Filemon Lagman

REORGANISAHIN ANG ATING REBOLUSYONARYONG MAKINARYA!

ALINSUNOD sa reoryentasyon ng ating rebolusyonaryong gawain, kailangang reorganisahin ang ating makinarya dito sa lungsod. Dapat lang na umayon at magsilbi ang ating pagkakaorganisa sa ating pagkilos.

Kung pagbabatayan ang ginawa nating reoryentasyon, nasaan ang kahinaan ng ating pagkakaorganisa? Paano ang reorganisasyong akma sa kasalukuyan nating oryentasyon? Ito ang kailangang liwanagin para gawing mas epektibo ang ating pagkakaorganisa at pagsusulong ng pakikibaka para sa demokrasya at sosyalismo.

Reoryentasyon Tungo sa Reorganisasyon.

Tayo'y mga Marxistang rebolusyonaryo. Tatak natin dapat ang pagiging makabago. Ang palagiang pagtindig sa panig ng progreso. Ngunit sa totoo, pagdating sa mga usaping pang-organisasyon, tayo'y masyadong tradisyunal. Daig pa natin ang matandang dalaga na ayaw pahipo sa kamay ng pagbabago. Hangad nati'y pagbabago, pero pagdating sa mga repormang pang-organisasyon, numero uno tayong konserbatibo.

Ang minana o kinopya nating mga istruktura ay halos ituring nating sagrado't absoluto. Anumang retoke ay para bang dadaan muna sa bangkay ng ating mga prinsipyo. Pati ang mga usaping pang-organisasyon at pang-istruktura na dapat ay mahigpit na gamitan ng praktikalidad at pleksibilidad, at minsa'y simpleng sentido kumon, ay pinuluputan natin ng dogma't kinandado sa tradisyon hanggang sa tayo'y magmistulang huklubang organisasyon.

Ngayong nasa yugto tayo ng pundamental na reoryentasyon sa teorya't taktika, kailangang repasuhin mismo ang ating mga konsepto't istrukturang pang-organisasyon. Dapat siguruhing umaayon ito sa ating praktikal na pagkilos at planong pampulitika, magsilbi sa pagsusulong ng makauring kilusang sosyalista at pambansang kilusang demokratiko. Ang ating reoryentasyon ay dapat tumagos hanggang sa organisasyon, at reorganisahin ang ating makinarya alinsunod sa reoryentasyong ito.

Pangunahin dito ay ang sumusunod na usapin: Una, ang konsepto at sistema ng sikretong organisasyon ng Partido. Ikalawa, ang pampulitikang pamumuno ng Partido. Ikatlo, ang makauring pag-oorganisa ng Partido. Ikaapat, ang pag-oorganisa ng Partido sa batayang antas. Ikalima, ang panloob na pamumuno at istruktura ng Partido.

Ang Sikretong Organisasyon ng Komunistang Partido.

Kinamulatan at kinasanayan na natin ang pagiging sikreto ng organisasyon ng Partido. Bago pa ang muling pagtatatag ng Partido, dati na itong sikreto. Sikreto dahil idineklarang iligal ng reaksyonaryong estado bilang isang subersibong organisasyon. Nang muling itatag noong 1968, hindi lang natin minantina ang pagiging sikreto ng Partido kundi pinanindigan ang ating pagiging iligal. Idineklara natin na ang pangunahing larangan ng pakikibaka ay iligal-ang larangan ng armadong pakikibaka.

Di lang natin idineklarang armado ang pangunahing porma ng ating pakikibaka. Higit rito, trinansporma natin ang rebolusyon sa gera. Ang gerang ito ang rebolusyon-ang Maoistang istratehiya ng matagalang digma. Ang pagkabuo ng unang yunit ng hukbong bayan ang hudyat ng pagsiklab ng rebolusyon sapagkat ang matagalang digma ang siyang rebolusyon.

Idineklara nating ito at tanging ito ang tamang pagsusulong ng rebolusyon hindi lang sa Pilipinas. Ito ang unibersal na katangian ng rebolusyon sa lahat ng atrasadong bansa. Hindi na lang ito istratehiya't taktika. Usapin na ito ng saligang prinsipyo. Isang unibersal at absolutong batas ng rebolusyon. Kaya't ang pagiging iligal, ang pagiging armado ng ating pakikibaka ay hindi na lang isang ispisipikong porma ng pakikibakang angkop sa isang partikular na sitwasyon kundi siya nang saligan at palagiang katangian ng ating rebolusyon.

Ang pagiging sikreto ng Maoistang Partido ay di na lang dahil ginagawa itong iligal ng reaksyonaryong estado kundi talagang iligal ang saligang paraan nito ng paglaban. Ang pagiging sikreto nito ay di na lang taktikal kundi oryentasyonal sapagkat itinanghal nating usapin ng prinsipyo ang paglulunsad ng matagalang gera. Ito na ang ating kinamulatan: ang rebolusyo'y gera, ang Partido'y iligal, at palso kapag hindi ganito.

Ito ang istorikal na konteksto at eksplinasyon kung bakit nakabaon sa ating utak ang pagiging sikreto at iligal ng Partido. Inililinaw ang mga punto na ito hindi sa balangkas ng isang proposisyong gawing ligal ang Partido kahit nirepil na ang Anti-Subversion Law. Ang pagiging tama na ang Partido'y manatiling sikreto-kahit sa umiiral na sitwasyon at kahit ginagawa itong ligal ng kaaway-ay hiwalay pang usapin.

Mas inililinaw ang mga nabanggit na punto para mas maintindihan ang tamang konteksto at kabuuang rasyunal ng pagiging sikreto ng Partido, at masapol ito sa kanyang tunay na katuturan bilang usapin ng taktika hindi ng prinsipyo. Sa tamang pagsapol sa lohika nito mas maiintindihan ang bentahe't disbentahe ng pagiging sikreto ng organisasyon ng Partido, at batay dito, magagawa nating mas epektibo at pleksible ang ating pagkakaorganisa.

Sa Leninistang konsepto ng sikretong pagkakaorganisa ng partido, ang rasyunal ay: Una, kung deklaradong iligal ito sa batas ng reaksyonaryong estado, samaktawid, ang pagiging sikreto nito ay para protektahan ang organisasyon ng partido sa paniniktik ng kaaway. Ikalawa, sa pagiging sikreto, hindi ito nagpapatali at nagpapasupil sa mga restriksyon ng reaksynaryong batas, at samakatwid, libreng gamitin ang lahat ng porma ng paglaban kasama ang iligal at armado. Pero malinaw sa Leninistang konsepto ng sikretong partido na di ito usapin ng prinsipyo kundi taktika. Kumporme ito sa antas ng pag-unlad ng demokrasyang burges sa bawat bansa, sa balanse ng pwersa, sa porma ng pakikibaka, atbp.

Ibang-iba ito sa Maoistang konsepto. Sikreto ang pagkakaorganisa ng Maoistang partido sa mga bansang gaya ng Pilipinas dahil laging armado ang saligan at pangunahing porma nito ng pakikibaka. Di lang ito sikreto kundi tahasang iligal. Iligal di lang dahil idineklara ng kaaway kundi ang isang tunay na Maoistang partido mismo ang nagdedeklara ng kanyang iligalidad. Ang pagiging iligal nito ay usapin ng prinsipyo at hindi lang ng taktika dahil nakabatay ito sa prinsipyo ng armadong rebolusyon.

Ang pundamental na pagkakaiba sa konsepto ng rebolusyon ng Leninismo at Maoismo ang saligang batayan ng pagkakaiba nila sa konsepto ng pagkakaorganisa ng Partido.

Sa Leninismo, ang isang rebolusyon ay sumisiklab sa isang rebolusyonaryong sitwasyon. Isang rebolusyonaryong sitwasyong likha ng istorikal na pag-unlad ng tunggalian at paghahanay ng mga uri, isang rebolusyonaryong sitwasyong nag-uudyok ng pag-aalsang popular. Sa Maoismo, wala itong inaabangan na rebolusyonaryong sitwasyon sapagkat, sa teorya nito, laging talamak ang krisis, ergo, laging hinog ang sitwasyon sa isang malakolonyal at malapyudal na bansa para sa rebolusyonaryong gera, at ang gerang ito ang ekspresyon ng rebolusyon.

Sa Leninismo, ang rebolusyon ay pag-igting ng pampulitikang pakikibaka ng masa sa kanyang kasukdulan, sa pwersahang pag-agaw ng estado poder. Sa Maoismo, ang rebolusyon ay pagsusulong ng armadong pakikibaka ng hukbong bayan, ang yugto-yugtong pag-unlad ng matagalang gera. Sa Leninismo, ang gera ay bunga ng pagsulong ng rebolusyon. Sa Maoismo, ang rebolusyon ang bunga ng pagsulong ng gera, ang gera ang mismong rebolusyon. Sa Leninismo, ang saligang porma ng rebolusyon ay ang pakikibakang masa. Sa Maoismo, ang saligang porma ay ang armadong pakikibaka ng hukbong bayan. Sa ganitong pundamental na pagkakaiba, di maiiwasan ang pagkakaiba sa pagbubuo ng organisasyon ng Partido.

Ipokus natin ang diskusyon sa usaping ito ng pakikibakang masa bilang saligang porma ng Leninistang konsepto ng rebolusyon at hanapin ang koneksyon nito sa konsepto ng sikretong pagkakaorganisa ng Partido.

Ang pakikibakang masa ay hayag na porma ng pakikibaka na kung popular ang katangian ay may malakas na katangiang ispontanyo. Ginagamit nito ang mga ligal na parametrong itinatakda ng kaaway at nagpupursigi itong sagarin at lampasan ang mga parametrong ito.

Kung ang pakikibakang masa ang saligang porma ng pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusan, at sapagkat ito'y isang hayag na porma ng pakikibaka na integral sa ligal na larangan ng pakikibaka-isang matingkad na "kontradiksyon" ang agad na mapapansin kaugnay ng sikretong pagkakaorganisa ng iligal na Partido. Isang sikretong organisasyon ang "magmamaneho" ng hayag na pakikibakang masa, isang iligal na organisasyon ang "mangangasiwa" ng ligal na pakikibakang masa-narito ang "kontradiksyon".

Walang duda na ito'y kontradiksyon. Ngunit kung gaano kabigat at gaano kakumplikado ang kontradiksyong ito ay kumporme sa konsepto at praktika ng sikretong pagkakaorganisa ng Partido, at paano ginagamit ang prinsipyo ng pleksibilidad sa usapin ng organisasyon. Ito'y isang malaking kontradiksyon kung baluktot ang ating konsepto o rasyunal ng pagiging sikreto, at ang pag-intindi sa ating papel bilang rebolusyonaryong taliba.

Sikreto ang Partido, unang-una na, para protektahan ang sarili sa paniniktik ng kaaway. Kung iligal ang Partido, ito'y iligal hindi dahil ito ang kanyang ginusto kundi ito ang itinakda ng kaaway. At ang rebolusyonaryong proletaryado ay hindi maaring pagkasyahin ang kanyang rebolusyonaryong pakikibaka sa kung ano ang pinapayagan ng kaaway. Ang pagiging sikreto ng Partido, samakatwid, ay magkasanib na depensiba at opensibang hakbang. Ang ating pagiging sikreto ay dapat mas problema ng kaaway kaysa natin.

Ang pagiging sikreto ang solusyon sa problema ng paniniktik ng kaaway. Ito'y bentahe sa atin at disbentahe sa kaaway. Di dapat mangyaring ito'y mas disbentahe kaysa bentahe anuman ang kumplikasyon. Ang paglutas sa mga problemang konektado sa pagiging sikreto ay usapin ng pleksibilidad. Ang pagiging sikreto ng Partido ay di dapat makasagka sa epektibong pagkilos, di dapat maging pabigat sa pagsusulong ng pakikibakang masa. Ang pagiging sikreto ng Partido ay nangangahulugang pinuprotektahang huwag matukoy ng kaaway ang ating kasapian, laluna ang susing mga kadre. Yaong mga tinutugis ng kaaway ay hindi niya dapat masunson. Ang ating pagiging sikreto ay ang pagkakaruon ng sistema ng lihim na operasyon ng buong organisasyon.

Ang problema'y lampas rito ang konsepto natin ng sikretong Partido. Imbes na sikreto ang Partido para makaiwas sa atake ng kaaway, pinaunlad natin ang konsepto ng sikretong Partido sa anyo ng sikretong pamumuno. Ito ang talamak na konsepto na umiiral sa ating hanay. Ang sikretong pagkakaorganisa ng Partido ay nangangahulugan ng sikretong pamumuno sa kilusang masa, sa mga pakikibakang masa, sa mga ligal na organisasyong masa.

Kung tutuusin, ang pinerpekto natin ay hindi ang depensibang sistema ng operasyon ng sikretong organisasyon dahil bulagsak naman tayo sa seguridad. Ang totoong pinerpekto natin ay ang sistema ng "sikretong pamumuno" sa mga ligal at hayag na organisasyon at pakikibakang masa. Dahil nga bulagsak sa seguridad, tukoy ng kaaway ang ating mga kadre at myembro. Kaya't hindi naman talaga sikreto sa kaaway ang ating organisasyon. Ang problema, hindi tayo sikreto sa kaaway, pero "sikreto" nating pinamumunuan ang masa. Narito ang bulgarisasyon ng konsepto ng sikretong organisasyon ng Partido.

