Filemon Lagman
Marami tayong kinagisnan at kinasanayang pananaw tungkol sa papel ng Partido na kailangan nang repasuhin. Laluna ngayong gusto nating dalisayin ang Marxismo-Leninismo at purgahin mula sa sistema nito ang Stalinismo-Maoismo. Isa pa'y ang pagbabalik-aral na ito'y sadyang itinutulak ng rekisitos ng ating pagpapanibagong-lakas. Kailangang iakma ang ating pagkakaorganisa sa praktikal na mga pangangailangan ng pakikibaka at sa tamang oryentasyon ng pagbubuo ng isang proletaryong rebolusyonaryong partido. Panahon nang humulagpos sa mga dogma't tradisyong lumamutak sa ating kritikal na kamalayan. Tampok dito ang distorsyon sa usapin ng talibang papel ng partido ng uring proletaryo, ang bulgarisasyon ng konsepto ng namumunong papel ng proletaryong partido sa isang demokratikong rebolusyon ng bayan.
Rasyunal ng Pagbubuo ng Proletaryong Partido
Karaniwang sagot kung bakit binubuo natin ang Partido ay para pamunuan ang rebolusyon. Ito ang intindi natin sa pagiging taliba -- ang mamuno. Tama naman ito -- ang maging taliba ay maging lider.
Pero ang lideratong ito ng partido ay hindi separado sa kanyang kalikasan, sa kanyang makauring kalikasan -- ang ating pagiging partido ng uring manggagawa, ang pagiging rebolusyonaryong partidong proletaryo. Dito dapat hugutin ang tamang pag-intindi sa kahulugan ng konsepto ng talibang partido.
Taliba tayo nino? Taliba tayo ng isang uri -- ang uring proletaryo. Taliba ng ano? Taliba tayo ng isang rebolusyon -- ang sosyalistang rebolusyon.
Ganito dapat ang proletaryong partido. Pero mula't sapol ay hindi ganito ang ating Partido.
Mas ang pustura natin ay "taliba ng bayan". Hindi lang o hindi pa "taliba ng uri". Tagapaglako tayo ng islogan ng "pambansang demokrasya". Imbes na tagapagturo ng teorya ng syentipikong sosyalismo. Ang inoorganisa natin ay ang bayan. Ang iba't ibang demokratikong sektor ng lipunan. Mas ang masang pesante kaysa ang masang proletaryo.
Ba't nagkaganito? Diumano'y dahil nasa yugto pa tayo ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Wala pa sa yugto ng isang sosyalistang rebolusyon ng proletaryado.
Walang pagtatalo na kailangan pang tapusin ang demokratikong rebolusyon sa Pilipinas. Hindi pa hinog ang panlipunan at pampulitikang kalagayan para sa sosyalistang rebolusyon sa bansa.
Pero sapat ba itong dahilan para unahin ng partido ang pesante imbes ang proletaryado? Para baguhin ang katangian at rasyunal ng pagbubuo ng proletaryong partido? Para itransporma ito mula sa pagiging taliba ng uri sa pagiging taliba ng bayan? Sa tagapagturo ng syentipikong sosyalismo sa tagapaglako ng "pambansang demokrasya"?
Papasa nga ba sa sukatan ng teorya, uubra nga ba sa larangan ng praktika, ang ganitong rebisyon o distorsyon sa konsepto ng proletaryong partido, sa konsepto ng proletaryong taliba?
Sa interpretasyon at aplikasyon ng mga Stalinista-Maoista sa konsepto ng namumunong papel ng proletaryado sa demokratikong rebolusyon, ang partido ay hindi lang taliba ng uri kundi obligado't mas importanteng maging taliba ng bayan. Ang aktwal na taliba ng bayan ay hindi pa ang uri kundi ang mismong partido.
Dito'y ang makauring pamumuno ay kinakatawan ng partido. Ito ang aktwal o direktang mamumuno sa rebolusyon ng bayan. Ang pagkakaorganisa at mismong pag-oorganisa ng Stalinista-Maoistang partido ay batay sa ganitong konsepto ng taliba.
Ito ba'y alinsunod sa Marxista-Leninistang konsepto ng proletaryong partido? Muli nating dalisayin ang pundamental na rasyunal ng pagbubuo ng isang proletaryong partido na lumabnaw o natunaw nang itong sumanib at malulong sa linya ng "pambansang demokrasya."
Bakit binubuo ang isang proletaryong rebolusyonaryong partido?
Binubuo ang partido sa esensyal at nag-iisang layuning organisahin ang makauring pakikibaka ng uring manggagawa patungong sosyalismo. Narito ang tunay na kahulugan ng talibang papel ng partido ng uring manggagawa. Kahit isang butil ng Marxismo- Leninismo ay walang naiintindihan ang sinumang di nakakaintindi sa pundamental na rasyunal na ito ng pagbubuo ng partido.
Binubuo ang proletaryong partido dahil kailangan ng masa ng uri ng isang taliba. Isang talibang partido na armado w teorya ng syentipikong sosyalismo. Isang talibang partido na aaktong abanteng destakamento at pangkalahatang punonghimpilan ng proletaryado sa kanyang pagsulong tungo sa isang sosyalistang rebolusyon at sosyalistang lipunan.
Sa madaling salita, binubuo ang proletaryong partido para magsilbing taliba ng masang manggagawa patungong sosyalismo. Ito'y taliba ng uri, taliba ng sosyalismo.
Wala sanang kalituhan sa puntong ito kung ang rebolusyong isinusulong ay sosyalista. Pero paano ang aplikasyon nito kung ang nilalahukan ng proletaryado ay isang demokratikong rebolusyon?
Mababago ba ang pundamental na rasyunal ng pagbubuo ng proletaryong partido sa isang demokratikong rebolusyon? Paano ang tamang intepretasyon sa talibang papel ng partido sa ganitong rebolusyon?
Walang matinong teoretikal at praktikal na rason para baguhin ang pundamental na rasyunal ng pagbubuo ng partido kahit sa yugto ng demokratikong rebolusyon. Katunayan, mas lalong dapat idiin sa ganitong rebolusyon ang rasyunal ng pagbubuo nito.
Bakit mas lalong dapat idiin?
