihin, ang "paggawa" ang tumutubo. Pero ang tubo ay sa kapitalista dahil sa kanya na ang paggawang ito, ito ang transpormasyon ng kanyang kwarta bilang kapital.
Ang transpormasyon ng salaping pangsweldo sa aktwal na paggawa ang mapagpasyang transpormasyon ng kwarta sa anyo ng kapital. Matransporma man ng kapitalista sa makinarya't materyales ang kanyang kwarta, ang mga kagamitang ito sa produksyon ay hindi gagawa ng tubo.
Hindi makukumpleto ang transpormasyon ng kwarta sa kapital hangga't wala ang isang sangkap na siyang aktwal na magtatransporma sa makinarya at materyales bilang kapital. Ito ay ang paggawa. Kailangang bumili ang kapitalista ng lakas-paggawa para paandarin ang mga makinarya at trabahuin ang mga materyales. Kailangang gawing kapital ang paggawa para magsilbing kapital ang kanyang makinarya at materyales, masimulan ang produksyon ng tubo.
Sa madaling salita, tubo ang kahulugan ng kapital. Tubo ang sukatan sa transpormasyon ng kwarta sa pagiging kapital. At ang paggawa ang mapagmilagrong kamay sa transpormasyong ito ng kapital mula sa pagiging ordinaryong kwarta. Tubo ang kaluluwa ng kapital -- at ito rin ang "kaluluwa" ng uring kapitalista. Kung wala ang tubong ito, ang kwarta ng kapitalista ay simpleng kwarta hindi kapital, at siya'y hindi magiging kapitalista.
Ang ating saligang aralin ay tuklasin ang misteryo ng kaluluwang ito ng kapitalista at kapitalismo. Halukayin ang mismong kaluluwa ng kapitalistang tubo/ Tuklasin ang buong katotohanan sa likod ng misteryo nito. Pero bago natin "operahan" ang dibdib ng kapital para tuklasin ang misteryo ng pagtubo nito, tapusin natin ang nasimulang diskusyon hinggil sa "kwarta".
Makapangyarihang Piraso ng Papel
Dito sa lupa, ang salapi ay isang kapangyarihang nakalukob sa bawat tao. Mistulang Diyos na sinasamba sa lipunan. Animo'y siyang nagpapagalaw sa mundo. Mahalaga ang maintindihan natin ang papel ng "kwarta" sa lipunan sa pag-aaral ng "halukay ng bituka" at "halang na kaluluwa" ng kapitalismo.
Sa persepsyon ng manggagawa, dahil makwarta ang kapitalista, siya'y nagiging panginoon sa lipunan. Pero bago pa nagkaroon ng kapitalista sa lipunan, matagal nang umiiral ang pera sa mundo. Ang usapin, samakatwid, ay paano ginamit ng kapitalista ang kwarta -- paano tinatransporma sa kapital -- para tanghalin siyang panginoon sa buong lipunan.
Sa ating lipunan, libre ang huminga ng hangin pwera na lang kung ikaw ay nasa ospital at naghihingalo. Libre rin ang magpainit sa sikat ng araw pwera na lang kung ikaw ay nasa pribadong resort. Sa ating lipunan, lahat halos ay binibili at binibenta.
Sa ganitong lipunan, kung wala kang kwarta, kahit ang daming pagkain sa palengke, ikaw ay magugutom. Kung wala kang kwarta, wala kang pambili. Kung wala kang ipinagbibili, wala kang kwarta. Kaparis ng sistema ng sahurang-paggawa, ang tanong ay natural bang ganito ang lipunan: Ang diktahan ang buhay ng tao ng kapangyarihan ng kwarta?
Bungkos lang ng papel ang kwarta. Pwede ngang lukut-lukutin lang sa bulsa. Pero bakit ganito katindi ang kanyang kapangyarihan sa tao at lipunan? Bungkos lang ng papel, pero may kapangyarihang alipinin ang tao. Gawing mapang-alipin ang lipunan. Ano ba ang papel sa lipunan ng kwarta at mistulang ito ang hari sa mundo?
Gaya ng sinambang mga anito ng primitibong panahon na gawa-gawa lang naman ng mga tribo, gawa-gawa rin ng tao ang kwarta na ngayon ay pinapanginoon ng modernong lipunan.
Noong unang panahon, limitadong-limitado pa ang produksyon ng lipunan. Wala pang gaanong produktong ipinagpapalit ang tao sa isa't isa. Kaya't walang namamagitang pera sa kanilang mga relasyon.
Nagpapalitan ng produkto ang mga tao sa sinaunang lipunan. Pero simpleng dinadala lang ito sa palengke at sila'y direktang nagpapalitan ng produkto (barter system). Nagkakasundo sila kung magkatumbas ng "halaga" ang isang kalakal sa isang kalakal. Halimbawa, ang isang palayok sa dalawang manok. Ang tatlong kaing na prutas sa isang pirasong palakol.
Nang umunlad ang produksyon ng lipunan, dumami ang samu't saring produktong ipinagpapalit. Nagkaroon ng isang bagay na ginawang unibersal na pamalit (universal equivalent) o sukatan ng halaga (measure of value) ng iba't ibang bagay. Sa ganitong kalagayan lumitaw ang pangangailangan sa "salapi" para mapadali ang palitan ng mga kalakal sa lipunan.
Sa simula, mga hayup na gaya ng baka ang ginawang istandard sa palitan. Pero dahil impraktikal, pinalitan ito ng mga metal na gaya ng ginto at pilak. Dito nagsimulang umunlad ang konsepto ng "salapi" hanggang sa umunlad sa anyo ng perang papel, tseke sa banko, credit card, atbp.
Sa sistemang barter ng sinaunang lipunan, personal na nagkakaharap at nag-uugnayan ang direktang mga prodyuser. Ang taong gumawa ng palayok at ang taong nag-alaga ng manok. Ang namitas ng prutas at ang nagpanday ng palakol. Direktang nag-uugnayan ang mga tao bilang mga prodyuser ng kanya-kanyang produkto.
Pero nang maimbento ang salapi, nagsimulang pumagitna ang "bagay" na ito sa direktang relasyon ng mga tao sa lipunan. Nang mangibabaw ang sistema ng produksyong hindi para sa sariling konsumo kundi para sa merkado (commodity production) nalubos rin ang kapangyarihan ng salapi sa lipunan. Tinakpan ng salapi ang relasyon ng mga tao. Nagtago sa likod ng relasyon sa salapi ang mga relasyon ng tao sa lipunan.*
Mula nang halos lahat na ng bagay sa lipunan ay binibili at ipinagbibili, naging lubos ang paghahari ng salapi sa relasyon ng tao. Hanggang sa ito ang maging panginoon sa relasyon ng mga tao sa modernong lipunan.
Kung kailan milyong klase ng produkto ang nagagawa na ng tao para tugunan ang kanyang samu't saring pangangailangan, saka naman parang iisang bagay na lang sa mundo ang kanyang kailangan -- kwarta. Ang kwarta ay hindi nakakain, naisusuot o natitirhan. Pero sa pamamagitan ng kwarta, magkakaroon ka ng pagkain, damit, bahay at anupamang kalakal na kailangan para mabuhay at guminhawa.
Kung sobra ang iyong kwarta, masusunod ang iyong luho sa katawan. Kung wala kang kwarta, kahit bumabaha ang mga produkto, mamumuhay ka na parang daga sa imburnal.
Pero kung dadalhin sa gubat ang pera, wala itong saysay. Pwedeng paringas ng apoy o pamunas ng dumi. May silbi lang ito sa isang kalagayang may ipinagbibiling mga kalakal. Ibig sabihin, konektado ang pag-iral nito sa pag-iral ng mga kalakal.
Inimbento ito para sa pasilitasyon ng palitan o sirkulasyon ng mga kalakal. Ito'y walang sariling "halaga" na independyente sa pag-iral ng mga kalakal. Kaya nga't noong panahon ng Hapon, bumagsak ang halaga ng pera dahil halos walang mabiling kalakal. Tinawag na "Kengkoy money" ang isang supot na pera na pambili ng isang supot ng tinapay.
Ang salapi ay pambili o pambayad hindi lang ng isa o ilang partikular na kalakal kundi ng lahat ng klase ng kalakal.* Ibig sabihin, ito ay nagsisilbing unibersal na katumbas ng anumang kalakal sa isang lipunan. Ito ang kinikilalang unibersal na ekspresyon ng halaga para sa mundo ng mga kalakal. Sa madaling salita, ang salapi ang kumakatawan sa halaga ng mga kalakal na ginagawa at ipinagbibili sa buong lipunan.
Kung ang halaga ng mga kalakal ang tinutumbasan ng halaga ng salapi, ibig sabihin, ang makwarta sa lipunan ay yaong nagmamay-ari ng mga kalakal na ito -- ang uring kapitalista. Ang mahirap ay ang uring manggagawa sapagkat wala silang pag-aaring kalakal kundi ang kanilang lakas-paggawa.
Sino ba ang may gawa ng mga kalakal? Ang uring manggagawa. Kung ang kalakal ay yaman na kinakatawan ng salapi, bakit sila ang naghihikahos? Sapagkat hindi sila ang may-ari ng mga kalakal na sila ang may gawa.
Ito ang simpleng paliwanag sa usapin ng karangyaan at kahirapan sa lipunan. Ito ay simpleng usapin ng pagmamay-ari. Hindi ito usapin ng kung sino ang gumagawa ng mga produkto kundi sino ang may-ari ng mga produkto ng paggawa.
Gawa man ng uring manggagawa ang mga kalakal sa lipunan, hindi naman ito kanila. Sapagkat mismo ang kanilang lakas-paggawa ay hindi na nila pag-aari. Nabili na ito ng uring kapitalista sa ilalim ng sistema ng sahurang-paggawa.
Bakit obligado ang uring manggagawa na ipagbili sa uring kapitalista ang kanilang lakas-paggawa? Dahil kailangan nila ng kwarta para mabuhay sa ganitong lipunang lahat halos ay binibili at binebenta. Bakit hindi sila ang gumamit sa kanilang lakas-paggawa? Paano sila magtatrabaho para sa kanilang sarili kung wala silang sariling gamit sa produksyon. Nasaan ang kagamitan sa produksyon? Ito'y monopolyo ng uring kapitalista.
Dahil monopolyo ng uring kapitalista ang mga gamit sa produksyon, sila ang may-ari ng mga kalakal na ipinagbibili sa lipunan. Sa kanilang bulsa naiipon ang bulto ng salaping umiikot sa lipunan. Babalik sa uring kapitalista ang kanilang pinasahod sa uring manggagawa dahil ibibili ito ng mga kalakal na ang bulto ay sila ang may-ari. Sa pag-ikot na ito ng salapi, ibayong yayaman ang uring kapitalista. Lumalago ang salaping ito bilang kapital at muling babalik sa produksyon para lalong patubuin.
Hindi lang yumayaman ang uring kapitalista sa proseso ng akumulasyon ng kapital. Nalulubos rin ang monopolyo nito sa kagamitan sa produksyon ng lipunan. Walang ibang kahulugan ang monopolyong ito kundi ang sistema ng sahurang-paggawa.
Walang alternatiba ang seksyon ng populasyong walang pag-aaring kagamitan sa produksyon kundi ang "manilbihan" sa uring kapitalista sa ilalim ng sistema ng sahurang-paggawa.
Habang lumalawak ang pagsakop ng kapital sa buong ekonomya -- sa industriya, agrikultura at komersyo -- at nababangkrap ang nagsasariling ekonomya ng maliliit na prodyuser, lalong nababaon ang populasyon sa sistema ng sahurang-paggawa.
Narito ang kabalintunaan ng kapitalistang sistema. Ginagawa ng uring manggagawa ang mga kalakal na nagpapayaman sa kapitalista at nagpapalago sa kapital para lalong igapos ang sarili at ang populasyon sa sistema ng sahurang-paggawa. Sa pamamagitan ng sahurang-paggawang ito, tumutubo ang kapital at sa paglago ng kwarta ng uring kapitalista, lalong napapailalim ang buong lipunan sa kanilang kapangyarihan.
Ang masakit at masaklap, ang uring manggagawa pa ang may "utang na loob" sa uring kapitalista. Kung hindi raw sa uring kapitalista, wala siyang hanapbuhay. Kaya't huwag raw kakagatin ng manggagawa ang kamay ng kapitalistang nagpapakain sa kanya at sa kanyang pamilya.*
Pero sino ba talaga ang nagpapakain sa lipunan, ang bumubuhay sa bansa? Sino ba talaga ang aktwal na lumilikha ng mga kalakal, ng yaman ng lipunan? Ang gumagawa nito ay ang uring manggagawa at masang anakpawis, at ang ginagawa ng uring kapitalista ay angkinin lang ito. Ggawing pribadong pag-aari. Ito ang "dibisyon ng paggawa" sa ganitong sistema ng lipunan: may gumagawa at may umaangkin.
Ngunit suriin nga natin, ano ba itong "inaangkin" ng uring kapitalista? Inaangkin niya bilang kanyang pag-aari ang produkto ng paggawa. Siya raw ang may karapatan rito sapagkat kanya ang ginamit na kapital para magawa ang mga produktong ito. Kanya ang makinarya, materyales, pati ang lakas-paggawa. Samakatwid, siya ang may-ari ng yaring-produkto. Kahit hindi siya nagtrabaho -- kahit hindi siya nagpatulo ng kahit isang patak ng pawis para magawa ang produktong ito -- siya ang may "karapatang" ariin ito sapagkat sa kanya ang kapital.**
Pero bakit niya inaangkin ang yaring-produkto? Kung ang kanyang kalakal ay sigarilyo, hihititin ba niya ang milyun-milyong kaha ng sigarilyong produkto ng kanyang planta?
Si Lucio Tan ang may-ari ng pinakamalaking planta ng sigarilyo sa Pilipinas. Pero siya mismo ay hindi naninigarilyo. Kahit alam niya na masama ang paninigarilyo, ito ang kanyang piniling produkto dahil magandang negosyo, maganda ang tubo. Kaya't huwag niyang sasabihin na serbisyo sa publiko ang kanyang pagnenegosyo. Siya'y nagnenegosyo para tumubo. Basta malaki ang tubo, kahit anong klaseng produkto ay kanyang kakapitalan. Kaya nga't pinasok rin niya ang alak dahil magandang negosyo ang bisyo.
Hindi natin paksa rito ang moralidad ng kapital. Hindi pa rin natin paksa sa tsapter na ito kung paano tumutubo ang kapital. Ang mas gusto nating maintindihin ay kung ano ang nasa katangian ng kalakal na pinagkakwartahan ng may-ari nito.
Pero dapat pa bang saliksikin ang "bituka" ng kalakal para maintindihan kung bakit ang ito'y nagiging kwarta gaya ng ang kwarta ay nagiging kapital? Hindi ba simpleng sentido kumon lang na ito'y nagiging pera dahil ipinagbibili at may bumibili?
Kung gusto nating busbusin ang mekanismo ng kapitalismo, intindihin nating mabuti ang bawat "pyesa" nito. Huwag masyadong umasa sa sentido kumon sa pagtingin sa ordinaryong mga bagay dahil dito karaniwang tumutubo ang makapal na lumot ng mga kapitalistang ilusyon. Kailangang busisiin natin ang ordinaryong "kalakal" dahil ito ang "sisidlan" ng yaman ng kapitalistang lipunan na sinisimbolo ng "salapi" na siyang "sukatan" naman ng yaman sa daigdig.
Hindi matatagos ng simpleng sentido kumon ang ilusyong bumabalot sa kalakal. Ano ang ilusyong ito? Ito'y walang iba kundi ang kanyang "halaga", ang "halaga" ng sinasabing "kalakal". Ang "halagang" ito ang inaangkin ng kapitalista, ang tinutumbasan ng "salapi", ang binabayaran sa pamilihan.
Kung ilusyon pati ang "halaga" ng mga kalakal, ibig sabihin, ang kapitalistang lipunan ay bukal ng mga ilusyon. Dahil ang salapi. na pinapanginoon sa lipunan, ay simbolo rin lang ng "halagang" ito ng mga kalakal. Ipinakita na natin ang ilusyon ng ng "demokrasya, ang ilusyon ng "sahod", ang ilusyon ng "kapital", ang ilusyon ng "salapi". Isunod natin ang ilusyon ng "kalakal". Isa-isa nating tagusin ang mga ilusyong bumabalot sa ordinaryong mga bagay sa kapitalismo. Hanggang sa matumbok natin ang "kaluluwa" ng kapitalistang sistema ng sahurang-pang-aalipin. .
Ang mga kalakal, gaya ng maraming bagay sa mundo, ay doble-kara. May dalawahang-mukha. Isa'y ang natural, pisikal na itsura. Ang kabila'y ang kanyang metapisikal na maskara.
Ano ang kanyang natural na itsura? Ito'y ang kanyang pisikal na porma, halimbawa, ang pisikal na kabuuan ng isang sapatos bilang isang kalakal. Pamilyar tayo sa pisikal na itsura ng mga kalakal. Ito ang kumakatawan sa kanilang "kabuluhan". Ito ang tumutugon sa ating pangangailangan. Ito ang rason kung bakit binibili natin ang isang kalakal.
Ano naman ang kabilang mukha ng isang kalakal, ang sinasabi nating "maskara"? Hindi lang natin kinikilatis ang pisikal nitong katangian, ang kanyang kabuluhan. Kinukwenta rin natin ang kanyang "halaga" sa anyo ng "presyo." Ang "halagang" ito ang maskara ng kalakal.
Laging dalawa ang interes natin sa isang kalakal. Una, ang kanyang "gamit" (use-value) at ito ang ating "binibili" sapagkat narito ang pakinabangan sa isang kalakal. Ikalawa, ang kanyang "halaga" (exchange-value) at ito ang ating "binabayaran" ng pera.
Kapag kaharap natin ang isang kalakal, ang dalawang mukha nito ang ating tinititigan. Pero bakit natin sinasabing metapisikal ang kabila nitong mukha? Paanong naging maskara o ilusyon ang "halaga" na kinakatawan ng presyo ng kalakal?
Hipuin natin ang kalakal at mararamdaman natin ang kanyang pisikal na kabuuan. Makikilatis kung ito'y umaayon sa ating pangangailangan. Pero hindi natin mahihipo ang kanyang "halaga" na kinakatawan ng kanyang presyo.
Halughugin man natin ang buong kalakal, wala tayong makikitang ebidensya ng kanyang "halaga", wala tayong masasalat na materyal na representasyon ng pag-iral ng "halaga" sa loob ng kalakal. Ang "halaga" ay animo'y kaluluwang parang namamahay sa loob ng kalakal pero hindi natin nahihipo kaya tinatawag nating "metapisikal".
Ang mahihipo natin ay ang nakatatak na presyo na nakadikit sa kalakal at ang ibabayad nating kwartang galing sa ating pitaka. Pero hindi ang mismong "halaga" ng kalakal.
Hindi ba ang materyal na ebidensya ng "halaga" ng isang kalakal ay ang kanyang kabuluhan (usefulness), ang pisikal na katangian ng kalakal, ang mismong pag-iral ng kalakal?
Kung ang kalakal ang mismong "halaga" na binabayaran ng ating salapi, ibig sabihin, magkano ang "halaga", halimbawa, ng isang pares ng sapatos? Pwede bang sabihing ang "halaga" ng isang pares ng sapatos ay katumbas ng isang pares ng sapatos?!?
Kung sa tanong na magkano ang "halaga" ng sapatos ay ganito ang isasagot ng tindera, baka siya'y ating simangutan o singhalan. Pero magkakaintindihan kapag ang sagot ng tindera ay "P100 ang halaga ng isang pares ng sapatos".
Pero ang tinutukoy niyang P100 ay wala sa iskaparate ng sapatos kundi nasa loob ng ating pitaka. Ibigay natin ang P100 at ibibigay niya ang pares ng sapatos. Kapalit ng P100 ay isang pares ng sapatos. Kapalit ng sapatos ay ang salaping P100.*
Pero ano ang ating binayaran? Sa palasak nating pagkakaalam, ang binayaran natin ay ang "presyo" ng kalakal? Pero ano ang presyong ito ng kalakal? Sa pagkakaalam rin natin ay ito ang "halaga" ng kalakal. Balik na naman tayo sa ating pinagsimulan. Sa katanungang ano ang "halaga" ng isang kalakal?
Ang "halaga" bang ito ay ang kanyang "kabuluhan"? Ang kabuluhan ng kalakal na sapatos ay ang kanyang pagiging sapatos. Ito ba ang "halaga" ng kalakal na sapatos -- ang pagiging sapatos? Kung ang "kabuluhan" ng mga kalakal ang magiging batayan ng "presyo" o "halaga" ng mga ito, magkakagulo ang buong sistema ng presyuhan sa lipunan at determinasyon ng halaga.
Ang kabuluhan ng isang bagay ay kumporme sa gagamit. Ang isang karayom ay gamit sa pananahi. Pero pwede rin nating lagyan ng lason sa dulo para tusukin ang switik na kapitalista. Ang isang palakol ay ordinaryong ginagamit na pansibak ng kahoy. Pero pwede ring ipangsibak sa ulo ng swapang na kapitalista. Kung ginamit natin ang karayom o palakol sa ganitong "dakilang" layunin, ibig bang sabihin, mas mataas ang kanilang magiging "halaga"?
Kung ang "kabuluhan" ng isang bagay ang pagbabatayan, ang dapat na may pinakamahal na presyo na kalakal sa buong mundo ay ang Bibliya dahil ito ay ginagamit para isalba ang kaluluwa sa impyerno at ireserba ng pwesto sa langit. Pero bakit hamak na mas mahal ang isang instrumento ng distruksyon na gaya ng paltik na rebolber kumpara sa ordinaryong Bibliya?
Pero pwede nga ba talaga gumawa ang lipunan ng isang istandard para presyuhan ang "kabuluhan"? Paano mapagtutumbas at mapagkukumpara ang mga kalakal kung ang batayan ng mga "halaga" nito ay ang kanya-kanyang "kabuluhan" na laging kumporme sa indibidwal na gagamit?
Hindi na uso ngayon na direktang nagpapalitan ng mga kalakal ang mga tao gaya noong barter system dahil mayroon na itong unibersal na katumbas sa anyo ng salapi. Pero hindi ba't may mga kantidad ng kalakal na magkakaparehas ang presyo?
Halimbawa, libu-libong klase ng magkakaibang kalakal ang pare-parehas na P100 ang halaga o presyo depende sa kantidad. Magkakaiba ang kabuluhan ng mga kalakal na ito. Pero paanong nangyaring nagkakatumbas ang halaga-sa-palitan?
Ang katotohana'y lahat ng kalakal sa mundo ay mapagtutumbas ang halaga depende sa proporsyon. Kumporme sa kantidad, ang karayom at bahay ay pwedeng mapagtumbas ang halaga pero kailanman ay hindi magpaparehas ang gamit. Hindi maipangsusulsi ang bahay at hindi matitirhan ang karayom.
Pero ang isang milyong piraso ng karayom na piso ang isa ay katumbas ng isang bahay na isang milyong piso ang halaga. Ibig lang sabihin, hindi ang kabuluhan ng mga kalakal ang batayan ng halaga nito kundi mayroong kumon na katangian ang mga kalakal na siyang batayan ng kanilang halaga. Ano ang kumon na katangiang ito ng mga kalakal na nagsisilbing sukatan ng halaga?
Ang komposisyon ng lahat ng kalakal ay kombinasyon ng dalawang elemento. Una, ang materyal na galing sa Kalikasan. Ikalawa, ang paggawang galing sa tao. Ang una, sa pangkalahatan, ay libre, walang "halaga". Ang ikalawa ang may "bayad" at ito ang nagbibigay ng halaga sa mga kalakal.
Sabi nga, kung ang Ina ng materyal na yaman ay ang Kalikasan, ang Ama ay walang iba kundi ang Paggawa. Ano ang papel ng Kapital? Hindi ito ang lehitimong anak ng relasyon ng Paggawa at Kalikasan pero nagiging heredero ng ibinubungang kayamanan.
Halimbawa, ang isda na galing sa dagat ay libre. Ang binayaran ay ang paggawa ng mangingisda. Ang kahoy na ginamit sa bangka ng mangingisda ay libre galing sa gubat. Ang binayaran ay ang paggawa ng pumutol ng kahoy at gumawa ng bangka. Kaya't papasok sa presyo ng isda hindi lang ang paggawa ng mangingisda kundi pati ang porsyon ng paggawang nagamit para sa kanyang mga kasangkapan sa pangingisda.
Libre ang materyales ng diamante na walang sangkap ng paggawa ng tao. Ang binayaran ay ang paggawa at panahon ng minero para hanapin ito at hukayin sa kailaliman ng lupa, at ang paggawang nakapaloob sa mga kasangkapan at prosesong ginamit sa "produksyon" ng diamante. Halimbawa, kung ginamitan ito ng makinarya, ang binayaran sa makinarya ay ang paggawa nito at hindi ang mga sangkap ng bakal na hindi gawa ng tao at galing sa Kalikasan sa kanyang natural na porma.. Kung ginamitan ng kemikal ang paglinang sa diamante, ang binayaran ay ang paggawa ng kemikal hindi ang sangkap na galing sa Kalikasan.
Ang ginawa ng tao, sa proseso ng produksyon, ay baguhin ang porma ng materyales na galing sa Kalikasan at gawin itong produktong may kabuluhan sa pamamagitan ng paggawa. Samakatwid, alisin natin ang materyales na galing sa Kalikasan, ang matitirang nilalaman ng kalakal ay ang paggawa ng tao.
Ito, at wala nang iba, ang nilalaman ng "halaga" ng mga kalakal. Ang paggawang ito ng tao ang nagbibigay ng kongkretong "kabuluhan" sa mga kalakal, ang mismong kalakal ang materyalisasyon ng paggawa ng tao, at ito rin ang sinusukat at kinukwentang "halaga" sa mga kalakal na kinakatawan ng presyo.
Ang problema, nakikita natin sa mismong kalakal ang kanilang makabuluhang "halaga" (use-value) pero hindi ang "halaga" na kinakatawan ng presyo (exchange-value).