Ang sinisikreto dapat ay ang ating iligal na aktibidad, ang ating iligal na organisasyon. Pero bakit naging SOP o standard operating procedure natin ang pagtatayo ng "sikretong liderato" sa loob ng mga organisasyong masa, halimbawa, sa loob ng isang unyon? Iligal ba ang ginagawa nitong pamumuno sa unyon at kailangang isikreto?

Sa kalakhan, batay sa ating praktika, hindi sikreto o iligal ang paksa at mga desisyon ng "sikretong pamunuang" ito sa loob ng mga organisasyong masa. Ang sikreto nilang aktibidad ay ang pagrerekluta ng mga myembro ng Partido, pagpupulong ng yunit ng Partido, at mga gawaing pol-mil na sa praktika ay hindi naman siyang nadidiinan.

Ganito ang nangyari't naging kalakaran: Ang sikretong pagkakaorganisa ng Partido, mula sa pagiging sistema ng depensa't seguridad laban sa kaaway ay ginawa nating sistema ng pamumuno't pangangasiwa sa organisasyon at pakikibakang masa. Sinagad natin ang konspiratoryal na papel ng Partido-sa positibong pakahulugan rito ni Lenin-at pinerpekto ang bulgarisasyon sa anyo ng negatibong konspiratoryal na sistema ng sikretong pamumuno sa mga organisasyon at pakikibakang masa.

Imbes na lutasin ang kontradiksyon at komplikasyon sa pagitan ng sikretong pagkakaorganisa ng Partido at hayag na pakikibakang masa, sinakmal ng ating konspiratoryal na pamumuno ang kilusang masa at pinaangkop ang mga organisasyon at pakikibakang masa sa sistema at kumpas ng kilusang lihim.

Madali itong makita't mapatunayan sa latag ng sikretong organisasyon ng Partido sa mga lokalidad at organisasyon ng masa na siyang bulto ng organisasyon ng Partido at lundo ng aktibidad nito. Sa mga pabrika, komunidad, iskwelahan at opisina ay sikretong nagtatayo tayo ng mga lokal na sangay ng Partido. Sa loob naman ng mga organisasyong masa, sektoral man o multisektoral, sikreto tayong nagtatayo ng mga grupo ng Partido. Ano ang pangunahing papel o tungkulin ng mga sikretong yunit na ito ng Partido?

Komprehensibo ang kanilang mga tungkulin. Pero ang oryentasyon nilang lahat ay umaktong sikretong pamunuan sa saklaw nilang antas, umakto sa ngalan ng Partido bilang rebolusyonaryong taliba. Ang pangunahin nilang papel ay hindi pa ang magsilbing transmission belt ng pamumuno ng Partido patungo sa masa, recruitment arm ng Partido para sa pagpaparami ng myembro o consolidation team ng Partido para sa komunistang edukasyon. Ang nabanggit na mga trabaho ay bahagi lang ng kanilang komprehensibong oryentasyon. Pero ang prinsipal na rason ng kanilang pag-iral ay magsilbing sekretong pamunuan na "lingid" sa kaaway at "lingid" sa masa.

Sa madaling salita, ang pakahulugan natin sa sikretong pag-oorganisa ng Partido ay konspiratoryal na pamumuno sa kilusang masa.

Ano ang lohika ng ganitong konspiratoryal na oryentasyon sa pamumuno ng mga sangay at grupo ng Partido? Paano natin binibigyan katwiran ang katumpakan at epektibidad nito bilang isang sistema ng pamumuno?

Kung ang rason ay para may umakay sa masa sa rebolusyonaryong landas, ito'y usapin ng rebolusyonaryong pagmumulat at hindi palihim na "agawin" sa lehitimong liderato, halimbawa, ng unyon, ang aktwal na pamumuno sa kanilang mga myembro at aktibidad.

Kung ang rason ay Komunistang mga elemento o grupo ang dapat mamuno sa isang organisasyong masa, hindi rin ito usapin ng "agawin" ng sangay o grupo ng Partido ang pamumuno sa nakatayong liderato. Dapat ay kumilos ang mga Komunista para mahalal na mga lider ng masa o irekluta sa Partido ang mga halal na lider ng masa. Sa gayong paraan, matitiyak nating mga Komunista o mga rebolusyonaryong elemento ang namumuno sa masa bilang lantad at lehitimong liderato.

Kung ang rason nama'y gamitin ang pormal at lehitimong liderato bilang prente ng sikretong liderato ng sangay o grupo ng Partido sa anggulong pangseguridad, ito'y mas malabong rason dahil gagawin lang pala nating laruan at panangga ang masa sa atake ng kaaway.

Anuman ang ating katwiran, mahirap mangyaring maging wastong sistema at oryentasyon ang itayo natin ang ating sarili-ang sangay o grupo ng Partido-bilang lihim na liderato na paralel sa nakatayong lehitimong liderato ng masa. Liban na lang kung hindi na sila kinikilala at sila'y sumasalungat sa interes ng masa.

Sa ganitong kalagayan, ang pag-akto natin bilang aktwal na liderato ay temporaryo at hindi aplikasyon ng oryentasyon ng sikretong pamumuno. Ang pag-akto natin dito ay hayag na pamumuno dahil inihaharap natin ang ating sarili bilang alternatibong liderato sa masa. Ito'y temporaryong sitwasyon dahil kapag pormal nang itinakwil ng masa ang dating mga lider at tayo ang kanilang hinalal, kapag matino na ang lehitimong liderato ng masa, babalik tayo sa orihinal na usapin. Sa kalagayang nakapaghalal na ang masa ng matinong liderato, aakto pa ba ang sangay o grupo ng Partido bilang sikreto ngunit paralel na liderato sa hayag na pamunuan ng masa?

Ano ang masamang epekto ng ganitong konspiratoryal na sistemang nagtatayo tayo ng sikretong paralel na liderato sa hayag na pamunuan ng mga organisasyong masa na mula't sapol ay siya nating praktika sa gawaing masa at siyang oryentasyon ng pagbubuo ng sangay at grupo ng Partido?

Unang-una na, sinisira nito ang dinamismo ng organisasyong masa at kumpyansa sa sarili ng lehitimong liderato nila. Kapag nasira ang dinamismo't kumpyansa sa sarili ng isang organisasyon at ng kanyang pamunuan, mawawalan ito ng inisyatiba't diskarte, tutubuan ng burokratismo at magiging mekanikal sa labanan. Sa bandang huli, ang organisasyon mismo ang masisira kung hindi ito makakaalpas sa ganitong sistema. Di ba't ganito sa paglaon ang nangyayari sa mga organisasyong nilukuban ng ating sikretong konspiratoryal na pamumuno?

Isipin na lang natin kung sa ating organisasyon ito mangyari-ang sikretong magtayo ang isang konspiratoryal na grupo ng paralel na liderato sa lehitimong pamunuan ng Partido sa anumang antas. Ang tawag natin dito'y paksyunalismo at alam natin kung anong pinsala ang ibubunga nito.

Paramihin natin ang ganitong pangyayari sa lahat ng unyon, sa lahat ng organisasyon na tinayuan natin ng konspiratoryal na mga sangay at grupo ng Partido na umaaktong sikretong paralel na liderato sa lehitimong hayag na pamunuan ng masa , at maipali-liwanag natin sa ating sarili kung bakit kulang na kulang sa dinamismo, sa inisyatiba, sa ispontanismo ang kilusang masa, ang mga pakikibakang masa.

Kung kapos ng dinamismo, inisyatiba at ispontanismo ang mga pakikibakang masa, ang kabuuan ng kilusang masa, imposibleng sumiklab ang isang tunay na rebolusyon. Ang ganitong mga katangian ang kailangang taglayin ng kilusang masa para ito ang umako sa higanteng tungkuling pukawin, organisahin at pakilusin ang milyun-milyong masa. Isang higanteng tungkuling imposibleng balikatin ng isang sikretong organisasyon.

Ang pagsulong ng rebolusyon ay hindi isang sikretong bagay na bubulaga na lamang sa kaaway. Hindi ito sumusulong nang di nararamdaman ng buong lipunan. Ito'y isang hayag na bagay dahil ang saligang behikulo ng pagsulong nito ay ang kilusang masa, ang mga pakikibakang masa. Imposibleng sumulong ito nang hindi nakasakay sa rebolusyonaryong ispontanismo ng masa dahil ang rebolusyon ay hindi isang konspiratoryal na pangyayaring pinapakulo ng isang sikretong partido at sumusulong alinsunod sa isang preparadong plano.

Ikalawa, kung ang pakikibakang masa ang saligang paraan ng pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusan, hindi maaring lingid sa masa ang tunay na liderato nito-sa batayang antas man o sa pambansang saklaw. Hindi maaring ang lideratong ito ay walang lehitimong katangian sa pananaw ng masa. Imposibleng totohanang sumulong ito sa pamamagitan ng mga papet na lider o mga prenteng organisasyong lahat ay palihim na pinagagalaw ng isang sikretong organisasyong hindi kinikilala ng masa.

Alin lang sa dalawa: Umaktong mga tunay na lider ang mga kinikilalang lider ng masa, ang lehitimong pamunuan ng kanilang mga organisasyon. O hayagang kilalanin ng masa ang liderato ng sikretong organisasyon ng Partido, manalig sila sa ating direktang pamumuno.

Huwag tayong magtaka, kung gayon, kung bakit ang ating mga pakikibakang masa ay kapos ng ispontayo't dinamikong katangian dahil kapos ito ng mga lider na lubos na kinikilala at hindi lang simpleng kilala ng masa. Dahil ang mga lider mismong ito ay wala ring kumpyansa sa kanilang liderato dahil alam nilang wala naman talaga sa kanila ang awtoridad na pamunuan ang masa kundi nasa kamay ng tinatawag na "kilusang lihim".

Tayo ang "kilusang masang" may kakayahang magmobilisa ng ilampung libo sa isang konsentradong mobilisasyon. Ngunit aminin natin ang totoo. Ang ating full mobilization ay hindi resulta ng pwersa ng panawagan ng isang hayag na sentrong organisasyon kundi resulta ng pwersa ng patakaran ng sikretong organisasyon.

Hindi pa tayo nakakarating sa antas na sa pwersa lang ng pananawagan ng ating mga lider at organisasyong masa ay kikilos na ang kanilang kasapian dahil mismo sila ay hindi kikilos nang walang hudyat at udyok mula sa "kilusang lihim".

Tama ang magtayo ng sikretong organisasyon ng Partido. Pero hindi ito dapat mangahulugan, bilang kalakaran, ng sikretong pamumuno sa hayag na pakikibakang masa, sa ligal na mga organisasyong masa, laluna sa batayang antas. Ito ang saligang punto, ang unang punto sa ating reorganisasyon.

Bakit tama ang magtayo ng sikretong organisasyon ng Partido? Paano iwawasto ang kamalian ng konspiratoryal na pamumuno ng sikretong organisasyon ng Partido?

Dapat manatiling sikreto ang pagkakaorganisa ng Partido kahit, sa isang banda'y itinatakwil na natin ang istratehiya ng matagalang digma, at sa kabilang banda'y, binibitag tayo ng kaaway na lumantad at magligal.

Ang tinutukoy nating sikreto ay ang Partido bilang organisasyon, ang kanyang entidad bilang Partido. Ibig sabihin, maaring may tukoy ang kaaway na mga hayag na lider at myebro ng Partido. Katunayan, may mga pagkakataong kailangang may magpakilalang mga aktibong Komunista sa publiko. Ngunit ang katayuan ng Partido bilang organisasyon, ang panloob na operasyon, ang kalakhan ng kasapian, ang mga organo't yunit nito ay dapat manatiling sikreto at ipailalim sa isang teknikal na sistema ng kilusang lihim.

Isang pangunahing konsiderasyon o batayan ng pananatiling sikreto ng Partido ay ang pagkilala sa pakana ng kaaway sa likod ng ligalisasyon. Ang ligalisasyong ito, saan man tingnan, ay patibong para durugin ang Partido. Ang estadong burges sa Pilipinas at ang mga galamay nito ay nananatiling pasista ang tunay na katangian. Nilalaro lang nila ang anino ng demokrasyang burges. Kung hindi man ganap na masugpo ang kilusang komunista sa bansa sa mapanupil nitong mga batas, lagi itong nakahandang pasikutan at balewalain ang sariling mga batas at bumaling sa iligal na paraan. Wala pang nakatayong masasandigang mga institusyon ng demokrasyang burges sa Pilipinas-at ang mga kondisyong panlipunan at pampulitika ay hindi pa umiiral para mangyari ito-upang masabing magkakaruon ng katuturan ang ligalisasyon ng tunay na rebolusyonaryong proletaryong partido sa bansa.

Karugtong ng konsiderasyong ito, at mas esensyal na konsiderasyon batay sa umiiral na sitwasyon, ay ang usapin ng porma ng pakikibaka. Mas libre ang kamay ng Partido na gamitin ang buong arsenal ng rebolusyonaryong taktika kung mananatili itong sikreto. Sa kalagayang hindi lang palsipikado kundi atrasado ang demokrasyang burges sa bansa at pasista ang katangian ng reaksyonaryong estado, ang ligal at parlamentaryong larangan ng pakikibaka ay nananatiling lubhang makipot para sa rebolusyonaryong pakikibaka.