Una. Sa isang demokratikong rebolusyon ng bayan, mas lalong kailangan ng proletaryado ng talibang partido na binuo't mulat sa ganitong rasyunal dahil siya'y kailangang gumampan ng namumunong papel sa rebolusyon ng bayan. Matutupad lang niya ito kung siya'y mulat sa uri at organisado bilang uri. Mulat at organisado sa kanyang sosyalistang direksyon at ultimong layunin, sa kanyang pundamental na interes sa pagsali sa rebolusyon ng bayan. Ang interes na ito'y hawanin ang landas ng panlipunang progreso at tunggalian ng uri patungong sosyalismo. Magagawa lang mulat sa uri at organisado bilang uri ang masang manggagawa kung mayruon silang matikas na talibang partidong armado ng teorya ng syentipikong sosyalismo.
Ikalawa. Mas lalong kailangan ng uring manggagawa ng partidong magtuturo sa kanya ng teorya ng syentipikong sosyalismo dahil, sa kanilang paglahok at pagsanib sa pangkalahatang kilusang demokratiko, kailangang siguruhin ang kanyang independyenteng makauring interes. Ito'y walang iba kundi ang kanyang makauring pakikibaka, ang pakikibaka para sa sosyalismo. Di dapat mawaglit sa isip ng proletaryado, kahit isang saglit, ang ultimong pakikibaka para sa sosyalismo. Higit sa lahat, dapat maliwanag sa kanyang kamalayan na siya'y lumalahok sa demokratikong kilusan o rebolusyong bayan para hawanin ang landas patungong sosyalismo, para isulong ang tunggalian ng uri patungong sosyalismo.
Kung dapat imantina, at lalong dapat idiin, ang rasyunal ng pagbubuo ng proletaryong partido kahit sa isang rebolusyon ng bayan, paano nangyaring mula sa pagiging taliba ng uri ay ginawa natin itong taliba ng bayan? Mula sa pagmumulat at pag-oorganisa ng sariling uri ay bakit ang naging pokus ay pagmumulat at pag-oorganisa ng bayan? Mula sa pagiging tagapagturo ng syentipikong sosyalismo, paanong ang partido ng uring manggagawa ay naging tagapaglako ng "pambansang demokrasya".
Sa likod nito'y ang misinterpretasyon sa tunay na kahulugan ng "namumunong papel ng proletaryado". Ang distorsyon sa rasyunal ng pagbubuo ng partido bilang taliba. Ang bulgarisasyon sa relasyon ng partido at ng uri, at bulgarisasyon ng buong konsepto ng rebolusyon.
Banggardistang Partido, Bulgarisadong Rebolusyon
Sa biglang tingin, wala naman sanang masama kung ang partido ay hindi lang taliba ng uri kundi taliba rin ng bayan. Kung ang iminumulat at inoorganisa ng partido ay hindi lang ang proletaryado kundi pati ang pesante at ibang demokratikong pwersa sa lipunan.
Walang masama kung, una, di apektado ang atensyon at konsentrasyon sa pagmumulat at pag-oorganisa sa sariling uri na siyang rasyunal at tungkulin ng proletaryong partido. Ikalawa, kung sa pagmumulat at pag-oorganisa ng partido sa ibang uri at sa buong bayan ay hindi nasasalaula ang kanyang rebolusyonaryong integridad bilang isang sosyalistang organisasyon. At ikatlo, walang masama, kung sa ganitong paraan ay totoong sisiklab ang isang tunay na rebolusyon ng bayan at maisusulong ito sa mapagpasyang tagumpay.
Pero ang masama'y iba ang nangyari. Imbes na ang masang manggagawa ang mabuhusan ng atensyon ng partido, ang masang magsasaka ang binigyan ng diin. Imbes na orgnisahin ang sariling uri, kumalat ang pwersa't atensyon sa pag-oorganisa sa iba't ibang uri, laluna sa pesante sa kanayunan.
Imbes na magpakahusay sa pagtuturo ng syentipikong sosyalismo sa masa ng sambayan, ang Partido ay nalulong sa paglalako ng "pambansang demokrasya", ang sarili nating bersyon ng pambansang kapitalismo.
At ang pinakamasahol, sa pagkahumaling sa demokratikong isloganismo at petiburges na rebolusyonismo, pati sa kilusang manggagawa ay "pambansang demokrasya" ang ating inihasik. Imbes na sosyalistang mga aktibista ang pinauunlad ay mga pambansang demokratikong manggagawa!
Taliwas ito sa rasyunal ng pagbubuo ng partido. Ang nangyari'y binubuo natin ito hindi para organisahin ang makauring pakikibaka ng proletaryado at siguruhin ang kanyang independyenteng interes sa demokratikong rebolusyon. Mas ang inaasikaso ng partido ay organisahin ang demokratikong rebolusyon ng bayan. Magsilbing taliba ng bayan, hindi ng uri. Taliba ng "pambansang demokrasya", hindi ng sosyalismo.
Kaya't di dapat pagtakhan kung bakit, matapos ang 25 taon, ay nananatiling maliit ang organisadong mga manggagawa. Ang pulitikalisadong seksyon nito'y mga "pambansang demokrata", hindi mga rebolusyonaryong sosyalista. Huwag din pagtakhan kung bakit nalulong ang Partido sa pagsigaw ng islogan ng "pambansang demokrasya" imbes na ibando ang sosyalismo. Mas itinuring kasi nito ang sarili na taliba ng bayan kaysa taliba ng uri.
Imbes na magturo ng sosyalismo, kahit sa sariling uri, ang ating inilako ay "pambansang-demokrasya". Ano ba ang "pambansang demokrasya" kundi pambansang kapitalismo. Hindi nito ginagalaw, kahit katiting, ang kapitalistang relasyon sa pag-aari at kapitalistang moda sa produksyon.
Tayo ang partido na tinatawag ang sarili na Komunista pero ang inilalako ay kapitalismo. Nangangakong kung magtagumpay ang demokratikong rebolusyon, magiging masagana't maligaya hindi lang ang bayan kundi mismo ang uring manggagawa.
Ba't ganito ang ating ginawa? Imbes na konsentrahan ang sariling uri ay ibang uri ang mas inasikaso't isinakripisyo ang pag-oorganisa sa manggagawa. Imbes na sosyalismo ay pambansang demokrasya ang inilako. Mas inakala kasi nating mas importanteng maging taliba ng bayan imbes na "simpleng" taliba ng uri ang Partido.
Ba't mas pinahalagahan natin ang maging taliba ng bayan? Ang akala kasi natin ay ganito ang kahulugan ng "namumunong papel ng proletaryado sa rebolusyon" -- ang maging taliba ng bayan ang mismong partidong taliba ng uri, imbes na ang mismong proletaryado bilang uri ang maging aktwal na taliba ng bayan.