Kapag dinala natin sa gubat o isla na walang tao ang isang kalakal, bitbit natin ang kanyang kabuluhan. Ibig sabihin, naroon ito sa mismong bagay, ito mismo ang bagay. Pero hindi ang kanyang "halaga". Kung walang bibili nito, wala itong "halaga"*
Kaparis ng salapi, ang pag-iral ng "halaga" sa anyo ng presyo ay hindi pwedeng hiwalay sa lipunan. Hindi pwedeng hiwalay sa ibang kalakal. Hindi pwedeng hiwalay sa sistema ng bilihan at bentahan. Ito ay isang penomenong panlipunan, kumakatawan sa relasyong panlipunan, sa depinidong relasyon ng mga tao. Ito ay nasa kalikasan ng lipunan at wala sa kalikasan ng mismong mga bagay na likha ng paggawa.
Nasa kalikasan ng paggawa ang pagiging makabuluhang aktibidad ng tao, ang kakayahang lumikha ng makabuluhang bagay. Kung ito lang sana ang katuturan ng mga produkto ng paggawa ng tao -- ang magkaroon ito ng kabuluhan sa samu't saring pangangailangan ng tao -- simpleng-simple lang ang daigdig. Ginawa itong kumplikado at materyoso ng pagkakaroon ng mga produkto ng tao ng "halaga" at hindi lang "gamit".
Pero ang kabuuang produkto ng kabuuang paggawa ng lipunan ay hindi pag-aari ng kabuuang lipunan. Mayroong pribadong may-ari ng mga produktong ito. Kaya nga't ito'y binibenta o binibili. Kung walang may-ari ng mga produktong ito -- kung pag-aari ang mga ito ng lahat -- hindi ito kailangang ipagbili o ipagpalit.* Kung ito'y magiging "pag-aari" ng lahat, mabubura mismo sa bokabularyo ng tao ang salitang "pag-aari".
Ang pribadong pagmamay-ari ang ikaapat na kumon na karakter ng mga kalakal. Hindi lang ito produkto ng paggawa ng tao, hindi lang ito may kabuluhan sa tao, hindi lang ito may halaga-sa-palitan, kundi mayroong may-ari nito. Ang pribadong pagmamay-aring ito ng mga produkto ng paggawa ay isang panlipunang kondisyon sa pag-iral ng mga kalakal, sa palitan ng mga kalakal, at sa pagkakaroon ng halaga ng mga kalakal.
Tanggalin mo ang indibidwal na "pagmamay-ari" sa produkto, at matatanggal ang sinasabing "halaga" nito. Ang matitira ay ang kanyang "gamit", ang kanyang kabuluhan. Kapag nawala ang "halaga", mawawala rin ang pagiging "kalakal" ng isang bagay. Ito'y magiging simpleng "produkto" ng tao. Kapag nawala ang "halaga" ng isang bagay, hindi na siya isang "kalakal", mawawala na rin ang silbi ng "salapi". Ang ordinaryong papel na ito ay malalaglag sa kanyang pedestal, hindi na magiging panginoon sa lipunan.
Noong unang panahong madalang pa ang palitan ng mga produkto sa lipunan, ang direktang prodyuser ang mismong may-ari ng mga produkto ng kanyang paggawa. Hindi na ganito sa modernong lipunan. Ang gumagawa ang siya pa ring nagbibigay ng "halaga" sa mga kalakal. Pero sa pangkalahatan, hindi na siya ang may-ari ng mga kalakal.
Iba ang aktwal na "producer" sa aktwal na "owner". Ang uri sa lipunan na siyang totoong prodyuser ay naging konsyumer ng produktong siya ang may gawa pero hindi siya ang may-ari.
Katunayan, napakaraming kalakal sa daigdig na ni hindi pakinabangan ng mga taong may gawa nito dahil hindi nila abot ang "halaga" ng bagay na sila ang may gawa.
Sa modernong lipunang halos lahat ng bagay ay binibili at binebenta. Pati ang lakas-paggawa na siyang tagapaglikha ng kalakal at halaga ang mismong ginawang kalakal at sinabitan ng presyo!
Ito ang kakaiba't kakatwa sa lipunang ating ginagalawan, sa lipunang kapitalista.
Kung ang unibersal na katumbas ng halaga ng mga kalakal ay ang salapi pero ang mga halagang ito ay walang iba kundi ang paggawang ginamit sa kanilang produksyon, ibig sabihin, ang salapi ay ekspresyon lang ng paggawa na nakapaloob sa mga kalakal. Pero bakit ang hari sa ganitong lipunan ay hindi ang paggawa kundi ang salapi? Bakit ang paggawa ang alipin ng salapi?
Iisa ang paliwanag nito:
Ang salapi ay ginawang kapital at ang lakas-paggawa ay ginawang kalakal, at ang kanilang naging supling ay ang kapitalistang tubo, ang milagrosong pagtubo at paglago ng salapi sa ilalim ng sistema ng sahurang-paggawa, sa pamamagitan ng sistema ng sahurang-pang-aalipin.
Panahong Walang Sahurang-Paggawa Sa Lipunan
Lahat ng bagay ay may kasaysayan, mismo ang ligaw na kabute na tumutubo sa dayami matapos ang magdamag na ulan at kidlat*. Laluna ang uring manggagawa ng modernong panahon. Ang sahurang-paggawa ay hindi basta umusbong na lang sa lipunan nang walang istorikal na mga kondisyong nagtakda ng ganitong sistema ng produksyon o relasyong panlipunan ng tao.
Sa mahabang panahon, daan-daang libong taon, walang matatagpuan sa lipunan na seksyon ng populasyon o uri ng mga tao na ang tanging ikinabubuhay ay ang pagbebenta ng lakas-paggawa na kaparis ng kasalukuyang pamumuhay ng mga manggagawa sa modernong lipunan.
Mula nang lumitaw ang tao sa balat ng lupa, ang lipunan ay nabuhay at umunlad sa pamamagitan ng paggawa. Pero ang ibenta niya ang "paggawang" ito ay naganap lang sa ispisipikong panahon ng pag-unlad ng isang partikular sa sistema ng produksyon -- ang tinatawag nating "kapitalismo".
Bago lumitaw ang sahurang-paggawa, ang paggawa ng tao ay nagdaan sa mga anyo ng komunal na paggawa, aliping paggawa at pyudal na paggawa. Ang kapitalistang sahurang-paggawa ay humigit-kumulang ay nasa 500 taon pa lang mula nang unang lumitaw ito sa Europa. Habang ang tao sa mundo, bago nito, ay ilang milyon taong nabuhay sa ibang mga anyo ng paggawa.
Sa kasaysayan ng bawat bansa, kabilang ang Pilipinas, may mahabang panahong halos walang uri ng mga taong maituturing na mga manggagawang ang tanging ikinabubuhay ay ang pagbebenta ng lakas-paggawa.
Mayroong swelduhang mga empleyado ng estado, sundalo, alila, katiwala pero walang sahurang mga manggagawa na gaya ng kasalukuyang panahon. Mayroong mga mananahi, tagahabi, sapatero, panday, karpintero, atbp. Pero sa simula ay hindi sila mga sahuran. Mayroon silang sariling mga kagamitan sa produksyon (instrumento at materyales). Hindi sila nabubuhay sa tanging paraan ng pagbebenta ng lakas-paggawa. Mismo ang mga "apprentice" ng mga artisano ay nagtatrabaho hindi lang para sa bayad sa kanilang paggawa kundi mas para magsanay, upang sa bandang huli, ay magsarili sa pagiging bihasang artisano.*
Hindi ba pwedeng sabihing natural lang na wala pang mga manggagawa noong panahon ng mga barbaro, noong panahon ng mga klasikong asendero o mga hari sa kastilyo dahil wala pang mga pabrika at mga makina noong panahong iyon?
Ibig sabihin, ang paglitaw ng mga pabrika o modernong industriya ang kondisyon sa paglitaw ng mga manggagawang nabubuhay sa pamamagitan ng sahurang-paggawa. Sa ganitong paliwanag, lalabas na natural na epekto ng pagkakaroon modernong mga pabrika at industriya ang pagkakaron ng sahurang-manggagawa.
Sa isang banda, ito'y totoo. Hindi pwedeng magkaroon ng mga taong nabubuhay sa pagbebenta ng lakas-paggawa kung wala ang mga pagawaan o anumang katumbas nito na gagamit ng kanilang lakas-paggawa. Ngunit sa kabila banda, hindi ito kumpleto at eksaktong presentasyon, hindi lang ng kasaysayan kundi ng mismong kalikasan ng relasyon ng kapital at paggawa, at paglitaw ng lakas-paggawa bilang kalakal.
Ang kapitalismo ay hindi agad nagsimula sa anyo ng mekanisadong mga pagawaan o modernong mga industriya. Umultaw ito sa anyo ng "simpleng kooperasyon", umabante sa "manual na manupaktura" at umigpaw sa "mekanisadong industriya".*
Nakumpleto ang dominasyon ng kapitalistang sistema ng produksyon pagpasok nito sa yugto ng mekanisadong malakihang industriya. Pero bago pa nito, sa yugto pa lang ng "simpleng kooperasyon" ay naganap na ang transpormasyon ng salapi sa anyo ng kapital at kasabay nito ang transpormasyon ng lakas-paggawa sa anyo ng kalakal.
Ibig sabihin, hindi ang pagkakatayo ng mga pagawaan o pagkakaimbento ng mga makina ang batayan ng paglitaw ng sistema ng sahurang-paggawa at pagbebenta ng lakas-paggawa bilang isang kalakal. Ang mas esensyal na katotohanan ay hindi ang makina ang nagpalitaw sa sahurang-paggawa kundi ang paglitaw ng lakas-paggawa bilang kalakal ang kondisyong nagpalitaw sa mekanisadong kapitalistang produksyon.
Pero ang alamat sa likod ng modernong puhunan at paggawa ay hindi kaparis ng bugtong ng "manok at itlog". Hindi ito simpleng usapin ng "alin ang nauna" kundi ito ay sabay na lumitaw sa entablado ng kasaysayan.
Ang isa ay kondisyon at kakambal sa pag-iral ng kabila, parehas na kondisyon sa transpormasyon ng bawat isa. Ito'y dalawang mukha ng iisang bagol -- ng kapitalistang sistema ng produksyon.
Para umiral ang kapital, dalawang kondisyon ang kailangan. Nariyan ang salapi sa kamay ng sinumang aspiranteng maging kapitalista. Ang kwartang ito ang itatransporma bilang kapital. Pero hindi matatranspormang kapital ang kwartang ito kung walang mabibiling kalakal na lakas-paggawa. Ito ang magtatransporma sa kwarta para maging kapital. Ito ang magpapatubo sa kwarta para maging aktwal na kapital.
Kaya't kung hahanapan natin ng koneksyong "itlog at manok" ang relasyon ng "kapital" at "paggawa", sa ganitong pakahulugan, ang "paggawa" ang inahing manok na nagpaitlog sa kapital sa anyo ng tubo.
Bago pa lumitaw ang kapital at bago pa lumitaw ang lakas-paggawa bilang kalakal, umiiral na ang salapi sa lipunan. Sa matagal na panahon, ang "salaping" ito, kahit gaano kakonsentrado sa kamay ng ilang indibidwal ay hindi nagiging kapital. Pero nang lumitaw ang mga taong ang tanging ikabubuhay ay ang pagbebenta ng lakas-paggawa, at nagtagpo ang salapi at ang lakas-paggawa bilang parehas na kalakal, lumitaw at isinilang ang kapital. Natransporma ang kwarta sa kapital.
Pero bago pa naimbento ng tao ang "salapi", mas nauna at mas matagal nang umiiral ang "paggawa". Ang paggawa ay kasing-tanda ng tao. Hindi mabubuhay ang tao sa mundo kung hindi sa kanyang paggawa. Bakit, kung gayon, sa loob ng ilang milyong taong kasaysayan ay hindi natransporma ang paggawa ng tao sa sahurang-paggawa? Bakit hindi natransporma ang lakas-paggawa bilang kalakal kasabay ng transpormasyon ng mga produkto ng paggawa sa pagiging mga kalakal sa lipunan?
Samakatwid, hindi rin ang simpleng pag-iral ng paggawa ng tao ang kondisyon sa paglitaw ng kapital. Ang kailangan ay matransporma ang paggawa sa kalakal at ang salapi sa kapital.
Bago pa lumitaw ang sistema ng kapitalistang produksyon ay matagal nang gumagawa ang mga tao ng mga kalakal. Bago pa ang kapitalismo, umiiral na ang salapi bilang unibersal na katumbas ng mga kalakal. Sa madaling salita, kahit hindi pa kapitalista ang sistema ng produksyon, nagpapalitan na ang iba't ibang prodyuser ng iba't ibang produkto ng paggawa at gumagamit ng salapi para sa sirkulasyong ito ng mga kalakal sa buong lipunan.
Samakatwid, ang produksyon ng kalakal at paggamit ng salapi ay hindi ispesyal o natatangi sa pang-ekonomyang sistema ng kapitalismo. Pero ang kapitalismong ito ang ganap na nagpaunlad, una, sa produksyon ng kalakal para maging dominanteng porma ng produksyon sa lipunan. Ikalawa, ito ang ganap na nagpaunlad sa salapi bilang kapangyarihang nangingibabaw sa buong sistema ng panlipunang produksyon.*
Ang transpormasyon ng produkto sa kalakal ay indikasyon ng isang antas ng pag-unlad ng dibisyon ng paggawa sa lipunan (social division of labor). Para maging kalakal, ang isang produkto ay dapat ginawa, hindi para sa personal na konsumo ng mismong prodyuser kundi para ipagpalit o ipagbili. Ibig sabihin, may dibisyon ng paggawa sa lipunan -- may tagahabi, mananahi, sapatero, mangingisda, magsasaka, atbp.
Ang paglitaw ng salapi ay sukatan naman ng inabot ng lipunan na antas ng pag-unlad ng palitan ng mga kalakal. Ang iba't ibang porma ng pag-iral ng salapi (hal., bilang simpleng katumbas ng mga kalakal, instrumento ng sirkulasyon, paraan ng pagbayad, inimpok na halaga, pandaigdigang pera) ay palatandaan ng magkakaibang antas ng pag-unlad ng panlipunang produksyon.
Kahit hindi pa gaanong maunlad ang produksyon at sirkulasyon ng mga kalakal, lumitaw na ang mga pormang ito ng salapi. Pero hindi lumilitaw ang salapi sa anyo ng modernong kapital.
Ibang-iba ang kondisyon sa paglitaw ng kapital bilang isang porma ng pag-iral ng salapi. Di gaya ng ibang porma ng pag-iral ng salapi, ang istorikal na kondisyon para sa paglitaw ng kapital ay hindi lang dahil mayroong nang narating ang lipunan na isang antas ng pag-unlad sa produksyon at sirkulasyon ng mga kalakal.
Lumitaw lang ang kapital nang ang may-ari ng salapi o may-ari ng mga gamit sa produksyon ay makatatagpo ng "malayang manggagawa" sa "malayang pamilihan", itinitinda ang kanyang lakas-paggawa bilang kalakal.
Ang kondisyong ito -- ang natatanging kondisyong ito -- ang nag-aanunsyo sa paglitaw ng isang bagong istorikal na yugto sa proseso ng panlipunang produksyon,. Ito ay ang pagsilang ng kapitalistang sistema, ang paglitaw ng kapital, ang transpormasyon ng salapi sa anyo ng kapital.
Bago pa lumitaw ang salapi bilang kapital at ang paggawa bilang kalakal, umunlad na ang paraan ng produksyon sa loob ng sistemang pyudal sa anyo ng mga industriyang handicraft at paggawang artisano laluna sa kalunsuran. Bago ang sistema ng malakihang kapitalistang produksyon, ang mga ito ang nagsusuplay sa pamilihan ng mga damit, tela, sapatos, at iba pang mga kalakal.
Pero hindi maituturing na kapitalista ang kanilang sistema ng produksyon. Hindi ito nakabatay sa sahurang-paggawa kundi sa paggawa ng mismong may-ari ng mga instrumento katulong ang kanyang pamilya o mga apprentice na nagtatrabaho para magsanay sa ispesyalisadong paggawa ng artisano o craftsman.
Ang kanilang orihinal na mga instrumento ang pinagsimulan at pinaunlad ng unang mga kapitalistang istablisyemento. Bandang huli, ang nagsasariling paggawang ito ng maliliit na prodyuser ang nilamon, winasak at hinalinhan ng modernong kapitalistang produksyon.
Sa panahon rin ng pag-unlad ng mga industriyang handicraft at paggawang artisano, umiiral na rin ang konsentrasyon ng kayamanan sa anyo ng salapi at ari-arian sa kamay ng merchants o traders at mga myembro ng mga naghaharing uri sa lipunang pyudal.
Sa madaling salita, ang obhetibong mga sangkap para magsimula ang panimulang mga porma ng kapitalistang produksyon -- ang mga instrumento sa produksyon at konsentrasyon ng salapi na pwedeng isalin sa kapital -- ay umiiral na sa sinapupunan ng pyudal na lipunan.
Isang kalakal na lang ang kulang at aandar na ang gulong ng kapitalismo. Isang klase ng kalakal na may kakayahang gumawa ng produkto. Hindi lang produkto kundi halaga. Hindi lang basta halaga kundi lampas sa kanyang sariling halaga. Walang ibang kalakal sa daigdig na tumutugon sa ganitong ispesipikasyon, sa ganitong karakter (use-value) kundi ang lakas-paggawa.
Pero upang matagpuan ng may-ari ng salapi ang lakas-paggawa sa "malayang pamilihan" bilang kalakal, may istorikal na mga kondisyong kailangang matupad. Ang lakas-paggawa ay magiging kalakal lang kung ang may-ari nito, ang indibidwal na may lakas-paggawa, ay iniaalok at ipinagbibili ito bilang kalakal.
Upang ang may taglay ng lakas-paggawa ay pwede itong ipagbili bilang kalakal, kailangang ito'y kanya. Hindi ito pag-aari ng iba. Ibig sabihin, nasa kanya ang desisyon kung ibebenta ito. Siya ang "panginoon" ng kanyang sarili bilang isang "malayang" indibidwal.
Sa pagbebenta ng lakas-paggawa, dapat ay ipinagbibili lang ito sa limitadong panahon. Kapag ito'y ipinagbili nang minsanan o pakyawan ng walang takdang panahon -- ang ibinebenta niya ay ang kanya mismong sarili. Ang kalalabasan sa ganitong bentahan, hindi na siya "malayang" indibidwal kundi nakasanglang alipin. Mula sa pagiging may-ari ng kalakal, siya mismo ang magiging kalakal. Kung tingi-tingi o arawan ang kanyang pagbebenta, kinabukasan, siya uli ang may-ari nito.
Bakit natin idinidiin ang pagiging "malayang" indibidwal ng may-ari ng lakas-paggawa?
Sa karanasan ng mga manggagawa sa kasalukuyang panahon, hindi usapin ang pagiging "malayang" ito ng paggawa. Kung gusto ng isang tao na magtrabaho bilang sahurang-manggagawa, walang pumipigil sa kanya. Nasa pagpapasya ng bawat indibidwal kung gusto niyang maging manggagawa.
Pero hindi ganito ang sitwasyon ng lipunan noong panahong sumisibol pa lang ang kapitalismo sa sinapupunan ng pyudal na kaayusan. Ang bulto ng paggawa noon ay nasa kanayunan. Nakatali sa lupain ng mga panginoong maylupa. Sa klasikong pyudalismo, laluna sa Europa kung saan unang sumibol ang kapitalismo, bawal umalis sa lupang binubungkal ang magsasaka. Kapag siya'y umalis, siya'y magiging puganteng lagalag sa kalunsuran. Nagtatago sa mga awtoridad ng pyudal na kaayusan.
Ang pyudal na sistemang ito ay sagka sa "malayang" pag-unlad ng kapitalismo dahil ayaw nitong "palayain" ang pwersa ng paggawa ng lipunan para maging kalakal ng kapitalistang produksyon. Sa Europa, nangunahan ng mismong "masalapi" ang paghihimagsik ng mga magsasaka laban sa pyudalismo. Pero ang kanilang ulteryor na motibo sa likod ng matatayog na mga islogang "Freedom", "Equality", "Justice", "Brotherhood" at "Democracy" ay ang "kalayaan ng paggawa" -- ang kalayaan nilang bilhin ito at ang kalayaan ng masa na ipagbili ito bilang kalakal.
Isang pundamental na rason rin kung bakit idinidiin natin ang pagiging "malaya" ng nagbebenta ng lakas-paggawa ay para idiin ang kaibhan nito sa "pwersahang paggawa". Ngunit hindi para palabasing mas hindi mapang-alipin ang kapitalismo kumpara sa naunang mga sistema. Kabaliktaran ang katotohanan.
Kahit "malaya" ang manggagawa na pumasok sa transaksyong sa kapitalista at "malaya" rin na lumabas -- ang realidad ay sukdulan ang inaabot niyang kaapihan. Ito'y kahit walang elemento ng lantarang pamimilit o pamumwersa di gaya ng naunang mga sistemang kailangang gumamit ng ganitong mga pamamaraan para makapagsamantala.
Ibig sabihin, nasa loob mismo ng kaibuturan at kalikasan ng sistemang ito ng produksyon ang pagiging mapagsamantala. Hindi dahil may latigo at hagupit, may dahas at armas na nakaamba tulad ng naunang mga sistema ng lantarang pang-aalipin.
Ang pagiging barbaro ng kapitalismo ay natatakpan ng kanyang pormang sibilisado. Burdado ng mga "dekorasyon ng demokrasya". Inasukalan ng "indibidwal na kalayaan". Kunwa'y hindi mapang-alipin dahil ang paggawa'y "sahuran" hindi "pwersahan". Pero ang "sahurang-paggawa" ay sahurang-pang-aalipin. Pang-aalipin sa pamamagitan ng sistemang-sahuran.
Nasa pagiging kalakal ng lakas-paggawa ang pagiging alipin ng uring manggagawa.
Ang esensyal na usapin ay bagamat nasa kanya ang "kalayaang" huwag ipagbili ang kanyang lakas-paggawa -- nasa kanya ang pagpapasyang huwag magtrabaho para sa kapitalista -- ang kahulugan ng "kalayaang" ito na tumangging gawing kalakal ang kanyang sarili ay kalayaang magpakamatay sa gutom. Kalayaang mula sa pagiging miserableng anakpawis ay gawin niya ang kanyang sariling pulubing hampaslupa.
Hawak man ng manggagawa ang kanyang mga "karapatan" bilang malayang indibidwal, hawak naman ng kapitalista ang mga kasangkapan ng kanyang ikabubuhay. Ito, kung tutuusin, ang tunay na kahulugan ng "malayang" manggagawa -- ang baklasin siya sa mga instrumento sa produksyon. "Palayain" sa kamay ng mga direktang prodyuser ang mga instrumento ng kanyang ikabubuhay.
Ito ang ikalawang kondisyon para matagpuan ng may-ari ng salapi ang lakas-paggawang kanyang mabibili bilang kalakal. Ang may-ari ng lakas-paggawa, imbes na makapagbenta ng mga produkto na kanyang ginamitan ng sariling paggawa, ay kailangang maoobligang ibenta bilang kalakal ang mismong lakas-paggawa na matatagpuan lang sa kanyang buhay na katawan dahil wala siyang pag-aaring kagamitan sa produksyon.
Para ang isang tao ay makapagtinda ng mga kalakal bukod sa kanyang lakas-paggawa, kailangang mayroon siyang kagamitan sa paggawa gaya ng hilaw na materyales, instrumento sa paggawa, atbp. Kung wala siyang ganitong mga kagamitan sa paggawa, maoobligang ang kanyang ipagbili sa iba ay ang kanya mismong kakayahang gumawa.
Kung siya mismo ang gagawa ng sariling produkto, madaling makakarkula ng may-ari ng lakas-paggawa kung magkano ang magiging halaga nito. Pero kung ang "kalakal" ng kanyang mismong katawan -- ang kanyang lakas-paggawa -- ang kanyang ibebenta, paano itatakda ang magiging halaga nito?
Paano nilalagyan ng presyo o halaga ng lipunan ang mismong kalakal na gumagawa ng "halaga" ng mga kalakal?
Kung ang lakas-paggawa ay isang kalakal, ibig sabihin, mayroon itong "halaga" kaparis ng ibang kalakal. At gaano man kaispesyal ang kalakal na ito, ang "halaga" nito ay sinusukat kaparis ng ordinaryong mga kalakal dahil ang sistema ng kapitalismo ay palitan ng mga kalakal na magkakatumbas ang halaga.
Ibig sabihin, kailangang iisa ang panukat ng halaga ng lahat ng kalakal para hindi magkagulo sa palitan. Paano, kung gayon, sinusukat ang "halaga" ng mga kalakal?
Kung ang "halaga" ay ang paggawa, ibig sabihin, ang "halaga" ng mga kalakal ay ang nilalaman nitong paggawa. Ang "halaga" ng isang kalakal ay ang paggawang nakonsumo sa produksyon nito. Paano sinusukat ang "paggawa"? Kung ang "halaga" ng isang kalakal ay ang nilalaman nitong "paggawa", ibig sabihin, kailangang sukatin ang kantidad ng paggawang ginamit sa produksyon nito para madetermina ang halaga nito. Ang paraan ng pagsukat ng kantidad ng paggawa ay ang panahon ng paggamit nito na sinusukat naman sa anyo ng oras, araw, atbp.*
Pero kung ang halaga ng isang kalakal ay masusukat sa kantidad ng paggawang nakonsumo, ibig bang sabihin, mas mataas ang halaga ng isang kalakal na ginawa nang hindi bihasa at makupad na manggagawa dahil mas mahabang oras ang mauubos para matapos ito? Kung kukuparan ang paggawa para mapamahal ang halaga ng produkto, hindi naman ito mabibili kung may parehas at karibal na produktong mas mura ang halaga dahil ginawa ng mas maliksing mga manggagawa.