Hindi epektibong maipaglalaban at maipagtatanggol ang kapakanan ng uring manggagawa at ng malawak na masa, at mapalalakas at maisusulong ang rebolusyonaryong kilusan kung hindi mahusay na mapagkokombina ang iba't ibang porma ng pakikibaka. Ang armadong larangan ng pakikibaka ay dapat patuloy na panghawakan at dapat kilalanin na bahagi na ito ng kabuuang obhetibong kompleksyon ng rebolusyonaryong pakikibaka sa lungsod at kanayunan ng bansa.

Ang pakikibakang masa ang saligang porma ng pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusan ngunit dapat kombinasyunan ito ng parlamentaryo at armadong mga porma ng pakikibaka. Ang pangunahing layunin ng parlamentaryo at armadong pakikibaka ay isulong ang pakikibakang masa habang ang pagsusulong ng pakikibakang masa ay dapat sumaklaw sa mga larangang armado at parlamentaryo.

Magagawa at malulubos lamang ng Partido ang ganitong pleksibilidad sa taktika kung ito'y mananatiling sikretong organisasyong iligal. Sa ganitong batayan, nananatiling bentahe para sa rebolusyonaryong kilusan ang manatili ang Partido sa ganitong katayuan o porma ng pagkakaorganisa.

Kailangang maliwanag na maintindihan ang katumpakan at rasyunal na panatilihin ang sikretong iligal na organisasyon ng Partido, at dapat istriktong gamitin ito na batayan ng pagkakaisa. Ngunit kasabay nito, kailangang reorganisahin ang sikretong makinarya nito sa lungsod para iwasto ang maling sistema ng sikretong konspiratoryal na pamumuno ng mga organisasyon ng Partido laluna sa batayang antas. Ang saligang problemang ito ay hindi lamang usapin ng reoryentasyon kundi ng reorganisasyon ng mga istruktura ng Partido.

Ang Pampulitikang Pamumuno ng Partido

Bago tayo dumiretso sa diskusyon sa organisasyonal na mga hakbang para iwasto ang sistema ng konspiratoryal na pamumuno ng Partido, mahalagang ikawing natin ang problemang ito sa konsepto ng pampulitikang pamumuno. Magkadugtong ang mga usaping ito at mas maililinaw ang ating reorganisasyon kung iintindihin sa ganitong konteksto. Ang problema ng konspiratoryal na sistema ng pamumuno ay mahigpit na konektado sa problema ng banggardistang istilo na kapwa umusbong bunga ng bulgarisadong konsepto ng sikretong pag-oorganisa ng Partido at boluntaristang pagsusulong ng rebolusyon.

Kung wastong panatilihing sikreto ang organisasyon ng Partido, at kung ang pangunahing rasyunal ng pagbubuo ng Partido ay para sa pampulitikang pamumuno - paano mangyayaring mali ang konspiratoryal na paraan ng pamumuno, paano maiiwasang mamuno ang Partido sa paraang konspiratoryal kung ito'y nananatiling sikreto?

Ang kasagutan dito'y nasa tamang pag-intindi natin sa kahulugan ng pampulitikang pamumuno ng Partido, sa kahulugan ng talibang papel ng rebolusyonaryong partido ng proletaryado, at sa papel ng mga yunit at myembro ng Partido sa tungkuling ito ng pamumuno.

Ano ba ang ibig sabihin ng pampulitikang pamumuno ng Partido at para bang napakahirap isiping magagawa ito ng isang sikretong organisasyon nang di sa paraang konspiratoryal? Ang ginagampanan bang pangunahing gawain sa pamumuno ng mga sangay at grupo ng Partido, o kahit ng mga komite at kawanihan ng Partido sa iba't ibang antas ay pamumunong pampulitika?

Ang tamang kahulugan ng pampulitikang pamumuno ng proletaryong rebolusyonaryong partido ay ang sumusunod:

Una. Ang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa sa rebolusyonaryong pulitika ng Partido, ang pagpapatagos nito sa mga organisasyon, lider at pakikibaka ng masa. Ang pulitikang ito'y ang rebolusyonaryong pakikibaka para sa sosyalismo, ang rebolusyonaryong linya ng Partido sa pakikibaka para sa demokrasya, at ang makauring paninindigan ng Partido sa iba't ibang usapin ng lipunan, ng proletaryado, at ng mamamayan.

Ikalawa. Ang pagbibigay ng rebolusyonaryong direksyon sa pagsulong ng mga pakikibakang masa, ang pagbabalangkas ng mga tamang taktika't islogan para matiyak na sumusulong ito sa nasabing direksyon, at ang pagbaka sa mga maling tunguhing pampulitika at pang-ideolohiya na dumidiskaril sa direksyong ito.

Kung ito ang ibig sabihin ng pampulitikang pamumuno ng Partido, ito ba'y epektibong maisasakatuparan sa pamamagitan ng konspiratoryal na paraan ng pamumuno na gaya ng ginagawa ng mga sangay at grupo ng Partido at paano ito ginagawa sa sikretong paraan?

Sa konspiratoryal na paraan ng pamumuno, ang tinutukoy natin ay ang praktika ng pagbubuo ng sikretong paralel na liderato na gaya ng ginagawa ng mga sangay at grupo ng Partido sa mga ligal na organisasyong masa.

Iba ito sa tinutukoy ni Lenin na konspiratoryal na organisasyon ng Partido na ang tungkulin ay bigyan ng rebolusyonaryong direksyon at plano ang ispontanyong kilusang masa at obligadong gumalaw sa konspiratoryal na paraan dahil ito'y iligal at sikreto.

Ang esensyal na punto ng pagkakaiba ay hindi isang paralel na organisasyon o liderato ang konspiratoryal na organisasyong tinutukoy ni Lenin na sikretong humahalili sa lehitimong liderato ng mga organisasyon at pakikibakang masa kundi ito'y isang taliba at abanteng organisasyong di maikukumpara sa iba, at samakatwid, walang sikretong hinahalinhan sa ganitong kahulugan. Kung mayruon man itong inaagawan ng pampulitikang liderato-at hindi ito makakaaktong proletaryong taliba kung hindi mang-aagaw ng liderato-ito'y liderato ng mga katunggaling uri, ang pampulitikang impluwensya ng mga burgesyang liberal at mga demokratang petiburges sa hanay ng masang proletaryo.

Dagdag rito, ang konspiratoryal na organisasyon ni Lenin ay hindi umaagaw ng liderato sa konspiratoryal na paraan kundi sa paraan ng matinding tagisang pang-ideolohiya at hayagang pampulitikang pakikibaka. Nakapamuno ang Bolshevik sa rebolusyong Ruso dahil sa walang tigil nitong paglalantad sa kalikasan ng mga karibal na partidong burges at petiburges at walang pagod na rebolusyonaryong pagmumulat ng masang anakpawis.

Sa madaling salita, ang pagiging konspiratoryal ng organisasyong Bolshevik ay sa punto lamang ng pagiging sikreto nito at sa pagbabalangkas ng plano ng pagsulong ng rebolusyong Ruso. Konspiratoryal ang Partidong Bolshevik sa puntong ito'y isang sikretong organisasyong taliba pero hayag ang makauring pamumuno sa rebolusyon. Hindi ito isang konspirador na organisasyon sa negatibong kahulugang namumuno sa likod ng walang malay na mamamayan.

Hindi natin maituturing na ang isang unyon ay nasa ilalim ng pampulitikang pamumuno ng Partido kung ang nilalaman ng pamumunong ito ay lingid sa kanilang kaalaman. Hindi natin maituturing na ito'y pampulitikang pamumuno kung hindi ito namamalayan ng pamunuan at kasapian ng unyon, hindi abot ng kanilang kamulatang pampulitika.

Ibig sabihin, ang pampulitikang pamumuno ng Partido, una sa lahat, ay pagmumulat sa masa sa rebolusyonaryong pulitika ng Partido. Ang pamumunong pampulitikang ito ay di dapat mangahulugang hinahalinhan ng sikretong sangay ng Partido ang lehitimong liderato ng unyon sa pamumuno sa masang manggagawa sa pabrika kundi iminumulat ang pamunuan at ang kanilang kasapian sa rebolusyo-naryong pulitika ng Partido at pinauunlad sila bilang mga sosyalistang lider at unyonista kundi man mga Komunistang elemento.

Hindi natin masasabing nasa pampulitikang pamumuno ng Partido. sa pamamagitan ng sangay sa pabrika, ang isang unyon kung ang pamunuan at kasapian nito ay di mulat sa ating rebolusyonaryong pulitika. Kung mulat naman ang pamunuan ng unyon sa pulitika ng Partido, para saan pa ang magtayo tayo ng sikretong lideratong paralel sa lehitimong liderato ng unyon, isang sikretong lideratong siyang tunay na namumuno sa unyon.

Hindi natin sinasabing hindi na kailangang magtayo ng sikretong organisasyon ng Partido. May kardinal na importansya ang mayruong malakas na sikretong organisasyon ang Partido sa pinakamaraming pabrika.

Pero hindi para magsilbing sikretong liderato sa pabrika sa kalagayang mulat sa rebolusyonaryong pulitika ang pamunuan ng unyon. Kung di naman mulat sa rebolusyonaryong pulitika ang pamunuan ng unyon, narito ang pangangailangan sa pampulitikang pamumuno ng Partido.

Ang pampulitikang pamumunong ito ay walang ibang kahulugan kundi ang imulat ang pamunuan sa pulitika ng Partido o imulat ang kasapian para ihalal sa pamunuan ang pinakamahuhusay na Komunista at sosyalistang elemento ng unyon.

Ito ang pampulitikang tungkulin ng Partido sa pabrika-hindi ang konspiratoryal na mamuno sa unyon sa pamamagitan ng sangay o grupo ng Partido-at tanging sa ganitong paraan maisasakatuparan ang pampulitikang pamumuno ng Partido sa pabrika. Kaya nga't sinasabi ni Lenin na ang unyon ang transmission belt ng Partido sa masang manggagawa at sisirain natin ang unyon kung ang Partido sa pabrika ay magiging konspirador na organisasyon sa likod ng pamunuan ng unyon. Ang pampulitikang pamumuno ng Partido sa unyon ay pagpapaunlad ng rebolusyonaryong kamulatan ng unyon at hindi ang umaktong sikretong pamunuan nito.

Kahit ang pagpapasunod natin sa mga organisasyong masa sa rebolusyonaryong direksyon, taktika at planong binabalangkas ng namumunong mga komite ng Partido ay hindi natin epektibong maisasakatuparan kung konspiratoryal ang ating sistema ng pamumuno sa batayang antas. Upang malawakang gumalaw ang masang kasapian ng mga organisasyong masa, kailangang mahigpit ang kanilang pagkilala sa kanilang pamunuan at mataas ang kanilang kamulatang pampulitika.

Ibig sabihin, kailangang yakapin ng mga lehitimong lider ng masa ang rebolusyonaryong linya ng Partido. Kailangang ikampanya nila ito sa buong organisasyon. Kailangang may kamulatan ang kanilang kasapian upang sumunod sa kanilang panawagan. Sa madaling salita, ang susi sa pampulitikang pamumuno ng Partido ay ang kamulatang pampulitika ng mga organisasyong masa at hindi ang sikretong akuin ng Partido ang pamumuno sa mga organisasyong ito.

Katunayan, ang pinakamahusay, ay sadya't hayagang kilalanin ng mga organisasyong masa-ng pamunuan at kasapian-ang rebolusyonaryong Partido. Sikreto ang ating organisasyon pero hindi sikretong namumuno sa masa. Ito ang tunay na kaparaanan at katibayan ng pampulitikang pamumuno ng Partido.

Totoong binabalangkas ng mga komite ng Partido ang rebolusyonaryong direksyon, taktika at plano nang lingid sa masa, nang lingid sa mga organisasyong masa, nang lingid hindi lamang sa mga lider masa kundi mismo sa buong organisasyon ng Partido. Pero ito'y simpleng sistema ng sikretong operasyon ng isang iligal na organisasyong rebolusyonaryo.

Gayunman, ang pagpapalaganap at pagsasakatuparan nito ay magagawa lang kung malalim ang impluwensya ng Partido sa masa. Muli, ang lideratong ito ay kumporme sa pangkalahatang antas pampulitika ng masa. Maaabot lang ng Partido ang masa upang itaas ang kanilang kamulatan sa pamamagitan ng kanilang mga lider at organisasyon.

Sa madaling salita, ang buong usapin ng pampulitikang pamumuno ng Partido ay mahigpit na nakasalalay sa tamang pangangalaga sa mga organisasyong masa. Narito ang krusyal at kardinal na importansya ng pagwawasto sa konspiratoryal na istilo ng pamumuno. Ang sistemang ito ay sumisira at hindi nagpapaunlad sa mga organisasyong masa.