Kaya't imbes na palakasin ang uri para pamunuan ang rebolusyon, para maging taliba't inspirasyon sa pambansa at demokratikong pakikibaka ng bayan, ang ating pinalakas ay ang Partido, ang pamumuno nito sa mga organisasyon at pakikibaka ng iba't ibang uri.
Ba't nagkaganito ang ating interpretasyon sa talibang papel ng partido -- ang halinhan ang uri sa pagigng taliba ng rebolusyon ng bayan?
Nagsimula ito sa pag-intinding ang maging taliba ay maging lider. Kung ang Partido ang lider ng uring manggagawa, at kung ang uring manggagawa ang lider ng sambayanan, samakatwid, ang lider ng sambayanan ay ang Partido. Ganito ang simplistiko at mekanikal na lohika ng pagiging taliba ng bayan ng Partido. Ito'y talamak na kaso ng reduksyonismo (reductionism) na tatak ng bulgar na materyalismo ng Stalinismo-Maoismo. Sinalaula nito ang tamang konsepto ng taliba, at sa dulo'y nahulog sa bisyo ng banggardismo (vanguardism).
Totoong nagbabala si Lenin: Huwag nating pagbanggain ang partido at ang uri. Pero hindi ibig sabihin na iisa ang uri at ang partido, at pwedeng mekanikal na halinhan ng partido ang uri, balasubasin ng partido ang pangalan ng uri.
Ang proletaryado bilang uri ang dapat gumampan ng namumunong papel sa rebolusyon -- demokratiko man o sosyalista. Upang magampanan ito ng proletaryado, kailangan niya ng isang rebolusyonaryong partido na magtuturo sa kanya ng makauring kamalayan. Magpapalakas sa kanyang makauring organisasyon. Magsisilbing kinatawan ng kanyang makauring interes. At gagampang lider ng kanyang makauring pakikibaka.
Kinakatawan ng proletaryong partido ang proletaryong uri pero hindi sinabi ni Lenin na hahalinhan ng partido ang proletaryado sa paggampan ng namumunong papel sa rebolusyon ng bayan.
Ang mulat sa uri at organisado bilang uri na proletaryado ang dapat mamuno at manguna sa rebolusyon -- demokratiko man o sosyalista. Ang papel ng partido bilang taliba ng uri ay imulat, organisahin at pandayin ang uri upang gampanan ang namumunong papel sa rebolusyon. Hindi ang halinhan, ang palitan ng partido ang uri. Hindi ang aktuhan ng partido ang papel na ito ng uri. Ang partido ay binuo para maging taliba ng uri, hindi ang maging taliba ng bayan.
Ang dapat umaktong taliba ng bayan ay ang mismong rebolusyonaryong uri. Tanging sa paggampan ng uri ng talibang papel sa pakikibaka ng bayan para sa kalayaan at demokrasya maaring maging taliba ng bayan ang taliba ng uri. Sa ganitong paraan yayakapin ng masa ng sambayanan ang rebolusyonaryong partido ng uring manggagawa.
Magagampanan ba ng mismong uri ang papel na ito na maging taliba ng bayan, ang namumunong papel sa demokratikong rebolusyon ng bayan?
Ito ang tungkulin ng proletaryong partido -- ang pamunuan ang uri para pamunuan ang bayan. Kung mismong uri ay hindi magawa ng partido na pakilusin at pamunuan para magsilbing lider ng bayan, wala itong karapatang magsalitang magagawa niyang pakilusin at pamunuan ang ibang uri, ang buong bayan.
Pero di ba pwedeng ang partido na lang ang gumampan ng namumunong papel imbes na ang mismong uri yamang kinakatawan nito ang interes ng proletaryado, yamang ito ang proletaryong taliba?
Mali ba na iparehas at ipakahulugan ang makauring pamumuno sa pamumuno ng partido na siya nating praktika?
Yamang ito ang ating praktika, tingnan natin ito sa resulta. At husgahan kung ganito ang ibig sabihin ni Lenin ng namumunong papel ng proletaryado sa pakikibaka para sa demokrasya. Kung ito'y nakabuti sa pagsusulong ng sosyalistang kilusang manggagawa at demokratikong rebolusyon ng bayan.
Paano isinagawa ng Partido ang ganitong "makauring" pamumuno?
Isinagawa ito sa pagbubuo ng mga organisasyong masa na hawak ng Partido ang liderato; sa konspiratoryal na pag-agaw sa liderato ng nakatayo nang mga organisasyon sa pamamagitan ng impiltrasyon ng kadre at rekrutment sa Partido.
Sa konspiratoryal na paghawak o pag-agaw sa liderato ng mga organisasyong masa, nagagawa nating "pamunuan" o "impluwensyahan" ang kanilang takbo alinsunod sa ating linya, patakaran at taktika. Ito ang sinasabi nating "makauring" pamumuno ng proletaryado na inaaktuhan ng mga kadre at yunit ng Partido.
Ang pangkalahatang pamumuno ng Partido ay sa porma ng pananawagan sa malawak na masa ng sambayanan na ilunsad at isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan sa anyo ng matagalang digmang bayan laban sa imperyalismo, pyudalismo at burokrata kapitalismo sa bansa.
Direktang pinapasan natin ang rebolusyonaryong pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa iba't ibang demokratikong uri katulong ang mga organisasyong masa na nasa ilalim ng pamumuno't impluwensya ng Partido. Sa mga pakikibaka't kampanyang masa, napatatagos ng Partido ang linya't taktika sa pagtitiyak na hawak niya ang liderato't impluwensya sa loob ng iba't ibang organisasyong masa.
Ito ang ibig sabihin ng mga Stalinista-Maoista sa "makauring pamumuno" ng proletaryado sa demokratikong rebolusyon ng bayan -- ang itakda't iguhit ng Partido ang "pambansa-demokratikong" linya ng pagsulong ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino kasama ang uring manggagawa. Ang aktuhan at akuin ng Partido ang aktwal na pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa iba't ibang demokratikong pwersa sa kanilang samu't saring pagkakaorganisa at pakikibaka. Ang konspiratoryal na agawin at hawakan ng Partido ang liderato sa loob ng iba't ibang organisasyong masa alinusunod sa pambansa-demokratikong linya.
Ang tanong ay, nasaan ang makauring nilalaman ng makauring pamumunong ito?
Kung ang makauring nilalaman ng makauring pamumunong ito ay ang linya ng pambansang demokrasya, ito'y pagbalasubas sa linyang makauri ng rebolusyonaryong proletaryado.