Sa madaling salita, sapagkat ang paggawa ay sukatan ng halaga ng bawat kalakal sa lipunan, ang magiging sukatan ay ang karaniwang bilis ng produksyon nito sa narating na antas ng produktibidad ng lipunan, at hindi ang oras na kinukonsumo ng bawat indibidwal na prodyuser.*
Samakatwid, ang magtatakda ng halaga ng alinmang kalakal ay ang kantidad lang ng paggawa o oras na paggawa na kailangan para gawin ito alinsunod sa inabot na antas ng produksyon ng lipunan (socially necessary labor time) ng ganitong kalakal. Ang mga kalakal na parehas ang nakonsumong oras ng paggawa batay sa istandard ng lipunan, kung gayon, ay magkatumbas ang halaga.
Gamitin natin ngayon ang ganitong pagsukat ng halaga ng mga kalakal sa pag-aaral sa halaga ng lakas-paggawa bilang isang kalakal. Lalabas na ang halaga ng lakas-paggawa ay itinatakda, gaya ng ibang kalakal, ng oras-paggawang kailangan para sa produksyon at reproduksyon nito bilang isang kalakal.
Bakit tayo nagsasalita ng reproduksyon at hindi lang produksyon? Ang lakas-paggawa ay uubra lang kung ito'y nasa katawan ng buhay na indibidwal. Dahil kailangang buhay ang indibidwal para magkaroon ito ng lakas-paggawa, ang produksyon ng kalakal na ito ay nangangahulugan ng reproduksyon ng indibidwal o ang pangangalaga sa kanyang katawan at kalusugan. Kailangan niya, kung gayon, ng takdang kantidad ng mga bagay para mabuhay at patuloy na magkaroon ng lakas-paggawa.
Ang oras-paggawang kailangan para sa produksyon ng lakas-paggawa ay kaparehas o katumbas ng oras-paggawang kailangan para sa produksyon ng mga kalakal na kailangan niya para mabuhay. Sa madaling salita, ang halaga ng lakas-paggawa ay ang halaga ng mga kailangan para mabuhay ang may-ari ng kalakal na ito. Tuwing humihiling ang mga manggagawa ng umento, di ba't ang laging kinukwenta ay ang presyo ng mga kalakal na kanyang karaniwang kinukunsumo?
Kapag ang may-ari ng lakas-paggawa ay nagtrabaho ngayon, kinabukasan ay kailangang kakayanin pa rin niyang ulitin ang trabahong ito nang parehas ang kanyang lakas at kalusugan. Ang kanyang ikinabubuhay (means of subsistence), kung gayon, ay dapat sapat para pangalagaan ang kanyang normal na lakas bilang isang manggagawa.
Ang pangangailangan sa buhay ng mga manggagawa sa iba't ibang bansa ay magkakaiba. Ang mga pangangailangang gaya ng pagkain, damit, bahay, atbp. ay magkakaiba batay sa klima at iba pang pisikal na pekulyaridad ng bansa.
Gayundin, ang klase at kantidad ng mga pangangailangan ng manggagawa at ang paraan para ito matugunan ay depende rin sa antas ng kultura at sibilisasyong inabot ng bawat bansa, at kung ano ang kasaysayan ng uring manggagawa sa bansang ito.
Kaiba sa ibang kalakal, ang pagtatakda ng halaga ng lakas-paggawa ay nilalangkapan ng istorikal at etikal na mga elemento. Anu't anuman, sa bawat bansa sa bawat panahon, ang karaniwang kantidad ng pangangailangan sa buhay ng mga manggagawa ay laging tantyado ng buong lipunan.
Ang manggagawa ay isang mortal na indibidwal. Magigiba ang kapitalismo kapag nawala at naubos ang uring ito. Kailangan, kung gayon, na magpatuloy ang lahing ito ng mga nagbebenta ng lakas-paggawa. Gaya ng makinang palyado na ang andar dahil sa kalumaan o sobrang paggamit, ang lakas-paggawang nababawas sa "labor market" ay kailangang mapalitan ng sariwang henerasyon ng lakas-paggawa.
Obligadong kasali sa halagang kailangan para produksyon ng lakas-paggawa ang para sa mga hahalili sa manggagawa, ang kanyang mga anak. Ito'y para ang lahing ito ng mga nagbebenta ng lakas-paggawa ay magpatuloy.
Kung lalagumin, alinsunod sa batas ng halaga ng mga kalakal, ang halaga ng lakas-paggawa ay katumbas ng mga pangangailangan sa produksyon at reproduksyon ng buhay ng isang indibidwal na ang ikinabubuhay ay ang pagbebenta ng lakas-paggawa.
Kung ang lahat ng pangangailangan sa isang araw ng isang manggagawa (bigas, ulam, baon, kuryente, atbp.) sa kabuuan, ay naglalaman ng apat na oras-paggawa,* at ang halaga-sa-pera ng mga kalakal na ginamitan ng apat na oras-paggawa ay P200, ibig sabihin, apat na oras-paggawa ang kailangan para sa produksyon ng isang araw na lakas-paggawa.
Ang kantidad na ito ng paggawa ang bumubuo sa halaga ng isang araw na lakas-paggawa o halaga ng reproduksyon ng isang araw na lakas-paggawa.
Kapag inalok ng kapitalista ang manggagawa ng halagang P200 para sa isang araw na trabaho sa kanyang pagawaan sapagkat ang P200 na ito ang halaga ng isang araw na lakas-paggawa, sumusunod sa batas ng palitan ng magkakatumbas na halaga (exchange of equivalents) o magkakatumbas na kalakal ang kapitalista. Binabayaran niya sa "tunay na halaga" ang isang araw na lakas-paggawa.
Pero wala ba ditong salamangka? Kung matalas-talas ang manggagawa sa kwentahan, parang may hindi tama sa ganitong sistema. Kung ang ibabayad sa manggagawa ay P200 na kumakatawan lang sa apat na oras-paggawa, bakit gagamitin ang kanyang lakas-paggawa ng isang araw na ang kahulugan sa batas ay walong oras?
Ganito ang pwedeng maging katwiran ng ating manggagawa:
"Kung P200 lang ang ibabayad sa akin at ang P200 na ito ay kumakatawan lang sa halaga ng apat na oras-paggawa, dapat ay apat na oras din lang akong magtatrabaho para sa kapitalista. Kung ang apat na oras na paggawa ay may halagang P200, ibig sabihin, ang halaga ng walong oras na paggawa ay P400. Kung ang batas ng kapitalismo sa palitan ng kalakal ay palitan ng magkakatumbas na halaga, dapat ay P400 ang ibayad ng kapitalista sa walong oras na paggawa, at kung ayaw niya, dapat ay apat na oras lang akong magtrabaho sa P200 na kabayaran."
Syempre, hindi papayag ang kapitalista na tumigil ang manggagawa sa pagtatrabaho matapos ang apat na oras. Ganito naman ang kanyang katwiran:
"Kung gustong tumigil ng manggagawa matapos ang apat na oras ng pagtatrabaho, ang dapat niyang tanggapin na bayad ay P100 lang sapagkat ito lang ang halaga ng kalahating araw na lakas-paggawa. Ang binili kong lakas-paggawa ay para sa isang araw (walong-oras) at ang halaga ng isang araw na lakas-paggawa ay nasa P200 lang batay sa kailangang halaga ng mga kalakal para sa produksyon at reproduksyon ng lakas-paggawang ito. Wala akong magagawa kung ito lang ang halaga ng kanyang isang araw o walong oras na lakas-paggawa. Huwag siyang magrereklamo na hindi ko binabayaran ang tunay na halaga ng kanyang lakas-paggawa."
Hindi magkakaintindihan ang kapitalista at manggagawa dahil magkaiba ang kanilang tinutukoy. Ang tinutukoy ng kapitalista ay ang halaga ng walong oras na lakas-paggawa samantalang ang tinutukoy ng manggagawa ay ang "halaga" ng walong oras na paggawa. Ang "lakas-paggawa" at ang "paggawa" ay dalawang magkaibang bagay at narito ang sikreto ng kapitalismo, ang misteryo ng pagtubo ng kapital, ang mahikang nakakamalik-mata sa manggagawa.
Ang binayaran ng kapitalista ay ang "lakas-paggawa". Ibig sabihin, ang kakayahan, ang "potensyal" na magtrabaho. Ang lakas-paggawa ay ang kabuuan ng mental at pisikal na mga kapasidad sa loob ng katawan, sa buhay na persona ng isang tao, mga kapasidad na kanyang pinagagalaw kapag siya'y gumagawa ng anumang bagay na may kabuluhan.
Ang lakas-paggawang ito na binayaran ng kapitalista ay kaiba sa mismong "paggawa." Ang paggamit sa lakas-paggawa ay ang aktwal na paggawa. Ang paggawa ay kinukonsumo ng nakabili ng lakas-paggawa kapag pinagtatrabaho niya ang nagbenta ng lakas-paggawa. Sa pagtatrabaho, ang nagbenta ng lakas-paggawa ay hindi na lang potensyal kundi aktwal na manggagawa. Isang umaandar at kinukonsumong lakas-paggawa.
Ang halagang binayaran ng kapitalista ay ang halaga-sa-palitan (exchange-value) ng "lakas-paggawa" samantalang ang "paggawa" ay ang halaga-sa-gamit (use-value) ng lakas-paggawa. Narito ang katuturan ng ating diskusyon hinggil sa dalawang-mukha ng kalakal -- ang kanyang kabuluhan na sabi natin ay siyang pisikal na itsura ng kalakal at ang kanyang halaga na kinakatawan ng presyo na sabi natin ay maskara at metapisikal ang katangian.
Ang mismong kalakal ay ang lakas-paggawa hindi ang paggawa. Ang "paggawa" ay ang kabuluhan, ang kinakatas at kinukonsumong sustansya ng lakas-paggawa bilang isang kalakal. Ibig sabihin, hindi ang paggawa bilang paggamit ng lakas-paggawa ang "halagang" tinumbasan ng sahod, bagkus, ang tinumbasan nito ay ang "halaga" ng lakas-paggawa.
Ang aktwal na paggawa ay lumilikha ng halaga. Lumilikha ng halagang lampas sa naging halaga ng kanyang pinanggalingan -- ang lakas-paggawa. Bagamat ang "paggawa" ay lumilikha ng halaga sa kapitalistang sistema ng lipunan, ito mismo ay walang halaga. Sapagkat ang paggawa ay ang kabuluhan ng kalakal na lakas-paggawa at ang kabuluhan ng anumang kalakal ay walang halaga-sa-palitan o presyo.
Halimbawa, ang kotse bilang isang kalakal ang may halaga hindi ang kabuluhan ng kotseng ito. Ang pinagbatayan ng halaga o presyo ng kotse ay ang gastos sa produksyon nito, o mas eksakto, ang kantidad ng paggawang nakonsumo para sa produksyon nito. Hindi ang magiging silbi nito para sa bibili. Kung ito ma'y binibili para panghatid-sundo sa upisina, gamitin sa karera, gawing taxi o simpleng pangdispley, ay walang kinalaman sa "halaga" ng kotse.
Isa pang halimbawa ay ang ampalaya at asparagus. Hamak na mas mataas ang halaga o presyo ng asparagus kaysa ampalaya pero hamak na mas masustansya ang ampalaya sa asparagus. Ang paliwanag ay dahil mas madali at mas murang magtanim at mag-alaga ng ampalaya kaysa asparagus.
Ibig sabihin, hindi ang "kabuluhan" ang batayan ng halaga o presyo kundi ang paggawa, o sa palasak na pagsasalita, ang gastos sa produksyon ng mga kalakal. Ganito rin ang lakas-paggawa. Ang pinagbatayan ng halaga o presyo nito ay ang "gastos" sa produksyon at reproduksyon ng lakas-paggawa, hindi kung gaano ang magiging kabuluhan nito para sa nakabiling kapitalista.
Gaano man kalaki ang maging kabuluhan nito para sa uring kapitalista, tumubo man at tumiba ng limpak-limpak na halaga ang uring kapitalista sa paggamit ng lakas-paggawa, ay walang "karapatang" umapila ang uring manggagawa sapagkat ito ang natural na batas ng palitan ng mga kalakal at batas ng pribadong pag-aari sa ilalim ng kapitalistang sistema ng produksyon.
Kung ang "kabuluhan" o "halaga" ng nalilikha ng lakas-paggawa sa proseso ng produksyon ang babayaran ng kapitalista, -- ibig sabihin, ang mismong paggawa at hindi lang ang lakas-paggawa -- hindi lang sa walang kasing-taas ang magiging halaga ng sahod ng manggagawa kundi kahit isang kusing ay walang tutubuin ang kapitalista sapagkat, hanggang sa pinakahuling sentimo, ay mula sa paggawang ito pinipiga ang kapitalistang tubo sa larangan ng produksyon.
Isang "hiwaga" kung paanong nangyaring naghahari nang hindi natin pinapansin ang mga "kabaliwang" ito na hindi lang simpleng mga ilusyon -- pinag-iba't pinaghiwalay ang "paggawa" sa "lakas-paggawa", pinag-iba ang sustansya sa katawang pinanggagalingan ng sustansya, ginawang totoo ang hindi naman umiiral, at ang totoong mahalaga ay inalisan ng "halaga" habang ang walang "halaga" ay ang lumilikha ng "halaga".
Isang eksplinasyon ay dahil kinagisnan at kinasanayan na natin ang ganitong mga "kabaliwan" nang hindi kinukwestyon, at tinanggap na siyang normal na "kalakaran" sa lipunan. Pero kung pagkukunutan lang natin ng noo ang ordinaryong mga nangyayari sa ating paligid, lalabas na ang napakarasyunal na sistema ng kapitalismo na ipinagmamalaki ang kanyang sibilisasyon, ay punong-puno pala ng kahibangan at kontradiksyon.
Matapos tagusin ang mga ilusyon at kabaliwan ng kapitalistang sistema, pasukin natin ngayon ang pinakasustansya ng kapitalismo, ang kanyang "kaluluwa", ang kapitalistang tubo na binihisan ng sapin-sapin ng balatkayo para itago ang tunay kalikasan sa mata ng uring manggagawa.
Ang tipikal na larawan ng kapitalista ay isang taong hayok sa tubo. Switik at swapang. Ang akala tuloy ng marami, ang tubo ay resulta ng simpleng kasakimang ito.
Walang duda na lumalaki't nadadagan ang tubo dahil sa kasakiman -- sa pandaraya, pang-aabuso at iba pang katusuhan na ang huwaran ay ang uring kapitalista.
Pero kung magiging taimtim na "Kristyano" ang mga kapitalista -- aalisin ang kasakiman sa katawan -- ibig bang sabihin ay mawawala ang tubo?
Sino pa ang magnenegosyo kung hindi naman pala tutubo? Lalabas na masama pala sa negosyo ang maging mabait.
Bagama't totoong mahirap haluan ng moralidad ang negosyo dahil sa usapin ng kompetisyon, ang kwestyon ay kailangan bang maging sakim ang isang kapitalista para tumubo?
Kung hindi siya tutubo kung hindi siya magiging sakim, ibig sabihin, ang tubo ay hindi nanggagaling sa mismong sistema ng produksyon kundi sa kasakiman lang ng tao. Alisin natin ang kasakiman, at uubra ang kapitalismo.
Pero kung kahit hindi siya maging sakim ay tutubo pa rin, ibig sabihin, ang tubo ay nanggagaling sa mismong sistema. Ang tubong ito ang gusto nating saliksikan sa ating pag-aaral -- na ito'y natural na bumubukal sa pusod ng kapitalismo at hindi lang sa masamang budhi ng kapitalista.
Hindi ibig sabihin nito na ang mga kapitalista pala ay pwedeng magkaroon ng konsensya, at tutubo pa rin. Kaya't pwede na ring pagtiisan ang sistemang ito. Ang problema ng kapitalista ay iba ang batas ng tubo ng kapitalismo at iba rin ang batas nito ng kompetisyon. Ang batas ng kompetisyon ang mag-uudyok sa kanya na maging sakim, labag man sa kanyang "Kristyanong" konsyensya.
Kung ayaw niyang matalo ng kanyang karibal, obligadong palaguin niya ang kanyang kapital. At lalago ito sa walang tigil na akumulasyon ng tubo, sa kahayukan at katusuhan sa tubo.
Ginagastusan ng isang kapitalista ang paggawa ng isang kalakal para bumalik sa kanya ang kwarta ng mas malaki kaysa kanyang pinagsimulang orihinal na pera.
Ang kanyang layunin ay hindi lang gumawa ng isang produkto na may kabuluhan kundi pwedeng ipagbili. Ibig sabihin, isang produkto na may halaga-sa-palitan. Isang kalakal.
At hindi lang may halaga sapagkat kung ang babalik sa kanya ay parehas ng halaga ng kanyang kapital, lalabas na hindi tumubo ang kanyang kwarta. Hindi naging kapital.
Samakatwid, hindi lang kalakal na may gamit at halaga ang kailangang malikha sa proseso ng paggawa kundi sobrang-halaga (surplus-value). Halagang sobra sa halaga ng nakonsumong kapital, sobra sa halaga ng nakonsumong paggawa. Ito ang ibig sabihin ng tubo.
Pag-aralan natin ngayon kung paano ito mina-magic ng kapitalista nang walang halong "daya". Ibig sabihin, nang hindi nilalabag ang batas ng kapitalismo hinggil palitan ng magkakatumbas na halaga ng mga kalakal.
Sa totoong buhay, dinadaya ito ng bawat indibidwal na kapitalista para mapalaki ang tubo.* Ang punto ng ating diskusyon ay kahit hindi siya "mandaya" o kahit alisin natin ang kinita sa pandaraya, tiba-tiba pa rin siya sa tubo.
Ang ating pinakalayunin ay patunayan na ito'y bukal sa mapagsamantalang sistema ng kapitalismo at hindi lang galing sa sakim na budhi ng isang kapitalistang negosyante.
Natutunan natin sa naunang diskusyon na ang halaga ng bawat kalakal ay itinatakda ng kantidad ng paggawa na nakapaloob dito batay sa istandard ng paggawa sa lipunan (socially necessary labor) ng isang partikular na kalakal.
Ang ganitong batas ng halaga ay dapat aplikable sa produkto ng bawat kapitalista. Ipagpalagay natin na ang produktong ito ay sinulid.
Ang unang hakbang ay karkulahin natin ang kantidad ng paggawang nakapaloob sa produkto sinulid. Pagkatapos ay pag-aaralan kung paano tutubo ang kapitalista nang hindi niya ito pinepresyuhan nang lampas sa tunay na halaga ng kanyang produktong sinulid.
Mahalagang ipwera natin sa konsiderasyon ang manipulasyon sa presyo. Ito'y sapagkat ang karaniwang kaalaman ay tumutubo ang kapitalista dahil simpleng pinapatungan niya ng adisyunal na halaga ang tunay na halaga ng kanyang kalakal at ang idinagdag niyang halaga sa presyo ay ang kanyang tubo. Sa ganitong klaseng pananaw, lalabas na tumutubo ang kapital sa sirkulasyon ng kalakal (buy and sell) at hindi sa mismong produksyon ng kalakal, sa mismong proseso ng paggawa.*
Sa paggawa ng sinulid, kailangan ng kapitalista ng hilaw na materyales. Para mapasimple ang ating kwenta, ipagpalagay natin na ang lahat ng materyales na ito ay kinakatawan ng bulak. Ipagpalagay na ang bulak ay 4 na kilo. Ipagpalagay rin natin na nabili niya ang ang bulak na ito sa presyong P875 at ang presyong ito ay kumakatawan sa tunay na halaga ng 4 na kilong bulak.
Ipagpalagay rin natin na ang depresasyon* ng kanyang spindle ay P125. Para mapasimple ang kwenta, ang spindle na ito ang kakatawan sa lahat ng instrumento sa produksyon na kailangan para gawin ang sinulid.
Ang P875 para sa bulak at P125 para sa spindle ay P1,000. Ang gastos na ito para sa mga gamit sa produksyon (instrumento at materyales) ay tawagin nating "constant capital" o "cc". Mahahati sa dalawang bahagi ang kapital. Ang kabilang bahagi ay ang pondong inilalaan para sa pasahod. Tawagin naman natin itong "variable capital" o "vc".
Alinsunod sa batas ng halaga (law of value) ng mga kalakal, ipagpalagay natin ang halagang P1,000 para sa bulak at spindle ay kumakatawan sa 2 araw-paggawa o 16 na oras-paggawa. Ibig sabihin, ang perang P1,000 ay katumbas o makabibili ng anumang kalakal na naglalaman ng 16 na oras-paggawa.
Samakatwid, kapag umandar na ang produksyon -- ginamit na ang bulak at spindle -- papasok sa halaga ng sinulid ang paggawang katumbas ng 2 araw o 16 na oras-paggawa.
Ang oras-paggawa na nagamit para sa produksyon ng bulak -- ang hilaw na materyal ng sinulid, ay bahagi ng paggawang kailangan para sa produksyon ng sinulid, at kung gayon, nakapaloob ito sa magiging kabuuang halaga ng sinulid.
Ganoon rin ang paggawang nakapaloob sa spindle na kung hindi sa paggamit nito ay di magagawa ang spinning ng bulak at di magagawa ang sinulid. Sa madaling salita, ang mga halaga ng mga gamit sa produksyon (bulak at spindle) na kinakatawan ng presyong P1,000 ay integral na bahagi ng halaga ng sinulid.
Kwentado na natin kung anong parte ng halaga ng sinulid ang kumakatawan sa mga gamit sa produksyon (bulak at spindle). Ito ay P1,000 -- ang materyalisasyon ng dalawang araw na paggawa o 16 na oras-paggawa ng ibang manggagawa. Dito'y dapat agad mabuo ang kongklusyon na ang sinulid o anumang modernong kalakal sa kapitalismo ay sosyalisado ang produksyon (social product), isang kolektibong produkto ng uring manggagawa.*
Ang susunod na dapat nating pag-aralan ay anong bahagi ng halaga ng sinulid ang nadagdag sa bulak bunga ng sariwang paggawa ng spinner. Ang naunang paggawang "nakaimbak" sa bulak bilang hilaw na materyal at sa spindle bilang instrumento ng produksyon ay tawagin nating "lumang paggawa". Ang sariwa o buhay na paggawa ng spinner na gagamit sa bulak at spindle para sa produksyon ng sinulid ay tawagin nating "bagong paggawa".
Sa madaling salita, bukod sa libreng likas na materyales na galing sa Kalikasan, ang isang kalakal ay binubuo ng luma at bagong paggawa, at ito ang kumakatawan sa gastos ng kapital. Ang kapital, kung gayon, ay walang iba kundi inimbak at inipong paggawa na nasa pag-aari ng kapitalista para pagsamantalahan ang uring manggagawa para lumikha ng tubo o sobrang-halaga.
Bumalik tayo sa ating kwenta. Ipagpalagay natin na ang halaga ng isang araw na lakas-paggawa ng spinner ay P250 at apat na oras-paggawa ang nakapaloob sa halagang ito. Ang apat na oras-paggawang ito ang nilalaman ng lahat ng karaniwang kalakal na kailangan ng manggagawa sa bawat araw para buhayin ang kanyang sarili at pamilya.
Kung sa pagtatrabaho ng isang oras ay makakagawa ng isang kilong sinulid ang ating manggagawa (spinner) mula sa isang kilong bulak, ibig sabihin, sa loob ng apat na oras ay makakagawa siya ng apat na kilong sinulid mula sa apat na kilong bulak. Sa loob ng apat na oras, papaloob sa bulak ang katumbas ng apat na oras-paggawa. Kung ang halaga ng apat na oras-paggawa ay P250, ibig sabihin, papaloob sa apat na kilong bulak ang paggawa ng spinner na nagkakahalaga ng P250.
Kwentahin natin ngayon ang kabuuang halaga ng yaring-produkto -- ang apat na kilo ng sinulid.
Nakapaloob ngayon dito ay dalawa't kalahating araw ng paggawa o 20 oras-paggawa. Dalawang araw (16 na oras-paggawa) nito ang nakapaloob sa apat na kilong bulak at depresasyon ng spindle, at kalahating araw (4 na oras-paggawa) ang nagamit sa proseso ng spinning. Ang dalawa't kalahating araw ng paggawa o 20 oras-paggawa ay kinakatawan ng halagang P1,250. Samakatwid, ang tamang presyo ng 4 na kilong sinulid na katumbas ng tunay nitong halaga ay P1,250 at ang presyo ng 1 kilo ay P312.50.
Aasim ang mukha ng kapitalista. Ang halaga ng produkto ay katumbas lang ng halaga ng kanyang kapital. Hindi tumubo ang kanyang kwarta, walang sobrang-halagang nalikha. Ang kanyang kwarta ay hindi nagsilbing kapital dahil hindi tumubo!
Ang tunay na halaga ng apat na kilong sinulid ay P1,250. Ang kanyang nagastos para sa apat na kilong bulak ay P875, para sa depresasyon ng spindle ay P125 habang P250 ang kanyang nagastos sa manggagawa. Kung ipagbibili niya ang apat na kilong sinulid sa presyong P1,250, wala siyang tubo!
Pero wala dapat pagtakhan dito. Ito talaga ang dapat na halaga ng kanyang produkto. Kung ito ay hindi kanyang produkto at siya ang bibili nito sa ibang kapitalista, ang halagang ito ang dapat pa rin niyang bayaran kung hindi lalabagin o dadayain ang batas ng halaga ng kapitalismo.
Kung hindi rin pala tutubo ang kapitalista -- babalik ang kanyang kwarta nang parehas ang halaga -- bakit pa siya mamumuhunan sa paggawa ng kalakal?
Pero kung hindi naman siya mamumuhunan, ano ang gagawin niya sa kanyang pera? Kung gagastusin lang niya ito nang hindi lumalago, ito'y mauubos. Samakatwid, kailangang makaisip siya ng paraan.
Pwede siyang magbanta: "Papatungan ko ang presyo! Pepresyuhan ko ito nang lampas sa kanyang tunay na halaga para tumubo ang aking kapital."
Pero siguradong maiisip din niya: "Kung sa ganitong paraan lang pala tutubo ang kwarta -- sa pagtitinda ng mas mahal sa tunay na halaga -- bakit pa ako mamumuhunan sa paggawa ng kalakal gayong wala naman palang tubo sa aktwal na produksyon nito. Ang tubo pala ay nasa pagtitinda lang nito."