Sa antas ng teorya ay kabisadong-kabisado natin ang prinsipyong ito laluna't aral tayo sa Maoistang linyang masa. Ngunit bakit sa mahaba nating praktika ay nakilala tayo sa reputasyong konspirador na organisasyon na kumukubabaw sa mga ligal na samahan at pakikibakang masa. Bakit sinasalaula natin ang demokratikong mga proseso at sariling dinamismo't integridad ng mga ligal na organisasyong masa?

Mauugat ito sa arogansya ng banggardismo at sa boluntaristang konsepto ng Maoistang rebolusyon na walang pagpapahalaga sa dinamismo ng kilusang masa at ispontanyong sangkap ng rebolusyonaryong pakikibaka.

Ang Maoistang konsepto ng rebolusyon ay di nakabatay sa batas ng tunggalian ng uri, sa dinamismo ng pakikibakang masa, sa pag-unlad ng sitwasyong pampulitika. Malinaw na malinaw ito sa konsepto nito ng armadong rebolusyon.

Hindi pa nagrerebolusyon ang masa ay nag-aarmas na ang Partido. Inaasahan natin na sa pag-aarmas ng Partido ay mapagrerebolusyon ang tao. Ikinakatwiran na lang natin na ang ating pag-aarmas ay ang pagrerebolusyon.

Wala tayong pakialam kung hinog na ang sitwasyon para mag-armas dahil ni wala tayong pakialam kung hinog na ang sitwasyon para magrebolusyon. Dito nama'y ang ating katwiran ay laging talamak ang krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunan kaya't pwede nang agad simulan ang gera.

Ayon nga kay Jose Ma. Sison: "Mas maaga mas mainam." Ang pagrerebolusyon ay hindi nakabatay sa obhetibong sitwasyon kundi sa kapasyahan ng mga rebolusyonaryong pwersa na magrebolusyon. Ang kailangan lang ay paliwanagan ang masa.

Kung totoong hindi nakabatay sa obhetibong sitwasyon ang Maoistang konsepto ng rebolusyon, bakit hindi tayo agad mag-armadong pakikibaka sa lungsod? Hindi ba't kaya hindi pa tayo nananawagan ng armadong pakikibaka sa lungsod at nagtityaga pa sa ligal na pakikibaka ay dahil hindi pa hinog ang sitwasyon para simulan ang gera sa lungsod?

Hindi tayo nag-aarmadong pakikibaka sa lungsod bilang prinsipal na porma hindi pa sa batayang hindi pa hinog ang sitwasyon kundi dahil hindi bagay ang kalupaan ng kalunsuran para sa pakikidigmang gerilya at dahil ito ang balwarte ng estado poder ng kaaway. Ang agad na pagsisimula ng armadong pakikibaka sa kanayunan ay hindi rin sa batayang hinog na ang sitwasyon para dito, kundi dahil paborable ang kalupaan ng kanayunan sa pakikidigmang gerilya at dito'y buhaghag ang kapangyarihang pampulitika ng kaaway.

Hindi papasok sa eksena ang konsiderasyon sa sitwasyong pampulitika dahil ang teorya nga nati'y laging hinog ang sitwasyon sa mga bansang gaya ng Pilipinas para sa armadong rebolusyon. Mismo ang armadong pag-aalsa sa lungsod ay di natin ibinabatay sa sitwasyong pampulitika kundi batay ito sa pagsulong ng armadong pakikibaka sa kanayunan-kung kumakatok na sa syudad ang kumukubkob na hukbong bayan sa kanayunan.

Katunayan, mismo ang antas ng pakikibaka ng magsasaka ay hindi batay sa igting ng kanyang kahilingan, halimbawa, para kumpiskahin ang lupa, kundi batay sa inabot na armadong lakas ng hukbong bayan. Ang pagsasakatuparan ng mininum at maksimum na programa sa repormang agraryo ay nakabatay hindi sa igting ng kilusang magsasaka kundi sa lakas ng armadong pakikibaka.

Bawat himaymay ng ating ideolohiya ay nilamutak ng ganitong konsepto ng rebolusyon. Walang puwang ang boluntaristang konsepto ng rebolusyon para sa tunay na pagpapahalaga sa dinamismo ng kilusang masa at ng mga organisasyon at pakikibakang masa, pati ang tunay na pagpapaunlad sa ligal at parlamentaryong pakikibaka. Lahat ng ito'y walang sariling integridad na hiwalay sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan, lahat ng ito'y sekundaryo't suplementaryo lang sa armadong pakikibaka sa kanayunan.

Paano natin tunay na mapapahalagahan ang dinamismo ng isang unyon, ang integridad ng isang welga, ang inisyatiba ng isang lider kung ganito ang balangkas ng ating pag-iisip. Prente lang ng kilusang lihim ang ligal na organisasyon, at ang mahalaga'y sumunod ito sa mga atas ng Partido.

Ang mga pakikibakang masa'y behikulo lang ng pagtataas ng rebolusyonaryong militansya ng masa, at hindi gaanong mahalaga kung ang mga ito'y nag-uuwi ng kongkretong mga resulta. Ang kailangan ay isigaw ng ating mga lider masa ang ating mga islogan at hindi mahalaga ang pag-unlad ng kanyang sariling liderato sa masa.

Ang problema, ang ekstremistang rebolusyonismong ito, kapag kinapitan ng pananamlay-at ito'y di maiiwasan sa paglaon dahil mahirap naman talagang isustena sa haba ng matagalang gera-ay malimit na bumabaling, kung sa pabrika, sa ekonomismo.

Paano natin mapapahalagahan ang mga pakikibakang masa, ang pagsiklab nito batay sa sariling batas ng pag-unlad, kung sinasapawan natin ito ng sariling bersyon ng rebolusyonismo?

Sa dalawa't kalahating dekada sa kanayunan, ang napaunlad natin ay ang pakikidigmang gerilya at hindi ang kilusang masa ng masang magsasaka. Sa dalawa't kalahating dekada ng pagkilos dito sa MR, na dapat ay ispesyalista tayo sa kilusang masa, nasaan ang ligal na makinarya ng mga organisasyong masa na may kakayahang pakilusin ang ating baseng masa nang hindi nakasandig sa kilusang lihim?

Sa dinami-dami ng ating mga organisasyong masa, sa dinami-dami ng ating mga lider masa, ilan sa kanila ang may popular na liderato sa buong rehiyon na kapag kumumpas ay bubuhos ang ating baseng masa sa kalsada?

Ang pampulitikang pamumuno ng Partido na kailangan nating maabot ay hindi ang kapasidad ng mga sangay at grupo ng Partido na lihim na ikumpas ang mga organisasyong masa.

Ang tunay na pampulitikang pamumuno ng Partido ay masusubukan at masasaksihan kung ang mga organisasyong masa-ang kanilang mga pamunuan at kasapian-ay gagalaw sa kanilang sarili sa mga isyung pampulitika nang di naghihintay sa kumpas ng Partido. At kapag ikinumpas naman ng Partido, hindi na kailangang dumaan pa sa proseso ng kilusang lihim ang unipikasyon, kundi sa hayag na antas, sa mga ligal na makinarya ay kagyat nang tutugon ang ating organisadong masa.

Mangyayari lang ito kung mataas ang kanilang kamulatang pampulitika, kung may sariling dinamismo at inisyatiba ang ating mga organisasyong masa.

Kailangang ireorganisa ang kalakhan ng makinarya ng Partido para sa ganitong layunin: Kailangang palakasin ang mga ligal na organisasyon, laluna ang mga unyon, sa pamamagitan ng diin sa pagtataas ng kamulatang pampulitika ng kanilang mga pamunuan at kasapian, sa pamamagitan ng diin sa pagpapaunlad ng pag-oorganisang pampulitika. Ito ang dapat na pundamental na tungkulin ng iligal na organisasyon ng Partido sa batayang antas at hindi ang konspiratoryal na agawin ang liderato sa mga organisasyong masa ng mga sikretong organisasyon ng Partido.

Ito ang unang dagok na dapat ibigwas sa banggardistang tradisyon ng Stalinista-Maoistang Partido na ikinastigo natin sa sariling uri at masa.

Sa katunayan, dahil sa banggardismong ito, di lang ang ligal na pamumuno ng unyon ang sikreto nating inagaw sa mga lider manggagawa. Inagaw rin natin sa mismong uring manggagawa ang kanilang papel bilang rebolusyonaryong taliba ng sambayanan sa pakikibaka para sa demokrasya.

Ang makauring pag-oorganisa ng Partido.

Masugid ang sikretong organisasyon ng Partido sa konspiratoryal na pag-agaw ng liderato sa unyon sa katwiran tayo ang taliba ng proletaryado. Pero sa praktika, tinalikuran natin ang papel ng Partido bilang sosyalistang taliba ng uring manggagawa habang ipinagkait sa uring manggagawa ang papel bilang rebolusyonaryong taliba ng sambayanan.

Ang kapabayaang ito'y hanggang sa pagkakaorganisa ng Partido, sa diin sa makauring pag-oorganisa ng Partido na saligang sangkap ng pagging proletaryong taliba.

Sa dokumento hinggil sa reoryentasyon, masaklaw ang ating kritisismo sa bulgarisadong konsepto ng pagbubuo ng proletaryong rebolusyonaryong partido na umabot sa antas ng banggardismo. Ibuod natin ito para pagbatayan ng kaukulang pagwawasto sa aspetong pang-organisasyon.

Ang esensyal nating kritisismo ay nasa dalawang antas: Una, ang papel ng Partido bilang taliba ng uring manggagawa sa pakikibaka para sa sosyalismo, at ikalawa, ang papel ng uring manggagawa bilang taliba ng sambayanan sa pakikibaka para sa demokrasya.

Ang malulubhang kamalian sa dalawang usaping ito'y nagbunga ng: Una, pagkabansot ng pag-unlad ng kilusan ng uring manggagawa dahil tinalikuran ng Partido ang kanyang papel bilang sosyalistang rebolusyonaryong taliba ng proletaryado.

Ikalawa, kabiguan ng sosyalistang kilusan ng uring manggagawa na pangunahan at palakasin ang kilusang demokratiko ng mamamayan dahil inagaw ng Partido sa sariling uri ang tungkuling ito. At ikatlo, pagkasira ng likas na dinamismo at ispontanismo ng kilusang demokratiko ng mamamayan dahil sa banggardistang tendensya ng Partido.

Narito ang pinakamahalaga't pinakakumplikadong usapin sa reorganisasyon-kung paano iwawasto ang istorikal na mga kamaliang ito, paano oorganisahin ang makinarya ng Partido upang, una, totohanan at epektibong magampanan ang tungkulin bilang sosyalistang taliba ng uring manggagawa, at ikalawa, mapaunlad ang uring manggagawa para tindigan ang papel bilang taliba ng sambayanan sa pakikibaka para sa demokrasya.

Walang ibang solusyon kundi ang mapagpasyang ikonsentra ang organisasyon at pag-oorganisa ng Partido sa uring manggagawa. Pero sa pagsasagawa ng mapagpasyang hakbang na ito, dapat isaalang-alang ang mga obhetibong komplikasyon-ang mga istorikal na problemang sa kilusang demokratiko na epekto ng banggardista nating tradisyon.

Ano ang hakbang pang-organisasyon para matiyak na ang Partido ay magiging taliba ng uring manggagawa at ang uring manggagawa ay magiging taliba ng sambayanan?

Ang dapat na konsentrasyon ng organisasyon at atensyon ng buong Partido-mula itaas hanggang ibaba-ay sa komprehensibong gawain sa malawak na hanay ng masang manggagawa at sa pagsusulong ng kanilang pang-ekonomya at pampulitikang pakikibaka.

Ang makauring pag-oorganisa ng proletaryadong Pilipino ay di dapat tratuhin-sa balangkas ng ating "multisektoral na oryentasyon" ng pagbubuo ng Partido-bilang simpleng sektoral na gawain kahit ipagpalagay na ito ang diin, at bilang sektoral na gawaing ipinapaubaya lang sa isang kawanihan sa pag-uunyon.

Kahit literal nating ikonsentra ang lahat ng kadre patungo sa kilusang manggagawa, kahit itransporma natin ang dating multisektoral na Partido sa isang literal na makauring organisasyon ng kilusang manggagawa-sa antas ng prinsipyo-hindi maaring debatihan ang katumpakan nito.

Mas konsentrado ang Partido sa pag-oorganisa ng uring manggagawa, mas mainam-dahil mas dalisay, mas malapot ang magiging proletaryong katangian nito bilang organisasyon, mas matibay ang batayang pang-organisasyon para magampanan nito ang pagiging taliba ng uri, at siguradong mas malaki ang isusulong ng kilusang manggagawa para gampanan nito ang talibang papel sa demokratikong kilusan ng bayan.

Walang mali rito sa antas ng teorya. Pero paano na ang pag-oorganisa sa ibang aping uri, sa ibang sektor na di proletaryo? Paano na ang pagsusulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan kung hindi mag-oorganisa ang Partido sa ibang demokratikong pwersa?

Kung para sa sarili nating uri ay laging kinakapos tayo ng Komunistang organisador, lider at kadre, bakit maglalaan pa tayo para sa ibang uri at sektor na hindi direkta ang pakinabang ng deployment para sa kilusang manggagawa? Ibang bagay kung mag-oorganisa tayo sa mga kabataang istudyante para irekluta bilang mga organisador o instruktor sa kilusang manggagawa, o kaya'y mga abogado, manunulat, atbp. para makatulong sa samu't saring pangangailangan ng kilusang manggagawa.