Ang pambansa-demokratikong linya ay isang burges-demokratikong aspirasyon ng sambayanang Pilipino. Magkakaruon lang ito ng makauring nilalaman para sa proletaryado kung ito'y ipiprisinta at iintindihin sa perspektiba, pananaw, balangkas at interes ng sosyalistang rebolusyon, sa kanyang koneksyon sa sosyalistang aspirasyon ng uring manggagawa.
Ibig sabihin, magkakaruon lang ng proletaryong makauring nilalaman ang pambansang demokratikong pakikibaka kung ito'y ipaliliwanag ng Partido sa masa ng uri at sa masa ng sambayanan sa balangkas ng sosyalistang pakikibaka.
Pero dahil ipinaliliwanag ng Partido ang pambansa- demokratikong linya nang hiwalay at abstrakto sa proletaryong sosyalistang rebolusyon, ito'y isang burges-demokratikong linya ng mga demokratang radikal na kailangan pang apuhapin ang proletaryong makauring nilalaman.
Kung isingit man ang sosyalismo sa pagpapaliwanag ng "pambansang demokrasya", ito'y mekanikal lang na idinudugtong bilang simpleng hinaharap na perspektiba. Hindi bilang makauring pananaw, balangkas at interes ng proletaryado sa paglahok at pamumuno sa demokratikong rebolusyon ng bayan.
Kung mulat man ang Partido o ang mga lider nito sa sosyalistang oryentasyon, ang punto'y ang masa ng uri na ating inoorganisa ay walang malay sa sosyalismo dahil mas pinupukaw sila ng Partido sa islogan ng pambansang demokrasya.
Ni hindi natin tinatawag ang mga pulitikalisadong manggagawa na mga rebolusyonaryong sosyalista kundi mga pambansang demokrata. Pero ang katotohanan, mismo ang karamihan ng kasapian ng Partido ay pambansang demokratiko ang kamalayan at ang pagkaalam sa sosyalismo ay simpleng perspektiba, isang hinaharap na yugto ng pakikibaka na sa ngayo'y walang gaanong katuturan sa pambansang demokratikong rebolusyon. Katunayan, ipinagiitan pa ng KT/KS sa debate noong 1990 na ang oryentasyon ng kilusang manggagawa sa Pilipinas ay dapat "pambansa-demokratiko" hindi sosyalista na siyang tindig ng KT/MR.
Kaya't nasaan ang "makauring nilalaman" ng "makauring pamumunong" ito?
Ito'y walang proletaryong makauring nilalaman. Ang simpleng ibig sabihin nito'y nasa "kamay" ng Partido ang liderato sa demokratikong kilusan. "Hawak" ng Partido ang mga organisasyon at pakikibaka ng mamamayan. Nasa "kumpas" ng Partido sa pamamagitan ng mga kadre't yunit nito.
Ang mabigat ay kung ang "pagkakahawak" na ito ng Stalinista-Maoistang Partido sa liderato ng mga demokratikong organisasyon at pakikibakang masa ay "nakasasakal" sa kanilang aktibismo at dinamismo, indepedensya at inisyatiba.
Pero di ba pwedeng pragmatikong ikatwiran na ang mahalaga ngayon ay ilunsad at isulong ang rebolusyong ng bayan -- at ipanalo sa pamumuno ng Partido. At dahil ang liderato naman ng Partido ay mga komunista, manalig na lang tayo na itutuloy-tuloy nito ang rebolusyon diretso sa sosyalismo.
Ngunit ang pundamental na tanong ay ganito: Ang demokratikong rebolusyon nga ba ng bayan ay maaring sumiklab, sumulong at manalo sa ganitong paraan ng "pamumuno", sa ganitong "banggardismo" ng Partido?
Ang isang pampulitikang rebolusyon ay ang pagsiklab ng tunggalian ng uri sa lipunan sa anyo ng pwersahang pagbagsak at pag-agaw ng mga inaaping uri sa poder ng mga naghaharing uri. Itinuturo ng Marxismo-Leninismo na ang mga uri ay gumagalaw batay sa kanilang makauring interes. Ang isang uri ay magrerebolusyon batay sa kanyang makauring interes.
Kung ang ating isinusulong ay isang rebolusyon ng bayan, dapat magpanagpo ang iba't ibang makauring interes ng iba't ibang demokratikong uri na bumubuo sa sambayanang Pilipino. Ibig sabihin, magaganap lang ang ganitong rebolusyon kung ang mga uring magsusulong nito'y gagalaw sa rebolusyonaryong paraan alinsunod sa kanilang makauring interes at magpapanagpo ang kanilang magkakaibang interes sa ganitong rebolusyon.
Pero gagalaw lang sila alinsunod sa kanilang interes kung sila'y mulat at organisado batay sa mga interes na ito. Isang antas ng pagkamulat at pagkaorganisa na umaayon sa tindi ng tunggalian ng mga uri sa lipunan. Igting ng tunggalian ng mga makauring pwersa na sumasalamin at mauugat sa antas ng pagkawasak ng mga pwersa sa produksyon bunga ng umiiral na relasyon sa produksyon. Isang lipas at laos ngunit patuloy na umiiral na relasyon sa produksyon na imbes na paunlarin ay sinasagkaan at sinisira ang pag-unlad ng mga produktibong pwersa ng lipunan.
Mataas na antas ng pagkamulat at pagkaorganisa ng iba't ibang uri batay sa kanilang makauring interes -- ito ang saligang kondisyon sa pagsiklab ng isang rebolusyon. Paano mamumulat at maoorganisa alinsunod sa kanilang mga makauring interes ang iba't ibang uring magsusulong o umaaktibo sa rebolusyon?
Batay sa ating praktika, ang Partido ang nagmumulat at nag-oorganisa sa iba't ibang demokratikong uri sa lipunan para isulong ang rebolusyon at sila'y ipinapailalim sa pamumuno ng Partido na siyang umaaktong taliba ng bayan.
Kung ang mga uri ay gumagalaw alinsunod sa kanilang makauring interes, at lalahok sa isang rebolusyon batay sa kanilang makauring interes, ibig sabihin, minumulat at inoorganisa ng "banggardistang" Partido ang mga uring ito batay sa kani-kanilang makauring interes.
Dito pa lang ay maliinaw na ang depekto.
Una. Sa pag-ako ng Partido sa responsibilidad ng pag-oorganisa sa ibang uri - para maging epektibo, obligadong lubusang itaguyod at yakapin ng Partido ang kanilang makauring interes. Sa pagta-tangkang gawin ito, tinitipid ng Partido ang masa, kabilang ang sariling uri, sa paliwanag sa sosyalismo at binubusog na lang ng mga islogan ng pambansang demokrasya.