Imbes na siya ang magmanupaktura, hihintayin na lang niya na may ibang gumawa ng sinulid. Saka niya ito bibilhin at ibebenta na may patong ang presyo sa tunay na halaga para mayroon siyang maibulsang tubo. Paparis na lang siya sa mga nasa "buy and sell", sa "traders" -- mamimili nang mas mura, magbebenta nang mas mahal.
Ang problema, hindi lang siya ang switik. Hindi lang siya ang kapitalistang makakaisip ng ganito. Kung wala palang tubo sa direktang produksyon (manufacturing) at ang tubo ay nasa sirkulasyon (trading), sino pa ang luku-lukong kapitalistang papasok sa produksyon ng kalakal? Bawat kapitalista ay lilipat na lang sa "buy and sell".
Pero kung lahat ay nasa "buy and sell" -- sa manipulasyon ng presyo, sa pamimiili ng mura at pagbebenta ng mahal dahil dito lang pwedeng tumubo* -- ang tanong: Ano ang bibilhin at ibebentang kalakal gayong wala namang kapitalistang gustong mamuhunan sa direktang produksyon ng kalakal dahil hindi rito tumutubo ang kapital?
Samakatwid, imposible ang kapitalismo kung ang tubo ay sa sirkulasyon at hindi sa mismong produksyon dahil kung ganito ang sistema, walang mamumuhunan sa paggawa ng mga kalakal.
Pero umaarte lang ang ating kapitalista ng sinulid. Kung siya ay switik, alam niya ang tamang kwenta at diskarte. Balikan natin ang ating kwenta sa kalakal na sinulid para makita kung paano siya tutubo kahit ibenta niya ang kanyang sinulid sa tunay na halaga nito alinsunod sa batas ng kapitalismo.
Pwede pa ngang mas mababa sa tunay na halaga peto titiba pa rin siya sa tubo basta damihan niya ang kantidad ng kanyang produkto!
Dahil ang binili niyang lakas-paggawa ay para sa isang araw na paggawa o walong oras, ang totoong inihanda niyang kagamitan sa produksyon ay hindi para sa apat na oras kundi para sa walong oras dahil ito ang ligal na haba ng isang araw na lakas-paggawa sa istandard ng lipunan.
Kung ang 4 na kilo ng bulak kapag trinabaho ng 4 na oras ay magiging 4 na kilo ng sinulid, ang 8 kilo ng bulak kapag trinabaho ng 8 oras ay magiging 8 kilo ng sinulid. Suriin natin ngayon ang nilalamang paggawa ng 8 kilong ito ng sinulid.
Limang araw ng paggawa o 40 oras-paggawa ang nilalaman ng 8 kilong sinulid: Apat na araw o 32 oras-paggawa ang sa bulak at spindle. Isang araw naman o 8 oras ang pumaloob na sariwang paggawa ng spinner sa 8 kilong bulak. Kung isasalin sa halagang salapi ang limang araw na paggawa o 40 oras-paggawa, ang katumbas nito ay P2,500. Ito ang presyo ng 8 kilong sinulid. Bawat kilo ay parehas pa rin ang presyo, P312.50.
Samakatwid, ang halaga ng kalakal na sinulid ay lumago ng 11 porsyento sa inilargang kapital na P2,250. Ang P2,250 ay naging P2,500. May sobrang-halagang P250. Ang kwarta, samakatwid, ay naging kapital!
Tumubo ng P250 ang kapitalista nang walang nilalabag sa mga batas ng palitan ng magkakatumbas na mga kalakal.
Bilang "buyer" ng mga kalakal, binayaran niya sa tunay na halaga ang bulak, ang spindle at ang lakas-paggawa. Hindi niya dinagdagan ang halaga ng alinman sa mga kalakal na ito at walang artipisyal na ipinatong sa presyo ng kanyang kalakal na sinulid para lang siya tumubo.
Bilang buyer ng mga bagay na may kabuluhan, ginamit niya ang kabuluhan ng lahat ng kanyang binili at siya ay naging prodyuser. Ang proseso ng pagkonsumo sa lakas-paggawa ay nagbunga ng 8 kilong sinulid na ang nilalamang halaga ng paggawa ay katumbas ng 40 oras na ang halaga-sa-pera (money-value) ay P2,500.
Buyer, pagkatapos producer, bumalik siya ngayon sa pamilihan para siya naman ang maging seller. Ipinagbili niya ang ang kanyang sinulid sa presyong P312.50 bawat kilo na siyang tunay na halaga nito batay sa nilalamang oras-paggawa. Ang nilalamang oras-paggawa ng isang kilo ng sinulid ay limang oras. Anumang kalakal na limang oras din ang paggawang nilalaman ay katumbas ng kalakal na ito. Nagkakahalaga rin dapat ng P312.50 alinsunod sa batas ng halaga ng kapitalismo.
Sa buong proseso, walang nilabag sa kapitalistang batas ng palitan ng magkakasing-halagang kalakal.
Pero hindi ba may daya ang presyo ng kapitalista na P2,500 para sa 8 kilo na sinulid o P312.50 para sa bawat kilo? Ang nagastos lang niya sa 8 kilo ay P2,250 o P281.25 sa bawat kilo. Hindi ba dapat ay ibenta niya ito batay sa kanyang gastos sa produksyon? Ibig sabihin, P281.25 bawat kilo.
Simple ang magiging sagot ng kapitalista. Ang halaga ng isang kalakal ay batay sa nakonsumong oras ng paggawa at hindi batay sa aktwal na gastos sa produksyon. Ang kantidad ng paggawa ng 8 kilong sinulid ay 40 oras-paggawa at ang 1 kilo ay may 5 oras-paggawa. Kung ang halaga-sa-pera ng kalakal na naglalaman ng 5 oras-paggawa ay P312.50, ito ang kanyang tamang presyo na katumbas ng kanyang halaga-sa-palitan.
Nagpalitan ng magkakatumbas. Pero tumubo ang kapitalista ng sobrang-halagang P250! Saan nanggaling ang P250 na ito?
Malinaw sa kwenta na hindi ito nanggaling sa kanyang kagamitan sa produksyon. Kahit isang kusing ng P250 na sobrang-halaga o tubo ay hindi nanggaling sa bulak at spindle. Ang halagang P2,000 ng nakonsumong bulak at depresasyon ng spindle ay pinasok niya sa presyo ng sinulid ng eksakto at walang patong. Sa madaling salita, ang sobrang-halagang P250 ay hindi galing sa gamit sa produksyon, hindi galing sa kanyang "constant capital". Saan ito nanggaling?
Buong-buo, ang halagang ito, ang tubong P250, ay nanggaling sa aktwal na paggawa -- katumbas ng apat na oras na sobrang-paggawa ng spinner na libreng ginamit ng kapitalista.
Hindi ba ang tubong ito ay resulta ng pandaraya ng kapitalista sa manggagawa? Ang halagang nalikha ng 8 oras na paggawa ng spinner ay P500, bakit P250 lang ang ibinayad ng kapitalista sa manggagawa?
Hindi ba ito paglabag sa batas ng kapitalismo hinggil sa palitan ng magkakatumbas na halaga ng mga kalakal?
Simple rin ang magiging sagot ng kapitalista: Ang halagang nalikha ng 8-oras na paggawa ang kabuluhan (use-value) ng kalakal na lakas-paggawa na ang halaga naman sa produksyon at reproduksyon bilang kalakal ay katumbas lang ng 4 na oras-paggawa (exchange-value). Ang 8 oras na paggamit na ito ng lakas-paggawa ay parehas ng sustansya ng kalakal na gatas kapag ininom ng bata. Iba ang kabuluhang ito ng sustansya ng gatas sa kanyang halaga o presyo bilang kalakal.
Kung paano sa gatas, ganoon din sa lakas-paggawa. Ang halaga-sa-palitan (exchange-value) ng isang araw na lakas-paggawa ay katumbas ng 4 na oras-paggawa. Pero kapag ginamit ito ng kapitalista, ang kanyang kabuluhan (use-value) ay ang halagang malilikha ng 8 oras na paggawa. Ito ang sustansya ng lakas-paggawa. Bumibili ang kapitalista ng kalakal na lakas-paggawa dahil sa kanyang kabuluhan (use-value) pero binabayaran niya ang kalakal na ito batay sa kanyang halaga-sa-palitan (exchange-value).
Ang kabuluhan ng lakas-paggawa ay lumikha ng halaga. Hindi lang simpleng halaga, kundi sobrang-halaga. Ang halaga ng lakas-paggawa ay mapupunta sa manggagawa sa anyo ng sahod dahil ito ang kanyang halaga-sa-palitan (exchange-value) -- lakas-paggawa kapalit ng sahod.. Ang sustansya ng lakas-paggawa -- ang sobrang-halagang malilikha kapag ito'y kinunsumo bilang kalakal ay mapupunta sa kapitalista sa anyo ng tubo dahil ito ang kanyang halaga-sa-gamit (use-value).
Kung ang katumbas ng 4 na oras-paggawa ay P250, ang dapat sahurin ng manggagawa -- batay sa batas ng kapitalismo -- ay P250. Kung anuman ang naging kabuluhan ng paggamit ng kapitalista sa kalakal na lakas-paggawa ay wala nang pakialam ang manggagawa alinsunod sa batas ng bilihan at bentahan ng mga kalakal at batas ng pribadong pag-aari.
Hindi ba't ang nagtinda ng isda ay dapat walang pakialam kung prituhin o paksiwin ito ng nakabili? Hindi ba't ang nagtinda ng kotse ay walang pakialam kung ibangga o ipang-araro ito ng nakabili? Ang ligal na nagtinda ng baril ay walang pakialam at wala ring pananagutan kung ang binaril ng nakabili ay si Lucio Tan. Kung ang halaga ng baril na ito ay batay sa kanyang naging kabuluhan para sa kilusang manggagawa, dapat, napakalaki ang singiling presyo ng tindero ng baril dahil napakalaki nang naging serbisyo nito. Pero kung ang "silbi" ng buhay ni Lucio Tan at "silbi" ng baril ang pagtutumbasin, lugi ang nakabili ng baril dahil ipinagpalit ang tingga sa isang linta.
Kung ang kabuluhan ng lakas-paggawa nang gamitin ito ng kapitalista ay lumikha ng sobrang halagang P250, aangkinin ito ng kapitalista sapagkat ang kalakal na lumikha ng ganitong halaga ay kanya nang nabili. Kanyang pag-aari sa loob ng walong oras. Anumang pakinabang dito ay kanya sapagkat ito'y kanyang pag-aari. Bahagi ng kanyang kapital.
Para sa kapitalista, hindi ito pandaraya. Ito ang kapitalismo! Kaya't di dapat magtaka ang manggagawa kung bakit ang tawag sa sistemang ito ng produksyon ay kapitalismo -- ito ay para sa kapitalista! At huwag rin nating tawagin ang paraan ng pagtubo ng kapitalista na "pandaraya" sapagkat hindi eksakto ang ganitong termino. Ang pandaraya ay paglabag sa isang regulasyon o kontrata. Sa ipinakita nating paraan ng pagtubo ng kapital, walang nilalabag ang kapitalista na batas ng kanyang sariling sistema.
Kaya't hindi ito masasabing "pandaraya". Ang wasto at eksaktong tawag dito ay pagsasamantala! Ang wasto at eksaktong tawag dito ay pang-aalipin! Ang pundamental na problema ay hindi ang indibidwal na kapitalista kundi ang pagkakaroon ng uring kapitalista sa lipunan. Ang pagkakaroon ng kapangyarihan na gaya ng kapital sa lipunan na ginagawang kalakal ang buhay na mga tao, ang uring manggagawa. Ang pundamental na problema ay ang mismong kapitalismo bilang isang sistema ng produksyon ng lipunan. Ang pundamental na problema ay ang sahurang-paggawa na ginagawang ordinaryong kalakal ang lakas-paggawa ng tao.
Ang "pandaraya" ay ang pagbili ng mura at pagbebenta ng mahal. Ang "pagsasamantala" ay ang paggamit ng paggawa ng iba ng walang kapalit. Maliwanag na ang tubo sa produksyon, buong-buo, ay walang iba kundi ang paggawang hindi binayaran ng kapitalista -- ang sobrang-halagang likha ng uring manggagawa.
Pero hindi inaamin ng kapitalismo na ang tubo ay sobrang paggawa na hinuthot at piniga nito sa uring manggagawa. Ang kapitalistang katwiran ay binabayaran raw ang mismong "halaga" ng paggawa at ang tubo ay resulta lang ng abilidad sa negosyo o pagpepresyo.
Niyayabang ng kapitalismo na ang sahod ay ang "halaga ng paggawa". Pero kung ang babayaran ay ang "halaga ng paggawa" at hindi ang "halaga ng lakas-paggawa", walang kapital na iiral at ang kwarta ay hindi maisasalin sa kapital. Ang ekspresyong "halaga ng paggawa" ay isang imahinasyong kaparis ng "halaga ng daigdig". Ang paggawa, kaparis ng daigdig, ay walang halaga pero galing sa kanila ang likas at likhang yaman ng sangkatauhan.
Kung kukuwentahin natin kung gaano kalaking porsyento ng oras-paggawa ang napupunta sa tubo at gaano kaliit na porsyento ng oras paggawa ang binabayaran ng kapitalista sa bawat pagawaan o plantasyon -- at ang itatawag lang natin dito ay "pandaraya" -- para na rin nating sinabing ang kasamaan ni Satanas ay simpleng kapilyuhan.
Sa ginamit nating halimbawa ng kapitalista ng sinulid, tumubo ang kapitalistang ito ng P250 sa walong-oras na paggawa ng isang manggagawa na binayaran niya ng P250. Ibig sabihin, 100 posyento ang kanyang tubo mula sa P250 na "variable capital" o kapital sa pasahod, at 11 porsyento naman ang naging paglago ng kanyang kabuuang kapital na P2,250 kasama ang "constant capital" o gastos sa gamit sa produksyon.
Ang porsyento ng paglago ng "variable capital" ang tinatawag nating "tantos ng pagsasamantala" (rate of exploitation) o "tantos ng sobrang-halaga" (rate of surplus-value). Ang paglago ng kabuuang kapital, kasama ang "constant capital", ay tinatawag naman nating "tantos ng tubo" (rate of profit).
Ang mas ipinakikita ng ikalawa -- ang tantos ng tubo -- ay ang simpleng paglago ng kabuuang kapital (surplus-value/constant capital + variable capital o sv/cc + vc). Hindi nito eksaktong ipinakikita ang intensidad ng pagsasamantala o pagpiga ng sobrang-halaga mula sa lakas-paggawa. Ang mas nagpapakita nito ay ang pormula sa pagkuha ng tantos ng pagsasamantala o sobrang-halaga (surplus-value/variable capital o sv/vc).
Nagagawang takpan ng tantos ng tubo ang intensidad ng pagsasamantala. Hindi nito eksaktong ipinakikita ang antas ng sobrang-halagang hinuhuthot mula sa lakas-paggawa dahil isinasama sa kwenta ang "constant capital" na walang kontribusyon kahit isang kusing sa paglikha ng sobrang-halaga.
Bilang gamit sa produksyon, napakalaki ng papel ng "constant capital" para sa paggawa ng produkto. Pero wala itong kontribusyon sa direkta o aktwal na paglikha ng tubo. Kaya nga't ang tawag natin dito ay "constant capital". Ito ang parte ng kapital na hindi lumalago. Pirmes ang kanyang halaga mula simula hanggang katapusan ng produksyon. Simpleng inililipat lang ang halaga nito sa kabuuang halaga ng yaring-produkto.
Ang lumalagong bahagi ng kapital ay ang tinatawag nating "variable capital", ang pondong nakalaan sa pasahod. Dito manggagaling ang sobrang-halaga dahil ito ang pondong ginamit sa pagbili ng lakas-paggawa. Ang lakas-paggawang ito, kapag naisalin sa anyo ng kapital, ang lilikha ng sobrang-halaga at magpapalago sa orihinal na kapital. Tinatawag itong "variable capital" dahil ito ang parte ng kapital na nagbabago ang halaga.
Sa madaling salita, kung ang layunin natin ay makita ang intensidad ng pagsasamantala o ang eksaktong laki ng sobrang-halagang hinuhuthot ng kapitalista sa manggagawa, ang dapat nating kwentahin ay ang tantos ng sobrang-halaga at hindi lang ang tantos ng tubo.
Pero ang talagang deseptibong kwenta ay ang pormula ng kapitalista sa pagkwenta ng "net profit". Mula sa aktwal na sobrang-halagang nalikha ng manggagawa ay aawasin pa ang lahat ng "gastos" para mapalabas ang "kanyang" linis na kita. Pero ang totoo'y ang ipinambayad niya sa kanyang sinasabing "gastos" ay hindi na galing sa kanyang orihinal na kapital kundi galing na sa sobrang-halaga o tubo na nilikha ng kanyang mga manggagawa.
Sa sinasabing "gastos" na ito, pinapartehan ng kapitalista ang kapitalistang gubyerno sa anyo ng buwis, ang kapitalistang bangko sa anyo ng interes, ang may-ari ng kinatinitirikan ng planta sa anyo ng upa sa lupa, ang mga komersyante na magtitinda ng kanyang kalakal, at marami pang iba na nabubuhay sa sobrang-halagang nililikha ng manggagawa sa proseso ng produksyon.
Lahat ng paraan ay ginagawa ng kapital para mapalaki ang tubo. At ang saligang paraan para magawa ito ay mapataas ang produktibidad ng paggawa at mapamura ang lakas-paggawa. Pero magsimula muna tayo sa pinakasimple sa mga pamamaraan ng kapitalista.
Kung gusto ng kapitalista ng sinulid na mapalaki ang kanyang tubo, isang paraan ay simpleng paramihin ang kanyang mga manggagawa.
Kung P250 ang tubo sa isang manggagawa sa walong oras na paggawa, kung uupa ng 300 na manggagawa sa tatlong shifts ng 24-oras, tutubo siya ng P75,000 bawat araw sa variable capital na P75,000 o P675,000 kasama ang constant capital. Ang kabuuang produktong 2,400 na kilo ng sinulid ay magkakahalaga ng P750,000 at bawat kilo ay magkakahalga pa rin ng P312.50.
Bago tayo magpalawig sa puntong ito, nais nating ulitin upang idiin ang saligang kongklusyon: Sa P75,000 na tubo sa bawat 24 oras mula sa kabuuang kapital na P675,000 -- kahit anong kwenta ang gawin ay walang lilitaw na kahit isang sentimo na galing sa "constant capital" na P600,000.
Ibig sabihin, walang kontribusyon sa produksyon ng sobrang-halaga ang gamit sa produksyon (bulak at spindle) kahit palakihin ang kapital na ito sa P600,000 mula sa orihinal na P2,000 para sa 8 kilong sinulid.
Pero ang P75,000 na sobrang-halagang ito na tinubo ng kabuuang kapital na P675,000 ay eksaktong katumbas ng 1,200 na sobrang oras-paggawa mula sa 300 manggagawa. Kung mula sa bawat manggagawa ay pumipiga ang kapitalista ng 4 na sobrang oras-paggawa na ang halaga-sa-pera ay P250, sa 300 manggagagawa ay makakapiga siya ng 1,200 na sobrang oras-paggawa na ang kabuuang halaga-sa-pera ay P75,000 (P250 x 300 na manggagawa).
Ang apat na oras na ito ng libreng paggawa mula sa bawat manggagawa o kabuuang 1,200 na oras ng libreng paggawa mula sa 300 manggagawa ang tinatawag nating sobrang-paggawa (surplus-labor). Ang halagang nalilikha sa panahong ito ng libreng sobrang-paggawa ang tinatawag nating sobrang-halaga o tubo.
Sa madaling salita, kung ang tubo sa proseso ng produksyon ay galing sa sobrang-paggawa at gustong palakihin ng kapitalista ang kanyang tinutubo, ang kanyang saligang paraan ay palakihin ang porsyong ito ng araw ng paggawa. Ibig sabihin, pahabain ang oras ng sobrang-paggawa dahil ito'y libre't walang bayad.
Sa binanggit nating halimbawa ng paglobo ng tubo sa P75,000 mula sa P250, simpleng pinarami lang ng kapitalista ang bilang ng mga manggagawang pinagkukunan niya ng libreng sobrang-paggawa. Pero hindi niya napahaba ang sobrang-paggawa mula sa bawat manggagawa.
Apat na oras pa rin ito katulad ng dati. Lumaki lang ang kanyang tubo dahil dumami ang bilang ng mga manggagawang nakokotongan niya ng tig-aapat na oras na libreng paggawa. Ang kanyang tantos ng sobrang-halaga ay 100 porysento pa rin at ang tantos ng tubo ay 11 porsyento na katulad pa rin ng dati sa unang halimbawa ng nag-iisang spinner.
Samakatwid, kung ang layunin ng kapitalista ay palakihin ang kanyang napipigang sobrang halaga mula sa bawat manggagawa, kailangang mapalaki ang porsyon ng araw ng paggawa na nakalaan sa produksyon ng tubo. Ibig sabihin, mapahaba ang oras ng libreng sobrang-paggawa.
Ang araw ng paggawa ay may dalawang dibisyon.. Ang isang bahagi ay kumakatawan sa oras-paggawa para sa reproduksyon ng halaga ng kanyang sahod. Ang tawag natin dito ay "obligadong-paggawa" o "necessary labor". Ang kabilang bahagi ay ang nabanggit na nating "sobrang-paggawa" o "surplus-labor". Ang "obligadong-paggawa" ay para sa manggagawa (sahod) habang ang "sobrang-paggawa" ay para sa kapitalista (tubo).
Sa larawang ito ng araw ng paggawa, maliwanag na agad ang awtomatikong misyon at obsesyon ng kapitalista: Kung paano niya mapaiiksi ang isang bahagi ng araw ng paggawa na para sa manggagawa (necessary labor) na ang katumbas na kahulugan ay ang paghaba ng oras na para sa kanya (surplus labor), para sa produksyon ng tubo o sobrang-halaga (surplus-value).
Pasukin natin ngayon ang saligang paraan ng kapitalismo para mapalaki ang tubo ng kapital. Dahil ang tubo o sobrang halaga ay nakabatay sa napipigang sobrang paggawa, ang susi, samakatwid, ay kung paano mapahahaba ang oras ng sobrang paggawa o surplus labor.
Paano mapapalaki ang napipigang sobrang-halaga nang di pinahahaba ang araw ng paggawa (working day)? Mapalalaki lang ito kung mapaiiksi ang obligadong-paggawa -- ang binayarang porsyon ng araw ng paggawa.
Kung ang haba ng sobrang-paggawa ay 4 na oras, at gustong gawing 5 oras ng kapitalista para mapalaki ang sobrang-halaga nang di pinahahaba ang araw ng paggawa -- walang ibang paraan kundi kunin ang adisyunal na 1 oras mula sa porsyon ng obligadong-paggawa. Mula 4 na oras ay kailangang mapaiksi sa 3 oras ang bayad na porsyon ng araw ng paggawa..
Kung ano ang paghaba ng sobrang-paggawa, ganoon rin ang pag-iksi ng obligadong-paggawa.
Ang isang porsyon ng araw ng paggawa na dati'y kinukonsumo para sa benepisyo ng manggagawa bilang binayarang paggawa (paid labor) ay isasalin sa oras-paggawa sa benepisyo ng kapitalista bilang libreng paggawa (unpaid labor).
Walang nagaganap na alterasyon o ekstensyon sa haba ng araw ng paggawa. Pero nagagalaw ang proporsyon o distribusyon ng sobrang-paggawa at obligadong-paggawa sa loob nito.
Kung pirmes ang haba ng araw ng paggawa (8 oras), at ipagpalagay na ang halaga ng lakas-paggawa ay katumbas ng 4 na oras ( halaga ng kabuuang nesesidad ng manggagawa), madaling makwenta ang porsyon ng sobrang-paggawa (Formula: working day - necessary labor = surplus-labor).
Ang usapin, kung gayon, ay paano paiiksiin ang obligadong-paggawa para mapahaba ang sobrang-paggawa. Kung ang halaga ng 1 oras na lakas-paggawa ay P62.50 at ang katumbas na halaga ng 1 araw na lakas-paggawa (8 oras) ay P250, ang ordinaryong diskarte ng kapitalista ay dayain ang sweldo Bayaran nang mababa sa tunay na halaga ng lakas-paggawa.
Kung imbes na P250 ay P187.50 lang ang pasweldo, ibig sabihin, 3 oras lang ang kailangan para sa reproduksyon ng halagang ito, at 5 imbes na 4 na oras ang para sa kapitalista sa anyo ng libreng-paggawa. Babayaran ng kapitalista ang lakas-paggawa nang mababa ng 25 porsyento sa tunay na halaga nito.
Kahit ito ang laganap na praktika ng mga kapitalista, ang layunin ng pag-aaral na ito ay hindi ang patunayan ang pandaraya ng kapitalista. Kabisado na natin ito..Ang mas gusto nating pag-aralan ay ang pagsasamantalang likas na nanggagaling sa sistema ng produksyon ng kapitalismo.
Ibig sabihin, kahit sumunod ang kapitalista sa batas ng halaga -- bayaran sa tunay na halaga ang lakas-paggawa -- hindi lang tutubo ang kapital kundi mapalalaki ang tubong ito.
Kung ang batas na ito ang masusunod, magaganap lang ang pag-iksi ng obligadong paggawa, kung babagsak ang halaga ng lakas-paggawa. Ibig sabihin, hahaba ang sobrang-paggawa kung babagsak ang halaga ng lakas-paggawa, iiksi ang oras para sa reproduksyon nito.
Kung gusto niyang madagdagan ng 25 porsyento ang sobrang-paggawa nang walang manipulasyon sa sahod o ekstensyon ng araw ng paggawa, ang kailangan ay aktwal na bumagsak ng 25 porsyento ang mismong halaga ng lakas-paggawa sa lipunan.
Para ito mangyari, ang parehas na kantidad at kalidad ng mga nesesidad ng manggagawa na dati'y ginagawa ng apat na oras ay pwede nang magawa sa loob lang ng tatlong oras. Magaganap ito sa pagtaas ng produktubidad ng paggawa.