Pero kung ang direktang inaasikaso't isinusulong lang natin ay ang kilusan ng uring manggagawa, paano susulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan? Paano na ang saligang alyansa ng manggagawa't magsasaka, paano na ang nagkakaisang prente ng lahat ng demokratikong pwersa?

Ang Partido ay taliba ng uring manggagawa, at para magsilbing tunay na taliba ng uri, kailangang lubusang mapalakas ang organisasyon ng Partido sa hanay ng malawak na masa ng uri. At para maisagawa ito, kailangang buuin ang pinakamalawak na ugnay sa hanay ng masang proletaryo, umugat sa pinakamalalim na paraan sa kanilang hanay, gamayin ang lahat ng aspeto sa pagsusulong ng kilusang manggagawa.

Lagi't lagi'y kakapusin tayo-at mahirap mangyaring magkakaruon tayo ng ekstrang pwersa-ng mga Komunistang lider, organisador at kadre para gampanan ang mga tungkulin ito. Habang lumalakas ang kilusang manggagawa ay lalong bumibigat ang mga gawain at lalong dumarami ang pagkakataon para sa ibayong pagpapalakas at pagsulong.

Ang papel natin bilang rebolusyonaryong taliba ay sa uring manggagawa. Ito ang pundamental na punto na dapat sapulin. Hindi dapat mangyaring sa kagustuhan nating maging taliba ng ibang uri at ng buong sambayanan ay mapabayaan o mabawasan ang ating konsentrasyon sa pundamental na tungkuling istablisa ang Partido bilang taliba ng manggagawang Pilipino, laluna't napakalakas ng kompetisyon laban sa mga tinyente ng burgesya sa kilusang paggawa sa loob at labas ng bansa.

Pero paano na ang ibang aping uri, paano na ang buong sambayanan? Kailangan rin nila ng rebolusyonaryong taliba, at di ba't ang proletaryong Partido ang dapat ring gumampan nito?

Pero ang taliba ng sambayanan sa pakikibaka para sa demokrasya ay di ba't ang uring manggagawa mismo?

Kung ang pangangailangan ng pangkalahatang kilusang demokratiko ay isang rebolusyonaryong taliba, at kung ang talibang ito ay ang uring manggagawa, ang sosyalistang kilusan ng uring manggagawa-di ba't ito mismo ang ating tinutupad sa pagkokonsentra ng Partido sa hanay ng masang proletaryo-ang gampanan ng Partido ang pagiging taliba ng uri upang ang uri ay makatindig bilang taliba ng bayan?

Ang pagbubuo ng walang kasinglakas na sosyalistang kilusan ng uring manggagawa, ang pagbubuo ng makapangyarihang Partido sa malawak na hanay ng masang proletaryo, ang pagtaas ng kamalayan sa uri at pangkalahatang pampulitikang kamulatan ng manggagawang Pilipino para pangunahan ang multisektoral na pakikibaka para sa demokrasya-ito ang mismong magpapasikad at magsusulong sa pangkalahatang kilusang demokratiko ng iba't ibang aping uri, ng buong sambayanang Pilipino. Narito ang paggampan ng Partido at ng uri ng krusyal na papel sa pagpapasiklab ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Ito ang magbibigay ng rebolusyonaryong kapasyahan sa pakikibaka ng mamamayan para sa demokrasya.

Ang problema-na mauugat sa ating "nat-dem" na teoretikal at taktikal na balangkas, sa bulgarisadong konsepto ng rebolusyon at banggardistang konsepto ng partido-ay iba ang gusto natin pagampanang papel sa Partido, iba ang ating konsepto ng talibang papel ng Partido.

Ang gusto nati'y ang Partido mismo ang umorganisa sa ibang uri, ang humawak at kumontrol sa kanilang mga organisasyon at pakikibaka, ang konspiratoryal na mamuno sa pakikibaka ng buong sambayanan-gaya ng sikretong pamumuno ng Partido sa mga unyon-upang masiguro na ito'y eksaktong susulong alinsunod sa konsepto natin ng rebolusyon, susulong sa landas ng matagalang digmang bayan.

Ang problema'y nasaan ang pruweba sa praktika na sa ganitong paraan ay susulong nga ang kilusang demokratiko ng bayan, sisiklab nga ang demokratikong rebolusyon ng bayan?

Mayruon tayong dalawa't kalahating dekada ng pagsasapraktika ng ganitong papel ng Partido sa rebolusyon. Dalawa't kalahating dekada ng walang kaparis na sakripisyo at walang kasing-inam na sitwasyon, pero nasaan ang kilusang magsasaka? Nasaan ang kilusang istudyante? Nasaan ang kilusang maralita? Nasaan ang kilusan mula sa mga panggitnang pwersa? At higit sa lahat, nasaan ang kilusang manggagawa? Nasaan ang malawak na kilusang demokratikong ng buong sambayanan?

Sa nagdaang dalawa't kalahating dekada, walang maituturing na tunay na popular na kilusang magsasakang sumiklab sa buong kapuluan o kahit sa antas ng lalawigan sa kabila ng maiinam na pagkakataong nabuksan sa panahong ito, laluna sa panahon ng diktadurang Marcos at sa kabila ng katotohanang ang bulto ng organisasyon ng Partido ay dito nakabuhos.

Marami tayong pagtatangkang magkampanya ng mga pakikibakang magsasaka batay sa mga popular na isyung agraryo, ngunit wala tayong matandaang tunay na sumiklab sa malawakang antas at nasustena bilang popular na pakikibaka.

Sa buong kanayunan, ang sumulong ay ang pakikidigmang gerilya na mas anti-pasista ang tumampok na katangian. Ang mga organi-sasyong magsasaka ay mas nagsilbi sa pagsusulong ng pakikidigmang gerilya samantalang ang mga pakikibakang magsasaka ay masyadong nakasandig sa ating armadong pwersa.

Sa buong panahong ito'y pabugso-bugsong sumiklab ang kilusang istudyante at kilusang iskwater sa batayan ng mga sektoral na isyu. Pero hindi matangay ang ganitong popular at ispontanyong katangian sa antas pampulitika, hindi makapagbuo ng isang malawak na kilusang sektoral na may malinaw na katangiang pulitikal. Ang mas ekspresyon nito'y ang pagsanib ng mga pulitikalisadong elemento at organisasyon mula sa kanilang mga sektor sa malalawak na multisektoral na aktibidad at organisasyong nasa pamumuno ng Partido.

Hindi nagawang ulitin o higitan ng kilusang istudyante ang Unang Sigwa ng 1970 sa kabila ng walang kasing-inam na sitwasyon sa panahon ng diktadura laluna nang umagos ang kilusang demokratiko noong 1983-86. Ito'y sa kabila ng kalagayang latag ang sikretong organisasyon ng Partido sa halos lahat ng importanteng iskwelahan at nasa dominasyon ng Partido ang mayorya ng mga importanteng samahang istudyante, lokal man at nasyunal.

Sa kabila ng igting ng kahirapan at kaapihan ng milyun-milyong maralitang lungsod, sa kabila ng magigiting na ispontanyong paglaban ng masang iskwater sa mga demolisyon, hindi masustena at hindi magtagumpay ang mga pagtatangkang magbuo ng tunay na popular na organisasyong maralita, at laluna, ang isang malawak na kilusang masa ng maralitang lungsod sa batayan ng pangunahing mga isyung sektoral, o kahit man lang sa isyu ng demolisyon.

Sa parehas na sektor, nagkaruon ng mga pagkataon para sa popular na mga organisasyon at pakikibakang may malaking bahaging ispontanyo pero ito'y mga kislap na maagang napuksa bago nakapaglagablab dahil sa "higpit" ng pamumuno ng Partido.

Sa hanay ng mga panggitnang pwersa, hanggang sa pagpoporma lang ng maliliit na sirkulo o organisasyon ang ating narating sa nagdaang dalawang dekada gayong ang pag-agos ng 1983-86 ay malawakang nilahukan ng petiburgesya ng lungsod at ang EDSA, sa pangunahin, ay isang petiburges na pag-aalsa.

Sa 14 na taon ng diktadura, di naabot ng kilusang manggagawa ang antas ng pangkalahatang welgang pampulitika o kahit pang-ekonomya. Ito'y mabigat na kabiguan ng kilusang manggagawa. Sa panahong may rebolusyonaryong sitwasyon sa bansa at pag-agos ng pangkalahatang kilusang demokratiko, hindi nito nagawang gamitin ang sandata ng pangkalahatang welga para atakihin ang diktadura o ipaglaban ang kanyang mga pang-ekonomyang kahilingan. Bukod pa sa di lubos na nagamit ang istorikal na pagkakataon para ihanda ang sarili sa pulitikal na antas at patunayan ang sarili sa ibang uri, patunayan kung sino ang tunay na taliba ng bayan sa pakikibaka para sa demokrasya.

Sa maagang panahon ng diktadura-1975 at 1976-ispontanyong nagpakitang gilas ang uring manggagawa sa pagsiklab ng magkakasunod na bugso ng mga welga sa panahong iligal ang welga at nasa katindihan ang pasismo. Halos lahat ng mga unyong kalahok rito ay ni walang ugnay ang rebolusyonaryong kilusan.

Mula noon ay mabilisan nang lumawak ang rebolusyonaryong pwersa sa hanay ng masang manggagawa. Mula sa mga unyong ispontanyong nagwelga ay mabilis tayong nakaugat sa masang manggagawa.

Bagamat nang pumasok ang dekada ng '80 ay mayruong ilang karanasan sa koordinadong welga, ito'y lokalisado ang katangian, planado ng Partido at maliit ang ispontanyong sangkap. Sa pangkalahatan, nananatili sa antas ng pang-ekonomyang welgang pampabrika ang kilusang manggagagawa sa panahong umigting na ang rebolusyonaryong sitwasyon noong 1983-86 at humuhugos sa kalsada ang daan-daang libong ispontanyong mamamayan, at dito'y markado ang papel ng petiburgesya ng lungsod.

Sa panahong umuulan ng "confetti" ang Makati, sa panahong milyon ang nagpoprotesta sa kalsada, ang uring manggagawa ay di naiwasiwas ang kanyang likas na sandata ng protesta-ang welga. Ang nangyari, sumanib na lang o naglunsad ng sarili ang ilampung libong manggagawang organisado ng Partido sa nauso nang mga rali't demonstrasyon sa panahong ito.

Hanggang sa sumiklab ang pag-aalsa sa Edsa, nanatiling umaandar ang mga pabrika, wala man lang ispontanyong mga welgang pampulika, samantalang ang ating dapat ay pulitikalisadong mga unyon ay tuliro't naghihintay pa ng direktiba. Hindi man lang sumpungin ng dapat ay likas nilang makauring militansya sa panahong ang mismong petiburgesya ay nag-aalsa na sa kalsada.

Ang rebolusyonaryong sitwasyon ng 1983-86, at ang mga araw at linggo bago ang pag-aalsa sa Edsa, ang ultimong pagsubok sa naging papel ng Partido bilang taliba ng uring manggagawa-kung paano tinalikuran ng Partido ang kanyang papel bilang taliba ng uri, kung paano nagkulang ang Partido na iprepara ang manggagawang Pilipino at ang kanyang makauring kilusan para patunayan sa buong lipunan kung sino ang pinakaabante't pinakarebolusyonaryong uri na karapat-dapat maging lider at talibang mandirigma ng bayan sa pakikibaka para sa demokrasya.

Walang katanggap-tanggap na palusot kung bakit napag-iwanan ng petiburgesya ng lungsod ang uring manggagawa sa panahon ng pag-agos at pag-aalsa ng bayan para sa demokrasya.

Di ito simpleng kamalian sa taktika-simula't simula man o sa bandang dulo ng pakikibakang antidiktadura. Ito'y resulta ng pundamental na pagtalikod ng Partido sa kanyang esensyal na tungkuling magsilbing sosyalistang taliba ng uring manggagawa. Tinalikuran natin ang pangangailangan ng uri para magsilbing taliba ng bayan, tinalikuran ang pangunahing tungkuling ihanda ang uri para pangunahan ang demokratikong pakikibaka ng bayan.

Mabuti sana kung naging mabunga ang pagtatangkang ito ng Partido na magsilbing taliba ng lahat ng aping uri at multisektoral na taliba ng buong sambayanan. Ngunit mismo ang malalapad na alyansang multisektoral na sunud-sunod na nabuo sa panahon ng pag-agos ay sunud-sunod rin na nawasak o nahati hanggang sa nang sumapit ang bispiras ng pagbagsak ng pasistang diktadura, nahigop ng burgesyang liberal ang mayorya ng mamamayan samantalang naiwan ang Partido na namumuno sa sariling organisadong pwersa.

Kaya't di dapat pagtakhan kung bakit, nang bumagsak ang diktadurang Marcos at humalili ang rehimeng Aquino ay napakabilis na humupa ang rebolusyonaryong pakikibaka. Ang masakit, humupa ito sa panahong nakaranas ang mamamayan ng matagumpay na pag-aalsa, humupa kung kailan lumuwag ang demokratikong ispasyo-humupa, at mula noon, ay tuluy-tuloy nang bumulusok ang rebolusyonaryong kilusan at di na nakabawi.