Ikalawa. Pero di naman talaga ang makauring interes ng ibang uri ang pinagsisimulan ng Partido. Di naman talaga natin magawang mayakap nang buo ang mga uring ito nang hindi nasasalaula ang ating sosyalistang integridad. Sa totoo'y ginagamit lang sila ng Stalinista-Maoistang partido para sa ultimong layunin ng isang rebolusyong maglalagay sa kanya sa poder. Kaya nga di magawa ng Partido na pasiklabin ang tunay na dinamismo ng ibang uri dahil para mangyari ito, kailangang masugid nating itaguyod ang kanilang makauring interes.
Ikatlo. Dahil di naman ang Partido ang maaring kumatawan sa interes ng iba't ibang demokratikong pwersa bilang mga uri, hinaharang at hinahalinhan ng Partido ang mga pwersa't elementong pampulitikang tagapagtaguyod sa makaruing paraan ng mga interes na ito. Bunga nito, ang kanilang dinamismo ng mga pwersa nito ay nakukompromiso.
Habang humihigpit ang kontrol ng Partido sa pakikibaka't organisasyon ng ibang uri, lalong di makagalaw ang mga makauring pwersa alinsunod sa kanilang tunay na makauring interes. Di makalarga ang ispontanyong katangian ng sariling mga kilusang makauri. At dahil sa labis na panghihimasok ng Partido sa ngalan ng "proletaryong makauring pamumuno", mismo ang dinamismo ng mga demokratikong organisasyong masa ay labis na apektado.
Ang netong epekto nito'y hindi largadong maisulong ang pangkalahatang kilusan ng bayan at mapasiklab ito sa isang ganap na rebolusyon alinsunod sa galaw ng mga pwersang makauring dapat ay aktibong kalahok dito.
Sa isang banda, mismo ang proletaryado ay hindi maipakita ang rebolusyonaryong gilas bilang talibang mandirigma ng kalayaan at demokrasya dahil siya mismo ay kapos at hilaw ang pag-unlad ng kamalayan sa uri at pagkakaorganisa bilang uri.
Sa kabilang banda, di rin makalarga ang dinamismo't ispontanismo ng organisasyon at pakikibaka ng ibang demokratikong pwersa dahil umuusbong pa lang ay nilalamutak na ng ating "makauring pamumuno". Isang pamumuno na di nagbibigay ispasyo sa mga di kasapi't di kontrolado ng Partido.
Tuwing may oportunidad, walang palyang inaagaw ng mga kadre't yunit ng Partido ang epektibong liderato o komand sa mga organisasyon at kilusang masa kahit ang maging epekto nito'y pagkadismaya't pagkasiphayo ng mga pwersang hindi kabilang o hindi masunurin sa Partido.
Ito'y isang liderato o komand na di naman talaga inaayon o hinuhulma sa kung ano ang makauring interes ng pwersang inoorganisa nito (na sa totoo'y di naman talaga trabaho ng isang proletaryong partido) kundi mas nagsisilbi sa iniskrip na pagsusulong ng rebolusyon na ipinaparahas sa pagsusulong ng gera.
Kung ang liderato ng mga kilusang makauri ng ibang demokratikong pwersa ay di lubusang umaayon sa kanilang interes, huwag tayong umasang sisiklab ang dinamismo't inisyatiba sa kanilang organisasyon at pakikibaka. Kung hindi ito sisiklab, huwag tayong umasang sisiklab ang isang tunay na demokratikong rebolusyon ng bayan dahil ang pagsiklab ng rebolusyon ay lubusang nakasandig sa mulat at aktibong pagkilos ng buong bayan.
Ang ganitong pagkasira sa dinamismo ng mga demokratikong pwersa sa kanilang sariling demokratikong rebolusyon ay hindi lang bunga ng banggardismo ng Partido. Kakutsaba ng banggardismo ang bulgarisasyon ng konsepto ng rebolusyon. Isang konseptong sumasalaula sa dinamismo ng isang tunay na rebolusyon ng bayan na dapat ay sumusulong at sumisiklab alinsunod sa batas ng tunggalian ng uri at hindi sa batas ng armadong labanan.
Hindi maikakaila na sa loob ng 25 taon, tinangka nating isulong ang rebolusyon alinsunod sa isang iskrip at ang Partido ang direktor. Isang iskrip na ang tawag ng Partido ay istratehiya at ang turing natin ay permanente, absoluto at unibersal sa buong istorikong yugto ng demokratikong rebolusyon.
Dahil ang sinusunod na iskrip ay ang lantay na linyang militar ng pagkubkob sa lungsod mula sa kanayunan, pagsulong mula sa istratehikong depensiba tungo sa istratehikong opensiba ng matagalang digmang bayan -- kinukupot, kinukontrol at kinukumpas natin ang demokratikong kilusan ng mamamayan alinsunod sa pangmilitar na batas ng digmaan at hindi sa pampulitika't pang-ekonomiyang batas ng makauring tunggalian.
Ang ganitong bulgarisasyon ng rebolusyon na ni hindi papasang konsepto o istratehiya kundi simpleng iskrip na kinopya sa Tsina ay mas malaki ang pinsala sa dinamismo ng kilusan ng mamamayan kaysa sa bisyo ng banggardismo.
Ngunit ang bulgarisasyon ng rebolusyon ay may ugat sa banggardismo. May kinalaman dito ang bulgarisasyon ng konsepto ng proletaryong partido. Ang instrumento ng ganitong bulgarisadong rebolusyon ay ang ganitong banggardismo ng Partido. Ang banggardismo ay kailangan upang "akayin" ang mamamayan -- sa pamamagitan ng "pag-agaw" sa liderato ng kanilang mga pakikibaka't organisasyon -- na sumali sa ganitong bulgarisadong tipo ng rebolusyon.
Hahawakan ng Partido ang mga pakikibaka't organisasyon ng mamamayan para tuwiran at di-tuwirang iugnay ito sa agos ng matagalang digma sa kanayunan. Lahat ay dapat ipailalim o ikawing sa interes ng inilulunsad na gera ng Partido at itinuturing ang gerang ito na nag-iisang landas ng pagsulong ng rebolusyong Pilipino. Sa teoryang ito ng "iisang landas", mismo ang prospek ng sosyalistang rebolusyon ay nakasandig sa tagumpay ng digmang bayan.