Halimbawa, ang isang sapatero ay nakakayari ng isang pares ng sapatos sa loob ng 8 oras. Kung sa pag-unlad ng kanyang instrumento ay nakakagawa na siya ng 2 pares sa parehas na oras, dumoble ang kanyang produktubidad.
Ibig sabihin, kung dati'y 8 oras ang bagong paggawa (paggawa ng sapatero) sa isang pares ng sapatos, kapag nadoble ang produktubidad, babagsak ang halaga ng bawat pares. Magiging 4 na oras lang ang bagong halaga sa bawat pares. Ibang pang usapin kung susunod ang presyo sa ganitong pagbagsak ng halaga. Ang realidad ay bumagsak ang halaga ng bawat pares dahil sa pagtaas ng produktubidad alinsunod sa batas ng halaga ng kalakal.
Ang ibig sabihin ng pagtaas ng produktubidad ng paggawa ay ang pagbabago sa proseso ng paggawa (labor process) na ang resulta ay napaiiksi ang oras-paggawa na kailangan sa produksyon ng isang kalakal.
Kung para mapalaki ang sobrang-halaga ay simpleng pahahabain ang araw ng paggawa -- mula 8 oras ay gagawing 12 -- ang epekto ay hahaba ang sobrang-paggawa. Ang tubong nalilikha sa pamamagitan ng pagpapahaba ng araw ng paggawa nang hindi pinaiiksi ang obligadong-paggawa ay tinatawag na "absolutong sobrang-halaga" o "absolute surplus-value". Ang pagpapalaki ng absolutong sobrang-halaga ay di nangangailangan ng pagtataas ng produktubidad.
Pero kung ang paglaki ng sobrang halaga ay sa pamamagitan ng kumbersyon ng obligadong-paggawa sa sobrang-paggawa, kailangang tumaas ang produktubidad ng paggawa sa lipunan. Ang tawag sa tubong nakukuha sa pagpapaiksi ng obligadong-paggawa ay "relatibong sobrang-halaga" o "relative surplus-value". Sa pagtaas ng produktubidad ng paggawa, ang halaga ng lakas-paggawa ay babagsak, at ang porsyon ng araw ng paggawa para sa reproduksyon ng halagang ito ay iiksi.
Upang mapabagsak ang halaga ng lakas-paggawa, ang pagtaas ng produktubidad ay dapat sumakop sa mga sangay ng industriyang ang mga produkto ang nagdedetermina ng halaga ng lakas-paggawa o mga industriyang konektado sa paggawa ng mga produktong ito.*
Kung ang mga makina at materyales na ginagamit sa produksyon ng mga produktong kinukonsumo ng mga manggagawa ay magmumura dahil sa pagtaas ng produktubidad sa mga industriyang gumagawa nito, babagsak ang halaga ng lakas-paggawa dahil magbubunga ito ng pagbagsak ng halaga ng constant capital na pumapasok sa produksyon ng mga nesesidad ng manggagawa. Ang pagtaas ng produktubidad sa mga industriyang walang kinalaman sa produksyon ng mga nesesidad ng manggagawa ay walang epekto sa halaga ng lakas-paggawa.
Ang mga nesesidad ng manggagawa ay binubuo ng iba't ibang kalakal. Ang bawat isa ay produkto ng ispisipikong sangay ng industriya. Ang halaga ng bawat kalakal na ito ay pumapasok sa halaga ng lakas-paggawa. Alinsunod sa batas ng halaga, ang halaga ng isang kalakal ay bumabagsak sa pag-iksi ng oras-paggawa na kailangan para sa produksyon nito.
Sa madaling salita, ang pagbagsak ng halaga ng lakas-paggawa ay katumbas ng kabuuang reduksyon ng oras-paggawa sa produksyon ng mga kalakal ng mga industriyang may kinalaman sa mga produkto at serbisyong nesesidad ng manggagawa.
Bagamat nagmumukhang direktang resulta ng kilos ng bawat kapitalista ang pangkalahatang pagbagsak ng halaga ng lakas-paggawa sa lipunan, hindi ito ang direktang layunin ng bawat partikular na kapitalista sa pag-iisip ng mga paraan para mapataas ang produktubidad sa bawat pagawaan.
Napamumura, halimbawa, ng isang kapitalista ang produksyon ng de-latang sardinas sa pagtataas ng produktubidad sa kanyang pabrika. Pero ang kanyang direktang layunin ay hindi naman talaga iredyus ang halaga ng lakas-paggawa sa buong lipunan at proporsyunal na paiksiin ang obligadong-paggawa bagamat ito ang pangkalatang resulta.
Ang kanyang layunin ay makaungos sa kompetisyon at mapalaki ang kanyang partikular na tubo. Pero nakakatulong siya sa pagpapataas ng "pangkalahatang tantos ng sobrang-halaga" (general rate of surplus-value) ng buong hanay ng uring kapitalista kung ang ultimong epekto ng partikular na pagtaas ng produktubidad sa kanyang pabrika ng sardinas ay pagbagsak ng halaga ng lakas-paggawa sa lipunan.
Kompetisyon at tubo ang nag-uudyok sa bawat indibidwal na kapitalista na itaas ang produktubidad ng kanyang mga manggagawa. Kung nadoble ng ating kapitalista ng sinulid ang produktubidad sa kanyang pabrika -- mula sa 8 kilo sa isang araw (8 oras) ay nagawa itong 16 na kilo -- ang lalamning paggawa ng isang kilo ng sinulid ay babagsak sa 4.5 mula sa dating 5 oras/kilo kung ang kapital sa gamit sa produksyon (bulak at spindle) ay parehas pa rin ng dati (P250/kilo ng sinulid o 4 na oras-paggawa).
Dahil bumagsak sa kalahating oras ang paggawa ng isang kilo, ang salaping-halaga nito (kung di nagbabago ang halaga ng salapi o walang implasyon) ay babagsak sa P281.25. Ang P281.25 ay kumakatawan sa 4.5 oras-paggawa. Ang indibidwal na halaga (individual value) ng kanyang sinulid ay P281.25 pero ang sosyal na halaga (social value) nito ay nasa P312.50 pa rin dahil hindi pa lumalaganap sa industriya ng sinulid ang bagong paraan ng produksyon ng ating kapitalista.
Sapagkat ang halaga ng isang kalakal ay hindi ang kanyang indibidwal kundi sosyal na halaga, hindi siya obligadong ibenta ang kanyang sinulid sa halagang P281.25. Hindi niya nilalabag ang batas ng palitan ng kalakal kung ibenta pa rin niya ito sa P312.50.
Kung ibebenta niya ang kanyang sinulid sa kanyang tunay na indibidwal na halaga (P281.50), balewala ang pagtaas ng produktubidad dahil P250 pa rin ang kanyang magiging tubo o sobrang halaga. Parehas lang noong nasa isang kilo por ora ang kanyang produktubidad.
Kung ibebenta naman ito sa kanyang sosyal na halaga (P312.50), ang dating sobrang-halagang P250 ay tataas sa P750. Ito'y isang 300 porsyentong paglaki ng tantos ng sobrang halaga (sv/vc o P750/P250) o halos nasa 18 porsyentong paglaki ng tantos ng tubo (sv/cc+vc) o P750/P4250).
Pero kung ibebenta niya ito sa P312.50 por kilo, malaki nga ang tubo pero walang epekto sa kompetisyon ang pagtaas ng kanyang produktubidad dahil parehas lang ito sa presyo ng kanyang mga karibal.*
Para talunin ang kompetisyon, ibebenta niya ang kanyang sinulid ng mataas sa kanyang indibidwal na halaga pero mababa sa kanyang sosyal na halaga. Sa ganitong paraan, lalaki ang kanyang benta, madodominahan niya ang merkado at lalaki pa rin ang kanyang tubo kumpara sa dati.
Kapag ibinenta niya ito sa halagang P300, tutubo siya mula sa 16 na kilo ng P550. Mas malaki ng P300 kaysa dating tubo. Sa sobrang-halagang ito, nabago na rin ang dating proporsyon ng sobrang-paggawa at obligadong paggawa.
Bunga ng dobleng produktubidad, mula sa dating 4 na oras na sobrang paggawa, ito'y nadagdagan ng halos 1.5 oras at naging 5.5 oras. Umiksi naman ang dating 4 na oras na obligadong paggawa at naging 2.5 oras na lang. Paano ito nangyari?
Sa dating produksyon, ang obligadong-paggawa ay nasa 4 na oras, ang halaga ng isang araw na paggawa ay P250, ang sobrang-paggawa ay apat na oras, at ang arawang sobrang-halaga ay P250.
Sa pagtaas ng produksyon, ang ating kapitalista ay mayroon ngayong pag-aaring 16 na kilo ng sinulid na kanyang ibinenta ng P300/kilo o P4,800. Dahil ang halaga ng gamit sa produksyon ay nasa P4,000, ang halaga ng 13.3 na kilo ng sinulid ay pamalit lang sa constant capital na ito.
Ang halaga ng natitirang 2.7 kilos (P800) ang produkto ng walong oras na paggawa na binayaran niya ng P250. Ito ang bagong halagang naprodyus ng paggawa ng spinner. Ito ang paghahatian ng kapitalista at manggagawa sa anyo ng tubo at sahod.
Dahil ang presyo ng lakas-paggawa ay P250, wala pang isang kilo (.9 kilo) ang katumbas ng obligadong-paggawa. Kulang naman nang bahagya sa dalawang kilo (1.8 kilo) ang katumbas ng sobrang-paggawa.
Ang proporsyon ng obligadong-paggawa sa sobrang paggawa sa dating produktubidad ay 1:1. Nang madoble ang produksyon, ito'y naging 2.5 oras para sa obligadong paggawa at 5.5 para sa sobrang paggawa.
Ang P800 ang ekspresyon sa salapi ng bagong halagang nalikha sa isang araw na paggawa ng mas produktibong spinner. Ito'y mas mataas kaysa halagang nalilikha ng parehas na klase ng paggawa na ang nalilikhang bagong halaga ay nasa P500.*
Pero kung ang pasahod sa mas produktibong spinner ay parehas pa rin ng dati (P250), parehas ng tinatanggap ng ordinaryong spinner na mas mababa ang produktubidad, ibig sabihin, imbes na 4 na oras, 2.5 na oras na lang ang kailangan para malikha ang halagang ito habang humaba ang kanyang sobrang-paggawa sa 5.5 at ang kanyang nalilikhang sobrang-halaga ay lumago sa P550 mula P250.
Samakatwid, ang partikular na kapitalistang ito ay lyamado kaysa ibang kapitalista sa parehas na linya ng negosyo dahil mas mahabang porsyon ng araw ng paggawa ang nailalaan niya sa sobrang-paggawa.
Pero ang kanyang ekstrang tubo ay maglalaho kapag nakahabol na sa produktubidad ang kanyang mga karibal dahil mawawala na ang diperensya sa pagitan ng indibidwal na halaga ng napamurang kalakal at ang sosyal na halaga ng kalakal na ito.
Dahil sa kompetisyon, maoobliga siyang muling magbaba pa ng presyo. Dahil sa kompetisyon, ang natural na tendensya ng "presyo" ay gumalaw papalapit sa tunay na halaga ng mga kalakal.
Mula sa orihinal na P312.50, unang ibinaba ito ng paborito nating kapitalista ng sinulid sa P300 para makalamang sa kompetisyon. Pero dahil rin sa kompetisyon, pipilitin ng kanyang mga karibal na habulin o lampasan ang kanyang produktubidad.
Kapag nakahabol ang kanyang mga karibal, maoobliga siyang ibaba pa ang presyo hanggang sumagad o bumaba pa sa P281.50 na siyang halaga ng kalakal batay sa oras-paggawa. Ibig sabihin, papailalim siya sa kapitalistang batas ng halaga na nakabatay sa oras-paggawa. Kapag ibinenta niya ito sa halagang P281.50, babalik siya sa dating tantos ng tubo o sobrang-halaga, Babagsak ang kanyang tubo mula sa P550 sa dating P250 sa kabila ng pagtaas ng produktubidad.
Samakatwid, ang ultimong magpapabago sa pangkalahatang tantos ng sobrang-halaga ay kapag ang pagtaas ng produktubidad ng paggawa ay sumaklaw doon sa mga sangay ng produksyon at napamura yaong mga kalakal na may kinalaman sa mga nesesidad ng uring manggagawa bilang mga sangkap sa determinasyon ng halaga ng lakas-paggawa.
Ang halaga ng mga kalakal ay baliktad ang proporsyon sa produktubidad ng paggawa. Sila'y parang nakasakay sa "see-saw". Habang papataas ang produktubidad, pabagsak naman ang halaga ng mga kalakal. Ganoon rin ang halaga ng lakas-paggawa sapagkat depende ito sa halaga ng mga kalakal. Kaya nga't kung pinatataas ng makinarya ang produktubidad ng paggawa, kasabay na pinamumura ng makinarya ang manggagawa!
Kung ang "halaga ng kalakal" at "produktubidad ng paggawa" ay mistulang nakaupo sa magkabilang dulo ng "see-saw", ang "relatibong sobra-paggawa" ay nakaangkas naman sa likod ng "produktubidad ng paggawa". Sumasabay ito sa pagtaas at pagbaba ng produktubidad ng paggawa. Sa kabilang dulo, ang "halaga ng lakas-paggawa" ay nakaangkas naman sa "halaga ng mga kalakal". Sumasabay rin sa pagtaas at pagbaba ng halaga ng mga kalakal.
Nasa kalikasan ng kapitalismo ang palagiang tendensyang pataasin ang produktubidad ng paggawa para mapamura ang mga kalakal. Ito ang dambuhalang kabalintuanan ng kapitalismo: Itataas ang produktubidad ng paggawa para ibagsak ang halaga ng paggawa! Ibabagsak ang halaga ng lakas-paggawa para mapahaba ang di-bayad na paggawa at mapaiksi ang bayad na paggawa.
Sinasagot nito ang "kontradiksyong" ang pinagnanasaan ng mga kapitalista, sa unang malas, ay ang "halaga" ng mga kalakal dahil ito ang nirerepresenta ng kwarta. Pero sa praktika, di sila tumitigil sa pagsisikap na ibaba ang "halaga" ng mga kalakal.
Ang totoo'y walang interes ang kapitalista sa direktang halaga ng isang kalakal. Ang pinag-iinteresan lang niya ay ang sobrang-halagang mapipiga sa kalakal na kanyang maibubulsa kapag naipagbili na ang kalakal.
Kung sa pagmura ng mga kalakal ay babagsak ang halaga ng lakas-paggawa, at kung sa pagbagsak na ito ay hahaba ang sobrang-paggawa na siyang pinanggalingan ng sobrang-halaga, samakatwid, ang mapagpasya para mapalaki ang tubo ay maitaas ang produktubidad ng paggawa.
Ang layunin ng pagsusulong ng produktubidad ng paggawa ay ang pagpapaiksi ng porsyon ng araw ng paggawa na nagtatrabaho ang manggagawa para sa kanyang sarili, at ang pagpapahaba, kung gayon, ng kabilang porsyon na siya'y libreng nagtatrabaho para sa kapitalista.
Kung lohika ang pag-uusapan, madaling maintindihan na bumabagsak ang halaga ng lakas-paggawa sa pagtaas ng produktubidad sa mga industriyang gumagawa ng mga kalakal na kinukonsumo ng manggagawa. Kung bumabagsak ang halaga ng mga ito, at kung ang halaga ng ganitong mga kalakal ang nagtatakda sa halaga ng lakas-paggawa, lohikal ang kongklusyong kapag ito'y nagaganap, katumbas na bumabagsak ang halaga ng lakas-paggawa. Madali ring maintindihan na kung lumalaki ang sobrang-halaga nang hindi naman humahaba ang araw ng paggawa, ibig sabihin, ang humahaba ay ang libreng paggawa dahil umiiksi ang bayad na paggawa.
Ang mahirap maintindihan ay kung paanong ipaliliwanag na bumabagsak ang "halaga" ng lakas-paggawa gayong sa totoong buhay ay di naman "nababawasan" ang sahod ng manggagawa. Nararamdaman ng manggagawa na bumabagsak ang halaga ng kanyang sahod. Pero ang kumon na karanasan ay hindi naman ito binabawasan. Nadagdagan pa nga ang kanyang natatanggap na bayad kapag nagbibigay ng umento ang kapitalista.
Sa karanasan, bumabagsak ang halaga ng sahod, pero hindi dahil nagmumura ang mga kalakal. Kahit tumataas ang produktubidad, hindi nagmumura ang presyo ng mge nesesidad ng manggagawa. Tuluy-tuloy ang pagtaas. Kaya't sa persepsyon ng manggagawa, bumabagsak ang halaga ng lakas-paggawa dahil tumataas ang presyo ng mga bilihin. Hindi pa dahil bumabagsak ang halaga ng mga kalakal bunga ng pagtaas ng produktubidad.
Isang ugat ng kalituhan ay dahil napagpaparehas ang pag-intindi sa "halaga" ng lakas paggawa at "presyo" nito, at gayundin, ang kanilang transpormasyon sa anyo ng "sahod". Isa pa'y ang kumplikasyong nililikha ng sariling pagbabago ng halaga ng "salapi" nang hiwalay sa pagbabago ng halaga ng mga kalakal.
Bagamat mahigpit na magkaugnay, magkaiba ang "halaga" at "presyo" ng mga kalakal. Ang "halaga" ng isang kalakal ay itinatakda ng kantidad ng paggawa na kailangan para sa produksyon nito. Ang "presyo" ay ang anyo-sa-salapi (money-form) ng "halagang" ito ng kalakal dahil ang "salapi" ang unibersal na ekspresyon ng "halaga" ng mga kalakal.
Bilang ekspresyon ng "halaga", ang "presyo" ay maaring hindi eksaktong sumasalamin sa tunay na "halaga" ng kalakal.. Kapag humarap ang isang tao sa isang salamin, hindi garantisado na ang makikita niyang repleksyon ay eksaktong replika ng kanyang itsura. Ito'y kumporme sa kalidad ng salamin. Ang repleksyon ay hindi laging parehas ng realidad.
Halimbawa, nadagdagan ang salaping umiikot sa lipunan dahil dinamihan ng gubyerno ang pag-imprenta at pinaiikot nito nang hindi katumbas ng pag-unlad sa produksyon. Ang tendensya ay tumaas ang presyo ng mga kalakal kahit di nagbabago ang nilalamang halaga ng mga kalakal. Ang nagbago ay ang "halaga ng salapi" at hindi ang "halaga ng kalakal",. Dahil dito ay magbabago ang "presyo ng mga kalakal".*
Isa pang dahilan ay ang pagbabago sa relasyon ng suplay at demand. Kung kumonti ang demand para sa isang kalakal kumpara sa suplay, ang tendensya ay magmura ang kalakal na ito kahit di nagbabago ang nilalaman nitong halaga. Kung lumaki naman ang demand kumpara sa suplay, ang tendensya ay magmahal ang kalakal kahit hindi rin nagbabago ang halaga nito sa produksyon. Sa madaling salita, may sariling galaw ang presyo na indepedyente sa pagbabago ng halaga ng kalakal, patunay na magkaiba ang presyo at halaga ng mga kalakal.
Isa pang dahilan ay ang manipulasyon sa presyo bunga ng kawalan ng kompetisyon, pag-iral ng mga monopolyo, ispekulasyon, atbp. Ayon nga sa isang propeta ng globalisasyon,* ang 75 porsyento ng presyo ng karaniwang mga kalakal sa mundo ay hindi batay sa halaga nito sa produksyon kundi batay sa ibang salik, pangunahin dito ang ispekulasyon at manipulasyon sa halaga ng salapi at presyo ng mga susing kalakal.
Gayunman, alinsunod sa batas ng halaga at palitan ng mga kalakal, ang "presyo" ay dapat tumutugma sa "halaga" ng isang kalakal. Bagamat ito ang natural na tendensya ng "presyo" at ang pwersa ng tendensyang ito ay ang batas ng kompetisyon, mas madalas. hindi ito tumutugma dahil naman sa pwersa ng batas ng suplay at demand at iba pang mekanismo sa merkado.
Sa madaling salita, dalawang saligang batas ang nagdedetermina sa presyo. Isa'y ang batas ng kapitalistang kompetisyon. Ikalawa'y ang batas ng suplay at demand.
Ang presyo ay minsa'y mataas, minsa'y mababa, minsa'y tugma sa tunay na halaga ng kalakal. Ang ganitong galaw ng presyo na indepedyente sa pagbabago ng halaga ng kalakal ay resulta ng suplay at demand, o ng mismong suplay ng salapi bilang indepedyenteng kalakal. Pero dahil naman sa batas ng kompetisyon na humuhugis sa porma ng labanan sa pamurahan ng produkto, ang tendensya ay hilahin ang presyo patungo sa tunay halaga ng mga kalakal. Ito ang tinatawag ng mga ekonomista na "natural na presyo" (natural price), at ito ang tumutugma sa halaga ng kalakal.
Dahil ang lakas-paggawa ay isang kalakal, saklaw ito ng mga batas ng kapitalismo hinggil sa halaga at presyo. Magkaiba rin ang "halaga" at "presyo" ng lakas-paggawa, at iba pa ang mismong "sahod" ng manggagawa.
Ang karaniwang impresyon ay kapag bumagsak ang "halaga" ng lakas-paggawa, ang awtomatikong kahulugan nito ay lumiit ang natatanggap na "sahod" ng manggagawa. Ibig sabihin, nagmura ang "presyo" ng lakas-paggawa.
Ang pagbagsak ng halaga ng lakas-paggawa ay hindi awtomatiko at eksaktong nangangahulugan ng pagliit ng umiiral na sahod. Maari pa nga itong mangahulugan na dumami ang nabibili ng dating halaga ng kanyang sahod kung nagmura ang presyo ng mga kalakal. Sa ganitong epekto, tumaas ang totoong sahod (real wage) ng manggagawa bagamat bumagsak ang halaga ng kanyang lakas-paggawa at di nagbago ang natatanggap na nominal na sweldo (nominal wage).*
Kapag bumagsak ang halaga ng lakas-paggawa, ang ibig sabihin nito ay nabawasan ang kabuuang oras ng produksyon ng mga kalakal na kanyang kinukonsumo. Kaiba ito sa nabawasan ang nabibiling mga kalakal ng kanyang tinatanggap na sahod. Wala itong awtomatikong implikasyon na bumagsak ang sahod -- ang ekspresyon nito sa salapi (nominal wage) o ang aktwal na nabibili nitong mga produkto (real wage).
Gaya ng ibang kalakal na magkaiba ang presyo sa kanilang halaga, di dapat pagtakhan na hindi parehas ang presyo ng lakas-paggawa sa kanyang tunay na halaga, at gayundin, di dapat pagtakhan kung hindi tugma ang sahod sa presyo at halaga ng lakas-paggawa.
May kaibhan pa ang aktwal na sahod sa mismong presyo at halaga ng lakas-paggawa. Ang sahod ay ang kabuuang kabayarang tinatanggap ng manggagawa na dapat ay kumakatawan sa presyo ng lakas-paggawa. Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay nagtutugma ang sahod sa presyo ng paggawa gaya ng hindi nagtutugma ang presyo ng lakas-paggawa sa kanyang halaga.
Halimbawa, kung ang arawang halaga ng lakas-paggawa ay P250 na katumbas ng 4 na oras paggawa, at kung ang araw ng paggawa ay 8 oras, ang presyo ng isang oras na pagtatrabaho (working hour) ay lalabas na P31.25 (Formula: average daily value of labor-power/average number of hours in the working day = average price of labor)
Pwedeng manatiling parehas ang arawang sahod kahit bumabagsak ang presyo ng paggawa. Halimbawa, kapag ginawang 10 oras ang araw ng paggawa, babagsak ang por orang presyo ng paggawa sa P25, at kung ginawang 12 oras, ni hindi ito aabot sa P21. Ganito ang kalakaran sa mga kompanyang di sumusunod sa batas ng 8-oras na paggawa at di nagbabayad ng overtime.
Pwede rin namang baliktad ang mangyari. Tumataas ang sahod kahit hindi nagbabago ang presyo ng paggawa, o bumabagsak pa nga. Halimbawa, kapag ginawang 10 oras ang trabaho nang parehas ang por orang presyo ng paggawa (P31.25), tataas ang sahod sa P312.50 o sa P375 kung ginawang 12 oras ang trabaho. Kung bumagsak ang por orang presyo ng paggawa sa P30 pero ginawang 10 oras ang araw ng paggawa, P300 ang magiging sahod ng manggagawa. Mas malaki sa dating P250, bagamat bumagsak ang por orang presyo nito.
Kung nagbabayad ng "overtime" ang kapitalista, ang batayan ng "overtime rate" ay ang regular na por orang presyo ng paggawa. Kung P31.25 ang presyo, lalagyan ito ng 10 porsyentong "premium", kaya't magiging P34.37 ang bayad para sa bawat oras ng lampas sa regular na oras. Ang magiging kabuuang sahod ng manggagawa kung 10 oras ang kabuuang trabaho ay P343.7 at P412.44 kung 12 oras. Sa regular na oras, ang libreng paggawa ay katumbas ng P31.25 o 30 minutos. Sa overtime, ang libreng paggawa ay katumbas ng P28.13 o nasa 27 minutos.
Balikan natin ngayon kung paanong kahit hindi binabawasan, o dinadagdagan pa nga ang tinatanggap na sahod ng manggagawa ay bumabagsak ang halaga ng lakas-paggawa bunga ng tumataas na produktubidad.
Kung P250 ang arawang sahod ng manggagawa, sinabi nating ang por orang presyo nito ay P31.25. Pero ang presyong ito ng isang oras na pagtatrabaho ay kaiba sa halagang nalilikha ng isang oras na paggawa. Ang isang oras na paggawa ay lumilikha ng halagang P62.50 (use-value) pero ang presyo nito ay P31.25 (exchange-value). Ang sahod ay P250 lang dahil ang halaga ng lakas-paggawa ay katumbas lang ng halaga ng nesesidad ng manggagawa na ang laman na paggawa ay 4 na oras.