Kung tutuusin, ang krusyal na yugto ay di 1986 kundi 1983. Bago nito, ang hayagang nangingibabaw na pwersa't impluwensya sa pakikibakang antidiktadura ay ang rebolusyonaryong kilusan. Ngunit nang mabigyan ng pagkakataon ang liberal na burgesya, sa asasinasyon kay Aquino noong 1983, napakadali nilang naagaw ang liderato sa pakikibakang antidiktadura. Mula noon, ang ating rebolusyonaryong pakikibaka-armado't di armado-ay obhetibong nagamit pa nila para ibayong isulong ang sarili nilang adyenda at sariling istratehiya ng pagpapabagsak sa pasistang diktadura.

Totoong sa panahong ito ng pag-agos ay ibayong lumaki ang ating hanay at umigting ang armadong pakikibaka. Pero, kung tutuusin, maliit ang ating inilaki. Sa ganitong panahon, di lang dapat doble o triple kundi dagsa-dagsa dapat ang ekspansyon. Ang makapagpalawak ay kasindali ng pamumulot ng mga nangangalaglag na bunga sa panahong hitik na hitik sa oportunidad ang sitwasyong pampulitika. Ang tunay na adyenda ay kung sino ang makapamumuno at preparadong mamuno sa mamamayan sa panahong umaapaw ang kalsada sa mga pakikibakang masa at nagliliyab ang mga pampulitikang labanan.

Bakit napakadaling naagaw ng liberal na burgesya ang pamumuno sa pakikibakang antidiktadura at naibaling sa repormistang landas? Napakadali sapagkat wala itong katunggaling uri na nakapag-alok ng epektibong kompetisyon sa pamumuno't plataporma. At ang dapat na katunggaling uri ng liberal na burgesya ay ang rebolusyonaryong proletaryado.

Ang petiburgesya ng lungsod na nagtangka ring pumagitna ay bumuntot na lang sa liberal na burgesya. Walang kataka-taka rito sapagkat walang malakas na proletaryado na pwedeng humigop sa kanila at magsilbing sandigan ng isang uring laging naghahanap ng sasandigan.

Ang isinagupa natin sa liberal na burgesya-sa kanyang mga pampulitikang lider, islogan, pwersa at kilusan-ay ang ating multisektoral na pwersang konspiratoryal na pinamumunuan ng Partido imbes na ang sariling makauring kilusan ng proletaryado.

Katunayan, ni hindi natin nagawang itapat ang isang hayag na kilusang magsasaka na sumisigaw ng tunay na repormang agraryo dahil sa katotohanan ay walang sumisiklab na masaklaw na kilusang magsasaka kundi isang laganap na pakikidigmang gerilya na nakabase sa masang magsasaka.

Ang malawak nating organisadong pwersang proletaryo, bagamat ito ang bulto ng ating kilusang masa sa lungsod at markado ang aktibong partisipasyon, ay nakasanib lang sa ating malawak na kilusang multisektoral at nakasuksok lang dito ang kanyang identidad kahit sabihing siya ang haligi nito. Hindi ito tumayo bilang hiwalay na kilusang makauri na may malinaw na makauring plataporma. Hindi nito naitatak ang sariling proletaryong marka sa mga multisektoral na kilusan at hindi nito nahatak sa ilalim ng kanyang hegemonya ang bawat demokratikong sektor na nakikibaka sa diktadura.

Hindi nagawang hilahin ng uring manggagawa at ng kanyang kilusang makauri ang masang magsasaka dahil mismo ang uri ay hindi nakatindig sa kanyang sariling makauring pakikibaka. Paano niya hihilahin ang masang magsasaka at ang iba pang uri kung ang sarili niyang uri ay hindi niya mapatindig at malawakang mapagkaisa.

Imbes na pagsikapang isulong ang sariling kilusan, imbes na ibuhos ang lahat ng lakas para ugnayan ang pinakamalawak na bilang ng masa ng uri, ang pagkaramiraming mga pabrikang wala sa ating sariling organisasyon, at pukawin sa pampulitikang pakikibaka, maglunsad ng sariling pampulitikang pakikibaka bilang isang kilusang manggagawa-sumilong at sumanib na lang ang ating organisadong pwersang proletaryo sa mga multisektoral na labanan at kilusan. Imbes na hilahin ng kilusang manggagawa ang multisektoral na mga pwersa, ang multisektoral na mga pormasyon ang humigop sa kilusang manggagawa.

Ang rebolusyonaryong partidong dapat ay nakapundar sa teorya ng tunggalian ng uri ay lumutang sa sariling pundasyon at nag-ekspedisyon sa isang naiibang teoryang nakasandig hindi sa independyenteng paggalaw at paghahanay ng mga makauring pwersa kundi sa kanilang pagsasanib bilang malawak na multisektoral na pwersa sa bandila ng pambansang demokrasya.

Imbes na ihanay ang independyenteng lakas at kilos ng bawat pwersang makauri, at ipundar ang pakikibaka at taktika sa galaw na ito ng bawat indibidwal na pwersang pampulitika-ang ating naging tendensya ay pagsanib-sanibin na lang ang mga ito, at sa lakas at kilos ng "nagkakaisang-hanay" na tinatawag nating "pambansa-demokratikong pakikibaka."

Ang ganitong balangkas ng pagsusulong ng rebolusyon ang nagpapaliwanag kung bakit ganito rin ang ating balangkas ng pagbubuo ng Partido, isang balangkas na lihis sa linyang makauri ng Marxismo-Leninismo. Imbes na ikonsentra ang buong organisasyon nito sa kilusang manggagawa bilang taliba ng proletaryado, ikinalat natin ang organisasyon ng Partido, ibinuhos sa ibang uri, laluna sa masang magsasaka dahil mas ang layunin nati'y magsilbing taliba ng buong sambayanan.

Ang teoretikal na usapin ay uubra nga bang ang isang tunay na Komunistang partido ay magsilbing talibang partido ng ibang uri bukod sa proletaryado, magsilbing talibang partido ng petiburgesya ng lungsod at kanayunan, talibang partido ng pambansang burgesya, talibang partido ng buong sambayanan samantalang nananatiling tapat sa kanyang proletaryong makauring paninindigan?

Maari bang magsilbing talibang partido ng petiburgesya ng lungsod at kanayunan ang isang Komunistang partido gayong ang plataporma nito ay abolisyon ng pribadong pag-aari? Ang makauring interes ng petiburgesya ay ang pananatili ng maliitang pribadong produksyon na pangarap nilang gawing malakihan. Paglaki na maari lamang maganap sa batayang ng pagsasamantala sa uring manggagawa.

Kaya nga't ipinahayag ng Komunistang Manipesto ni Marx at Engels na ang tanging rebolusyonaryong uri ay ang proletaryado habang lahat ng ibang uri sa lipunan ay reaksyonaryo, sa kontekstong silang lahat ay naninindigan sa pribadong pag-aari.

Bilang mga indibidwal ay maaari nilang yakapin ang Partido sa batayan ng pagdausdos sa pagiging proletaryado o ng pagkilala sa katumpakan ng paninindigan ng Partido at pagtalikod sa sariling makauring interes.

Ngunit bilang uri, imposibleng mayakap nila ang Partido bilang taliba. "Liban" na lang kung hindi sila magiging mulat sa katangian ng Partido dahil sadyang pinalalabo ng Partido. Sa kabilang banda, imposibleng mapamunuan sila ng Partido sa pakikibaka para sa kanilang makauring interes. "Liban" na lang kung kakalimutan muna natin ang sariling paninindigang makauri. Alinman sa dalawa-ang malinaw-hindi umaaktong tunay na taliba ng uring kanyang tinatangkang organisahin at pamunuan ang ganitong partido.

Ito'y isang elementaryong katotohanang itinuturo sa atin ng Marxistang teorya ng tunggalian ng uri. Ang isang rebolusyon ay isang makauring pagkilos, ito'y kaigtingan at kasukdulan ng tunggalian ng uri sa isang depinidong yugto ng pag-unlad ng lipunan. Bawat uri sa lipunan ay gumagalaw batay sa kanyang makauring interes. Ang kanyang dinamismo ay batay sa kanyang makauring interes. At ang rebolusyon ay resulta ng matinding dinamismong ito ng mga uri.

Ang isang partidong pampulitika ang mulat na kinatawan ng interes ng isang uri. Kung ang isang uri ay totoong gumagalaw batay sa kanyang makauring interes, ibig sabihin: Una, para mahigpit na kilalanin ng uring ito ang isang partido, kailangang katawanin ang kanyang makauring interes ng partidong ito, kailangang maging mulat ang uring ito sa kanyang interes. Ikalawa, para mabungkal ang makauring dinamismo, kailangang lubos na yakapin ng partido ito ang interes ng uring gustong niyang pamunuan, kailangang magtugma ang plataporma ng partido sa interes ng nirerepresenta niyang uri.

Ganito ang dapat na mangyari para, sa isang banda, tayo'y makaaktong tunay na talibang partido ng proletaryado, at sa kabilang banda, lubos na mayakap ng proletaryado ang kanyang talibang partido. Pero uubra bang ang partido ring ito ay magsilbing taliba ng ibang uri at ang ibang uring ito'y lubos na mayakap ang partidong ito nang di niya binabago ang kanyang proletaryong makauring paninindigan? Kung ito'y uubra, mali ang teorya ng tunggalian ng uri.

Ngunit dahil realidad ang tunggalian ng uri, hindi ito mangyayari. At kung ating ipipilit, alin lang sa tatlo ang pwedeng mangyari: Una, kung pipilitin nating maging taliba ng ibang uri pero mananatili tayong tapat sa ating proletaryong paninindigan at hindi natin yayakapin ang kanilang makauring interes, imposibleng mapaunlad ang kanilang rebolusyonaryong dinamismo bilang uri. Ikalawa, kung pipilitin nating maging taliba ng ibang uri, obligadong yakapin natin ang kanilang makauring interes at talikuran ang proletaryong makauring paninindigan. Ikatlo, lituhin natin ang ating sarili, gawin nating mestiso ang ating pampulitikang katangian, gawin natin ang ating sariling partido ng bayan.

Ang ikatlo ang nangyari sa ating partido: mestisong sosyalista, mestisong demokrata, hindi malinaw kung partidong manggagawa o partidong magsasaka, isang partido komunistang gustong maging partido ng bayan, hindi linyang makauri kundi linyang pangmasa ang iwinawagayway. Ngunit kung istriktong uuriin, ang Stalinista-Maoistang partido ay isang petiburges na radikal na partido na gumon sa ekstremistang rebolusyonismo.

Kung ipipirmi at isasagawa ang konsentrasyon ng organisasyon ng Partido sa hanay ng masang proletaryo (kabilang ang mga mala-proletaryo), paano natin tinitingnan ang sariling rebolusyonaryong pagsulong sa ibang uri't sektor, paano ang nakasanayan nating gawaing multisektoral, at ano ang magiging papel dito ng Partido?

Kung may obhetibong batayan sa kanilang makauring interes at kalagayan, ang mga pwersa't kilusang di proletaryo ay dapat sumulong at sumiklab sa sarili nilang inisyatiba't dinamismo. Hindi ibig sabihin nito'y wala dapat maging kinalaman dito ang organisasyon ng Partido o ang kilusan ng uring manggagawa bilang panlabas na salik sa pag-unlad sapagkat sa katotohana'y may krusyal silang papel na dapat gampanan.

Ang puntong nais lang nating idiin ay ito: Mali na magkaruon tayo ng kaisipang manunubos-na kung hindi ang Partido ang mag-oorganisa sa kanila, kung hindi magiging mga Komunista ang kanilang mga lider, kung hindi makakaugat ang Partido sa kanilang hanay, kung hindi ang Partido ang kanilang magiging taliba-hindi sila magkakaruon ng sariling pagkamulat sa kanilang kalagayan at maoorganisa para lumaban sa kanilang kaapihan at para sa kanilang kapakanan.

Kailangan bang ang mga kadre't organisasyon ng Partido ang mag-organisa sa mga magsasaka, sa mga istudyante o kaya'y mga negosyante para lang magkaruon sila ng sariling kilusan, ng sariling mga kilusang sektoral at pulitikal, at kung hindi magkakagayon, ay wala silang pag-asang sumulong sa kanilang sarili?

Ang motibong pwersa sa kanilang pagsiklab ay ang sarili nilang makauring sitwasyon at ang kapasidad ng kanilang uri o sektor na magpaunlad ng sariling mga lider, sariling mga organisasyon at sariling mga pakikibaka.

Hindi kailangan ang isang Partido Komunista na direktang nag-oorganisa at namumuno sa masang magsasaka para lang sumiklab ang isang rebolusyong agraryo kung talagang may mga kondisyong panlipunan para sa pagsiklab nito. Ang mga dakilang kilusang magsasaka sa Rusya at sa Tsina, ay sumiklab at lumaganap nang halos walang direktang kinalaman ang organisasyon ng Partido, bagamat sa parehas na kaso, naging salik ang malalakas na rebolusyonaryong kilusang manggagawa sa kani-kanilang lungsod.