Sa magkasanib na epekto ng bulgarisadong mga konsepto ng partido at rebolusyon, imposible ang isang tunay na rebolusyon ng bayan. Hindi ito nagbibigay ng sapat na ispasyo't insentiba para sumiklab ang rebolusyonaryong dinamismo ng mga demokratikong pwersa sa lipunan. Isang pagsiklab na itatakda't ikukumpas ng obhetibong batas ng tunggalian ng uri at hindi ng suhetibong obsesyong maglunsad ng isang matagalang gera.
Ngunit, sa kabilang banda, sisiklab ba ang isang rebolusyon ng bayan at susulong sa mapagpasyang tagumpay nang hindi ito direkta at aktwal na pamumunuan ng rebolusyonaryong partido ng proletaryado? Masasagot ang tanong na ito kung tunay nating iintindihin kung bakit pinagagampan ni Lenin ng namumunong papel ang proletaryado sa demokratikong rebolusyon bayan.
Ang Partido Bilang Taliba ng Uri, Ang Uri Bilang Taliba ng Bayan.
Kung aaralin ang makauring karakter at saligang layunin ng isang demokratikong rebolusyon ng bayan, malinaw na ito'y obhetibong umaayon sa interes ng mga demokratikong pwersa sa lipunan dahil ito'y isang burges na rebolusyon na hindi lumalagpas sa parametro ng kapitalistang relasyon.
Ang nasyunalisasyon ng mga istratehikong industriya ay isang burges na islogan at sa esensya'y kapitalismong pang-estado. Ang redistribusyon ng lupaing agrikultural ay pagpapasigla ng maliitang produksyong kapitalista.
Ang pakikibaka para sa pambansang kasarinlan at soberanya ay isang burges-demokratikong aspirasyon. Ang pagtatayo ng isang gobyernong koalisyon ng mga demokratikong uri sa lipunan ay hindi isang sosyalistang islogan kundi isang demokratikong islogan.
Lahat ng layunin ng demokratikong rebolusyon ng bayan ay pawang mga burges-demokratikong aspirasyon ng mamamayan. Ibig sabihin, may obhetibong kakayahan ang mga demokratikong pwersa sa lipunan para ito'y itaguyod at pasiklabin alinsunod sa kanilang makauring interes.
Sa ganitong batayan, para saan, kung gayon, ang Leninistang konsepto ng pangangailangang gumampan ng namumunong papel ang proletaryado, o sa bersyon ng mga Stalinista-Maoista, direktang gumampan ng namumunong papel ang mismong partido ng proleteryado sa rebolusyon ng bayan?
Unang-una na, tanging ang proletaryado ang may ganap na interes at kapasyahang lubusin ang tagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Dalhin ito sa mapagpasyang tagumpay. Ipagtagumpay ang pambansa't demokratikong interes ng bayan, kamtin ang progresong panlipunan sa paraan ng rebolusyon at hindi sa paraan ng reporma.
Tanging ang proletaryado ang may kakayahang akayin at akitin ang pesante sa rebolusyonaryong paraan ng paglaban. Sa isang rebolusyonaryong alyansa para itatag ang isang rebolusyonaryong gubyerno ng bayan. Tanging ang proletaryado ang may kakayahang nyutralisahin o paralisahin ang urong-sulong na burgesya. Siya ang tanging makapagbibigay ng rebolusyonaryong kapasyahan sa mga demokratikong pwersa na lubusin ang tagumpay ng rebolusyon ng bayan.
Bakit tanging ang proletaryado bilang uri ang may ganitong rebolusyonaryong katangian at kapasyahan?
Ito'y dahil lampas sa demokratikong rebolusyon ang lalakbayin ng proletaryado. Siya lang sa mga uring kalahok sa demokratikong rebolusyon ang may adyendang lampas dito. Kailangang lubusin ng proletaryado ang tagumpay ng demokratikong rebolusyon. Dalhin ito sa kadulu-duluhan ng isang demokratikong rebolusyon, sa kanyang istorikong hangganan. Bakit? Dahil tanging sa ganitong paraan, sa pagkakamit ng demokrasya, lubusan niyang maihahanda't mapalalakas ang sarili para sa susunod na laban -- ang sosyalistang rebolusyon.
At sapagkat ang ultimong adyenda ng proletaryado ay ang sosyalistang rebolusyon -- at ang maghahawan ng landas nito ay ang demokratikong rebolusyon -- kailangang ipinupusisyon na nito ang kanyang sarili para sa ganitong transisyon, inilalagay na niya ang sariling kilusan sa unahan ng masang anakpawis para sa sosyalistang pakikibaka.
Ang paggampan ng namumunong papel, ang pag-aktong taliba ng bayan sa pakikibaka para sa kalayaan at demokrasya ay hindi lang paglulubos ng tagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan kundi preparasyon para sa susunod na rebolusyon -- ang sosyalistang rebolusyon ng proletaryado.
Ito ang ibig sabihin ni Lenin ng paggampan ng proletaryado ng namumunong papel sa demokratikong rebolusyon ng bayan. Ito ang kailangang tiyakin ng taliba ng proletaryado, ng proletaryong partido. Ang magampanan ng uring manggagawa ang ganitong papel sa rebolusyon ng bayan -- ang pasiklabin ang tunay na rebolusyon ng bayan, dalhin ito sa mapagpasyang tagumpay at siguruhin ang mabilis na transisyon patungo sa sosyalistang rebolusyon.
Paano matitiyak na magagampanan ito ng proletaryado? Paano matitiyak na susulong ang pangkalahatang kilusang demokratiko ng mamamayan sa ganitong paraan, sa paraang rebolusyonaryo at sa mapagpasyang tagumpay? Ang magtitiyak ba nito ay ang uri, o ang kanyang partido sa pakahulugan ng mga Stalinista-Maoista?
Matitiyak ba ito sa pag-agaw ng Partido sa aktwal at direktang pamumuno sa mga organisasyon at pakikibaka ng ibang demokratikong pwersa sa lipunan? O matitiyak ito dahil ang masa ng uri, ang uring manggagawa, ang sosyalistang kilusan ng uring manggagawa ang siyang aktwal at direktang nangunguna sa pambansa at demokratikong pakikibaka ng mamamayan?
Sa madaling salita, ang partido ba o ang uri, ang organisasyon ba ng partido o ang kilusan ng uring manggagawa ang direktang tutupad sa Leninistang konsepto ng "namumunong papel ng proletaryado sa demokratikong rebolusyon"?
Ang proletaryado, hindi ang burgesya ang dapat gumampan ng namumunong papel sa rebolusyon ng bayan sapagkat urung-sulong ang burgesya o alinman sa mga saray nito sa rebolusyonaryong paraan ng pakikibaka o sa pagkakamit ng mapagpasyang tagumpay.