Kung bunga ng pagtaas ng produktubidad ay naging 3 oras na lang imbes na 4 ang nilalamang paggawa ng mga nesesidad ng manggagawa, babagsak rin sa 3 oras ang halaga ng lakas-paggawa.
Kung parehas pa rin ang halaga ng salapi, ang 3 oras na ito ay nagkakahalaga na lang ng P187.50.
Kung hindi binawasan ang tinatanggap na sahod ng manggagawa -- nasa P250 pa rin -- ibig bang sabihin ay mataas ng isang oras ang presyo ng paggawa sa kanyang tunay na halaga?
Ipagpalagay natin para mapasimple ang kwenta na lahat ng kalakal na kinukunsumo ng manggagawa ay kinakatawan ng Kalakal A. Ang presyo nito ay P250 bago tumaas ang produktubidad. Ang P250 na ito ay produkto ng apat na oras na paggawa. Dalawang oras nito ay ang lumang paggawa (halaga ng nakonsumong kagamitan sa produksyon). Dalawang oras naman ang sa aktwal na paggawa para maging yaring produkto.
Ipagpalagay natin na bawat manggagawa ng kapitalista ng kalakal na ito ay nakakagawa ng 4 na piraso sa 8 oras na paggawa. Ang kanyang benta ay P1,000 para sa apat na piraso. Kung 2 oras ang katumbas ng kagamitan sa produksyon para sa isang piraso, ibig sabihin, P500 sa P1,000 ay pamalit sa ganitong gastos. Dahil ang pasahod sa manggagawa ay P250, ibig sabihin, ang natitirang P250 ang tubo ng kapitalista.
Ipagpalagay natin na tumaas ang produktubidad ng paggawa ng kalakal na ito. Imbes na 1 piraso bawat 2 oras ay napaiksi ito sa 1 oras, imbes na 4 na piraso sa isang araw ng paggawa ay naging 8 piraso. Ang nilalamang bagong halaga ng 8 piraso sa bagong produktubidad ay parehas pa rin ng nilalamang bagong halaga ng 4 na piraso sa lumang produktubidad.
Pero madodoble ang nilalaman nitong lumang paggawa dahil nadoble ang makokonsumong kagamitan sa produksyon. Kung dati'y walong oras, ito'y magiging 16 na oras para sa 8 piraso. Ibig sabihin, ang constant capital ay tataas sa P1,000 mula sa P500. .
Hindi man nagbago ang nilalamang bagong paggawa ng 8 piraso (8 oras pa rin) kahit nadoble ang produktubidad, iiksi naman ang nilalamang bagong paggawa ng bawat piraso. Mababawasan ito ng kalahati.
Mula sa 2 oras, magiging 1 oras na lang ang nilalamang bagong paggawa ng bawat piraso. Iimbes na 4 na oras, magiging 3 oras na lang ang kabuuang nilalamang paggawa (2 oras pa rin para sa kagamitan sa produksyon at 1 oras na lang para sa aktwal na paggawa). Ibig sabihin, bumaba ng 25 porsyento ang halaga ng kalakal na ito. Kung susunod ang presyo sa pagbaba ng halaga, mula P250 ay babagsak ito sa P187.50.
Kung ang halaga ng nesesidad ng manggagawa ay 3 oras na lang ang paggawa, ibig sabihin, 3 oras na rin lang dapat ang halaga ng lakas-paggawa. Kung 3 oras na lang ang halaga nito, ibig sabihin, madadagdagan ng 1 oras ang sobrang paggawa, magiging 5 oras. Makikinabang ang lahat ng kapitalista. Tataas ng 25 porsyento ang pangkalahatang tantos ng sobrang-halaga ng uring kapitalista.
Ang problema ay kung babawasan ng 25 porsyento ang tinatanggap na nominal na sahod ng mga manggagawa, siguradong sisiklab ang rebolusyon. Kung hindi naman babawasan ang sahod ng manggagawa -- pananatilihin ito sa P250 imbes na ibagsak ito sa P187.50 -- lalabas na mataas ng 25 porsyento ang presyo ng lakas-paggawa sa kanyang tunay na halaga.
Ano ang implikasyon kung mataas ng 25 porsyento ang presyo ng paggawa sa kanyang tunay na halaga? Balewala ang pagtaas ng produktubidad sa punto de bista ng interes ng uring kapitalista. Kung mananatiling P250 ang sahod ng manggagawa, ibig sabihin, mananatiling 4 na oras ang nilalaman nitong halaga.
Kung apat na oras ang nilalaman nitong halaga, ibig sabihin, kahit ang mga kapitalista na gumagawa ng nesesidad ng manggagawa ay di makikinabang sa itinaas ng produktubidad ng kanilang mga indisutriya. Mananatiling kalahati ng araw ng paggawa -- 4 na oras -- ay para pa rin sa obligadong paggawa, para sa benepisyo ng manggagawa.
Kung ibinenta ang Kalakal A sa halagang P187.50, dapat ay bumagsak ang halaga ng lakas-paggawa sa P187.50. Pero kung mantinadong P250 pa rin ang sahod ng manggagawa (at di nagbabago ang halaga ng salapi), siya mismo ay walang pakinabang sa itinaas na produktubidad.
Kwentahin natin ang kanyang magiging tubo kung mananatili sa P250 ang sahod ng kanyang manggagawa gayong ang halaga ng nesesidad ay bumagsak sa P187.50.
Sa presyong P187.50, ang kanyang kabuuang benta ay P1,500. Sa halagang ito, P1,000 ay para sa nagastos na constant capital. Ang balanseng P500 ang bagong halagang nalikha. Ang kalahati nito, P250 ay para sa sahod ng manggagawa. Ibig sabihin, P250 lang ang sobrang-halaga. Hindi lumaki sa kumpara sa dating tubo sa dating produksyon. Balewala ang pagtaas ng kanyang produksyon. Dumami ang kalakal. Walang nadagdag na tubo.
Pero kung ibabagsak ang halaga ng lakas-paggawa sa P187.50, ang sobrang-halaga ay tataas sa P312.50, madadagdagan ng P62.50 dahil nadagdagan ng isang oras na sobrang-paggawa. Ang P312.50 na sobrang-halaga ay kumakatawan sa 5 oras na sobrang-paggawa at ang P187.50 ay kumakatawan sa 3 oras na obligadong paggawa.
Kung babagsak ang halaga ng lakas-paggawa sa tatlong-oras o sa presyong P187.50, lahat ng kapitalista ay makikinabang. Ang pangkalahatang tantos ng sobrang-halaga ay tataas ng 25 porsyento o madadagdagan ng isang oras na sobrang-paggawa.
Bawasan man ng P62.50 ang nominal na sahod ng manggagawa, hindi naman apektado ang kanyang tunay na sahod (real wage) dahil parehas pa rin ang mabibiling kantidad at kalidad ng mga kalakal, kaparis pa rin ng dati. Ang problema ay maghihimagsik ang mga manggagawa kung babawasan ang kanilang sahod. Ang garapalang implikasyon nito ay ganap na inaalisan ang uring manggagawa ng karapatang umasenso kahit umuunlad ang produksyon ng lipunan.
Imbes na bawasan ang sahod, may simpleng solusyon sa ganitong problema na hindi mahahalata ng manggagawa: Ibagsak ang halaga ng salapi. Ibig sabihin, ang mabibili ng salaping P250 ay nagkakahalaga na lang ng P187.50. Kahit isang kusing ay hindi binawasan ang nominal na sahod ng manggagawa, pero ang tunay nitong halaga ay bumagsak.
Ibig sabihin, ang salaping P250 ay makakabili na lang ng halagang P187.* Hindi rin ibinaba ang nominal na presyo ng mga nesesidad ng manggagawa. Parehas pa rin ng dati, P250 pa rin, o baka tumaas pa. Pero bumagsak ang kanilang tunay na halaga dahil sa pagtaas ng produktubidad.
Ito ang sinasabi ng mga manggagawa na bumabagsak ang halaga ng kanilang sahod dahil tumataas ang presyo ng mga bilihin. Totoong tumataas ang mga presyo pero hindi ibig sabihin nito ay hindi tumataas ang produktubidad ng lipunan o hindi bumabagsak ang tunay na mga halaga ng mga kalakal. Tumataas ang kanilang "presyo" pero nagmumura ang kanilang "halaga". Mas mataas ngayon ang "presyo" ng isang kilo ng bigas kaysa noong 1970, pero kung tutuusin, mas mura ang "halaga" nito ngayon dahil mas maiksi ang oras ng paggawa ng isang kilong bigas dahil sa pagtaas ng produktubidad ng magbubukid.*
Bukod sa batas ng suplay at demand, ang malaking dahilan nito ay ang pagbabago sa halaga ng salapi. Pero hindi ibig sabihin na pinararami ng gubyerno ang salaping iniimprenta at pinaiikot nito sa lipunan dahil intensyunal nitong pinababagsak ang tunay na sahod ng manggagawa o para hindi mahalata ng mga manggagawa ang pagbagsak ng halaga ng lakas-paggawa.
Talagang pinararami ng gubyerno ang suplay at sirkulasyon ng salapi kapag tumataas ang produktubidad ng ekonomya. Obligadong paramihin ito para ipambili sa dumaraming mga kalakal. Kapag kapos ang suplay ng salapi sa demand para rito, ang tendensya ay bumagsak ang presyo ng mga kalakal. Kapag sumobra naman ang suplay ng salapi sa demand para rito, ang tendensya ay tumaas ang presyo. May sitwasyon rin na pinalalaki ang sirkulasyon na salapi kahit tumutumal ang produksyon ng lipunan. Pinararami ito para pasikarin ang demand at produksyon. .
Paano itinatakda o sinusukat ang halaga ng salaping papel? Dati'y nakabatay ito sa ginto o pilak. Ang salaping papel ay simbolo ng reserbang ginto (o pilak) ng gubyerno. Ang pagpapalabas ng salaping papel ng estado ay nililimitahan ng kantidad ng ginto (o pilak) na hawak nito. Kung ang kantidad ng salaping papel ay doble ng halaga ng gintong reserba ng gubyerno, magiging P200 ang ekspresyon ng halagang dating kinakatawan ng dating presyong P100.
Sa ngayon, ang halaga ng piso ay hindi na nakabatay sa ginto kundi sa dolyar. Ang dolyar naman ay hindi na rin nakabatay sa ginto kundi sa pakiramdaman sa takbo ng ekonomya ng US.* Kapag nagbago ang palitan ng piso sa dolyar, apektado ang presyo ng mga kalakal kahit hindi nagbabago ang halaga ng mga kalakal. Pwedeng tumaas ang presyo ng mga kalakal kahit bumabagsak ang halaga ng mga ito dahil sa pagbabago ng halaga ng salapi.
Ang kantidad ng salaping umaaktong behikulo ng sirkulasyon ay itinatakda ng sumada ng mga presyo na mga kalakal na ipinagbibili, ng karaniwang bilis ng sirkulasyon ng salapi at ng pagbabagu-bago ng mga presyo ng mga kalakal.
Ang kabuuang presyo ng mga kalakal ay batay sa kantidad ng mga kalakal na nasa sirkulasyon. Halimbawa, kung ang isang kilo ng isang klase ng bigas ay P20, ibig sabihin, ang100 kilo nito ay P2,000, ang 200 kilo ay P4,000, atbp. Ibig sabihin, ang kantidad ng salapi na ipinapalit sa bigas, kapag ito'y ibinebenta, ay dapat dumami habang dumarami ang kantidad ng bigas.
Ang bilis naman ng sirkulasyon ng salapi ay kung ilang beses gumampan ang isang denominasyon ng pera ng sirkulasyon. Halimbawa, ang 5 kilong bigas ay ibinenta ng P100; ang P100 rin na ito ay ibinili ng 2 yarda ng tela; ang P100 rin na ito ay ibinili ng 1 litrong alak. Sa kasong ito, 4 na kalakal ang pinagalaw ng parehas na pirasong salapi na nagkakahalaga ng P100 pero ang kabuuang halaga ng presyong binayaran nito ay P400. Ang P100 ay gumampan ng 4 na akto ng sirkulasyon.*
Ang galaw ng presyo, ang dami ng mga kalakal at ang bilis ng sirkulasyon ng salapi ay maaring magbago sa magkakaibang direksyon sa magkakaibang kondisyon. Samakatwid, ang kantidad ng salaping pinakakawalan sa sirkulasyon ay magbabago kumporme sa iba't ibang epekto ng kombinasyon ng pagbabago ng tatlong salik na ito.
Ang batas ng suplay at demand na saligang salik sa galaw ng presyo ay pangunahing umaapekto rin sa presyo ng lakas-paggawa. Gaya ng ibang kalakal, kapag sobra ang suplay ng lakas-paggawa sa lipunan, ang epekto nito ay pabagsakin ang presyo nito ng mababa sa kanyang tunay na halaga.
Ito ang talamak na kalagayan sa mga bansang gaya ng Pilipinas na napakalaking bahagi ng populasyon ay walang sapat at tiyak na trabaho. Ang mas malaking problema ay hindi pa ang mismong pag-iral ng kapitalismo kundi ang atrasadong pag-unlad nito bunga ng dominasyon ng imperyalistang kapital. Hindi ganap na makagalaw ang likas na pang-ekonomyang mga batas ng kapitalistang sistema ng produksyon dahil sinasakal at kinukubabawan ito ng monopolista at pinansyal na kapital sa namamanginoon sa mundo.
Ang paghihikahos ng masang anakpawis sa mga bansang gaya ng Pilipinas ay kapwa resulta, sa isang panig, ng pag-iral ng kapitalismo bilang naghaharing sistema ng produksyon, at sa kabilang panig, ng atrasadong pag-unlad nito bunga ng dominasyon ng internayunal na kapital ng mga bansang imperyalista. Sa isang banda, nariyan ang milyun-milyong mga manggagawa sa mga planta at plantasyon at iba pang sektor ng ekonomya na pinasasahuran ng mababa sa tunay na halaga dahil ang kapitalismo sa Pilipinas ay lubusang nakaasa sa murang lakas-paggawa. Sa kabilang banda, nariyan ang mas malaking bilang ng tiwawang ng pwersa sa paggawa na di magawang produktibo dahil sa atrasadong katangian ng kapitalismo sa bansa.
Ang direktang implikasyon ng pagbagsak ng halaga ng lakas-paggawa ay hindi ang intensipikasyon ng pagihikahos ng uring manggagawa sa anyo ng pagbagsak ng halaga ng kanilang sahod. Ang mas direktang implikasyon nito ay ang paglago ng tiubo ng uring kapitalista at ang akumulasyon ng kapital, at ang ganap na pangingibabaw ng kapitalistang sistema.
Ang kahulugang ito ng pagbagsak ng halaga ng lakas-paggawa -- ang paglago ng kayamanan sa kamay ng uring kapitalista -- ang may direktang implikasyon sa pagtindi ng paghihikahos ng uring manggagawa. Ibig sabihin, ang mismong kabuuang sistema ng kapitalismo ang pinag-uugatan ng miserableng kalagayan ng uring manggagawa, ang mismong sistema ng sahurang-paggawa at sahurang pang-aalipin, at hindi lang ang problema ng kakapusan ng kanilang sahod.
Integral sa implikasyong ito ng pagbagsak ng halaga ng lakas-paggawa ang realidad na anumang pagsulong ng produktubidad ng kapitalistang sistema, mananatili ang manggagawa sa kanyang miserableng kalagayan at katayuang panlipunan bilang sahurang-alipin ng kapital. Ito'y sapagkat habang umuunlad ang produktubidad ng paggawa, ang lumalago ay ang kapital sa kamay ng uring kapitalista. Ang pinahahaba ay ang panahon ng libreng pagtatratrabho ng uring manggagawa para sa benepisyo ng uring kapitalista habang pinaiiksi ang panahon ng kanyang pagtatrabaho para sa kanyang pamilya.
Kung para mapalaki ang tubo ay kailangang mapaiksi ang obligadong-paggawa at mapahaba ang sobrang-paggawa, ang ultimong implikasyon nito ay hindi lang ang paglago ng sobrang-halaga kundi ang paglago ng sobrang populasyon ng uring manggagawa na hindi sapat at hindi tiyak ang hanapbuhay. Ang implikasyon nito ay sobrang suplay kaysa demand ng kapitalistang lipunan para sa lakas-paggawa, at ang karugtong nitong kahulugan ay hindi na lang ang halaga ng lakas-paggawa ang bumabagsak kundi ang mismong presyo ng uring manggagawa. Dapat maunawaan na ang demand para sa paggawa ay hindi katumbas ng paglago ng kapital, at gayundin, ang suplay ng paggawa ay hindi katumbas ng pagdami ng uring manggagawa.
Para mapaiksi ang obligadong-paggawa at mapalaki ang produksyon ng relatibong sobrang-halaga, obligadong paunlarin ang produktubidad ng paggawa. Ang ibig sabihin nito ay paunlarin ang teknikal na pundasyon ng proseso ng paggawa na ang awtomatikong kahulugan ay katumbas ng pagbabago sa teknikal na komposisyon ng kapital.
Sa pagsulong ng akumulasyon ng kapital, ang proporsyong ng kapital para sa kagamitan sa produksyon (constant capital) at kapital para sa sahod ng manggagawa (variable capital) ay magbabago. Kung dati'y ang proporsyon ay 1:1, tuluy-tuloy itong magbabago, magiging 2:1, 3:1, 4:1, 5:1, atbp. Ibig sabihin, habang lumalago ang kapital, imbes na 1/2 ay 1/3, 1/4, 1/5, atbp. ng kabuuang halaga nito ang para sa variable capital habang ang 2/3, 3/4, 4/5, atbp. ang nilalaan para sa constant capital.
Sapagkat ang pangangailangan o demand para sa paggawa ay dinidetermina, hindi ng kabuuang kapital, kundi ng porsyon lang nito para sa pasahod, samakatwid, ang "demand" para sa paggawa ay bumabagsak habang lumalago ang kapital imbes na proporsyonal na tumaas kaagapay ng akumulasyon ng kapital.*
Kung lumalaki man ang kapitalisasyon para sa lakas-paggawa bunga ng paglago ng kabuuang kapital -- bagamat mas malaki ang inilalaki ng kapitalisasyon para sa kagamitan sa produksyon -- ang epekto pa rin kapag tumataas ang produktubidad ay ito: Una, ang mas malaking variable capital ay pinagagalaw ang mas malaking paggawa nang hindi gumagamit ng mas maraming manggagawa; Ikalawa, gumagamit ng mas malaking paggawa sa parehas na dami ng manggagawa; Ikatlo, gumagamit ng mas maraming imperyor na lakas-paggawa (unskilled o semiskilled labor) na ipinapalit sa bihasang paggawa (skilled labor)
Ito ang ibig sabihin ng ang suplay ng paggawa ay hindi katumbas ng bilang ng uring manggagawa. Ang isang manggagawa ay maaring isuplay ang paggawa ng dalawa, dalawampu, o dalawang daang manggagagawa depende sa pagsulong ng produktubidad ng paggawa.
Ang paglago ng kapital ay mangangahulugan ng pagsakop nito ng paparaming mga sangay industriya, paglikha ng mga bagong industriya, at dominasyon sa bawat industriya. Sa panahong ito ng ekspansyon ng kapital, maaring lumalaki ang pangangailangan para sa paggawa.
Pero kapag nalubos na ang pananakop -- nagpapaspasan na ang mga kapitalista sa kompetisyon sa pamamagitan ng pagpapataas ng produktubidad -- lilitaw na ang naturalesa ng kapital. Ang natural na tendensya nitong palakihin ang kapitalisasyon para sa kagamitan sa produksyon at paliitin ang kapitalisasyon para sa pagbili ng lakas-paggawa. Ito ang kahulugan ng pagsusulong ng produktubidad ng paggawa -- mas kaunting paggawa, mas maraming produkto. Habang lumalaganap ang mekanisasyon sa bawat sangay ng industriya, tumataas ang produktubidad pero nagmumura ang uring manggagawa.
Sa madaling salita, ang uring manggagawa ang lumilikha ng sobrang-halaga para sa akumulasyon ng kapital, at kasabay nito, ay nililikha niya ang kondisyon para ang papalaking seksyon ng kanyang myembro ay mapabilang sa nakatiwangwang na sobrang populasyon ng kapitalistang sistema ng produksyon.
Kung ang sobrang populasyon ng manggagawa ay di maiiwasang produkto ng akumulasyon ng kapital, ang sobrang populasyong ito ay siya ring nagiging kasangkapan ng kapitalistang akumulasyon. Para bang sinasadya nito ang pagbubuo ng isang "reserbang hukbong industriyal" na laging nakaabang sa mga sandaling kailanganin at ipatawag sila ng mga kapitan ng industriya sa mga panahon ng ekspansyon. Isang reserbang hukbo ng murang paggawa na laging nakahandang ialay ang kanilang sarili sa altar ng sahurang-pang-aalipin.
Sa paglitaw at paglaki ng "reserbang hukbong" ito ng paggawa, magsisilbi rin itong "hagupit" ng uring kapitalista sa "aktibong hukbo ng paggawa" na kasalukuyan nilang ginagamit. Ang mga walang trabaho ay nagsisilbing "kompetisyon" sa mga may trabaho na pumayag sa mga kondisyones ng uring kapitalista sa pasahod, benepisyo at istandard sa paggawa dahil napakaraming handang pumalit mula sa reserbang paggawa. Inilulugmok ng kapital ang isang bahagi ng uring manggagawa sa kawalang trabaho sa pamamagitan pagtambak ng trabaho sa isang seksyonh nito, habang hindi naman makapagreklamo ang kinukuba sa trabaho dahil napakarami ang handang humalili at pumasan nito magkaroon lang ng ikabubuhay na sweldo.
Ang pagtaas ng produktubidad ng paggawa at paglago ng kapitalistang produksyon ay resulta ng pagpasok nito sa mekanisadong paggawa. Sa pagkakaimbento ng modernong makinarya, dapat sana'y sumulong ang sangkatauhan at sibilisasyon sa isang bagong panahong ang pagihikahos ng mayorya ng populasyon ay sana'y alaala na lang ng mga lumipas na antigong mga lipunan.
Dahil sa walang kaparis na pagsulong ng produktubidad ng paggawa bunga ng makinarya, tapos na dapat ang kakapusan sa mga saligang nesesidad ng masang anakpwis at hinawan dapat nito ang landas para sa masagana, maginhawa at panatag na kabuhayan ng bawat tao sa lipunan. Pero hindi ganito ang nangyari.
Imbes na maging instrumento ang modernong makinarya ng pagginhawa ng buhay ng buong sangkatauhan, ito'y nanatiling instrumento ng pagsasamantala sa paggawa ng buong lipunan para sa akumulasyon ng tubo at kapital. Lalong lumala ang paghihikahos ng mayorya ng tao sa buong daigdig habang lumitaw naman ang isang uri na walang kaparis sa kasaysayan ang pag-aaring kayamanan.
Kung tutuusin, daig ng modernong mga panginoong may-ari ng kapital ang sinaunang mga panginoon ng antigong mga lipunan. Ang magkabilang kamay ng kapitalista ay may hawak na dalawang latigo para hagupitin ang uring manggagawa sa ilalim ng sistema ng sahurang-pang-aalipin. Sa kaliwang kamay ay ang "reserbang hukbong industriyal". Sa kanang kamay ay ang "modernong makinarya". Itinataas ng makinaryang ito ang produktubidad ng paggawa habang pinamumura ang uring manggagawa.
Gaya ng kailangan ng tao ng baga para huminga, kailangan ng modernong lipunan ng makina para umandar. Ang usapin ay kung paano ito ginagamit para umalwan ang buhay ng sangkatauhan. O ito'y simpleng mekanismo para lalong pigain at sakalin ng kapital ang paggawa sa paglikha ng tubo.
Kung ang daan papuntang impyerno ay aspaltado ng magagandang intensyon, ang motibo ng mga kapitalista ay nakaimpake naman sa kuno'y dakilang mga serbisyo sa lipunan ng kanilang mga produkto.
Kung wala raw ang mga medisinang kanilang minamanupaktura, maaagnas sa sakit ang lipunan. Ang totoo, kung walang makakatas na tubo sa bawat tableta, hindi ito paglalagakan ng kapital -- sukdulang langawin ang lipunan sa epidemya. Ang nagpapapait sa mga pildoras ay hindi lang ang natural na komposisyon nito kundi ang sangkap na tubo sa kanilang presyo.
Para sa kapitalista, walang diperensya kung sa ospital o punenarya ilalagak ang kanyang kapital. Ang mapagpasya ay kung nasaan ang kwarta, ang tubo.
Ginagawa nila ang mga produktong ito para pagtubuan. Kung hindi sila tutubo, isasara nila, hindi lang ang pagawaan kundi pati ang kanilang konsyensya sa mga mawawalan ng hanapbuhay.
Tubo ang pangunahing motibo sa imbensyon at aplikasyon ng makina sa modernong produksyon. Sa kamay ng manggagawa, ang makinarya ay makapangyarihang instrumento ng produksyon. Sa kamay ng kapitalista, hindi ito ang ultimong kabuluhan. Ito ang pinakamabisang instrumento sa pagsasamantala.
Nang sumibol ang kapitalismo sa anyo ng simpleng ko-operasyon at manual na manupaktura, ang tinuntungan ng transpormasyon ng paraan ng produksyon ng lipunan ay ang lakas-paggawa. Inipon sa isang bubong ang mga sahurang manggagawa na ang gamit na mga instrumento ay kung ano ang matatagupuan sa lumang pyudal na sistema.
Nang pumasok ang kapitalismo sa malakihang industriya, ang ginamit nang tuntungan ay ang instrumento sa produksyon sa anyo ng modernong makinarya. Ang tao bilang pwersa sa produksyon ang iniangkop sa instrumento sa produksyon -- sa modernong makina..
Imbes na ang instrumento ay ekstensyon ng tao sa kanyang produktibong paggawa, ang tao ang ginawang ekstensyon ng makina sa modernong industriya. Hindi na ang tao ang nagdidikta ng galaw ng kanyang instrumento kundi ang instrumento ang nagdidikta sa igagalaw ng tao.
Sapagkat ito'y kapital, ang awtomatikong mekanismong ito ay nagtataglay, sa katauhan ng kapitalista, ng sariling utak at kagustuhan, isang kapangyarihang kumukontrol sa lakas-paggawa, sa buhay na paggawa ng tao.