Kung ang mga pakikibaka ng mga di proletaryong pwersa ay hindi sisiklab at hindi magkakapormang kilusang masa at kilusang makauri dahil walang proletaryong partidong namumuno sa kanila-walang ibang ibig sabihin ito kundi walang sapat o hinog na panlipunang sitwasyon para sa ganitong pagsiklab o para sa ganitong kilusang masa.

Sisiklab at sisiklab ang ganitong mga pakikibaka, lilitaw at lilitaw ang ganitong mga organisasyon sa sariling inisyatiba at dinamismo ng mga makauring pwersang sangkot rito hanggat may panlipunang kondisyon para sa kanilang pagsiklab at paglitaw.

Isang makapangyarihang kilusan ng uring manggagawa bilang rebolusyonaryong taliba ng lahat ng aping uri at maliwanag na tanglaw sa landas ng panlipunang progreso't hustisya ang may kakayahang bungkalin ang panlipunang sitwasyon para sa ganitong pagsulong ng ibang pwersa at may kakayahang magsilbing inspirasyon para sila'y mangahas lumaban. Ang problema'y hindi pa umiiral ang ganitong kilusan ng uring manggagawa dahil nagpabaya sa ganitong gawain ang sarili niyang rebolusyonaryong taliba.

May iba pang dimensyon ang problemang ito. Di na nga natin nabigyan ang demokratikong kilusan ng bayan ng isang makapangyarihang sosyalistang kilusan ng uring manggagawa, ang nangyari pa'y sa nagdaang dalawa't kalahating dekada ay naging salik pa ang Partido dahil sa kanyang konspiratoryal at banggardistang istilo ng pagkilos para mabansot ang ibang kilusang sektoral at masira ang kanilang sariling inisyatiba't dinamismo.

Binuksan ng ispontanyong pagsiklab ng Unang Sigwa ng 1970 ang walang kasing-inam na sitwasyon para sa pag-agos ng pangkalahatang kilusang demokratiko sa bansa. Hinagip ang buong kapuluan ng progresibong hangin na biglang nagpasilakbo sa pulso ng buong bayan. Ispontanyong sumigasig sa lahat ng dako ang pangmasang pag-oorganisa at dumaluyong ang mga pakikibakang masa. Bumabandera noon ang kilusang istudyante, samantalang nagpapanibagong buhay ang mga ligal na organisasyong magsasaka at bumubwelo ang progresibong kilusang paggawa.

Ngunit lahat ng ito'y maagang nasawata. Maaga nating pinaigting ang sitwasyon sa balangkas ng istratehiya ng matagalang digmang bayan na noo'y parang nagmamadali. Lubos naman itong sinamantala ng rehimeng Marcos at imperyalismong US sa pagdedeklara ng batas militar. Nadiskaril ang bwelo ng hayag at ispontanyong kilusang masa, at nabago nang kumpleto ang kompleksyon ng labanan. Sa maagang antas, ang usapin ng baril ang naging mapagpasya at militarisado ang eksenang pampulitika sa pagkakatatag ng pasistang diktadura.

Sa kanayunan, nilamon ng armadong labanan ang mga organisasyong magsasaka at dinurog ng pasistang militarisasyon. Malawakang nagtayo ang diktadura ng mga samahang magsasaka alinsunod sa kanyang bersyon ng repormang agraryo, ngunit simpleng binalewala ito ng ating armadong kilusan sa kanayunan.

Sa mahabang panahon ay nagkasya tayo sa mga itinatayo nating mga lihim na organisasyong masa sa baryo sa loob ng mga sonang gerilya. Hindi lamang tayo ang nahirapan nang umalpas sa ganitong katangian ng armadong labanan sa kanayunan kundi mismo ang ibang pwersang pampulitikang nagtatangkang mag-organisa ng mga magsasaka. Bagamat nang lumuwag na uli ang sitwasyon ay nagsimula na muli ang ligal na pag-oorganisa, hindi pa rin talaga ito lubos na makabwelo sa isang kalagayang nananatiling militarisado ang kanayunan.

Sa kalunsuran nama'y kilusang lihim ang ating nakasanayan at kahit nang magsimula na muling umagos ang hayag na pakikibakang masa, nanatili tayo sa balangkas ng kilusang lihim sa kalunsuran. Kahit hindi kabilang sa organisasyon ng Partido, lagi tayong nagbubuo ng sikretong grupong konspiratoryal sa loob ng mga organisasyong masa na siyang inaasahan natin sa pagpapaandar ng ligal na samahan.

At dahil tayo ang may kontrol sa bulto ng organisadong pwersa ng Kaliwa, tayo ang may dominansya sa hanay ng mga progresibong pwersa, tayo ang may hawak ng kumpas sa kilusang masa. Di naglaon ay nakapag-ipon tayo ng reputasyong manipulador at dominante sa mga ligal na organisasyon at ibang pwersang pampulitika. Parang kinagat ng bampira ang mga organisasyong ating mahawakan hindi lang sa puntong nanlulupaypay ang kanilang dinamismo't namumutla ang inisyatiba kundi nagiging sunud-sunuran sa ating komand.

Dahil tayo ang pinakamalakas at pinakaorganisadong pwersa sa hanay ng mga progresibong pwersa, at tayo ang pinakaagresibo't pinakadeterminado sa pagkilos-ang kumpas ng progresibong kilusang masa ay nasa ating kamay. At sinakal ng kamay na ito ang ispontanismo ng kilusang masa. Mismo kung paano magrarali sa Mayo 1-kung konsentrado o disentralisado-ay binababaan ng direktiba ng kataas-taasang pamunuan ng Partido.

Sa madaling salita, matapos ang dalawa't kalahating dekada, ang malaking bahagi ng organisadong kilusang masa sa lungsod ay nasa ating dominansya, lubos na nakasandig sa kilusang lihim ng Partido. Hindi totoong naitayo ang mga ligal na makinaryang may sariling integridad at dinamismong independyente sa sikretong makinarya ng Partido. Hindi nagkaruon ng tunay na kasaysayan ng pag-unlad ang mga ligal nating organisasyon kasabay ng paglago ng pwersang nakapaloob nito.

Narito ang istorikal na distoryon sa pag-unlad ng kilusang masa sa lungsod. Wala itong sariling mga lider, sariling mga istruktura, sariling mga rekurso na kasabay at integral na umunlad sa paglago ng organisadong baseng masa nito. Kaya't wala itong sariling inisyatiba't dinamismo na separado sa organisasyon ng Partido.

Narito ang problemang tayo ang may likha. Nakasandig ang kilusang masa sa rehiyon sa makinarya ng Partido. Guguho ang kilusang masang ito kapag inatras natin ang makinaryang ito. Ito ang tinutukoy nating kumplikasyon, ang istorikal na epekto ng ating konspiratoryal at banggardistang pamumuno na kailangan nating isaalang-alang bago ikonsentra ang organisasyon ng Partido sa prayoridad na mga gawain sa kilusang manggagawa. Ngunit ito'y isang praktikal na problemang kailangan nating lutasin sa balangkas ng kasalukuyan nating reoryentasyon at reorganisasyon.

Ang konsentrasyon ng organisasyon ng Partido sa kilusang manggagawa ay di dapat mangahulugan ng ganap na pag-atras sa gawaing organisasyon sa ibang pwersang di proletaryo. Ang esensyal na ibig sabihin nito'y ang pagkakaorganisa ng Partido ay dapat nagtitiyak na naipupusisyon niya ang kanyang sarili para magsilbing rebolousyonaryong taliba ng proletarydo at hindi ito gumagawa ng mga pang-organisasyong hakbang na makakapekto o lumilihis sa layunin at direksyong ito ng pagbubuo ng Partido.

Sa kabilang banda, ang pag-oorganisa ng Partido sa ibang uri't sektor ay nasa layuning palaganapin ang sosyalista at komunistang pwersa't impluwensya, at hindi para akuin ang pagsusulong ng kanilang pakikibaka at akuin ang pamumuno sa kanilang mga organisasyon sa konspiratoryal na paraan o bilang talibang partido. Ang pagkakaruon ng mga Komunistang elemento at pormasyon sa mga organisasyon at pakikibaka ng mga uri't sektor na ito ay di dapat makasagka sa dinamismo sa sarili nilang pakikibaka bagamat dapat pag-ugatin sa kanilang hanay ng pampulitikang pakikiisa at sosyalistang impluwensya ng kilusan ng uring manggagawa sa mga usaping umaalinsunod sa interes ng proletaryado.

Ang direktang pag-oorganisa ng Partido sa hanay ng masang proletaryado ay dapat ilagay natin sa maksimum samantalang nasa minimum ang disposisyon ng pwersa para sa pag-oorganisa sa ibang sektor. Ibang usapin ang sariling paglago ng Komunistang pormasyon sa hanay na ito.

Ang Pag-Oorganisa ng Partido sa Batayang Antas

Isa pang saligang usaping dapat nating liwanagin ay ang tungkulin ng pamumuno ng Partido bilang organisasyon at ang koneksyon nito sa trabaho ng mga sangay at grupo ng Partido.

Ang pamumunong pampulitika ng Partido ay ginagagampanan nito bilang partido, ibig sabihin, bilang isang integral na organisasyon na kinakatawan ng isang sentral na liderato. Ang pamumunong pampulitika ay hindi isang disentralisadong responsibilidad o awtoridad na ipinamamahagi sa bawat yunit ng Partido na gaya ng aktwal nating praktika.

Ang ganitong sentralisadong katangian ng pamumunong pampulitika ay itinatakda ng kalikasan ng ganitong tungkulin sa rebolusyonaryong pakikibaka. Bagamat di maiiwasan ang magkaruon ito ng disentralisadong katangian-laluna't ito ay isang sikretong organisasyon-ang saligang prinsipyo ay panatilihin ang sentralisasyong ito ng pamumunong pampulitika sa matataas na antas ng komite ng Partido.

Ang tinutukoy nating pampulitikang pamumuno ng Partido ay saligang pumapatungkol sa kabuuang rebolusyonaryong pakikibaka at hindi ang partikular na ekspresyon o implimentasyon nito sa mga lokalidad. Sa esensya'y usapin ito ng programang pampulitika at mga usapin ng saligang taktika na nilulutas sa pampartidong antas ng mga sentrong organo nito ng pamumuno. Hindi ito isang regular at pang-araw-araw na gawain ng mga yunit ng Partido. Ang may regularidad at pang-araw-araw na katangian ay ang implimentasyon at realisasyon ng pamumunong pampulitikang ito ng Partido.

Sinasaklaw ng pampulitikang pamumunong ito, una sa lahat, ay ang sariling organisasyon ng Partido, ang dapat ay malawak na hanay ng mga Komunistang elemento na dapat tumayo bilang isang depinido at malakas na pwersang pampulitika na may pangmasang katangian. Sa ganitong batayan, ang Partido ay hindi dapat maging organisasyon ng mga piling-pili at mangilan-ngilang mga elementong rebolusyonaryo.

Ang Partido ay di dapat maging organisasyon lang ng mga kadreng may kakayahang mamuno, regular na dumalo sa pulong, tumanggap ng regular na gawain, o maglaan ng malaking panahon sa tungkulin. Ang pinakamalawak na mayorya ng Partido, at dapat itong palawakin bilang isang pundamental na tungkulin, ay ang hanay ng mga ordinaryong manggagagawa't mamamayang nananalig sa Partido at sa kanyang mga simulain, gustong maging bahagi ng organisasyon bilang Komunistang myembro o simpatisador, at handang tumulong sa Partido at rebolusyon sa anumang antas na kanyang makakayanan.

Ang malawak na hanay na ito ng masang kasapian ng Partido, ng mga loyalista ng Partido ang unang pinatutungkulan at sinasaklaw ng pampulitikang pamumuno ng Partido. Ikalawa ay ang masa ng uri at ang malawak na hanay ng mamamayang nakikibaka. Pinatatagos natin sa kanila ang pampulitikang pamumuno ng Partido sa pamamagitan ng propaganda't ahitasyon, sa pamamagitan ng mga ligal na organisasyong Komunista o rebolusyonaryo ang pamunuan, sa pamamagitan ng ating lihim na makinaryang tumatagos sa mas masaklaw na mga ligal na organisasyong masa, at sa pamamagitan ng mga rebolusyonaryong taktika na dapat ay sinisikap nating maipaintindi sa masa.

Sa paggampan ng Partido ng tungkulin ng pampulitikang pamumuno sa pagkamulat, pagkaorganisa at pagkilos ng malawak na masa, tayo'y pinabibintangan ng panghihimasok sa integridad at dinamismo ng isang ligal na organisasyong masa na may tumatayong lehitimong pamunuan. Ang tamang paggampan ng tungkuling ito ay dapat mag-alis sa batayan ng ganitong kritisismo at reputasyon.

Naidiin na natin sa naunang mga diskusyon na dapat nating igalang ang integridad at dinamismo ng mga ligal na organisasyong masa, at lalung-laluna, ng mga unyon ng masang manggagawa. Ang paggampan ng Partido ng pampulitikang pamumuno ay di dapat sumira't sumagka sa integridad at dinamismong ito ng mga organisasyong masa.