Urung-sulong sa sariling rebolusyon hindi lang dahil hinahati ng imperyalistang burgesya ang hanay ng lokal na burgesya. Urung-sulong dahil kinakabahan sa mulat at organisadong proletaryado laluna kung ang pagsulong ng demokratikong pakikibaka ay sa landas ng rebolusyon hindi ng reporma, at kung ito'y magbubunga ng mapagpasyang tagumpay sa pakikibaka para sa demokrasya.
Isusulong ng proletaryado ang pakikibaka para sa demokrasya sa rebolusyonaryong paraan batay at para sa sariling makauring interes, bagamat may matibay na obhetibong batayan rin sa kondisyon ng ibang demokratikong uri na piliin nila ang landas ng rebolusyon kaysa landas ng reporma.
Kung ang proletaryado ay kikilos para sa demokratikong rebolusyon ng bayan alinsunod sa kanyang makauring interes, ganuon rin ang ibang uri. Sila'y magrerebolusyon dahil sa kamalayan sa sarili nilang rebolusyonaryong interes na tatampok at mangingibabaw lang kumporme sa kongkretong sitwasyon ng tunggalian ng uri sa isang takdang istorikong sirkumstansya.
Ang kapasyahan ng ibang uri na isulong ang rebolusyon ng bayan ay hindi pa pangunahing magdedepende sa lalim ng pagkaugat ng organisasyon ng Partido sa kanilang hanay. Pagkakaugat na itinuturing ng mga Stalinista-Maoista na aplikasyon at ekspresyon ng proletaryong makauring pamumuno.
Hindi rito masusukat ang proletaryong pamumuno dahil walang proletaryong nilalaman ang ganitong pamumunong batay sa lantay na linyang pambansang demokratiko. Ito'y linya ng rebolusyonaryong demokratismo hindi ng proletaryong rebolusyonismo.
Hindi kailangang maging proletaryong rebolusyonaryo o magkaruon ng komunistang partido kung ang ilalako lang na linya ay pambansang demokratiko. Kahit simpleng mga rebolusyonaryong demokrata ay makakayanan ito at pwede pa ngang hiritin ng ektremismo ng mga petiburges na radikal.
Tadtad ang kasaysayan ng kilusang maka-Kaliwa sa buong daigdig ng ganitong tipo ng rebolusyonismo na ang panlipunang ugat ay ang petiburgesya ng lungsod at kanayunan. Ito rin ang kasaysayan ng Stalinista-Maoistang Partido sa bansa.
Magdedepende sa dalawang bagay ang pagkamulat at kapasyahang ng ibang uri na piliin ang landas ng rebolusyon kaysa reporma at hangarin ang mapagpasyang labanan at tagumpay.
Una, kung sa kongkretong kalagayan ng tunggalian ng uri, at sa sitwasyong pampulitikang ekspresyon ng ganitong tunggalian, ay tatampok ang rebolusyonaryong interes o aspeto ng mga demokratikong uri ng sambayanan. Sa ganitong obhetibong batayan sila mapupukaw at maoorganisa na magrebolusyon bilang uri (at hindi bilang paisa-isang mga indibidwal na rekrut ng kilusan).
Ikalawa, ang pag-uurong-sulong sa landas ng rebolusyon ay mahahalinhan ng kapasyahan kung sa unahan ng pakikibaka ng ibang uri ay naruon ang isang makapangyarihang kilusang manggagawa na nagpapamalas ng rebolusyonaryong gilas at umaaktong taliba sa pakikibaka para sa demokrasya at nagbibigay ng tatag, linaw at talas sa rebolusyon ng bayan.
Ang pagsanib ng sosyalistang kilusan ng uring manggagawa sa pangkalahatang demokratikong kilusan ng bayan, ang pagpusisyon ng kilusang manggagawang sa unahan ng pakikibaka ng bayan para sa demokrasya -- ito ang ibig sabihin ng namumunong papel ng proletaryado sa rebolusyon ng bayan.
Ngunit kung ang isang dahilan ng pag-uurong-sulong ng burgesya sa sariling rebolusyon ay ang pag-iral ng isang rebolusyonaryong proletaryado, paano makapamumuno ang sosyalistang kilusang manggagawa sa demokratikong kilusan ng bayan? Paano nito mapaparalisa ang pag-uurong-sulong ng burgesya sa rebolusyon kung ito mismo'y dahilan ng kanilang pag-uurung-sulong?
Ang proletaryado ay kailangan at obligadong lubusang umaktibo at umabante sa unahan ng pakikibaka ng bayan para sa demokrasya. Bagamat ang militanteng proletaryado ay isang malaking dahilan ng maaring pag-urong ng burgesya sa rebolusyonaryong landas, sila rin ang tanging maaring maging dahilan para sumulong o sumawsaw ang burgesya sa landas na ito.
Ano ang ibig sabihin nito? Ang tanging ibig sabihin nito'y nasa kalikasan ng burgesya sa panahon ng imperyalismo ang pag-uurung-sulong sa sariling demokratikong rebolusyon laluna't kahanay at kaharap nito ang isang militanteng proletaryado. Pero laluna itong uurong imbes na susulong kung wala ang isang militanteng proletaryado sa unahan ng pakikibaka ng sambayanan.
Ito'y sapagkat di magkukusa ang burgesya sa panahong ito ng dominasyon ng imperyalismo sa mundo na tupdin at kumpletuhin ang demokratikong pagsulong ng lipunan sa paraan ng rebolusyon at hindi paraan ng burges na ebolusyon.
Kung may dahilan man para maobligang lumahok ang burgesya sa demokratikong rebolusyon ng bayan, ito'y dahil pa sa pagkakaruon ng militanteng proletaryado kaysa ang kawalan nito.
Bagamat ang tendensya ng burgesya ay mag-urong-sulong, at ito'y hindi magbabago, kung may pag-asa man na ito'y sumulong, ito'y dahil sa pangunguna ng proletaryado sa demokratikong pakikibaka.
Susulong ang pakikibaka para sa demokrasya sa rebolusyonaryo at mapagpasyang paraan -- sa kabila ng palagian at inaasahang pag-uurong-sulong ng burgesya -- dahil ang mangunguna't mamumuno sa pakikibakang ito ay ang uring manggagawa.
Ang kilusang demokratiko ay sisiklab sa anyo ng demokratikong rebolusyon ng bayan at susulong sa mapagpasyang tagumpay tanging kung mayruong makapangyarihang sosyalistang kilusang manggagawa sa unahan nito. At ito'y sisiklab sa kabila ng pag-uurong-sulong ng burgesya, at susulong sa mapagpasyang tagumpay dahil mismo sa pag-uurong-sulong ng burgesya na ang kahulugan at siyang dapat maging kahulugan ay ang hegemonya ng proletaryado sa demokratikong rebolusyon ng bayan.