Mula nang mangyaring ang tao, imbes na ginagawa ang kanyang produkto sa tulong ng kanyang ordinaryong de-manong kasangkapan, ay naging simpeng motibong pwersang nagpapagalaw sa mekanisadong instrumento -- insidental na lang kung ang manggagawa ay nakadamit-tao. Pwede na siyang palitan sa papel na ito ng iba pang natural na pwersa ng Kalikasan.
Sa modernong industriya, ang manggagawng may hawak ng simpleng kasangkapan (tool) ay pinapalitan ng makina. Ang makina ang siya nang nagpapaandar sa modipikadong bersyon ng mga dating simpleng kasangkapan. Ginawa itong parte at pyesa ng mekanismo ng makina, at pinagagalaw ng isang panlabas na pwersa. Hindi na importante kung ang motibong pwersang ito ay galing sa katawan ng tao o enerhiyang galing sa kalikasan.
Ang makina ay isang mekanismo na kapag pinaandar ay gumaganap sa parehas na mga operasyon na dating ginagampanan ng maraming manggagawa na hawak ang dating orihinal na anyo ng simpleng tools na ngayo'y ipinaloob sa mekanismo ng makina.
Halimbawa, ang orihinal na barena, bareta, asarol, martilyo, karayom, atbp., ay ginawan ng modipikasyon at ipinaloob sa mekanismo ng makinarya. Nang magawa ito, ang makina ang gumaganap sa dating operasyon ng mga manggagawa noong panahong direktang hawak pa nila ang orihinal at lumang bersyon ng mga instrumentong ito.
Halos lahat ng instrumento ng tao na pwedeng gawing mekanikal ay ginawan ng katumbas na makina. Sa pamamagitan nito, ang dating trabaho ng daan-daan o libu-libong manggagawa ay ginampanan ng makina sa mas matinding kantidad o mas konsistent na kalidad. Sa ganitong paraan gumampan ng rebolusyon sa sistema ng produksyon ang makinarya.
Mula nang ang simpleng mga kasangkapan ay natransporma mula sa de-manong mga instrumento at naging bahagi ng isang mekanikal na aparato, pati ang pwersang magpapagalaw rito ay dumaan rin sa malakihang transpormasyon.
Kumawala ito sa natural na mga limitasyon ng pisikal na lakas ng tao. Mismo ang indibidwal na makina ay naging simpleng elemento na lang sa mekanisadong produksyon. Ang isang motibong mekanismo ay nakasapat para sabay-sabay na pagalawin ang kombinasyon ng marami't magkakaibang makina.
Sa ganitong sitwasyon, isinilang ang modernong pabrika at industriya.
Ang rebolusyong ito sa paraan ng produksyon ay nangailangan ng rebolusyon sa pangkalahatang kondisyon ng proseso ng produksyon ng lipunan hanggang sa pati ang mga paraan ng komunikasyon at transportasyon ay saklawin nito. Ang malakihang produksyon na dati'y nasa mga industriya lang ng produkto ng malawakang konsumpsyon ay sinakop na rin ang mismong produksyon ng makinarya.
Nagkaroon ng mga industriyang lumilikha ng makina sa pamamagitan ng makinarya. Habang hindi pa naitayo ng kapitalismo ang industriyang ito ng malakihang produksyon ng makinarya, wala itong teknikal na pundasyon para makatayo sa sariling paa.
Ang mekanisadong pabrika, sa pangkalahatan, ay umaandar sa paraan ng sosyalisadong paggawa. Ang pagkakadugtong-dugtong ng buong proseso ng paggawa ay isang teknikal na nesesidad na idinidikta ng mismong kalikasan ng makina bilang instrumento ng produksyon.
Hindi lang sa loob ng pabrika kundi sa kabuuan ng lipunan, ang buong proseso ng produksyon ay inobliga ng mekanisasyon na maging sosyalisado ang paggawa. Bahagi ang bawat paggawa ng isang buong serye ng tuluy-tuloy na proseso na dugtong-dugtong ang katangian.
Nalubos ang sosyalisadong katangian ng produksyon ng mga kalakal. Walang sinumang indibidwal ang pwedeng umangkin sa kreditong siya ang may gawa ng isang produkto dahil hindi lang ito nagdaan sa kamay ng isang manggagawa. Kolektibong produkto ito ng mga manggagawa sa isang pabrika; Hindi lang ng mga manggagawa sa isang pabrika kundi ng iba't ibang manggagawa sa iba't ibang panig ng bansa; Hindi lang ng mga manggagawa sa isang bansa, kundi may kontribusyon rin sa mga sangkap nito ang mga manggagawa sa iba't ibang panig ng daigdig. .
Walang sinumang indibidwal ang pwedeng umangkin na siya lang ang may gawa ng isang modernong kalakal. Pero may isang indibidwal na umaangkin na siya ang may-ari nito -- ang kapitalistang nagmamay-ari ng kapital na ginamit sa paggawa ng ganitong kalakal. Ito ang kapitalismo: Sosyalisado ang produksyon. Ang pagmamay-ari ay pribado.
Dahil sa walang-kaparis na epekto ng makinarya sa produksyon, pinalalabas ng mga tagapagtanggol ng kapitalismo na ang pambihirang paglago ng kapital sa panahon ng modernong industriya ay gawa ng mga makinang ito at ang kontribusyon ng manggagawa sa produksyon ng tubo ay isang maliit na bahagi lang nito. Ang hindi makapasok sa kukote ng mga taong ito ay ang gamundong diperensya sa pagitan ng papel ng makina sa paggawa ng produkto at papel nito sa paggawa ng halaga.
Ang makina, kaparis ng ordinaryong instrumento sa produksyon, gaano man ito kamoderno, ay walang papel sa mismong produksyon ng halaga o ng sobrang-halaga na tinatawag nating tubo bagamat ito ay may napakalaking papel sa mismong produksyon ng produkto.
Ang makinarya, kaparis ng hilaw na materyales o iba pang sangkap ng tinatawag nating constant capital, ay hindi lumilikha ng bagong halaga. Simpleng "isinusuko" nito ang kanyang sariling halaga sa yaring-produkto na ang makina ay naging kasangkapan sa paggawa. Sapagkat ang makina ay may halaga, at dahil ginamit ito sa produksyon, lumilipat ang halagang ito sa bagong produkto at nagiging bahagi ng halaga ng yaring-produkto.
Ang makina, bagamat ginagamit ng buo sa proseso ng paggawa, ay pira-piraso lang na pumapasok sa halaga ng kalakal sa anyo ng depresasyon. Hindi ito nagpapasok ng halaga sa produkto nang lampas sa nawawala rito sa anyo ng depresasyon. Kung dinadaya ng kapitalista ang presyo ng produkto sa pandaraya ng halaga ng depresasyong ito ng makina, ang nakukupit niyang tubo ay maliwanag na hindi galing sa makina kundi sa kanyang pagkaswitik.
Gaano man katalino ang tao, hindi pa nito naiimbento ang makinang gumagawa ng tubo. Pero dahil sa talinong ito, nagagamit ng katusuhan ng kapitalista ang makina para palakihin ng manggagawa ang paglikha ng tubo. Kung sa paglikha ng tubo ay may malaking papel ang kaswapangan ng kapitalista, aaminin natin, na may malaking kontribusyon dito ang makina. Sa pamamagitan ng instrumentong ito ay lalong naging swapang ang mga kapitalista.
Pagtaas Ng Produktubidad Ng Paggawa sa Pamamagitan ng Makinarya
Kapag ang halagang matitipid sa paggamit ng makina ay katumbas ng halaga ng makinang ito, maliwanag na kapag gumamit ng makina ang kapitalista ang tanging naganap ay pinalitan niya ng makina ang paggawa. Kung ang halaga ay paggawa, ibig sabihin, paggawa ang tinitipid ng kapitalista sa aplikasyon ng makina.
Kung sa kwenta ng kapitalista sa paggamit ng makina ay mas maliit na halaga ang papasok mula sa instrumentong ito sa magiging kabuuang halaga ng kanyang produkto kumpara sa halagang papasok mula sa lumang instrumento -- ibig sabihin, mapamumura niya ang kanyang kalakal -- nakatipid sa gastos sa paggawa sa paggamit ng makina.
Ang produktibidad ng makina, samakatwid, ay sinusukat sa kantidad ng paggawa ng tao na pinapalitan nito.* Hindi ba't ito ang laging katwiran ng kapitalista sa paggamit ng makina -- sa ultimong kwenta, siya'y mas makakatipid. Gumagastos nang ubod nang laki sa halaga ng mamahaling makinarya para sa dulo ay mas makatipid sa produksyon! Ano ang tinitipid? Ito'y walang iba kundi ang paggawa.
Ang paggamit ng makina para sa natatanging layuning pamurahin ang produkto ay simpleng nakabatay sa rekisitong mas kaunting paggawa (halaga) ang kinailangan para gawin ito kumpara sa matatanggal na paggawa sa aplikasyon ng makinaryang ito.
Halimbawa, ang halaga ng isang makina ay katumbas ng isang taong sweldo ng 150 na manggagawang papalitan nito na nagkakahalaga ng P10 M. Ang P10 M na ito ay hindi ekspresyon ng paggawa ng 150 na manggagawa at idinadagdag sa halaga ng produkto bago ang introduksyon ng makina kundi ekspresyon lang ng bahagi ng isang taong paggawa na para sa kanilang sarili at kinakatawan ng halaga ng kanilang sahod. Wala pa dito, sa madaling salita, ang sobrang paggawa.
Samantalang ang P10 M na halaga ng makina ay ekspresyon ng lahat ng paggawang nakapaloob dito anuman ang proporsyon ng sahod ng manggagawa at tubo ng kapitalista. Samakatwid, kahit magkasing-halaga ang makina at ang paggawang papalitan nito, ang nakaimbak na paggawa sa loob ng makina ay mas maliit ang kantidad kumpara sa buhay na paggawang papalitan nito.
Maliwanag na ang intensyon sa paggamit ng makina ay mapataas ang produksyon at mapamura ang produkto upang mapahaba ang sobrang-paggawa at mapalaki ang sobrang-halaga na siyang behikulo ng paglago ng kapital sa anyo ng tubo.
Sa paghaba ng sobrang-paggawa at paglago ng sobrang-halaga, iiksi ang porsyon para sa kailangang paggawa sa reproduksyon ng halaga ng lakas-paggawa at ang epekto ng makinarya ay ang pagmura ng lakas-paggawa.
Kung mas kaunti ang mga manggagawang kailangan para sa produksyon ng parehas na kantidad ng produkto sa parehas na oras-paggawa, ibig sabihin, natipid ang halaga ng paggawa.
Kung mas humaba ang porsyon ng araw ng paggawa para sa produksyon ng sobrang halaga bunga ng makinarya, at umiksi ang porsyon para sa reproduksyon ng halaga ng sweldo, ibig sabihin, bumagsak ang halaga ng lakas-paggawa.
Hindi lang sa ganitong paraan pinamumura ng makinarya ang halaga ng lakas-paggawa. Dahil pinagaan ng makinarya ang paggawa -- ginawang mas simple't mekanikal kumpara sa dati -- binuksan nito ang malawakang paggamit sa paggawa ng kababaihan at kabataan.
Kung babalikan ang kasaysayan ng pag-unlad ng modernong industriya, lahat ng bansang nanguna sa industriyalisasyong ito ay pinundar sa walang kasinglupit na pagsasamantala sa lakas-paggawa ng kabataaan at kababaihan. Dahil hinigop ng makinarya ang bawat myembro ng pamilya sa sinasabing "labor market", ikinalat ang halaga ng lakas-paggawa ng kalalakihan sa kanyang buong pamilya.
Para bilhin ang lakas-paggawa ng isang pamilya, halimbawa, ng apat katao ay totoong mas malaking halaga kaysa ang bilhin lang ay ang lakas-paggawa ng padre de pamilya. Pero ang dating isang araw na paggawa ng padre-de-pamilya ay dinagdagan na ng araw ng paggawa ng iba pang myembro ng pamilya. Para mabuhay ang isang pamilya ng manggagawa, hindi na sapat na isang myembro lang ang nagtatrabaho. Kung mag-asawa ang kailangang magtrabaho para mabuhay ang pamilyang manggagawa, ibig sabihin, bumagsak nang kalahati ang halaga ng lakas-paggawa.
Kung para matugunan ang pangangailangan sa isang araw ay obligadong magtrabaho ang dalawang myembro ng pamilya, ibig sabihin, hindi isang araw ang ipinagbibili kundi dalawang araw na lakas-paggawa (16 na oras) para sa halagang dapat ay siyang presyo ng isang araw na lakas-paggawa. Ito'y sapagkat ang halaga ng isang araw na lakas-paggawa ay dapat sapat na makabuhay ng isang pamilya.
Samakatwid, ang makinarya, samantalang tumutulong para mapagaan ang paggawa ng tao para makalahok sa produksyon ang kababaihan at kabataan ay kasabay na itinataas ang antas ng pagsasamantala sa paggawang ito ng buhay na tao.
Ang pisikal na deteryorasyon ng makina ay dalawang klase. Isa'y dahil sa madalas na paggamit at ang kabila'y ang madalang na paggamit. Pero bukod sa pisikal na deteryorasyon, dumaranas rin ito ng debalwasyon dahil sa pagkakaimbento ng parehas na makina pero mas mura ang produksyon o kaya'y may mga bagong makinang mas mahusay. Sa parehas na kaso, ang halaga ng unang makina ay hindi na batay sa aktwal na paggawang nilalaman nito kundi batay na sa inabot na istandard ng lipunan sa produksyon na itatakda ng mga bagong makinarya.
Ibig sabihin, ang papaloob na halaga sa produkto ng makinaryang ito ay hindi ang indibidwal na halaga ng aktwal na maikang ginamit kundi ang sosyal na halaga ng mas modernong makinarya.* Kapag ang isang makinarya ay sinimulang gamitin sa isang partikular na industriya, kabuntot nito ang pag-iimbento ng mga pamamaraan para mapamura ang reproduksyon nito at mga modipikasyon hindi lang sa mga pyesa nito kundi sa buong konstruksyon.
Sa maagang parte ng buhay ng isang makina, nariyan na agad ang presyur sa kapitalista na mabawi ang halaga nito bago abutan ng mga bagong imbensyon. Ang presyur na ito ay idadagan naman ng kapitalista sa balikat ng paggawa na patindihin ang produksyon sa samu't saring anyo kasama na ang pagpapahaba sa mismong araw ng paggawa. Walang dapat maaksayang minuto sa 24 oras ng bawat araw dahil kapag pinagpahinga mo ang makina nang hindi naman obligado, pinatutulog mo ang isang bagay na multimilyon ang halaga.
Sa paggamit ng makinarya, lubusang pinahahaba nito ang sobrang paggawa habang pinaiiksi ang kailangang paggawa sa pamamagitan ng pagtataas ng produktibidad. Ang ganitong resulta ay nakakamit lang sa pamamagitan ng pagbabawas ng bilang ng mga manggagawa na ginagamit ng isang depinidong halaga ng kapital. Ito'y sapagkat nang lumipat ang kapitalista sa mekanisadong paggawa o mas modernong makina, trinansporma nito ang isang bahagi ng kapital na dati'y nakalaan sa sweldo -- inilipat mula sa buhay na paggawa patungo sa makinarya. Pero ang ganitong paglilipat ay nangangahulugang ang "variable capital" ay ginagawang "constant capital" na hindi naman lumilikha ng sobrang-halaga o tubo.
Ang layunin ng kapital sa mekanisasyon ng paggawa ay palakihin ang tubo pero itinatransporma nito ang papalaking bahagi ng variable capital sa anyo ng constant capital na hindi naman siyang pinanggagalingan ng kapitalistang tubo.
Halimbawa, kung ang 16 na manggagawa ay niredyus sa 2 dahil sa introduksyon ng makina, hindi naman pwedeng pumiga ng sindaming sobrang paggawa mula sa 2 na katumbas ng napipiga sa 16. Kung ang bawat isa sa 16 ay nagbibigay ng 1 oras na sobrang-paggawa sa walong oras na paggawa, ibig sabihin, ang kabuuang kantidad ng sobrang-paggawa ay 16. Ang problema, ang kabuuang oras-paggawa ng 2 mangggagawa ay 16 na oras. Kaya't imposibleng matumbasan nila ang sobrang halagang nalilikha ng 16 na manggagawa sapagkat ang ibig sabihin nito ay wala na silang sahod.
Ito ang isang napakalaking kontradiksyong bumubuhol sa kapitalismo at binubuno ng bawat kapitalista. Isang likas na kontradiksyong taglay ng aplikasyon ng makinarya sa produksyon ng sobrang-halaga. Sa mekanisadong produksyon, hindi uubrang mapalaki ang tantos ng sobrang-halaga mula sa isang depinidong laki ng kapital nang hindi binabawasan ang bilang ng mga manggagawa. Ang likas na kontradiksyong ito ay nagiging hayag kapag ang makinarya ay lumaganap na sa isang partikular na industriya sapagkat ang halaga ng kalakal na gawa sa makina ang magiging panlipunang istandard ng halaga ng ganitong produkto sa ganitong linya ng industriya.
Kapag umandar ang kompetisyon sa loob ng industriyang ito, magpapahusayan ng makina ang bawat kapitalista. Kapag nasagad ang pagpapahaba ng oras ng sobrang-paggawa sa loob ng depinidong araw ng paggawa, ang tanging alternatiba ng kapital ay ang ekstensyon ng araw ng paggawa. Kaya't usung-uso sa mga mekanisadong mga industriyang matindi ang kompetisyon ang pwersahang overtime para mapahaba ang araw ng paggawa at mapiga ang absolutong porma ng sobrang halaga.
Ito ang kakatwang resulta ng makina bilang instrumento sa produksyon na pinakamabisang nakapagpapaiksi sa oras ng paggawa at sukdulang nagpapaunlad sa produksyon ng lipunan. Sa kabilang banda, ito ang nagiging kasangkapan para ang panahon ng manggagawa at ng kanyang pamilya ay matransporma sa oras-paggawa para sa kapital. Sa kabilang banda, hinahalinhan nito ang parami nang paraming manggagawa na hindi produktibong nagagamit ang lakas-paggawa sa kalagayang papataas ang produksyon ng lipunan.
Sa pamamagitan ng matitinding pakikibaka ng mga mangggagawa sa buong daigdig, naipagtagumpay ang pagtatakda ng hangganan sa araw ng paggawa at ang pagpapaiksi nito batay sa normal na pisikal na kakayahan ng mga manggagawa.
Nang maitakda ang normal na haba ng araw ng paggawa, inimbento naman nang inimbento ang mga makina na ang disenyo ay pigain ang mas malaking kantidad ng paggawa sa isang takdang panahon. Ginawa ito sa dalawang paraan. Pinabilis ang mga makina at pinarami ang mga makinang pinaaandar o inaasikaso ng isang manggagawa. Walang duda na nagagampanan ng modernong mga makina ang operasyon na katumbas ang lakas ng milyon-milyong manggagawa. Pero kasabay nito ay inobliga rin ang manggagawa na sumabay sa bilis ng makina.
Noong hindi pa mekanisado ang paggawa, ang tao ang gumagamit sa kanyang instrumento. Sa loob ng modernong pabrika, ang makina ang gumagamit sa manggagawa. Sa loob ng pabrika, ang makina, isang bagay na walang buhay ang kumukumpas sa galaw ng buhay na paggawa ng tao. Mula nang lumitaw ang modernong makinarya hanggang sa kasalukuyang panahon ng glabalisadong ekonomya, laging karibal ng makina ang mga manggagawang anumang oras ay pwedeng patalsikin dahil sa aplikasyon nito. At sa matitirang nagtatrabaho, ang makina ang modernong katumbas ng latigo ng sinaunang mga panginoon. Humahagupit sa modernong manggagawa na sabayan ang kanyang bilis ng kanyang galaw para pataasin ang produksyon at palaguin ang kapital. At paglabas naman niya ng pabrika, nakabungad sa manggagawa ang isa pang kapangyarihan, isa pang panginoon -- ang salapi at ang mga kalakal na kinakatawan nito. Mga bagay na kung hindi mapapasakamay ng manggagawa ay hindi siya mabubuhay. Gayong ang mga kamay ng uring manggagawa ang lumilikha ng halaga ng mga bagay na ito at ang kanyang bisig ang pumapasan sa kabuhayan ng lipunan.
Ang nasa itaas ay hindi lang tanong kundi sumbat -- kung bakit ganito ang lipunang ating ginagalawan. Ang mas dapat nating itanong ay mas nakapatungkol sa ating mga sarili bilang mga manggagawa: Hanggang kailan natin titiisin ang ganitong klaseng lipunan?
Umaandar ang sistemang ito dahil sa kapital. Pero ang mas malalim na katotohanan ay hindi aandar ang kapital na ito kung wala ang paggawa. Umaandar ang sistemang ito para sa produksyon ng kalakal na kailangan ng tao. Pero ang mas malalim na katotohanan ay ginagawa ang mga kalakal na ito para tumubo ang kapital. Ang mga kalakal na ito ang kinakatawan ng salapi na umiikot sa lipunan. Pero ang nilalamang halaga ng mga kalakal na ito ay walang iba kundi ang ating paggawa. Ang paggawa ang lumilikha ng yaman sa ganitong lipunan, yaman na kinakatawan ng salapi at kalakal. Pero ang masakit na katotohanan ay ang paggawa ang inaalipin ng salapi at pinagdadamutan ng mga kalakal na siya ang may gawa. Ang paggawa ang lumilikha ng halaga sa ganitong lipunan. Pero ang mismong paggawang ito ay walang halaga sa ganitong sistema. Ang nilalagyan ng halaga ng lipunang ito ay ang lakas-paggawa na ginawa namang ordinaryo at baratilyong kalakal. Ang halaga ng ating lakas-paggawa ay ang ating ikinabubuhay. Pero ang halaga ng ating kalakal ay sapat lang para makabalik tayo sa pagawaan nang may sapat na lakas para muling magpaalipin sa kapital. Sapat lang para sa reproduksyon ng ating lahi. Upang kapag naupos ang kasalukuyang henerasyon ay hindi mauubusan nang hihititing paggawa ang mga may-ari ng kapital. Ang kapital ay paggawa, ang makina ay paggawa, ang hilaw na materyales ay paggawa, ang tubo ay paggawa, ang kalakal ay paggawa, ang salapi ay paggawa, ang likhang-yaman ay paggawa pero bakit tayong mga mangggagawa ang api-apihan sa ganitong lipunan, mga sahurang-alipin ng kapitalistang mga may-ari ng ating ikinabubuhay?
Napakagaan ang sabihing mali ang ganitong kaayusan, hindi makatwiran. Kasumpa-sumpa at pawang kahibangan, pawang kabaliktaran ang ganitong klaseng sistema at dapat lang wakasan!
Ang lahat ng likhang-yaman ng tao sa buong mundo ay galing sa masang anakpawis. Galing sa walang patid na mga henerasyon ng mga manggagawa sa lipunan sa libu-libong taong kasaysayan ng tao. Galing ito sa komunal na paggawa ng sinaunang mga ninuno ng sangkatauhan. Galing ito sa dugo't pawis ng unang mga aliping binihag at ginawang pribadong pag-aari ng mga panginoon ng antigong lipunan. Galing ito sa dugo't pawis ng mga magsasakang nagbungkal at nagpayaman sa lupaing pinagsingkawan sa kanila ng mga panginoong maylupa. Higit sa lahat, galing ito sa modernong manggagawa at magbubukid ng modernong panahon na ang lakas-paggawa ay ginawang kalakal ng kapital. Ginawang mga sahurang-alipin ng kapitalistang industriya, agrikultura at komersyo. Kung iipunin lang ang lahat ng kayamanang ito na likha ng tao na malaking bulto ay nasa kamay ng maliit na minorya sa lipunan* at gagamitin hindi para lumikha ng personal na tubo para sa mga naghahari sa lipunan kundi para sa pag-unlad at kaginhawaan ng tao, hindi magiging ganito ang mukha ng daigdig na tadtad ng paghihikahos, sigalot, karahasan at pang-aalipin.
Ang ugat ng problema ng uring manggagawa at ng sangkatauhan ay hindi ang kawalan ng sapat na likas at likhang yaman sa mundo para guminhawa ang bawat bansa at bawat tao. Ang ugat ng problema ay inaangking pribadong pag-aari ng minorya ang likas na yaman ng mundo at likhang yaman ng paggawa. Ginagawang kapital para ibayong palaguin para sa personal na benepisyo ng minorya habang pinapartehan lang ang mayorya ng sapat para sila'y manatiling sahurang-paggawa at sahurang-alipin ng kapital. Ang ugat ng problema ay ang pribadong pag-aari ng minorya sa mga kasangkapan sa produksyon. Ang pinagmumulan ng ikabubuhay ng mayorya ay pribadong pag-aari ng iilan, at ito ang dahilan kung bakit obligadong ipagbili ang lakas-paggawa dahil wala silang ikabubuhay kundi ang magpaalipin at magpaalila sa mga uring mapagsamantala. Ang ugat ng problema ay ang kapangyarihan ng kapital sa lipunan na ang motibo ay tubo at ibayong pagtubo ng kapital. Hindi ang kabutihan at kapakanan ng taumbayan. Ang ugat ng problema ay ang pagkakahati ng tao sa uring nagmamay-ari ng ikabubuhay ng nakararami at uring walang anumang pag-aari kundi ang kanilang lakas at talino sa produktibong paggawa.
Sino ang maghahangad na baguhin ang ganitong lipunan? Hindi ang mga kapitalista at ang kanilang mga galamay. Masaya sila sa ganitong kaayusan. Hindi ang mga uring nangangarap na parisan ang mga may-ari ng kapital. Walang ibang magpapalaya sa uring manggagawa kundi ang mga manggagawa mismo. Ang uring manggagawa sa bawat bansa. Ang uring manggagawa sa buong daigdig.