Mangyayari lang na hindi ito makakasagka o makakasira, kung tunay na aakto ang Partido sa kanyang pampulitikang pamumuno bilang abanteng rebolusyonaryong taliba. Sa pag-akto bilang taliba, wala tayong sinasagaan o inaagawang organisasyong masa dahil walang ibang organisasyong gumagampan sa ganitong rebolusyonaryong tungkulin.

Kung binabago man natin ang katangian ng mga organisasyong masa-mula sa kawalang malay sa pulitika patungo sa kamulatang pampulitika, mula sa konserbatibo o reaksyonaryong pulitika patungo sa rebolusyonaryo't sosyalistang pulitika-ito'y bahagi ng demokratikong proseso ng pag-unlad na di sumisira kundi nagsusulong sa dinamismo at integridad ng isang tunay na organisasyon ng masa.

Ang mahalaga't mapagpasya, isinasagawa natin ito sa kaparaanan ng demokrasya, sa kaparaanan ng matiyagang pagmumulat at malayang pakikipagtagisan ng ideya.

Ang maituturing na "panghihimasok" ay ang lihim na impiltrasyon ng mga kadre ng Partido sa mga ligal na organisasyong masa, pagrerekluta ng mga myembro ng Partido at pagbubuo ng sikretong organisasyon ng Partido sa loob ng mga organisasyong ito.

Ang tanging iregular dito ay ang pagiging sikreto, pero narito nga ang importansya ng pagdidiin kung bakit ito sikreto. Ang organisasyon ng Partido ang ikinukubli natin sa kaaway ngunit kinukumbinsi natin ang masa sa pampulitikang aktibidad ng Partido at magagawa lamang natin ito sa demokratikong paraan.

Kaya nga't tayo ay mahigpit na nakikibaka para sa pampulitikang kalayaan at mga demokratikong karapatan dahil ang tunay at tanging pakinabang dito ng proletaryado ay sa ganitong paraan lamang magaganap ang kanyang pag-unlad at preparasyong pampulitika para sa sosyalistang pakikibaka.

Sa kabuuang diskusyong ito natin ikonteksto ang saligang gawain ng mga sangay at grupo ng Partido, ang mga yunit ng Partido na bumabalikat ng pag-oorganisa sa batayang antas.

Ano ang tungkulin ng mga sangay at grupo ng Partido sa batayang antas sa usapin ng pamumunong pampulitika kung ito'y isang sentalisadong gawaing ang gumagampan ay ang Partido bilang buong organisasyon?

Ang kanilang bahagi ay mas sa implimentasyon ng mga kapasyahan ng Partido, ng mga namumunong organo ng Partido. Ang mga sangay at grupo ng Partido ay binubuo sa batayang antas di para umaktong sentro ng pampulitikang pamumuno sa antas na ito kundi bilang makinarya ng Partido na katulong sa pagpatagos ng kanyang pampulitikang liderato sa masa. Maling idisentralisa bilang oryentasyon ang tungkulin ng pampulitikang pamumuno sa batayang antas sapagkat hindi ganito ang katangian ng rebolusyonaryong pakikibaka.

Di dapat tumayo ang mga sangay at grupo ng Partido bilang "munting Partido" sa batayang antas, bilang sentro ng rebolusyonaryong liderato sa batayang antas na may rebolusyonaryong awtoridad sa mga ligal na organisasyon at pakikibaka ng masa. Ang Partido sa pamamagitan ng mga namumunong organo nito sa mataas na antas ay may pag-angkin sa ganitong rebolusyonaryong tungkulin dahil inaaktuhan niya ito bilang isang nagsasariling organisasyong di nakapaloob sa anumang ligal na organisasyong masa sa kanyang kabuuan.

Iba ang sitwasyon ng mga sangay at grupo ng Partido. Kadalasan, sila'y gumagalaw sa loob o sa pamamagitan ng mga ligal na organisasyong masa na may lehitimong pamunuan. Imbes na umaktong konspiratoryal na sentro ng pampulitikang pamumuno sa kanilang antas, mas wasto at mas epektibong matiyagang paunlarin nila ang mga ligal na organisasyon at lehitimong liderato ng masa para tumugon sa pampulitikang pamumuno ng Partido.

Ang pag-aktong "konspiratoryal na sentro" sa batayang antas, bilang oryentasyon, ay siguradong makakaapekto sa pagsisikap na paunlarin ang rebolusyonaryong dinamismo ng lehitimong pamunuan ng mga organisasyon at pakikibakang masa. Pinalalaki nito ang temtasyong imbes na matiyagang itaas ang pampulitikang kamulatan at kakayahan ng ligal na organisasyon at liderato ay akuin na lang ang aktwal na trabaho at isubo sa organisasyon ang mga panawagan ng Partido. Paborableng kondisyon din ito sa komandismo, burokratismo at banggardismo sa direktang pakikitungo sa masa.

Kung hindi ito ang oryentasyonal at pundamental na gawain ng mga sangay at grupo ng Partido, ano ang mga gawaing dapat nilang balikatin?

Ang pinakaimportanteng tungkulin ng mga sangay at grupo ng Partido ay palalimin ang ugnay at ugat ng Partido sa malawak na masa, bigyan ito ng matibay at malawak na pundasyong pang-organisasyon sa batayang antas. Ito'y usapin ng ispesyalisasyon sa malawakan at sustenado ngunit sikretong rekrutment ng mga kadre't kasapi ng Partido.

Sa pagitan ng dalawa, ang pag-aktong konspiratoryal na liderato o ang pagiging makinarya sa rekrutment, alin ang mas importanteng gampanan ng mga sangay at grupo ng Partido sa batayang antas?

Bukod sa ang una'y may negatibong epekto sa dinamismo ng masa, malinaw sa ating diskusyon na mas epektibo kung ang lehitimong liderato ang mamuno sa masa, gawin nating mga Komunista't rebolusyonaryo ang mga lehitimong lider ng masa. Sa madaling salita, di obligado ang imantina ang ganitong sistema't gawain ng organisasyon ng Partido sa batayang antas.

Nasaan ang importansya ng pagpapalawak ng organisasyon ng Partido? Bakit hindi natin napapahalagahan sa nakaraan ang trabahong ito?

Ang partido ay isang organisasyong pampulitika kaakibat ng kanyang pagiging talibang organisasyon. Mas hamak na magiging epektibo ito sa kanyang papel bilang taliba kung magkakaruon ito ng malawak na hanay ng mga Komunistang elemento at myembro na titindig bilang isang organisadong pwersang pampulitika, isang rebolusyonaryong samahang masang Komunista, isang kilusang masang Komunista sa hanay ng masang proletaryo at nakikibakang mamamayan.

Kung ano ang lawak ng organisasyon ng Partido sa batayang antas ay ganoon rin ang minimum na lawak ng direktang pampulitikang pamumuno nito. Kung mayruon tayong isandaang libong mga Komunistang loyalista ng Partido sa MR, ito ang pwersang direktang kumikilala sa pamumuno't awtoridad ng Partido. At dahil sila'y nasa batayang antas, sila ang ating direktang ugnay at ugat patungo sa malawak na masa.

Narito ang direktang kabuluhan ng ekspansyon ng Partido sa paggampan nito ng pamumunong pampulitika. Ito mismo ang sukatan ng pamumunong pampulitika ng Partido. Sa paglaki ng organisasyon ng Partido sa porma ng isang organisasyong masa, direkta ang pamumunong pampulitika ng Partido at titindig ito bilang isang ganap na organisadong pwersang pampulitika. At sa paglaking ito ng organisasyon ng Partido, ilang ulit nitong pinalalawak ang ugnay at pinalalalim ang ugat ng Partido sa malawak na masa.

Di natin mapahalagahan ang ekspansyon ng Partido dahil isang kadreng organisasyon ang konsepto natin ng Partido na umaayon sa ating banggardistang tendensya. Bulgarisado ang ating pag-unawa sa tungkulin ng pamumuno. Disentralisado sa antas ng mga sangay at grupo ng Partido ang konsepto natin ng pagiging taliba. Kaya't ang ating pamantayan, di lang sa rekrutment kundi pati sa pangangalaga ng pwersa, ay nasa ganitong antas-ang kakayahang gumampan ng mga tungkulin sa komprehensibong gawain ng mga sangay at grupo ng Partido bilang sentro ng rebolusyonaryong pamumuno sa batayang antas.

Kung ang rekrutment ang magiging saligang gawain ng mga sangay at grupo ng Partido-at magiging malinaw ang mga rekisitos at pamamaraan para dito-matitiyak natin ang pursigidong paggampan ng mga organisasyon ng Partido sa batayang antas ng pampulitikang konsolidasyon at ekspansyon, ng rebolusyonaryong propaganda at ahitasyon. Imbes na malulong sa pang-araw-araw na gawain ng mga organisasyong masa na dapat ay trabaho ng pamunuan at kasapian ng organisasyon, masisigurong ang iligal na gawaing pampartido ang kanilang aasikasuhin, at sa katotohanan, ang gawaing ito ang hindi naaasikaso.

Importanteng ang mga sangay at grupo ng Partido ay may tuluy-tuloy at papataas na antas ng pag-unlad. Ibig sabihin, ang isang sangay ng Partido na nagsimula sa isang pabrika ay dapat umunlad sa antas ng paglawak sa mga karatig pabrika't komunidad, hanggang sa abutin niya ang pang-organisasyong pagkakalatag na pangbaranggay.

Sa ganitong kalagayan, papalapad o horisontal ang direksyon ng ekspansyon ng sangay habang may dapat mag-asikaso ng bertikal na ekspansyon sa loob ng unyon o bawat organisasyong masang may pormasyon ang Partido. Ito ang maaring gampanang tungkulin ng grupo ng Partido sa batayang antas.

Ang pangangasiwa ay ihiwalay nating diskusyon. Sa bagay na ito ay marami ring dapat irepaso at iwasto, laluna sa bahagi ng burokratismo. Binabanggit natin dito ang usapin ng pangangasiwa dahil, sa horisontal na pag-unlad ng sangay bilang teritoryal na organisasyon, di dapat mangyaring ito'y malubog sa gawaing pangangasiwa o ang kalihim ay mauwi sa isang administrador. Kailangang mapaunlad natin ang isang sistemang mas nababagay sa sikretong organisasyong inilalagay sa minimum ang gawaing administrasyon.

Isa pang saligang tungkulin ng sangay ng Partido ang maging kaagapay ng ating ligal na makinarya sa pagpapalawak ng baseng masa at di lang ng organisasyon ng Partido. Ang oryentasyong teritoryal ang kondisyon para maging integral ito sa kanilang gawain.

Ang lakas at kalidad ng organisasyon ng Partido ay dapat magamit nang husto ng mga ligal na organisasyong masa at di dapat mangyaring tayo lang ang nakikinabang sa mga organisasyong ito para sa ating mga rebolusyonaryong layunin. Kailangang tumimo sa ating isip ang kahalagahang matulungan nating mapalakas ang mga organisasyong ito at magkaruon ng sariling dinamismo.

Isang komplikasyon dito ang relasyon ng ligal at iligal na makinarya, at ang usapin ng sentralismo. Epektibong makakagalaw ang mga pwersang kabilang sa lihim na organisasyon ng Partido sa batayang antas kung sila'y nakapaloob sa mga ligal na organisasyon. Kaya't ito'y isang bagay na dapat nang ipirmi-ang sila'y pumaloob bilang mga lider, organisador o myembro ng mga ligal na organisasyon. Nasaan ang problema?

Ang unang problema'y kanino sila nakapailalim na pamumuno-sa sangay ba o sa ligal na organisasyon? Ang presentasyon mismo ng katanungan ay indikasyon na ng kalituhan. Magkaibang antas ang pamumuno ng Partido at ang pamumuno ng ligal na organisasyon. Kaya't di ito dapat pagbanggain. Sa anong usapin dapat masunod ang Partido at sa anong usapin ang dapat masunod ay ang ligal na organisasyon?

Kung nirerespeto natin ang mga desisyon ng ligal na organisasyon, at hanggat myembro ng organisasyong ito ang isang myembro ng Partido, maling balewalain ng alinmang yunit ng Partido ang mga desisyong ito. Ito ang dapat na maging pangkalahatang kalakaran. Sa mga usaping saklaw ng kapasyahan ng legal na organisasyon, ito ang dapat masunod. Kailangang largahan ang ganitong integridad ng mga ligal na organisasyon bagamat dapat babalaan ang mga kadre ng Partido sa paggamit sa "dinamismong" ito ng mga ligal na organisasyon para gawing prente sa kanilang mga kapasyahan at kagustuhan.

Ang hangganan nito ay sa mga bagay na itinatakda nating saklaw ng sentralismo ng mga namumunong komite ng Partido. Sa nagaganap na reoryentasyon at reorganisasyon, mismo ang saklaw ng sentralismo ng Partido laluna sa mga usaping pampulitika ay kailangan nang repasuhin. At isang bagay ang tiyak: ito'y sa limitadong mga usapin na may krusyal na kahalagahan sa kabuuang takbo ng rebolusyonaryong pakikibaka, ibig sabihin, sa usapin ng pangkalatang linya at saligang mga taktika.

(Last section: Panloob na pamumuno at istruktura ng Partido.)