Sa madaling salita, sisiklab ang isang tunay na rebolusyon ng bayan at susulong sa mapagpasyang tagumpay kung ang nasa unahan nito'y ang sosyalistang kilusang manggagawa, at dapat idagdag, dahil mismo sa pag-uurong-sulong ng burgesya sa kanyang sariling rebolusyon. Di lamang ito ang kahulugan kundi ito ang kahalagahan ng paggampan ng proletaryado ng namumunong papel sa demokratikong rebolusyon sapagkat tanging sa ganitong paraan sisiklab ang ganitong rebolusyon sa panahon ng imperyalismo, at hindi lang sisiklab, kundi susulong sa mapagpasyang tagumpay.
Kung sa ganitong paraan lang sisiklab at mananalo ang rebolusyon ng bayan, paano ito mangyayari kung ang "pinalalakas" natin ay ang kilusan ng ibang uri sa pag-ugat ng Partido sa kanilang hanay imbes na konsentrahan ang pagpapalakas sa sosyalistang kilusang manggagawa? Inaakala ba nating ang pag-uurong-sulong ng mga pwersang burges ay mapaparalisa at mapapawi kung mga kadre't yunit ng Partido ang aktwal at direktang namumuno sa mga kilusang demokratiko ng iba't ibang uri?
Kailanman ay di ito mangyayari. Una, ni hindi tunay na sisiklab ang mga kilusang demokratiko ng ibang uri sa dominasyon ng isang tunay na proletaryong partido na dapat ay proletaryong makauring interes ang kinakatawan. Liban lang kung ito'y kunwa-kunwariang proletaryong partido at ang totoong kinakatawan ay ang interes ng ibang uri.
Ikalawa, ang pag-uurong-sulong ng mga makauring pwersang di proletaryo ay mahirap pawiin anuman ang lalim ng pagkakaugat sa kanilang hanay ng Partido. Ang mga indibidwal na myembro ng isang uri ay maaring maremolde ang makauring katangian. Pero hindi ang mismong uri. Sa dulo'y gagalaw pa rin ang isang uri alinsunod sa kanyang makauring interes at makauring katayuan sa lipunan. Ito'y isang batas ng tunggalian ng uri.
Pero kung ang ating Partido ay malabnaw ang pagkaproletaryo dahil sa pagkahumaling sa "pambansang demokrasya" at naging partido ng ibang uri, bakit bigo pa rin itong palakasin ang demokratikong kilusan ng ibang uri? Kung ito'y isang pesanteng partido dahil sa pagkahumaling sa rebolusyong agraryo at gawaing nayon, bakit wala pa ring makapangyarihang kilusang magsasaka sa bansa na sulit sa sakripisyong ibinuhos ng Partido sa nagdaang dalawa't kalahating dekada?
Ito'y dahil mismong ang makauring kilusan ng magsasaka sa kanayunan ay sinalaula ng Partido. Ito'y dahil hindi naman talaga kumikilos ang Partido para isulong ang kilusang magsasaka alinsunod sa dinamismo ng pakikibakang agraryo. Tayo'y kumikilos sa kanayunan para isulong ang matagalang digmang bayan at ginagamit lang natin ang magsasaka para isulong ang gerang ito.
Malinaw na pruweba nito ang "minimum-maksimum" na programa sa reporma sa lupa. Dito'y ang pagkakamit ng "minimum-maksimum" na kahilingan ng masa ay di batay sa dinamismo ng kilusang magsasaka kundi sa istratehikong yugto ng armadong pakikibaka, sa inabot na yugto ng matagalang gera.
Kaya't ating sinasabi't inuulit: Ang kabiguang pasiklabin at ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyon ng bayan ay bunga ng bulgarisasyon hindi lamang ng konsepto ng proletaryong partido kundi ng bulgarisasyon ng konsepto ng demokratikong rebolusyon.
Yamang pinabayaan at sinalaula na rin lang naman ng Partido ang kilusang manggagawa, mas mabuti pang sineryoso na nito ang pagiging pesanteng partido at tinigil na ang pagpapanggap na isang proletaryong partido. Mabuti pang lubusang niyakap na lang natin ang makauring interes ng magsasaka. Baka kung ganito ang ating ginawa, baka maunlad nating naipundar ang isang rebolusyonaryo-demokratikong kilusang magsasaka sa buong bansa.
Pero ang nangyari, maliit na nga ang naipundar nating kilusang manggagawa na ni hindi mulat sa kanyang sosyalistang katangian, wala rin tayong naipundar na totohanang kilusang magsasaka na sumusulong bilang isang tunay na kilusang masa.
Hindi lang nating sinabotahe ang pagsiklab ng tunay na kilusang magsasaka sa kanayunan dahil sa militarisasyon ng rebolusyon kundi sinagkaan rin natin ang pag-unlad ng mga tunay na demokratikong samahang magsasaka sa kanayunan dahil sa banggardismo ng partido at bulgarisasyon ng rebolusyon.
Gaya nang walang tunay na kilusan o rebolusyong magsasakang sumiklab sa kanayunan, wala ring tunay na demokratikong rebolusyon ng bayan na sumiklab sa ating bansa mula nang muling itatag ang Partido. Ang totoong sumiklab ay ang matagalang digmang bayan na umabot na sa dalawa't kalahating dekada ngunit hindi makaalpas sa yugto ng pakikidigmang gerilya at sa nagdaang huling walong taon ay papahina't papaatras ang tuluy-tuloy na tunguhin.
Ito'y sa kabila ng katakut-takot na sakripisyo ng rebolusyonaryong mamamayan at walang kasing-inam na mga pagkakataong ibinukas sa atin ng kasaysayan. Hangga't hindi naiwawasto ang mga bulgarisadong konsepto ng proletaryong partido at demokratikong rebolusyon, imposible ang pagsulong ng kilusang demokratiko sa bansa, ang pagsiklab nito sa isang tunay na rebolusyon ng bayan at ang pagkakamit ng mapagpasyang tagumpay. At sa punto de bista ng proletaryadong Pilipino, lahat ng sakripisyo sa pakikibaka para sa demokrasya ay mawawalang saysay kung hindi ito isusulong sa punto de bista ng pakikibaka para sa sosyalismo at pamumunuan ng isang sosyalistang kilusan ng uring manggagawa.