Para mapalaya ng manggagawa ang kanyang uri sa mapang-aliping kapangyarihan ng kapital, kailangang mapalaya niya muna ang kanyang sarili sa mapang-aliping mga kaisipang iminulat at itinuro sa kanya ng ganitong lipunan. Mga lasong ibinubuga at isinalaksak sa utak ng manggagawa ng mga institusyon at instrumento ng sistemang it. Mula sa pagkabata hanggang sa pagtanda. Mula paggising hanggang sa pagtulog. Sa loob ng pagawaan hanggang sa bawat sulok ng lipunan. Mga kaisipang nagtuturo sa kanyang tanggapin at tiisin ang ganitong kaayusan. Mga kaisipang nagtuturo sa kanya na ganito talaga ang lipunan o kapalaran. May mahirap at may mayaman. May sahuran at may kapital, at hindi na magbabago ang ganitong kalagayan. Ito'y natural, eternal, walang pinagsimulan at walang katapusan. Na ang pag-asa ay wala sa paglaya ng uring manggagawa kundi nasa pag-asenso ng bawat indibidwal. Kanya-kanyang interes, kanya-kanyang katawan.
Kailangang magising ang manggagawa sa lipunang kanyang ginagalawan. Madama na siya ay may uring kinabibilangan. Bawat manggagawa ay kapatid niya sa uri. Isa-isantabi ang mga pagkakahati-hati. Bigkisan ang sarili ng iisang kapakanan. At matutong tumindig bilang isang uri. Mulat sa sariling interes. Organisado ang sariling lakas . May kumpyansa sa tagumpay. Ito ang kilusan ng uring manggagawa na tungkulin at obligasyon ng bawat anakpawis na mulat sa pagiging uring manggagawa na lahukan, isulong, mahalin, at ipagtagumpay.
Kailangang magkaisa ang manggagawang Pilipino. Magkaisa sa bandila ng dakilang panawagang: "Manggagawa ng buong daigdig, magkaisa! Walang mawawala sa atin kundi ang kadena ng sahurang-pang-aalipin. Mayroon tayong daigdig na ipagwawagi!"
Appendix
Ang Paggawa ng Sinulid at Paglikha ng Tubo sa Manila Bay
Ang kompanyang Manila Bay ang numero uno sa industriya ng sinulid. Ito ay nagmamanupaktura ng low-twist na sinulid para gawing tela at ng thread na pangtahi, halimbawa ng tela o sapatos. Mayroon ding sariling pasilidad ang Manila Bay para sa knitting subalit maliiit lamang ang produksyon nito ng t-shirt.
Hinati na ito ngayon sa dalawang kompanya. Ang isa ay ang Manila Bay Spinning Mills, Inc. na humahawak ng old mill na gumagawa ng low-twist na sinulid. Ang kabila naman ay ang J&P Coats Manila Bay, Inc. na namamahala sa new mill na nagmamanupaktura ng thread. Matatagpuan sa iisang compound sa Bry. Tanong sa Marikina ang dalawang planta ng Manila Bay. Pag-aari ni Arsenio Tanco ang Manila Bay Spinning habang may mga kasosyo siyang dayuhan sa J&P Coats.
Ang sinulid ng Manila Bay ay ibinebenta kapwa sa lokal at internasyunal na pamilihan. Kalakhan ng low-twist na sinulid ng old mill ay dinadala sa mga pabrikang knitting dito sa Kamaynilaan ng naghahabi ng tela. Kalakhan naman ng thread ng new mill ay iniluluwas sa mga bansa dito sa Asya, gaya ng Taiwan. Lumilikha ang Manila Bay kapwa ng sinulid na cotton at synthetic, gaya ng polyester at acrylic.
Nauungusan ng Manila Bay ang pangunahing kakumpitensya nitong Indophil sa Bulacan. Nabili naman nito ang dating karibal na Allied Thread sa Pasig. Gayong minamantinang hiwalay na kompanya sa J&P Coats, ang warehouse ng Allied sa Pasig ay ginagamit nang imbakan ng nayaring thread mula sa Marikina.
Kahit na dalawang kompanya na ngayon, iisang unyon pa rin ang sumasaklaw sa mga trabahador ng old at new mill, sa mga manggagawa ng Manila Bay Spinning at J&P Coats Manila Bay. Kasapi ng unyon ang humigit-kumulang 1,200 na daily-paid production workers at ng mga 200 monthly-paid staff employees.
Ang pinoprosesong bulak ng Manila Bay ay kinukuha mula sa loob at labas ng bansa. Ang mga synthetic na materyales, halimbawa, ay inaangkat mula sa Taiwan. Kapag dumating sa Manila Bay, ang mga bales ng bulak ay pinitpit at mistulang malalapad at makakapal na doormat.
Ang unang hakbang sa produksyon ng sinulid ay nagaganap sa blowroom. Dito, sa pamamagitan ng malakas na buga ng hangin, hinihimay ang bulak. Dito rin nagaganap ang blending ng bulak, isang prosesong maihahalintulad sa paggawa ng cotton candy. Mula sa blowroom dadalhin ang bulak sa makinang cards na mistulang higanteng suklay. Dadaan ang bulak sa drawframe at speedframe kung saan hinihila at hinahatak ang ga-lubid na laking bulak para humaba at numipis. Sa pagitan ng drawframe at speedframe maari pang dalhin ang bulak sa mixer. Sa mixer paghahaluin ang cotton na bulak at polyester o acrylic na materyales para lumikha ng sinulid na may tamang proporsyon ng elementong natural at synthetic.
Matapos sa speedframe, ang susunod na hakbang ay spinning. Makaraang dumaan sa spinning machine, nakaporma na ang bulak na sinulid. Dadaan ito sa winding machine upang pilipitin ang sinulid. Susunod ang twisting. Dito ipinupulot ang kung ilang sinulid para lumikha ng mas matibay na sinulid. Ang 3-ply na sinulid, halimbawa, ay tatlong sinulid na ipinupulot.
Ang huling hakbang sa paglikha ng sinulid ay ang finishing. Kung ito ay low-twist na sinulid na pangunahing gawa sa cotton, dadaan na lang ito sa bleaching para paputiin ang likas nitong kulay. Kung ito ay thread, papasok ito sa wet process para sa dyeing at coloring.
Ang ibang low-twist na sinulid ay maaring umabot pa sa knitting upang ihabi bilang tela at tahiin bilang t-shirt. Wala halos nasasayang sa bulak na pinoproseso ng Manila Bay. Ang waste na bulak ay nagagawa pang ilubid para maging mop. Kumikita pa rin ang Manila Bay sa pagbebenta nito.
Ang natapos na sinulid ay nakapulupot sa mga cones. Nakapaikot sa bawat cone ang dalawang kilong sinulid. Isinisilid ito sa mga sako na bawat isa ay naglalaman ng 24 cones. Handa na itong ihatid sa mga kliyente ng Manila Bay. Ikakarga ang mga sako sa mga canter na delivery truck na pangkaraniwang nagkakarga ng 300 sako bawat isa. Sa loob ng isang araw maaring apat na trak ang lumalabas sa gate ng Manila Bay.
Sa loob ng isang ordinaryong araw, minimum na ang makalikha ang mga manggagawa ng Manila Bay ng 26 toneladang sinulid. Kung umabot ng 31 tonelada ang nayaring sinulid, naglulumundag na sa saya ang production manager at baka masumpungan pa niyang manlibre sa ilang trabahador.
Ang isang toneladang sinulid ay maaring magkahalaga ng P116,000 kung low-twist na sinulid o umabot pa ng P300,000 kung synthetic thread.
Ang mga planta ng Manila Bay ay tumatakbo ng 24 oras sa pitong araw ng bawat linggo. Tatlong shift ang pasok ng mga manggagawa -- 6am hanggang 2pm, 2pm hanggang 10 pm at 10 pm hanggang 6 am. Ang mga nagtatrabaho lamang sa last shift ang tumatanggap ng night differential. Ang mga manggagawa ng second shift kahit na madilim na kung lumabas ay walang natatanggap na dagdag sa sahod.
Ang pangkaraniwang sahod ng daily-paid na manggagawa ng Manila Bay ay P270. Ang mga office employees ay kadalasang nasa P400 kada araw ang sahod. Samantala ang mga bisor ay tumatanggap ng mga P500 bawat araw.
Sa dulong bahagi ng dekado ‘80 nagsimula na ang modernisasyon ng planta at makinarya ng Manila Bay. Ilang ulit na lundag ng produktibidad ang ibinunga nito. Ang lumang spinning machine na may 400 spindles at hinahawakan ng isang tao ay pinalitan ng mas bagong spinning machine na may 1,000 spindles subalit iisang tao pa rin lamang ang namamahala. Kung ipagpalagay na magsingbilis lamang ang andar ng luma at bagong makina, nangangahulugan ito ng 250% paglaki ng produktibidad. Ibig sabihin, kung noon kayang mag-spin ng 1 kilong sinulid sa 1 minuto, ngayon 2.5 kilo ang kayang gawin sa loob pa rin ng isang minuto. O kaya maari rin itong tingnan na ang kayang imanupakturang sinulid sa loob ng dalawa't kalahating araw ay kaya nang tapusin sa loob lamang ng isang araw.
Ang lumang winding machine na may 20 spindles ay dating pinaaandar ng tatlong manggagawa. Kung sakaling maputol ang sinulid, ang manggagawa ang de-manong magtatali at magbubuhol ng sinulid. Hinalinhan ito ng automatic at computerized machine na may 200 spindles. Kapag napigtal ang sinulid, may pyesang kukuha ng sinulid at kusang magdudugtong nito. Isa na lamang ang kailangang mag-operate ng makinang ito. Ang trabaho na lamang niya ay pindutin ang switch upang tumakbo ang makina at maglagay ng suplay ng sinulid kung maubusan. Nangahulugan ito ng 3000% paglundag ng produktibidad! Ang kayang i-wind na sinulid ng isang manggagawa sa tulong ng bagong makina ay 300 beses ang laki sa maaring gawin ng isa pa ring manggagawa sa paraan ng lumang makina.
Meron na ring electronic sensor ang mga makina na kung daanan ng sinulid na may bukol o buhol ay sadyang pipigtalin ang sinulid at idudugtong ito nang wala na ang depekto. Kaya’t hindi lamang simpleng lumaki ang produksyon kundi kalidad ang sinulid na minamanupaktura ng Manila Bay. Sa pagitan ng old mill at new mill, mas moderno ang sa huli at kung gayon mas mekanisado ang produksyon ng thread sa J&P Coats kaysa paglikha ng low-twist na sinulid sa Manila Bay Spinning Mills. Ang mga modernong makinang ito ay inangkat pa mula sa Germany.
Pinatutupad na rin ang labor flexibilization sa Manila Bay. Ang isang manggagawa ay inililipat-lipat ng departamento at sinsasanay sa iba’t ibang linya ng trabaho sa planta. Bunga ng modernisasyon, awtomasyon o reorganisasyon ng proseso ng produksyon, malaki ang nabawas sa bilang ng trabahador ng Manila Bay. Umaabot ng 30% o kulang-kulang 600 ang iniliit ng workforce mula sa 1,800 na production workers noong dekada ‘80. Karamihan nito ay tinanggal sa bisa ng redundancy habang ang iba ay inakit ng voluntary retirement.
Maaring kwentahin ang tantos ng pagsasamantala at tantos ng kita ng Manila Bay mula sa isinumite nitong mga financial statements sa SEC. Dapat nga lamang unawain na hindi pa tunay na isinasalarawan ng financial statements ang laki ng tubo at igting ng pagsasamantala sa pabrikang ito ng sinulid sapagkat tuwinang undervalued ang halaga ng output ng mga kompanya at overvalued ang kanilang gastos sa produksyon.
Mula sa financial statements ng Manila Bay Spinning Mills at J&P Coats Manila Bay sa nitong 1996 at 1997 maaring kwentahin ang tantos ng pagsasamantala at tubo sa dalawang magkasunod na taong iyon.
Sa kwentahan hinati ang gastusin sa produksyon sa dalawang bahagi -- ang constant capital at variable capital. Ipinaloob sa constant capital ang gastos sa hilaw na materyales (na siyang pinakamalaki), ang gastos sa light, fuel and water (na ikalawang pinakamalaki), ang depresasyon ng makinarya (na susunod na pinakamalaki), ang gastos sa repair and maintenance, office supplies, transport and delivery at telephone bill.
Sa variable capital, ipinaloob ang sahod at sweldo -- pati bonus, allowances, SSS at iba pang kontribusyon -- ng direct labor, indirect labor at office staff.
Batay sa 1996 na financial statement ng Manila Bay Spinning Mills, ang kabuuang halaga ng mga nalikha at nabenta nitong sinulid ay P617,466,506.02. Ang mga gastusin nito sa produksyon ay umabot ng P557,870,163.26. Ang constant capital ay nasa P456,329,779.26 habang ang variable capital ay nasa P101,540,384. Kaya’t ang tubo o labis na halaga sa taong iyon iyon ay P59,596,342.76.
Kung gayon ang tantos ng pagsasamantala ay 58.7%. Ang tantos ng tubo ay 10.7%.
Sa 1997 naman, lumaki ang kabuuang halaga ng nalikha at naibentang produkto sa P633,957,287.94. Ang gastos sa produksyon ay lumiit sa P534,078,614.20. Nahahati ito sa constant capital na P422,793,281.61 at variable capital na P111,285,332.59. Samakatwid ang tubo o labis na halaga ay lumobo sa P99,878,673.74.
Kung gayon ang tantos ng pagsasamantala ay 89.8% habang ang tantos ng tubo ay 18.7%.
Sa loob ng dalawang taong ito ang average na tantos ng pagsasamantala ay 74.2%. Ibig sabihin, sa otso oras na paggawa, sa loob lamang ng 4 oras at 35 minuto nabawi na ng manggagawa ng Manila Bay ang kanyang sahod. Kaya’t ang natitirang 3 oras at 25 minuto ay libreng paggawa para kay Arsenio Tanco.
Sa J&P Coats naman, ang kabuuang halaga ng mga nalikha at nabentang thread noong 1996 ay P442,066,933.59. Ang gastos sa produksyon ay P336,413,457.72 na nahahati sa constant capital na P274,720,417.80 at variable capital na 61,693,039.92. Kaya’t ang tubo ay umabot ng P105,653,475.90.
Ang tantos ng pagsasamantala kung gayon ay 171.3% habang ang tantos ng tubo ay 31.4%.
Sa taong 1997, lumaki ang kabuuang halaga ng nalikha at naibentang produkto sa P496,068,945.59. Ang gastos sa produksyon ay lumaki rin naman sa P418,604,168.86. Ang P337,028,500.33 nito ay constant capital samantalang P81,575,668.53 nito ay variable capital. Ang tubo kung gayon ay P77,464,776.73.
Samakatwid ang tantos ng pagsasamantala ay 95% at ang tantos ng tubo ay 18.5%.
Ang average na tantos ng pagsasamantala sa dalawang taon ay 133%. Ibig sabihin, ang unang tatlong oras at 26 minuto na paggawa ay para likhain ng manggagawa ng J&P Coats ang katumbas ng kanyang sahod at ang huling apat na oras at 34 minuto ay para sa tubo nina Tanco at mga dayuhan niyang kasosyo.
Ang Pagsasamantala sa mga Manggagawa sa Agrikultura at Serbisyo
Upang matukoy ang mekanismo ng pagsasamantala sa mga manggagawa sa agrikultura at serbisyo kailangan munang linawin ang kaibhan ng produktibo at di-produktibong paggawa.
Hindi lahat ng paggawa sa kapitalistang lipunan ay lumilikha ng halaga at labis na halaga. Ang maituturing na produktibong paggawa ay iyong nagluluwal ng bagong halaga at labis na halaga.
Sa pagturing ng ilang klase ng paggawa bilang di-produktibong paggawa dapat isaalang-alang na hindi ito paghuhusga batay sa pamantayan ng moralidad o kabuluhan. Ito ay pagturing sa punto-de-bista ng kapitalistang lipunan, ng kapitalistang produksyon, ng produksyon hindi lamang ng kalakal kundi ng tubo. Tanging ang paggawang lumilikha ng bagong halaga at labis na halaga para sa kapitalista ang produktibong paggawa sa pananaw ng kapitalistang lipunan.
Ibig sabihin, ang paggagamot ng isang doktor, halimbawa, ay walang dudang mahalaga at makabuluhan. Subalit hindi ito produktibong paggawa hanggat hindi ito lumilikha ng tubo para sa isang kapitalista. Sa kabilang banda, ang produksyon ng armas nukleyar ay lumilikha ng halaga at labis na halaga.
Ang lahat ng paggawa na hindi iniempleyo sa mga kapitalistang empresa ay di-produktibong paggawa. Nasa ganitong kategorya ang trabaho ng mga katulong at hardinero sa bahay, drayber at mensahero ng pamilya. Sila ay paggawang sahuran subalit hindi paggawang produktibo.
Ang tubo ay nalilikha lamang sa proseso ng produksyon ng kalakal at hindi sa sirkulasyon ng kalakal. Ang mismong akto ng pagbebenta ng kalakal ay walang naidadagdag na halaga sa kalakal. Ang paggawa sa larangan ng sirkulasyon ay di-produktibong paggawa. Ito ay paggawa na hindi lumilikha ng bagong halaga at labis na halaga. Ang trabaho sa linya ng komersyo at banko ay nasa ganitong kategorya. Ang teller ng banko at saleslady sa department store ay mga sahurang-paggawa subalit di-produktibong paggawa.
Gayunpaman, sa pangkalahatan ang kalakal ay hindi maibebenta sa mismong tarangkahan ng pabrika. Kinakailangang ito ay dalhin sa mga tindahan upang mabili. Obligadong ito ay ibyahe. Kung gayon, ang transportasyon ng mga kalakal ay dapat ituring na bahagi ng proseso ng produksyon kaysa ng sirkulasyon. Ang transportasyon ng kalakal ay nagdadagdag sa mismong halaga nito.
Dapat lamang ipag-iba ang transportasyon ng tao sa transportasyon ng kalakal. Ang cargo transport ay produktibong-paggawa habang ang passenger transport ay di-produktibong paggawa. Ang sahurang drayber ng pampaseherong bus ay walang iniluluwal na halaga samantalang ang swelduhang drayber ng delivery truck ay nagdadagdag ng halaga. Sa pangkalahatan ang paggawa sa linya ng trucking, shipping at air cargo ay produktibong paggawa na lumilikha ng bagong halaga at labis na halaga.
Panghuli, ang produksyon ng kalakal ay produksyon ng materyal na bagay. Ang paggawa ay interaksyon ng tao sa kalikasan. Ito ay transpormasyon ng mga materyales mula sa kalikasan upang pagsilbihin sa mga pangangailangan ng tao. Mga materyal na bagay lamang ang maaring maglaman ng halaga na sinusukat sang-ayon sa oras ng paggawa. Produktibong paggawa iyong paggawang naisasakonkreto sa anyo ng mga materyal na bagay.
Samakatwid ang produksyon ng kalakal at paglikha ng halaga ay nagaganap hindi lamang sa manupaktura kundi sa agrikultura, pagminina, konstruksyon, at pati produksyon at distribusyon ng tubig, kuryente at enerhiya. Ilang sektor na karaniwang itinuturing na nasa linya ng serbisyo ay bahagi ng produksyon ng kalakal. Gaya halimbawa ng pagtitinda ng pagkain sa mga restawran sapagkat hindi lamang ito pagbebenta kundi pagpoproseso ng pagkain. Ang paggawa sa mga linyang ito ay produktibong paggawa. Ang sakada ng Hacienda Luisita, minero ng Marcopper, construction worker ng MRT, lineman ng Meralco at crew ng Jollibee ay mga produktibong trabahador.
Ang proseso ng produksyon ng kalakal ay hindi rin dapat ilimita lamang sa paggawa sa shopfloor. Ang produksyon ng kalakal ay nagsisimula sa research and development ng produkto nagpapatuloy hanggang quality inspection at warehousing, at nagtatapos sa transportasyon nito. Kung kaya’t hindi lamang mga manual laborer sa planta kundi mga staff employee sa opisina, mga inhinyero at teknisyan sa laboratoryo, kahit ang mga bisor, ay lumalahok sa produksyon, nagdadagdag sa halaga ng kalakal at pinagmumulan ng labis na halaga.
Sa kabilang banda, ang iba pang sektor ng serbisyo ay walang kaugnayan sa produksyon ng materyal na bagay. Ang kinakalakal rito ay hindi mga materyal na bagay kundi aksyon ng tao. Hindi ito kumakatawan sa ugnayan ng tao sa kalikasan kundi ng relasyon ng tao sa tao. Kung kaya’t ito’y paggawang hindi lumilikha ng halaga. Sa pangkalahatan ang paggawa sa linya ng serbisyo ay di-produktibong paggawa.
Ang trabaho ng guro at nars sapagkat pagbibigay ng serbisyo ngunit hindi pagyari ng kalakal ay mga di-produktibong paggawa. Ang lahat ng mga empleyado ng pamahalaan -- bukod sa mga manggagawa sa mga korporasyong may nililikhang kalakal, gaya ng Napocor, PASAR at National Steel -- ay di-produktibong manggagawa.
Ang nalilikhang bagong halaga at hinuhuthot na labis na halaga ng mga kapitalista ay nagmumula lamang sa produktibong paggawa, sa produktibong mga sangay ng ekonomiya.
Sapagkat walang nalilikhang halaga sa mga di-produktibong sektor ng ekonomiya ang tubo ng mga kapitalista sa mga sektor na ito ay maaring magmula lamang sa labis na halagang likha ng produktibong paggawa. Pumaparte ang lahat ng kapitalista -- sa produktibo man o di-produktibong sektor -- sa labis na halagang likha ng produktibong paggawa. Ang tubo ng mga komersyante at bankero ay nagmumula sa labis na halagang likha sa mga pagawaan, minahan at bukirin.
Pinapartehan ng industriyalista ang komersyante sa pamamagitan ng pagdidiskwento sa presyo ng kalakal. Ibinebenta ng manufacturer ang kalakal sa wholesaler nang may malaking bawas sa tunay na halaga nito. Ibinebenta naman ito ng wholesaler sa retailer nang mas mababa pa rin sa tunay na halaga. Sa pangkalahatan, ang retailer na ang magbebenta ng kalakal sa tunay nitong halaga. Papayag ang industriyalista na partehan ang komersyante at magtyaga sa nabawasang tubo. Bentahe na sa kanya kung mabilis mababawi ang ipinuhunan at agad makukubra ang tubo para muling ikapital ang kwarta sa produksyon. Disbentahe kung siya pa ang mamumuhunan sa pagbebenta at maghihintay ng matagal hanggang tuluyang mabili ng mga konsumer ang mga kalakal.
Mula naman sa labis na halaga kinukuha ng industriyalista ang ipambabayad niya ng interes sa utang. Ang buwis na sinisingil ng gobyerno ay kinukuha rin ng industriyalista mula sa labis na halaga. Sa ganitong paraan binabahaginan ng kapitalista sa industriya ang kapitalista sa banko at ang kapitalistang estado ng labis na halagang likha sa kanyang pabrika.
Sa pangkalahatan, ang labis na halaga ay nahahati sa tubo ng industriyalista, komersyante at bankero, at sa buwis ng pamahalaan. Ang lahat ng kapitalista at ang kapitalistang estado ang sama-samang nagpapasasa sa pawis ng mga produktibong manggagawa.
Ang sahod ng mga manggagawa sa komersyo at banko ay nagmumula sa puhunan ng mga komersyante at bankero kaya’t hindi sila bumabahagi sa labis na halagang likha ng produktibong mga manggagawa. Ang sweldo ng mga manggagawa ng gobyerno ang direktang nagmumula sa halagang likha ng mga produktibong manggagawa. Subalit hanggat naibabalik ang buwis na ito bilang serbisyo publiko para lamang itong sosyalisasyon ng isang bahagi ng sahod ng mga manggagawa.
Kahit na hindi sila hinuhuthutan ng labis na halaga, maituturing na pinagsasamantalahan ang mga manggagawa sa serbisyo. Mamumuhunan ang komersyante sa kanyang negosyo. Ang kapital niya’y lalago sapagkat siya’y tutubo. Ang tubo ay di nagmula sa pagpatong sa presyo sa proseso ng sirkulasyon kundi bahagi ng labis na halaga mula sa proseso ng produksyon. Subalit hindi makakabahagi ang komersyante kung hindi dahil sa paggawa ng mga manggagawa sa serbisyo.
Ang tubo ng mga komersyante, bankero at kapitalista sa linya ng serbisyo ay di pa nagmumula sa di-produktibong paggawa ng kanilang mga trabahador, ng mga manggagawa sa serbisyo. Subalit hindi sila tutubo, hindi aandar ang negosyo ng mga kapitalistang ito kung wala ang paggawa ng mga manggagawa sa serbisyo kahit na ito’y di-produktibo. Sa batayan ng paggawa ng mga manggagawa sa serbisyo, nagagawang pumarte ng mga kapitalista sa serbisyo sa labis na halagang likha sa industriya’t agrikultura. Kaya’t hindi man sa kanilang pawis tuwirang nagmumula ang tubo, dapat lamang ituring na pinagsasamantalahan at inaalipin ang mga manggagawa sa serbisyo sapagkat tuwirang kailangan ang kanilang paggawa upang makabahagi ang kanilang kapitalista sa labis na halagang likha ng kanilang mga kapatid sa uri.
Sa agrikultura at iba pang produktibong sektor, ang paglikha ng halaga at produksyon ng labis na halaga ay gaya lamang ng nagaganap sa manupaktura. Ang kaibhan lamang sa agrikultura, ang materyales ay binubuo ng mga binhi, pataba, pestisidyo at iba pang sangkap sa pagsasaka habang ang makinarya ay traktora, thresher, weeder, atbp. Kung ang kapitalistang magsasaka ay nangungupahan lamang ng lupa, magmumula sa labis na halagang likha ng manggagawang bukid ang ibabayad niya ng renta sa panginoong maylupa, gaya ng relasyon ng industriyalista sa bankero. Tuwiran ang pagsasamantala sa agrikultura sapagkat direktang nagmumula ang tubo ng kapitalistang-asendero o kapitalistang-magsasaka sa di-binayarang paggawa o labis na halagang mga manggagawang bukid.